Kanser Series

Bukas Kung Saan May Oras

KANSER Series: Part 5

 

Kahit minsan ay hindi pinangarap ni Alex na maging photographer. O maging utusan. O maging taga-bitbit ng mga gamit. O mag-asikaso ng event.

Pero wala eh, kailangan niya ng pera. Himala nga at may trabaho pa rin siya kahit wala siyang natapos sa buhay.

Buti na nga lang at sinama siya ng dati niyang kaklase na si Rachel. Kailangan kasi ng babae ng tulong niya. Kahit na last minute ang paghingi ng tulong nito, pinatos niya pa rin ang raket. May reunion daw silang aasikasuhin. Hindi naman siya makatanggi kay Rachel dahil natulungan naman din siya nito dati.

Nakarating tuloy siya sa Batangas.

Kaso mukhang nagsisisi siya kasi naalala niya lahat ng mga pagkakamali niya nung nakarating sila sa eskwelahan ng kliyente nila. Kung sabagay, hindi naman yun nawala sa utak niya.

“Alex, ang trabaho mo ngayon ay kumuha ng litrato” pagpapaalala niya sa sarili niya. “Hindi ka nandito para magdrama.”

Kinuha niya ang DSLR na matagal niyang pinag-ipunan at kinuhanan niya ng mga litrato ang mga tables na sinet-up kanina ng logistics.

Nang matapos niyang kunan ng litrato ang lugar, tumulong siya sa mga staffs ni Rachel sa pag-sesetup ng photo booth. Kaso hindi niya mahanap ang mga tripod na gagamitin niya. Naiwanan niya siguro sa kotse ni Rachel.

Hahanapin niya sana ang babae nang makita niya itong may kausap na lalaki.

“Sure ka ba dyan Phillip?” tanong ni Rachel. “Baka kasi magkagulo ang tech dun kapag biglang may madagdag na AVP eh.”

“Gusto rin kasing i-push ni Ate Fel yun eh” sabi ni Phillip. “Swak daw yun sa reunion.”

Magsasalita na sana si Rachel nang napansin niya si Alex sa harapan nila “Uy Alex! Anyare?”

“Pahiram naman ng susi ng sasakyan” sagot ni Alex. “Naiwan ko yung tripod sa loob.”

Kinuha naman ni Rachel ang susi niya sa bulsa. Pagkaabot niya kay Alex, nagsalita ulit ito “Ay Alex, siya nga pala si Phillip” sabay turo niya sa kausap niya kanina. “Siya yung production head dito. And Phillip, siya si Alex. My colleague.”

Nakipagkamay naman ang lalaki kay Alex. “Salamat sa pagtulong ngayon ha! Sorry late notice” paghingi ng tawad ni Phillip “Hassle siguro sayo ito.”

“Wala yun pre, kailangan ko rin naman ng pera eh!” pag-jojoke ni Alex na tinawanan ng dalawa. Nagpaalam na si Alex kina Rachel para pumunta sa parking lot at kunin ang tripod.

Pagkalabas niya ng gym, maraming taong naka-business attire ang bumungad sa kanya. May ibang naka-uniform na pang iba’t ibang propesyon at may kakaunting mga taong naka casual attire ang nakatambay sa labas ng gym.

Sila siguro yung mga mag-rereunion, isip-isip ni Alex. Medyo malayo yung kotse kaya kinailangan niyang maglakad-lakad ng ilang minuto.

Tahimik lang niyang binubuksan ang kotse nang may marinig siyang sumigaw sa gilid niya.

“Naks! Nandito na ang CPA natin oh!” sigaw ng isang lalaki na naka-uniform na pang-teacher.

“Kailangang isigaw? OA mo Fred!” sagot ng lalaki na bagong dating.

Hindi naman intensyon ni Alex na makinig sa usapan ng ibang mga tao kaso kahit hindi niya ito pansinin, mapapakinggan pa rin niya ang pag-uusap ng barkada sa sobrang lakas nila mag-usap. Habang kinukuha niya isa-isa ang mga tripod, narinig niya ang usapan ng mga tao sa paligid niya.

“Naks! Buti nakarating ka ngayon Lily” sabi ng babae na naka-uniform din ng pang-teacher na mukhang kasama nung Fred.

“Ang sabihin mo Maia,” sabi ni Fred “Himalang nagpakita itong dalawang ito. Hoy Marco! Manlibre ka nga!”

“Sorry naman! Ngarag ako sa Doctorate ko eh!” sagot ng isang babae na kasama nung CPA. Siya siguro si Lily. “Anyways, nasaan sila Phillip?”

“Nasa loob daw, maraming ganap,” sabi nung Marco. Humarap ang lalaki sa mga kausap niya. “Maka-huthot naman ng libre. Wala namang yumayaman na CPA no!”

“Yung dalawa sa loob kayo magpalibre. Sila yung yumaman nung nag-trabaho!” pagtuturo ni Lily.

“Kung sabagay!” sabi ni Maia “Nakakayaman nga pala ang pagiging Interior Designer at Electrical Engineer!” Tumawa tuloy silang apat.

“Guys!” sabi nung Fred “Nagtext si Apollo. Tinatanong kung nasaan tayo.”

“Sabihin mo nandito lang sa labas” sagot ni Marco “Sabihin mo pala yung utang niya, bayaran na niya!”

May iba pa silang pinag-uusapan kaso hindi na nakinig si Alex sa kwentuhan ng magbabarkada. Sinarado na niya ang kotse at naglakad pabalik sa loob habang bitbit ang gamit niya. Saglit siyang tumingin sa mga nag-uusap na barkada at ngumiti nang may halong inggit.

Habang naglalakad si Alex pabalik sa loob, hindi niya mapigilang isipin ang mga narinig niya kanina.

Electrical Engineer.

Minsan na niyang pinangarap na maging engineer kaya sa tuwing may makikita o maririnig siya tungkol dito, hindi niya mapigilang mainggit. Ang kaso, halos lahat ata ng meron ang ibang tao kinainggitan niya.

Sa sobrang inggit niya sa nagagawa ng ibang tao, naaalala niya tuloy ang tatlong pinaggagawa niya dati na lubos niyang pinagsisisihan.

At ang una dito ay ang pagiging engineering student.

 

 

#1

“Sure ka na ba dyan sa course mo?” tanong ng papa ni Alex sa kanya. Sinamahan kasi siya ng papa niya na mag-enroll sa college.

“Opo naman Pa! Yakang-yaka ko ang EE!” pagmamayabang ni Alex.

Sa totoo lang, kaya naman niya piniling kuhanin ang Electrical Engineering kasi alam naman niyang matalino siya sa science. Hindi rin naman siya bobo sa math.

Kaya siguro dumaan lang sa buhay niya ang Chemistry, Material Science, Physics, Algebra, Trigonometry, Analytic Geometry, Solid Mensuration, at Calculus kasi hindi man lang siya nahirapan sa mga inaaral niya.

Kaso, pagkatapos ng dalawang taon niyang pag-aaral, kinain niya ang sinabi niya. Unti-unti nang bumababa ang grades niya sa mga quizzes niya. Ang dating madaling science ay nagiging mahirap na. Ang dating matalas na utak niya para sa math ay unti-unting pumupurol.

Bigla na lang siyang nawalan ng gana sa mga ginagawa niya. Hindi na siya natutuwa sa course niya. Sa hindi niya namamalayan na dahilan, nagiging malungkot na ang dating masaya.

Napansin na lang ni Alex na unti-unti siyang nawawalan ng ganang mag-aral nang minsang silang nag-aral ng kaibigan niya na si Timothy na iba naman ang kurso. May exam kasi siya mamaya sa Electrical Circuits 1 na mukhang ibabagsak na naman niya. Nung mga oras na iyon, hindi lang sila ang mga tao sa harap ng building nila kasi exams week na ng UP.

“Uy mali naman ang computation mo” komento ni Timothy sa sinosolve niya.

“Ha? Tama naman ang KCL ko ah!” walang ganang sagot ni Alex sa kaibigan niya.

“Mali kasi yung reference node mo” pagwawasto ng kausap niya. “Kaya magulo ang paghahanap mo ng nodal voltage.”

Saglit na sinilip ni Alex ang kanyang equation niya at napabuntong hininga na lang kasi mali nga siya. Sa totoo lang, sobrang basic lang ng pagkakamali niya kaya pati siya ay nagtataka sa pinaggagawa niya.

“Oy anyare sa iyo? Palagi kang wala sa focus.”

“Wala naman. Ba’t mo natanong?”

“Nasa Physics naman ang Node Voltage ah! In fact, ikaw nga ang topnotcher sa Physics sa buong college ng Engineering kaya nakakapagtaka kasi nagkakamali ka pa dyan.”

Tiningnan ni Alex ang kanyang inaaral at binaba niya ang ballpen niya sabay sabi niya ng “Ewan ko rin eh. Pero lately, nakakatamad mag-aral. Parang hindi ko makita yung sarili ko na ganito ang ginagawa sa future.”

“Wow ngayon ka pa nag-alangan dyan ha!”

“Ngayong third year lang naman kasi tayo nagkaroon ng mga subjects na may connect sa course natin. Tuwing nakikita ko ang mga circuit diagram, napapaisip ako kung ito ba talaga ang gusto kong mangyari sa buhay ko.”

Binaba ni Timothy ang kanyang notes at humarap kay Alex. “Nako, delikado yan. Kaya dapat mong pag-isipan kung ano ba talaga ang gusto mong mangyari sa buhay. Kasi oras yung masasayang sa iyo kapag pinatagal mo pa yang pag-aalangan mo. Kung gusto mong mag-shift, go. Kung gusto mo talaga ito kaso tinatamad ka lang, then endure this hardships kasi pinaglalaban ang pangarap. Ang mahalaga, nakapag-decide ka.”

Hindi makaimik si Alex sa sinabi ni Timothy. Kaya umimik ulit ang kaklase niya bago siya iwanan ng, “Huwag duwag, nakakamatay yan!”

Hanggang sa makarating ang prof niya ay iniisip ni Alex kung ano ba talaga ang gusto niya.

Kaso hanggang isip na lang yun kasi kahit natapos na ang semester nila ay hindi pa rin alam ni Alex ang dapat niyang gawin. Nagpatuloy siyang maging alangan sa ginagawa niya hanggang matapos ang school year. At dahil maraming bumabagbag sa kanya, hindi siya nakasagot ng maayos sa mga quizzes at exams. Marami tuloy siyang subjects na ibinagsak na kinailangan niyang ulitin para ma-take ang iba pang mga subjects sa curriculum niya.

Dahil na rin sa kanyang katamaran, hindi niya ito inulit noong summer kaya hindi siya makapag-enroll sa sumunod na semester. Nagbabalak na siyang tumigil sa pag-aaral kaso hindi niya alam kung papaano niya ito sasabihin sa magulang niya.

Natatakot kasi siya sa magiging reaksyon ng mga magulang niya. Natatakot siya na ma-disapoint niya ang mga tao sa paligid niya.

Kaya dumating siya sa punto na kahit hindi siya naka-enroll ay pumapasok siya at nagkukunwaring maayos pa ang lahat. Inabot pa siya ng isang taon na hindi naka-enroll bago siya nagkaroon ng lakas ng loob na sabihin sa mga magulang niya ang totoo.

Boom! Nasayang ang apat na taon dahil sa kaduwagan niya.

 

 

“Alex!” sigaw ng isang tinig sa likod niya na bumasag sa mga iniisip niya.

Tumingin siya sa sumigaw at nakita niya si Rachel na tumatakbo. Bigla niyang naalala na kailangan niya pang-isetup ang camera sa loob.

Tumakbo rin si Alex papalapit kay Rachel. “Ay sorry! Hinanap ko pa sa loob ng kotse mo yung tripod eh!”

“Akala ko may kung ano nang nangyari sa iyo eh.”

“Nilipat ko rin kasi ng parking yung sasakyan mo. Ang layo kasi sa gym eh!” pagsisinungaling niya.

“O siya tara na at mag-iistart na rin yung program nila!”

Dali-dali silang tumakbo ni Rachel sa loob para maabutan nila ang Opening Ceremony. Ipinaubaya na nila sa ibang staff ni Rachel ang photo booth samantalang silang dalawa ay pumunta na sa maraming tao sa harap.

“Paano nga pala na-invite ang studio mo sa reunion na ito? Ang layo ng Batangas ha!” tanong ni Alex kay Rachel habang kumukuha ng litrato sa mga tao sa loob. Naka-pwesto silang dalawa sa gilid nang stage kaya kitang-kita nila ang mga taong nakikinig sa Opening Remarks.

Kumuha muna si Rachel ng litrato bago siya umimik. “Kakilala ko kasi si Apollo. Yung music director ng reunion na ito.”

“Paano?” tanong ni Alex sabay kuha ulit ng litrato. “Ang layo ng inabot ng manhunt mo ha.”

“Baliw!” sagot ng babae sabay tawa sa pang-aasar ni Alex.

Binaba ni Rachel ang camera niya nang nakangiti. “Nakilala ko siya last 6 years ago sa MOA” sagot niya “Kung alam mo lang ang itsura niya nung nasa ferris wheel siya!”

Naguluhan si Alex sa sinabi ng kausap niya. Bago pa man siya makapagtanong, lumabas si Phillip.

“So guys,” panimula niya. “Masaya naman kayo dyan?” Tumawa ang mga tao sa tanong ni Phillip.

“Anyways, sana naman ay masaya kayo sa kinauupuan niyo at sa mga katabi niyo. Namiss niyo ba yang mga katabi niyo?”

“Hindi!” sigaw ng isang babae sa audience na tila nang-aasar.

Tumawa si Phillip sa harap “Sus! Paano mo naman mamimiss si Fred, Maia? Lagi mo nga yang kasama eh!” Tumawa ulit ang mga manonood. Umayos ng tayo si Phillip at nagsalita ulit “So para mas maramdaman natin ang ating reunion, may ipeplay kaming video sa inyo, yung last project namin sa Values, ang Time Capsule. P.S. Wag sana kayong maumay sa barkada namin ha! Enjoy!”

Umalis si Phillip at may nag-play na video sa projector.

Where do you see yourself 10 years from now?” sabi ng isang boses.

Biglang nagliwanag ang screen at pinakita dito ang mukha ng barkada ni Phillip na may pangalan pa sa baba.

“Di ko sure eh, pero baka sa accounting firm. Or baka magla-law school na ako nun!” sagot ni Marco.

“Siguro mag-dodoctorate pa ako nun, or kung hindi ko kayanin, baka maging stethoscope na lang ako” sagot ng tumatawa na si Lily.

“Magtatrabaho sa isang Engineering firm” sagot ni Phillip.

“Panelist siguro ako sa isang thesis defense at nanggigisa ng mga estudyante” sagot ni Maia na may ningning sa mata.

“Baka nag-dedesign na ako ng bahay. Or kung sukuan ko ang Interior Design, nasa music na siguro ako” sagot ni Apollo.

“Nagtuturo na siguro ako ng Algebra at Trigo nun!” sagot ni Fred.

What’s your favorite highschool memory?”

“Halos lahat eh!” sagot ni Lily habang nagsusuklay “Wala namang patapon na highschool memory!”

“Tuwing pupunta ng canteen, mura kasi at masarap ang pagkain nila Ate Grace eh!” sagot ni Maia habang kumakain ng Oreo.

“Lahat ng roleplaying. CAT at Championship game ng Tigers” sagot ni Marco.

“Wala masyado” sagot ni Phillip.

“Battle of the Bands last Valentines Day. Siyempre, kami yung nanalo!” pagmamayabang ni Apollo.

“Student Teacher Week last December. Ang saya mang-uto ng mga estudyante eh!” masayang sabi ni Fred.

What’s your least favorite highschool memory?”

“Tuwing may exam!” sagot ni Phillip. “Nakaka-pressure. Running for Valedictorian kasi.”

“Kapag na-lelate” sabi ni Fred “Tsaka yung pinag-initan ni Mam Liwanag sa Values kasi nalaman niyang nag-away kami ni Marco.”

“Kapag walang Oreo sila Ate Grace” malungkot na sabi ni Maia.

“Nung nag-away sila Fred at Marco dati. Parang mga bata eh!” reklamo ni Lily.

“Yung pumiyok ako nung Oration namin. Nakakahiya!” sagot ni Apollo.

“Last month, ang sama ng pasok ng linggo sa akin nun. Dahil malakas topak ko, nag-sapakan kami nila Fred” natatawang sagot ni Marco.

If your future self is watching you now. What would you tell them?”

“Laban lang girl!” sagot ni Maia “Jombagin mo lang ang problema, hindi ka mag-isa, may reresbak naman kaya kapit ka lang!”

“Alagaan mo ang sarili mo para hindi mawala ang kagwapuhan ko dyan ha!” sabi ni Marco na may halong tawa.

“Kung ikaw ay nahihirapan, i-kanta mo lang yan!” sabi ni Apollo habang nakangiti. “Malay mo, makabuo ka ng maangas na kanta dyan!”

“Huwag kang magpapakain sa virus na aaralin mo ha!” sagot ni Lily na halatang may laman.

“Tama na ang paghahabol sa mga taong hindi ka mahal! Gwapo ka naman, pipilahan ka rin. Soon!” pang-aasar ni Fred sa video.

“Mahirapan ka man sa trabaho mo, wag kang susuko!” seryosong sabi ni Phillip. “Rise above the pressure of the society.”

Biglang namatay na ang video sa projector kaya nagpalakpakan ang mga tao.

Tumayo ulit sa stage si Phillip at nagsalita ulit.

“Marami sa atin, ang daming nangyari para lang makarating sa puntong ito ng buhay. Oo, nostalgic ang nasa video. Hindi ko nga alam kung may naka-connect sa mga sinasabi ng batang version ng sarili namin sa video eh!” sabi ni Phillip na palakpak ang sagot ng manonood. “Kaya cheers, hindi lang sa pagtupad ng pangarap mo, kundi sa pagpunta mo dito sa reunion na isang simbolo na nakayanan mo ang pagsubok ng buhay.”

Hindi alam ni Alex kung anong mararamdaman sa sinabi ni Phillip.

Ako, nagtagumpay? Kelan pa? isip-isip niya.

Doon niya naalala na hindi naman talaga siya kasama sa reunion na ito. Isa lang siyang photographer na nagmamasid sa nangyayari sa harap na tiyak na kanyang ikakainggit.

May sinasabi pa si Phillip kaso hindi na lang niya pinakinggan at pumunta na lang sa catering para kuhanan ng litrato ang pagkain kaso wrong move pala ito.

Naaalala niya kasi ang pangalawa niyang pagsisisi, ang pagkuha niya ng course na culinary arts.

 

 

#2

“Sunog na ang butter!”

Nataranta si Alex sa sinabi ng ka-partner niyang si Sophia sa midterms nila. Nilagay niya na ang bawang at sibuyas sa kawali para igisa.

Sa totoo lang, hindi naman talaga niya gustong mag-culinary arts. Kaya niya lang yun kinuha kasi akala niya’y madali lang ang course na ito. Kaso nagkamali na naman siya.

Ang ginigisa niya pala ang mismong gagamitin ng professor niya para gisahin siya. Ang ending? Bagsak sila sa midterms nila. Epic fail kasi yung niluto nilang pork tonkatsu kasi pumait ang lasa gawa nang nasunog na butter na ginamit sa sawsawan at toppings.

“Anong sabi sa iyo ni Chef Casilagan?” tanong ni Sophia sa kanya habang kinakain ang tonkatsu. Pagkatapos kasi ng exam nila’y masinsinan siyang kinausap ng chef.

“I dare you do better daw.” sagot ni Alex na halatang hindi niya magagawa ang sinabi niya “Uy sorry ha! Nadamay ka pa sa kapalpakan ko.”

Ngumiti ang kausap niya “Niye, wala yun! Bawi na lang tayo next time.”

Parang mas lalo pang nalungkot si Alex sa sinabi ng kausap niya na napansin naman agad ng babae.

“Bakit kasi ayaw mo pang sabihin sa kanila?” tanong ni Sophia.

“Hindi ko alam ku-”

“So ano, isesecret mo ulit sa kanila? Oy Alexander sayang ang oras! Gusto mo bang magalit sila sa iyo kagaya nung last time?”

“Hindi naman sa ganun. Pero hindi ko kasi alam kung papaano ko sasabihin sa kanila eh.”

Napansin naman ni Alex na tinusok ni Sophia ang tonkatsu, sinawsaw, at tinutok ito sa lalaki. “Huwag ka kasing duwag.”

“Nahihiya na kasi ako sa kanila. Binigyan na nila ako ng chance para magbago kaso sinayang ko na naman yun.”

“Kesa naman ilihim mo na naman yan. In the end, ikaw naman yung pinakadehado eh. Sayong buhay yung nasasayang kasi maraming oras ang winawaldas ng kaduwagan mo.”

“Hay nako!” reklamo ni Alex habang nginunguya ang tonkatsu “Ang hirap!”

“Mas mahirap kung magtatagal pa yan” sagot ni Sophia “Pero sa totoo lang, hindi ka naman sa kanila natatakot eh.”

Naguluhan naman si Alex sa sinabi ng babae. “Ha? San naman?”

Sa halip na sagutin ang tanong ng lalaki, binigyan siya ng isang tingin ni Sophia na siguradong hinding-hindi niya makakalimutan. “Sa sarili mo” biglang sagot niya “Isipin mong mabuti kung anong kailangan mong gawin. Kasi sa huli, ikaw din ang malulugi!”

Tumayo ang kausap niya at naiwan ang lalaki na nakatulala sa kawalan.

 

 

“Ikaw yung sinama dito ni Rachel, di ba?” biglang tanong ng isang lalaki sa gilid niya na gumising kanyang pagmumunimuni.

Humarap siya sa nagsalita at napansin na may isang lalaking nakasuot ng na tinuro kanina ni Rachel kung sino: si Apollo.

“Ay oo. Ako nga” sagot ni Alex “Alex nga pala, pare.”

“Apollo” sagot ng lalaki sabay pakikipagkamay sa kanya.

“Uy alam mo ba kung saan ang kotse ni Rachel? May pinapalagay yun sakin eh!” tanong ni Apollo sabay pakita ng isang box na bitbit niya.

“Ay nako, sa labas pa yun eh!” sagot ni Alex. “Teka, samahan na rin kita. Kukuhanin ko rin ang cellphone ko dun.”

Lumabas sila sa gym at tahimik na naglalakad sa quadrangle papunta sa parking lot. Palibhasa’y hindi sanay si Alex sa katahimikan, pinansin na lang niya ang bitbit ni Apollo na box.

“Wow ang sipag niyo naman. Kahit reunion niyo, nag-tatrabaho pa rin kayo!” pagbabasag ni Alex ng katahimikan.

Medyo nagulat si Apollo sa narinig niya. “Ha? Hindi to trabaho!” sabi niya.

Saktong dumating sila sa kotse ni Rachel nang sumagot si Alex. “Ah!” sabi ni Alex. “Akala ko kasi work yan eh.”

Hinintay ni Apollo na buksan ni Alex ang likod ng kotse bago niya ilagay ang box sa loob. “Hindi yan work” sagot niya sabay bukas ng box “Mga vinyl yan, nanghihiram kasi si Rachel ng mga albums eh.”

Saglit na napasilip si Alex sa mga vinyl at natuwa siya sa nakita niya. “Naks!” masaya niyang komento. “Origins at Night Visions yan ng Imagine Dragons ah! Tapos may album pa ng Crazy World ng Boys Like Girls at Overexposed ng Maroon 5? Ang random mo naman!”

Mukha namang impressed si Apollo sa sinabi ni Alex. “Familiar ka pala sa lahat ng yun?”

“Yep. Tuwing roadtrip kasi, nakakarinig ako ng mga random na kanta.”

“Maganda yan, diverse ang taste mo sa music” komento niya sabay sarado ng box.

“Gusto ko kasi ng maraming kantang pinapakinggan. Kasi mas okay pang mabingi na lang ako sa kanta kesa sa takbo ng mundo” biglang sabi ni Alex na hindi malaman ng sarili kung saan niya yun nahugot.

“Okay lang namang maraming taste ng music” sagot ni Apollo. “Yun nga lang, hindi lahat ng kanta pinapakinggan. Madalas kasi may mga kanta na parang lata, maingay pero walang laman. Madrama, pero walang lalim. Doon tayo sa mga kantang may substance na magbibigay sa iyo ng growth.”

“Ang lalim naman nun!” sabi na lang ni Alex.

“Ganun talaga!” sabi ni Apollo “Parang buhay lang ang kanta, dapat malalim. At para yun lumalim, kelangan nating piliin ang kantang naaayon sa tahimik na mundo.”

Hindi naman umimik si Alex kaya nagsalita ulit si Apollo.

“May mga moments tayo sa buhay natin kung saan mabibingi tayo sa ingay ng buhay. Pero, dadating din tayo sa point na kung saan mananahimik ito. Kaya sa mga panahon na yun, kelangan nating talasan ang ating tenga para marinig natin ang pagkanta ng tadhana na babago sa taste natin sa buhay. Kasi parang sa music, kung anong nilagay mo sa puso mo, yun ang makakanta mo ng matiwasay. Kaya piliin nating ilalagay sa puso natin ay ang tunog na ang magiging resulta ay isang kantang magbabago sa ating tadhana, na magpapatahimik sa nakakabinging mundong ginagalawan mo” malalim na sagot ni Apollo na nakangiti na parang may naalalang magandang alalaala.

Bago pa man makaporma ng sagot si Alex ay may tumawag sa telepono ni Apollo. Sinagot ito ng kausap niya at halata sa mukha na urgent ito.

“Uy!” sabi ni Apollo kay Alex pagkatapos niyang ibaba ang cellphone “Teka lang ha, may pupuntahan lang ako sa admin. Pasabi na lang kay Rachel na nilagay ko dito yung vinyl ha!”

Tumango na lang siya kay Alex. Pero bago umalis si Apollo, may pahabol pa pala ang lalaki sa kanya.

“Lahat ng kanta, may patama sa puso. Pero hindi lahat ng kanta, tamang pakinggan ng puso. Piliin mo yung kantang hindi lang babasag sa puso, bagkus ay babago at magpapatibay sa marupok na puso.”

Hindi na naantay ng lalaki ang sagot ni Alex at nagtatakbo palayo at naiwan dun si Alex na inaabsorb pa rin ang sinabi ng lalaki kanina. Ilang saglit ay pumasok siya sa loob para manguha ng litrato sa nangyayari sa loob at pilit na kinalimutan ang sinabi ni Apollo kanina.

May kung anu-anong mga pakulo sila Phillip na pinapagawa sa stage kaya masaya silang kuhanan ng litrato.

Nang makakuha ng marami-raming litrato, napag-isipan ni Alex na bumalik sa photo booth para kamustahin yung ibang staff at malaman kung ano ang nangyayari doon. Maya-maya ay may napansin siyang isang lalaking gumagamit ng laptop niya: si Marco. Gagamitin niya sana ang laptop niya kasi may kukunin siyang file kaso hindi niya alam kung paano yun aagawin sa lalaki. Kung sabagay, hindi naman ganun ka-urgent yung kukunin niya.

Aalis na sana siya nang mapansin siya ni Marco. “Ay pre!” sabi niya na halatang nagulat “Sa iyo ba ito?” tumango si Alex “Paseensya na ha! Sila Rachel kasi eh. Ang daming pakulo.”

Umupo si Alex sa tabi ni Marco sabay sabi ng “Okay lang yun! Hindi ko rin naman yan masyadong ginagamit.”

“Birthday kasi ni Apollo ngayon” sagot ng lalaki kahit hindi naman nagtatanong si Alex kung anong meron “Sabi ni Rachel gamitin ko raw yung laptop na nandito. Akala ko naman ay sa kanya.”

Tumingin si Alex sa screen ng laptop at napansin na gumagawa si Marco ng birthday banner para kay Apollo na punong-puno ng mga litrato nilang barkada. Okay na sana ang editing kaso may napansin si Alex.

“Medyo hindi contrast yung isang picture dun sa nakapalibot. Tapos medyo pixelated yung apat na pic dyan sa mosaic. Hindi kasi maayos ang pagkaka-compile” pansin ni Alex.

“Ha?” tanong ni Marco sabay tingin sa tinuro ni Alex. “Ay oo nga! pano ba aayusin ito?”

Nagpaubaya si Marco sa laptop para maayos ni Alex ang collage. Habang inaayos niya ito, nagsalita ulit si Marco.

“Ba’t ang dami mong alam dyan?” tanong niya.

“Film kasi yung naging course ko dati, at sanay na akong gumamit ng photoshop sa tuwing gagawa kami ng movie posters.”

Tumango si Marco sabay sabi ng “Ang weird lang. Gamay na gamay ko na ang audit kaso pagdating sa photoshop, wala man lang akong idea” sabi niya sabay tawa.

“Okay lang yun! ‘Di hamak na mas mahirap yang inaral mo kesa dito.”

“Pero alam mo ba, minsan ko nang pinangarap na i-pursue ang photography dati?”

“Bakit hindi mo tinuloy?” tanong ni Alex habang patuloy na nag-eedit.

“Napaglipasan na ng panahon. Tsaka nagustuhan ko na rin naman kinahinatnan ko ngayon” sabi ni Marco habang ngumingiti.

“Sana all contented” medyo bitter na sabi ni Alex.

“Bakit, ikaw ba hindi contented sa nangyari sa iyo ngayon?” tanong ng lalaki na hindi sinagot ni Alex. “Ang pagtanggap sa kasalukuyan ay nakadepende sa pag-angkin sa nakaraan.”

“Ha?” tanong ni Alex matapos nitong saglit na matigilan sa sinabi ni Marco.

“Ganun naman talaga eh, hindi tayo madalas contented sa ating present kasi bitter tayo sa past natin. Kaya hindi umaayos ang present kasi hindi natin magawang angkinin ang consequences ng past.”

Tumawa ng pilit si Alex “Hays!” buntong hininga niya “Kung makakabalik lang sana ako sa past, tutuktukan ko yung sarili ko dun. Ang pasaway eh!”

Natawa na lang ang kausap niya sa hinanaing niya. Hindi alam ni Alex kung anong sasabihin niya dahil tila binalot ang paligid nila ng katahimikan kahit sobrang lakas ng tugtugan sa event.

Nang matapos na siyang mag-edit, biglang umimik si Marco “Wala eh!” sabi ng kausap ni Alex na akala niya’y tungkol sa ginawa niya yung pinansin niya. “Hindi natin kayang ibalik ang oras. Hindi mag-aadjust ang oras para sa kadramahan natin. One thing I learned to be contented in life is to accept the responsibility that was given to me by my past. Oo, pumapalpak tayo sa buhay. Pero hindi dahil sa pagkakamali natin kundi sa hindi natin pag-angkin ng responsibilidad ng ating kapalpakan. Ito ang tinuturo sa atin ng nakaraan sa tuwing sinisisi natin dito ang mga masasamang nangyayari sa atin ngayon.”

Sa pangalawang beses ngayong gabi, hindi makaimik si Alex sa kalaliman ng kausap niya.

“Ay sorry!” biglang sabi ni Marco na tumatawa sabay lagay sa flash drive ng collage. “Baka na-weirdohan ka sa akin ha! Ang dami ko lang kasing natutunan kanina kay Li-, I mean sa kabarkada ko eh!”

“Parehas kayong weirdo ni Apollo noh?” pang-aasar ni Alex.

Tumayo si Marco pagkakuha ng flash drive sabay ngiti kay Alex. “Lahat naman sa barkada namin ay weirdo eh” sagot niya “Kung sabagay, anong sense ng buhay kung normal lang tayo?” dagdag niya habang tumatawa.

“Anyways,” sabi niya pagkatapos tumawa. “Salamat sa pagtulong!” sabi niya. Tumango na lang si Alex sabay paalam ni Marco sa kanya. Naiwan tuloy si Alex dun sa harap ng laptop habang inaabsorb ang sinabi ng kausap niya.

Dahil sa pag-iisip, napatingin si Alex sa display ng laptop niya at nakita ang class picture nila nung pumapasok pa siya sa course na Film sa UP.

Naalala niya tuloy ang pangatlong pag-sisisi niya.

Hindi yung course niya. Kundi yung oras na sinayang niya.

 

 

#3

“Uy ang ganda talaga ng short film niyo!” pang-sampung beses na ulit na sabi ni Rachel sa video na ginawa ng grupo nila Alex.

Kakatapos lang kasi ng Film 103 nila at pinapanood sa kanila yung short film nila Alex na may pinakamataas na grade. Medyo nagtataka pa nga si Alex kasi kasama niya pa rin si Rachel dito sa may Sunken Garden. Sa halip kasi na mag-asikaso ang babae ng subjects niya para sa summer class niya, naisipan pa nitong tumambay kasama ang lalaki.

“Di maka-get over, Rachel?” sabi na lang ni Alex habang tumatawa.

“Ba’t ba? Marunong kasi akong maka-appreciate ng films eh!” depensa ni Rachel sabay upo ng maayos sa kanilang pwesto. Buti na lang at may dala silang kumot kaya kumportable pa ring tumambay kahit nakaupo sa damuhan. “In fairness kay Sir! Deserving ang binigay sa inyong grade, uno!”

“Ewan ko nga rin kay Sir Bautista eh!” sagot ni Alex habang nakatingin sa mga estudyanteng nagtatawanan sa gilid nila “Nagulat na lang ako na kami pala yung may mataas na score sa finals niya.

“Ang ganda kaya nung cinematography. Tapos yung content pa, angas!” hyper na komento ng babae.

Kahit si Alex ay masaya sa nagawa nila, kasi passion niya talaga yung paggagawa ng film eh. Kaso kahit anong saya niya, hindi niya mapigilang tumamlay sa nangyari sa kanya.

Bakit? Kasi last na yun eh.

Napansin naman ng babae ang pagkabalisa ni Alex kaya bigla siyang naging seryoso.

“Sure ka na ba talaga sa decision mo?” tanong ni Rachel “Meron kang future dito oh.”

Malungkot na ngumiti si Alex “Gustuhin ko man, kaso huli na rin ang lahat. Kelangan na ako sa amin.”

“Pero hindi ba mas makakatulong ka sa inyo kung itutuloy mo ang pag-aaral mo? Tatlong taon na lang oh, magkaka-trabaho ka na!” sabi ni Rachel.

“Umaasa kasi yung pamilya ko sa akin. Bata pa kapatid ko, tapos may sakit si mama. Ako lang yung capable magtrabaho sa amin.”

“Wala na ba talagang pwedeng gawin? Kahit nga scholarships, mga institutions?” suhestyon ni Rachel.

“Hindi kakayanin ng scholarships yung gastos namin. Patong-patong pa ang utang gawa nung pagkaka-ospital ni papa. Okay na rin to, para may magawa naman ako para mabago na yung sitwasyon ng pamilya namin” malungkot na sabi ni Alex. Nanahimik naman ang babae sa narinig niyang sagot. Akala ni Alex ay hindi na siya kakausapin ni Rachel kaso bigla siyang nagtanong sa lalaki.

“Yung totoo, ba’t mo ginagawa to?” matalinhagang tanong ni Rachel.

Saglit na nagulat si Alex sa tanong ng babae. Doon niya napagtanto na hindi niya kayang lokohin ang kausap niya kagaya ng pagloloko niya sa mga tao sa paligid niya at sa sarili niya.

“Ayoko nang maging duwag.”

“Ha?”

“Ang dami ko na kasing oras na sinayang dati. Ilang beses na rin akong pinagbigyan sa amin. Ngayon, kailangan kong angkinin yung consequence ng pinaggagawa ko dati. Ayoko nang takbuhan ang pagkakamali ko.”

Hindi na sumagot si Rachel kaya umimik ulit si Alex “Sa totoo lang, hinayang na hinayang ako sa oras na sinayang ko sa mga pinaggagawa ko dati. Kung kaya ko nga lang bumalik sa nakaraan, itatama ko ang mga pagkakamali ko eh. Kaso hindi ko kaya, kaya ang result? Hindi man lang naabutan ni Papa yung pag-graduate ko dahil sa pagloloko ko. Hindi ko deserve na ituloy ito, masyado na akong nagiging pabigat sa mga tao sa paligid ko. Tama na, ayoko na ng ganito.”

Nangingilid man ang luha sa mga mata ni Alex, pinigilan niya ito at ngumiti sa kausap niya “Kaya kayo ha! Habang may oras pa, gawin niyo na yung tama. Wag na kayong gumaya sa akin na ngayon lang nagsisisi. Ipaglaban niyo yung pangarap niyo habang may oras kayo!”

Tumango na lang si Rachel na hindi makatingin sa kanya “Basta, kapag may raket ka sa studio ng pinsan niyo, isama mo ako ha! Baka kakailanganin niyo ng additional photographer.”

“Sure kuya!” sabi ng babae “Sa akin na rin naman yun ibibigay kasi pupunta na ang pinsan ko ng ibang bansa eh. Kaya automatic na yun!”

Tumawa na lang sila sa sinabi ng babae.

“Basta Alex” sabi ni Rachel bago sila umalis sa pwesto nila “May pag-asa pa. Tiwala lang!”

Hindi na lang umimik si Alex.

 

 

Naputol ang pagdadrama ni Alex sa photo booth nang narinig niyang nagchicheer ang mga tao. Kaya tumayo siya at bumalik sa stage at naabutan niyang may babaeng nagsasalita sa stage. Tumabi siya kay Rachel na busy sa pagkuha ng litrato.

“Uy, pahiram pala ng laptop mo ha! Gagamitin daw ni Marco para daw sa birthday ni Apollo eh!” medyo late na pagpapaalam ni Rachel.

Kumuha muna si Alex ng litrato bago niya kausapin ang babae “Uh medyo late ka ng paalam. Tapos na niyang gamitin yun eh!” sabi ng lalaki. Nag-peace sign na lang ang babae.

“Uh sino pala yung nagsasalita?” tanong ni Alex.

“Seriously, hindi mo siya kilala?” pagtataka ni Rachel. Umiling naman ang lalaki “Siya si Ate Fel! Isa sa mga founders nung Team Lakbay Sapatos Foundation!”

Saglit na inalala ni Alex ang foundation na binanggit at nagulantang na lang siya sa naisip niya.

“Ha?!” biglang sigaw ni Alex kasi medyo umiingay na sa pwesto nila “Paano siya napapunta ni Phillip dito? Siya na ang malakas maghatak ng mga bisita!”

“Baliw!” sagot ni Rachel. “Malamang, taga-dito siya. Magkaka-school mate sila eh!”

“Talaga ba?” pagsisigurado ng lalaki na tinawanan na lang ng babae.

Nang walang makuhang sagot si Alex sa kanyang kausap, bumalik na lang siya sa pagkuha ng litrato sa harapan nila. Napako ang atensyon niya sa babae na kanina pang nagsasalita sa stage.

“And for sure naguguluhan din kayo kung sino nga ba ang pasimuno ng lahat ng ito noh?” tanong ni Fel sa mga tao “Para masagot ang inyong mga tanong, let’s watch this video.”

Umalis sa stage si Fel at nag-play ang video. Dun na lang napagtanto ni Alex na isa pala itong recorded interview ng lalaki na nakangiti sa camera na akala mo’y may gagawing kalokohan.

“Hello!” bungad ng lalaki sa video “Gulat kayo sa ka-gwapuhan ko, noh?” sabi niya sabay tawa.

“Umayos ka nga dyan, Rico!” saway ng isang boses-babae na hindi kita sa recording “Isa pang asar mo dito, babatuhin na talaga kita ng tripod!”

Lalong tumawa sa video si Rico na halatang hindi naniniwala sa sinasabi ng kausap niya. “Oy chill lang, Fel. Nagmumukha kang manang eh!”

“Rico!”

“Okay okay titigil na!” sabi ni Rico na halatang nagpipigil ng tawa pero tumingin siya ng diretso sa camera “So musta naman kayo dyan? Meron na ba dyang lumilipad na kotse?”

Umayos na si Rico ng upo at nagsalita ulit “Sa mga nakakapanood sa akin dyan sa reunion, siguro 7 years from now, kamusta naman kayo? Kaya pa ba ang ‘real world’?” tanong niya sabay ngiti sa camera “Anyways, kanina may tinanong sa akin si Fel. Tinanong niya kung ano nga daw ang maipapayo ko sa inyo. Ganun na ba talaga ako katanda?” komento niya sa sarili niya sabay tawa.

“Oy Fel, di pa ako matanda ha! Ang OA ng tanong mo!” reklamo ni Rico na mukhang nag-aantay ng sagot ni Fel sa background “Ay umalis na? Sad.”

Biglang sumeryoso ang mukha ng lalaki. “Pero seriously” sabi niya sabay kamot ng ulo niya.”Ano nga naman yung maipapayo ko sa inyo? Una sa lahat, halos magkaka-batch lang tayo. Kung tutuusin, baka mas marami pa nga kayong karanasan sa buhay kesa sa akin eh. Pangalawa, mas marami nga kayong napuntahan sa buhay eh. Ako kaya, nakatengga lang dito sa bahay gawa ng chemo therapy! At higit sa lahat, karamihan sa inyo dyan, may natapos na. Marami dyan, engineer na, o baka may mga doktor, or pwede ring mga teachers. In short, may na-achieve na sa buhay kasi may mga profession na. Saludo ako sa inyo kasi ako, hindi ko man lang natapos ang pag-aaral ko. Ano nga ba namang karapatan kong magbigay sa inyo ng payo?”

Saglit na nanahimik si Rico bago siya umimik ulit “Anyare nga ba? Ba’t hindi nga ba ako nakatapos?” tanong niya “Well sa mga hindi nakakaalam, nakapasa ako dati sa UPLB, Veterinary Medicine pa. Feeling matalino ang loko eh. Wag ka! Kahit na ganito ako, medyo smooth-sailing pa naman ang college life ko! Medyo madali lang, until ma-diagnosed na maybone marrow cancer ako nung second year college. Kaya ayun, natigil na ako sa pag-aaral para lang sa chemo therapy at sa iba pang gamutan. In an instant, my world turn upside down because of this cancer. Nainggit ako sa mga tao sa paligid ko kasi bakit sa dinami-daming tao, ako pa ang nakakuha ng sakit na ito? Sobrang sama na lagi ng iniisip ko. In fact, ang toxic ko na sa mundo nung panahon na yun. Tinaboy ko rin ang mga nagmamahal sa akin kasi ayaw ko nang maging pabigat. Pero masyado silang persistent at ayaw umalis sa tabi ko kaya, here I am. Nahimasmasan na dahil sa pagmamahal nila.”

Saglit na nanahimik si Rico saka siya ngumiti sa camera.

“Ang drama na ng buhay ko noh? Pwede na ba sa MMK?” tanong niya sabay tawa, “But one thing I’ve learned from my experiences, is to appreciate every millisecond of my life. Ang ironic lang dahil sa isang terminal na sakit, yun pa pala ang bubuhay sa akin. Kasi dati, parang normal lang sa akin ang lahat. Ang malala, todo reklamo pa ako sa mga nangyayari sa akin. Kaya ang result? Hindi ko man lang ma-appreciate na nakakahinga pa ako, na may magulang pa ako, na nakakapag-aral pa ako, na nakakain pa ako. In short, I cannot cherish this life that was given to me. Hindi lahat kaya yung magawa kasi pre-occupied ng nangyayari sa kanila. Pre-occupied ng sobrang saya, lungkot, galit, inis, o takot. Hindi ko sinasabi na mali yan, pero dapat ang emosyon, ilugar yan. Kasi kapag namali yan, there is a big chance na ma-miss natin yung point sa kung bakit tayo nabubuhay: and that is to make an impact to this world. At magkakaroon lang tayo ng impact kung alam natin kung ano yung purpose natin. At malalaman natin ang purpose natin kung nabubuhay tayo. At para mabuhay tayo, we must always choose to make every second count. Learn to appreciate your life kasi matatapos din yun. Wag mo nang hayaan na kanser pa ang aatake sa iyo para malaman mong hindi ka rin nabubuhay kagaya ko. Sabi nila, you only live once. But I say, no. For me, you have the chance to live in every second of your life and we must make that choice to live. Dapat mabuhay tayo sa bawat segundo ng ating buhay.”

Tumigil si Rico sa pagsasalita. Akala ni Alex ay tapos na ang video nang umimik ulit ang lalaki.

“Actually, ako talaga yung nagplano na magkaroon ng reunion. Kaya patawad kung ang hassle!” sabi ng lalaki habang natatawa “Pero sa totoo lang, the main reason kung bakit tayo dapat nag-rereunion ay hindi para magmayabang ng mga narating natin. Kasi, kaya naman talaga tayo nag-aaral ay hindi lang para kumita ng pera eh. Nag-aaral tayo para mabago natin ang mundo. Nag-aaral tayo kasi gusto nating makapagbigay ng impact sa mundo. Oo, marami na tayong narating at napuntahan sa buhay. Yun nga lang, may naiwan ba tayong footprints sa paglalakad natin? Meron na nga ba tayong ginawang tumatak sa mundo? Kahit yung mga hindi dyan nakatapos kagaya ko, hindi kayo excused dito! We are destined to change the world yet not all of us were able to do it kasi nakakulong tayo sa kanya-kanyang mundo: ang ating sarili. Kaya ko gustong matuloy ang reunion na ito kasi gusto kong ma-remind tayong lahat sa goal natin na baguhin ang mundong ginagalawan natin.”

Inayos ni Rico ang buhok niya sabay ngiti sa kawalan “My time is running out. Pero hindi ako matatakot kasi kahit mawala man ako, sure akong itutuloy nila Fel yung foundation. Patuloy pa rin akong mabubuhay kasi ginawa ko yung part ko sa mundo. And I believe na mas malaki pa dito yung kaya niyong gawin kasi buhay na buhay pa rin kayo eh! Mas malayo pa ang mararating niyo kesa sa akin” sabi niya.

Tumayo si Rico at lumapit sa camera na parang papatayin na niya ito.

“Payo?” tanong niya “Di niyo na kelangan nun. Favor na lang ang hihingiin ko sa inyo, okay lang ba? Para ito sa inyong minsan ko nang naging schoolmate, sa mga production dyan, sa tech, at sa lahat ng nakikinig ngayon. ‘Di ko kasi alam kung kelan ako mawawala kaya kung talagang mawawala na ako, then ipagpatuloy niyo yung nasimulan ko. Magpatuloy kayong mabuhay sa panahon na wala na ako. Hindi lang para sa sarili niyo, kundi para sa mga taong iiwan niyo, at para sa mundong ginagalawan niyo. Who knows kung anong magagawa niyo para magbago ang mundong ginagalawan natin, diba?” tanong niya sabay kindat sa camera bago ito namatay.

Nag-palakpakan ang lahat ng tao na nanood sa AVP ni Rico. Pwera kay Alex kasi pilit niyang inaabsorb ang sinabi ng lalaki kasi parang ayaw tanggapin ng utak niya ang napanood niyang video. Dahil sa isang estrangherong lalaki na nagsalita sa isang camera, nagdadalawang-isip si Alex kung tama ba talaga ang ginawa niya.

At dahil pre-occupied si Alex sa mga narinig niya, hindi niya namalayan ang takbo ng oras. Patapos na pala ang reunion na pinuntahan nila kasi nagsisimula nang kumain ang mga tao dito. Ito ang senyales na malapit nang matapos ang program. Kailangan pa siyang tapikin ni Rachel para tulungan ang mga staff niya na mag-pack up sa mga hindi na nila kailangang gamitin.

Nang mailagay na niya ang ibang gamit sa van ng mga staff ni Rachel, naglakad na siya pabalik sa loob ng gym. Kaso sa paglalakad niya, nahagip ng mata niya ang magandang buwan. Saglit siyang tumigil at pinagmasdan ang kagandahan nito. Bumaba ng konti ang tingin niya kaya nakita niya ang isang burol na may waiting shed.

Lutang siyang umakyat sa burol kaya nandun na siya sa waiting shed nang may mapansin siyang tao: si Phillip.

Aalis na sana si Alex kaso napansin din siya ng lalaki. Kaya naisipan niyang pumasok sa loob ng waiting shed at umupo malapit kay Phillip na nag-lalaptop.

“Tapos na bang ipakita yung mga kalokohan namin dati?” tanong ni Phillip sa kanya.

“Yup kanina pa. Nagsisimula na ngayong kumain ang mga tao sa loob” sabi ni Alex sabay tingin sa mga bituin sa taas.

“Eh ba’t ka nandito? Sayang ang foods!” tanong ni Phillip habang patuloy pa ring naglalaptop.

Tumawa nang mahina si Alex “Hindi naman ako gutom eh!”

Tawa na lang sinagot ni Phillip kaya binalot sila ng katahimikan.

Siguro dahil na naman sa katahimikan, hindi napigilan ni Alex na magsalita.

“Ang sosyal pala ng school niyo noh?” tanong niya.

Tumigil muna si Phillip sa paglalaptop bago siya sumagot “Ba’t naman? Medyo fail nga banyo namin eh. Paano naging sosyal yun?”

“Ang dami kasi nitong na-produce na successful graduates eh!” sabi ni Alex “Imagine, kung hindi mga professionals ang manggaling dito, yung mga sikat pa kagaya nila Kuya Rico at Ate Fel! Kayo na successful.”

“Eh ikaw ba? Mukhang successful ka rin naman sa buhay ah!” sagot ng kausap niyang nakangiti.

“Hays! Kung alam mo lang” buntong-hininga ni Alex sabay iwas niya ng tingin sa kausap niya.

“Eh hindi ko naman alam!” pang-aasar ni Phillip na tinawanan nilang dalawa “But kung hindi okay sa iyong ikuwento yun, oks lang. I respect privacy.”

“Ganito kasi yun” sabi ni Alex saka siya nagkwento ng buhay niya. Hindi na siya nag-alangan na ikuwento ang buong buhay niya. Kasama na rin yung tatlong bagay na pinagsisihan niya at ang panghihinayang dito kasi maraming oras ang sinayang niya.

Hindi alam ni Alex kung anong sumapi sa kanya at nakuwento niya itong lahat kay Phillip. Siguro naghahanap lang siya ng sympathy. Siguro feeling niya kakaiba rin itong magpayo kagaya ng mga kaibigan nitong sila Apollo at Marco. O siguro dahil naniniwala si Alex na hindi biased si Phillip sa pagbibigay ng payo kasi hindi naman sila close.

“At kaya ayun” sabi ni Alex. “Kaya nandito ako ngayon kasi inaya ako ng dati kong kaklase na si Rachel para tulungan siya sa reunion niyo.”

Tumango-tango lang si Phillip sa narinig niya “So anong masasabi mo?” tanong ni Alex.

“Prangkahin kita ha” paalala ni Phillip. “I therefore conclude na takot ka lang.”

“Sinabi mo pa!”

“No no! I mean takot kang aminin na may pag-asa ka pa sa buhay mo.”

“Ha?”

“Takot kang aminin na may pag-asa pa kasi galit ka sa sarili mo. Takot kang gumawa ng panibagong move kasi ayaw mong patawarin ang sarili mo.”

“Ha?” tanong ulit ni Alex.

“At higit sa lahat, takot kang gumawa ng panibagong move kasi takot kang magkamali. Kaya nabuhay ka na lang sa takot. Or kung buhay ba talaga ang matatawag dun.”

“Oy hinay-hinay! Ang sakit ha. Close ba tayo?” pang-aasar ni Alex na natatawa sa sinabi ni Phillip pero sa kaloob-looban naman niya ay tinamaan siya sa sinabi ng kausap niya.

“Napaka-judgemental ko noh?” tanong ni Phillip sabay tawa na rin “Well of course pwede namang mali ako.”

“Paano mo naman kasi na-conclude yan?” tanong ni Alex.

“Hindi lang naman kasi ikaw ang nakakaramdam ng ganyan” sabi ni Phillip sabay tingin sa buwan. “Hindi lang naman kasi ikaw ang nabuhay sa takot. Well, kasalanan ko rin naman. Puro kasi negativities ang iniisip at sinasaksak ko sa puso ko dati. Wala eh, pressured sa society.”

Hindi umimik si Alex at hinayaan lang si Phillip na mag-monologue. “Ever since highschool, ganyan na ang buhay ko, puno ng takot sa mundo. Malala kasi ang expectation ng mga tao sa paligid ko eh. Ang matindi, I needed to exceed their standards. Kailangan kong mag-excel sa pag-aaral at sa standards nila sa akin. Sabi nga ng barkada kong si Fred sa akin, ang nerd ko raw. I guess, totoo yun. May sarili kasi akong mundo na ang pader ay mga libro. But dumating si college” sabi ni Phillip. Umayos siya ng upo sabay salita ulit.

“Sa buong college ko, nag-focus lang talaga ako sa pag-aaral kasi dito lang ako magaling. But kung saan pa sa tingin kong ‘best’ ako, dun pa ako nag-fail ng malala. Hindi ko kasi inexpect na mag-eextend pa ako.”

“At least, naka-graduate ka pa rin!”

Tumango si Phillip. “Yep. Pero nung mga panahon na nangyari yun, parang gusto ko na lang maglaho sa mundo. Imagine, buong buhay kong nilunod ang sarili ko sa mga bagay na kung saan alam kong kaya ko pero sa isang iglap, mawawala lang pinaghirapan ko! Ang dami kong sinakripisyo para lang makuha yung exellence na alam ko. Hindi ako nagparamdam kila Apollo dati kasi gusto kong mag-focus sa pag-aaral. Hindi rin ako masyadong nakipag-kaibigan nung college para lang sa pag-aaral. In short, pinilit kong maging mag-isa sa mga panahon na hindi naman talaga dapat mag-isa. I know, mababaw lang yun kumpara sa experience mo, or sa ibang tao. Pero kayang-kaya kang malunod sa isang mababaw na bagay kapag malalim ang pinanghuhugutan mo. Sa isang pagkakamali, nasira ang mundong ginawa ko. Ewan ko, basta nung panahon na yun, gulong-gulo na ang utak ko sa kung ano ba talaga ang gagawin ko until may makita akong diary.”

Medyo naguluhan ng konti si Alex sa kwento ni Phillip kaya nagtanong siya sa lalaki. “Ha? Diary? Nandyan ba ang sikreto nila Mara at Clara?” pang-aasar niya.

Tumawa naman ang kausap niya at sumagot “Baliw! Hindi no! Mas mahalaga pa dun. Nakita ko ang diary ni Kuya Rico. Nung panahon na yun, hindi ko naman siya kilala kahit iisang school kami kasi nga may sarili akong mundo nun.”

Pinatay muna ni Phillip ang laptop niya bago siya umimik ulit “Dahil wala naman akong magawa, nag-try akong magbasa ng diary niya. Sa una, natatawa ako sa mga pinaglalagay niya kasi ang immature niya pero nung umabot sa dulo, nagulat na lang ako sa nababasa ko. Malayong-malayo yung mga sinasabi niya dun kesa sa naunang part. Kaya hinding-hindi ko malilimutan ang sinabi niya dun.”

“Ano ba ang sinabi niya?”

“Sabi niya, ‘I therefore conclude lahat tayo, may cancer. Alam mo ba kung ano yun? Yung maling mindset na kung saan daig pa natin ang mga may sakit sa kung papaano tayo magreklamo sa buhay kapag nadadapa tayo. Daig pa natin ang may cancer sa kung paano natin tapusin ang buhay natin kasi hindi tayo gumagalaw. Negativity. Ito ang cancer ng lipunan.‘ At napaisip ako sa sinabi niyang yun kasi oo nga, ako, walang sakit pero kung makapag-reklamo ako sa mundo, daig ko pa sila. Hindi ko lang inexpect na isang estrangherong may malubhang sakit ang magpaparealize sa akin ng kahalagahan ng pagiging positive sa buhay. Dahil sa sinabi ni Kuya Rico, unti-unti na talaga akong nalinawagan sa dapat kong baguhin sa sarili ko: ang mindset. Kaya gusto ko rin itong sabihin sa iyo.”

“Bakit…” medyo nauutal na tanong ni Alex “Bakit mo sa akin gustong sabihin yan?”

“Negativity kasi ang nilagay ko sa puso ko kaya hirap na hirap ako nung panahon na yun. Negativity ang dahilan kung bakit maraming tao ang toxic sa paligid nila kasi yun yung tinanim nila sa kaluluwa nila. Negativity ang dahilan kung bakit hindi magawa ng tao na magkaisa. Kaya sang-ayon ako kay Kuya Rico na ang negativity ang kanser ng lipunan. Ikaw ba sa tingin mo, bakit hindi mo mapatawad ang sarili mo?”

Hindi makasagot si Alex.

“Kaya nga ako nagpapasalamat sa barkada ko eh. Na-realize ko kasi na lahat kami, may kanya-kanyang drama pero dahil magkakasama na ulit kami, hindi na naming hahayaan na sumuko kami.  Tutulungan namin ang isa’t isa para lang itaas. Magtutulungan kami para ang natitirang negativity sa puso namin ay mapalitan na ng positivity na magagamit namin sa buhay namin. Kaya ayun, nakagraduate ako ng matiwasay.”

“Sa future, mataas ang chance na magkamali pa rin tayo” dagdag ni Phillip “But, at least may natutunan ka. At least nag move forward ka. Hindi mo palaging makokontrol lahat ng maling magagawa mo. Pero kaya mong makontrol ang mga tamang bagay na dapat mo gawin. Baka kasi feeling mo wala nang pag-asa kasi nagkamali ka. Gusto kong sabihin sa iyo na meron pa ring bukas, kung saan may oras para magbago at itama ang pagkakamali. Wag mong ideprive ang sarili mo. Piliin mo kung anong ilalagay mo sa puso mo kasi yun yung magdidikta ng tadhana mo. Piliin mo ang positivity para mabago ang tadhana mo.”

“Ang dami niyo talagang alam noh?” sabi na lang ni Alex kasi suko na siya sa pinagsasabi ng kausap niya.

“Niyo?”

“Nila Apollo at Marco. Magkakabarkada nga kayo, ang dami niyong alam!”

“Marami kaming alam kasi kahit takot kami sa pinagdadaanan namin, pilit naming pinaglalaban ang buhay. Natatakot man kami sa mga pagsubok na kakaharapin sa bukas, for sure may matutunan naman kami.”

“Ano ba ang dapat kong gawin?” tanong ni Alex sabay tingin sa langit at napansin na may kakaiba sa itsura ng buwan. Hindi na siya nailang na manghingi ng payo kahit mas matanda siya dito.

“Kailangan mo munang patawarin ang sarili mo para makita yung pag-asa. Mapapatawad mo lang ang sarili mo kung tatanggalin ang kanser na bumubulag sa puso mo. Wala kang makita na pag-asa kasi pakiramdam mo, ang buhay mo ay parang isang gabi na wala nang liwanag. Guess what, meron pa ring mga bituin at buwan na magliliwanag sa gabing madilim. At hindi lang yun, kita mo ba ang buwan?” tanong ni Phillip “Kakaiba siya ngayon kasi may Lunar Eclipse. Anong connect sa iyo? Hindi palaging ganitong may malaking chance na lumiwanag. Huwag mo na itong palampasin kasi hindi lang isang buwan ang nagbibigay-liwanag sa gabi mo bagkus isang portion ng liwanag ng araw. Meron ka pa ring pag-asa para magliwanag, Alex. Tiwala lang!”

Ilang beses na hinanap at inisip ni Alex kung ano ba talagang problema sa buhay niya at hindi siya makapagbago. Pero mga estranghero pa talaga ang nag-parealize sa kanya ng tamang sagot.

Tumingin ulit siya sa buwan na mas maliwanag ngayon. Mas maliwanag kumpara sa normal na buwan, pero di hamak na hindi masyadong masakit sa mata kumpara sa araw. Pinagmasdan niya kung papaano ito nagliliwanag sa gabi ng buhay niya.

Madilim, oo. Pero di hamak naman na may liwanag pa din. May pag-asa pa rin nga talaga.

Pakiramdam tuloy ni Alex ngayon ay unti-unting lumuluwag ang tanikala ng kawalang pag-asa na sumasakal sa buhay niya. Gusto niyang maiyak kasi unti-unti nang lumiliwanag ang isipan niya kaso nahihiya siya sa kasama niya. Unti-unti nang gumagaan ang pakiramdam ni Alex kasi nailabas na niya ang matagal nang sumasaksak sa puso niya.

Sa unang beses simula nung pumasok siya ng college, ngayon na lang siya tumawa ng may galak na sinabayan ni Phillip.

“Basta wag mong i-pressure ang sarili mo. Step by step lang! Mararating mo rin ang pangarap mo. Hindi ka na mag-isa sa laban na ito” paalala ni Phillip.

Tumango si Alex sa kausap niya.

Saglit na tumingin si Phillip sa kanyang cellphone at nagsalita ulit.

“Nga pala” sabi ni Phillip “Balak naming i-surprise si Apollo kasi birthday niya. Actually, dun lang naman kami sa table sa loob. Sumama ka na rin daw sa amin kasi katulong namin si Rachel.”

“Ay nakakahiya naman sa inyo!”

“Nako, walang hiya-hiya sa barkada namin. Tara na!” aya ni Phillip sabay tayo at bitbit ng laptop niya.

“Kung sabagay, sayang ang foods!” sabi ni Alex na tinawanan nilang dalawa.

Dali-dali silang bumaba sa burol para bumalik sa loob ng gym.

Hindi na nagulat si Alex sa unti ng tao sa loob kasi medyo lumalalim na rin ang gabi. Naglakad sila papunta sa table nila at naabutan ang barkada ni Phillip na nagtatawanan.

Masayang nagkukwentuhan si Apollo at Rachel tungkol sa mga kanta. Si Marco at isang kabarkada nila, si Lily, na nakita rin ni Alex kanina, ay nag-aasaran sa gilid. Samantalang si Fred at si Maia na nakita rin ni Alex sa video nilang magbabarkada ay naglalaro ng jack-en-poy na mukhang laging talo si Fred kasi laging hinahampas ni Maia ang lalaki.

Natigil silang lahat sa pinaggagawa nila nang makita nilang parating sila Phillip at Alex sa pwesto nila.

“Nga pala guys, si Alex. Kabarkada ni Rachel!” pagpapakilala ni Phillip kay Alex.

“Yow buti naman at nandito ka pa!” sabi ni Apollo.

“Oo nga. Upo na kayo dito!” aya ni Marco.

Saglit na tumingin si Alex sa magbabarkada. Kanina, nung una niyang makita ang barkadang ito, purong inggit na lang ang naramdaman niya.

Pero iba na ngayon.

Di niya alam kung bakit. Siguro sa sinabi ni Apollo. O baka sa sinabi ni Marco. O baka sa litanya nila Rico at Phillip.

Meron ka pa ring pag-asa para magliwanag, Alex. Tiwala lang, sabi kanina ni Phillip.

Umupo na silang dalawa at nakisabay sa tawanan ng barkada.

Biglang tumayo si Fred at Maia sa kinauupuan nila at pumunta sa harap nila Alex.

“So alam niyo naman guys kung sinong may birthday ngayon, di ba?” tanong ni Fred.

“Ha? Sinong may birthday?” pang-aasar ni Apollo.

“Weh. Waley mo, Apollo!” pambabara ni Maia na tinawanan nilang lahat “Anyways, for our birthday boy, here’s our surprise! Hope you like it!”

Pinakita bigla sa monitor ang mga ineedit kanina ni Marco. Kasama na rin yung collage.

Hindi tuloy alam ni Apollo kung paano siya magtatago kasi puro mga stolen ang mga pictures na naka-flash. Kahit hindi na ganun karami ang tao sa loob ng gym, hindi pa rin nila mapapagkaila na hindi lang sila-sila ang nandun.

Ang sumunod na mga litrato na nai-flash ay yung mga picture ng barkada nila.

Sa totoo lang, hindi masyadong nakaka-relate si Alex sa barkada pero narealize niya na marami pala talagang pinagdaanan ang taong kinausap niya kanina.

Marami pala talagang pinagdaanan ang barkadang kasama niya ngayon.

Ewan ba niya pero di man niya personal na kilala ang bawat isa sa barkada nila Phillip, nakakasigurado naman siyang minsan na rin silang nagkaroon ng kanser ng lipunan pero natutunan na nila itong ipaglaban.

Kung sila nga, nakayanan nila, si Alex pa kaya?

Tama nga si Phillip, isip-isip ni Alex.

Meron pa ring bukas, kung saan may oras para magbago at itama ang pagkakamali ko.

-END-

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s