Destination Series

Ang Mundong Ginagalawan Ko At Ako Na Magpapatigil Dito

DESTINATION Series: BONUS

 

Bangag na bangag ako pagkatapos ng midterms namin. Siguro dahil nga wala akong masyadong nasagot sa exam. Ang lakas din kasi ng loob ko na mag-procrastinate eh major subject pa naman namin yung may exam. Ni hindi ko nga alam kung saan ako ngayon nakakahugot ng lakas kasi nakakapaglakad pa rin ako papunta sa susunod na subject namin, meron ding midterms na hindi ko din inaral.

Halos isang oras ko lang na sinagutan ang 300 items na exam namin. Wala eh, wala naman din akong maisagot. Sa totoo lang, dapat na akong manlumo sa nangyayari kaso para sa akin, parang paulit-ulit lang naman ang nangyayari sa buhay ko. Sanayan na lang. Ganun.

Papasok ng classroom, pag-uwi, pagkokompyuter, pagcecellphone, pagkain, pag-eexam, at pagbagsak (na minsa’y pumapasa) ang palaging nangyayari sa buhay ko.

Siyempre, tipikal na estudyante lang ako, hindi na rin naman ako masyadong mag-eexpect ng kakaiba sa buhay kasi in the first place, go with the flow lang ako sa mga ka-tropa ko, tapos utusan pa ako sa bahay namin. Simpleng pagpasa ko lang sa exams ko, masaya na ko. Simpleng pagpanalo sa basketball na may pusta, sobrang saya ko na.

Ako na ang simple.

Nakakatawa lang na kung kelan ako nag-college, dun ko lang na-realize kung gaano ka-boring ang buhay ko.

Kagaya ngayon, kakatapos lang ng pangalawang midterms ko na sure akong babagsak ako. Sa halip na umuwi para makatulong sa bahay, kasama ko ngayon si Nico na mag-computer.

“Ang hirap naman ng midterms! Magkasunod pa ang Electromagnetics at Statics!” pagrereklamo ni Nico habang naglalaro ng computer.

“Wow,” pang-aasar ko. “Hindi ka pa rin sanay? Lagi ka ngang bagsak dun.”

“Hayop ka talaga Tops, minsan na nga lang akong magpanggap na matalino eh,” sagot niya na nagpatawa sa amin. Siguro naboringan na si Nico sa computer kaya nagsimula na itong tumayo at umalis sa upuan niya.

“Hoy! San ka?” tanong ko nang mapansin na aalis na siya.

“Uuwi na. Katamad maglaro eh,” sagot nito habang naglalakad sa labas.

Hinayaan ko na lang siya na umalis. Maya-maya pa’y umalis na rin ako sa computer shop at nagdesisyon nang umuwi.

Habang naglalakad, napansin ko ang iba ko pang mga kaklase sa isang bench sa tabi ng building namin na tila nagkukwentuhan tungkol sa exam kanina. Eepal sana ako nang mapansin kong may kausap silang hindi ko kilalang lalaki. Upper-classman ata namin yun.

Sa totoo lang, ilang linggo ko nang napapansin na palaging ganun na ang sistema nila. Na tuwing Huwebes, pagkatapos ng klase namin sa Statics, laging sa may bench sila tumatambay at nagkukwentuhan. Gusto ko nga sana sumama nung minsang nakita ko sila dun kasi ang dami nilang pagkain at tinawag rin nila ako para makikain kaso nahihiya ako. Kaya sinabi ko na lang na may pupuntahan ako kahit wala naman talaga.

Lalo na ngayon, kita ko na naman sila sa may bench at nahihiya na naman ako. Hindi naman kasi kami close nung upperclassman na nasa gitna na parang siya yung nangunguna sa pagkukwentuhan. Kaya minabuti ko na lang na umalis at kumain ng hapunan sa isang karinderya bago umuwi.

Naabutan ko sila Mama at Papa sa sala namin. Ewan ko ba, isa sa pinaka ayaw kong lugar itong bahay namin. Kaya hindi kagandahan ang pakiramdam ko ditto eh. Himala nga at hindi sila nag-aaway ngayon. Dati na silang nag-aaway. Dahil sa alak, sa babae, at dahil sa pera. Mas malala nga lang ngayon ang away nila.

“Kumain ka na? May pagkain sa lamesa,” tanong ni Papa.

“Kumain na po, matutulog na po ako,” tipid kong sagot sabay lakad papuntang kwarto.

Pagkapalit ko ng damit, humiga na ako at nag-set na naman ng alarm clock. Pagkapaling ko sa kanan, nakita ko ang picture frame ni Leo na nakatawa sa camera na parang nang-aasar. Lalo tuloy akong ginanahang matulog kesa alaahanin ang masamang memorya.

Sunod na araw? Ganun pa din. Papasok ng classroom, pag-uwi, pagkokompyuter, pagcecellphone, pagkain, pag-eexam, at pagbagsak lang ulit ang pinagkaabalahan ko. Ganyan ako ka boring.

Pero nag-iba ang takbo ng buhay ko nung sumunod na linggo. Araw ng Biyernes, medyo maagang natapos ang Psychology class namin. Nag-aya ang mga kaklase ko na mag-computer kaso tinamad akong sumama kaya humiwalay ako sa kanila.

Mag-isa lang akong naglalakad sa hallway kasi puro patapos na rin naman ang klase ng karamihan. Pinapatay na nga ng ibang mga janitor yung ilaw ng mga rooms eh.

Gusto ko lang kasing tumambay kasi for sure, stress na naman sa bahay. Habang naglalakad ako papunta sa railing, may napansin ako sa sahig na may eraser ng black board. Pinulot ko ito kasi nangangailangan sa room namin nito at eraser naman ang ambag ko.

Pagkapulot ko, pumunta na ako sa may railing at tumambay sa gilid nito. Pinagmamasdan ko ang mga estudyante na nagsisitawanan naglalakad pauwi.

Buti pa sila masaya, Buti pa sila, walang iniisip na problema, hindi paulit ulit ang nangyayari sa buhay. Hindi kagaya ko. Hindi kagaya ng buhay na meron ako.

Marami na sana akong naisip na kadramahan nang biglang may nagsalita sa likod ko.

“Tol, may nakita ka bang eraser?” sabi niya.

Humarap naman ako sa nagsalita, nagulat ako dahil pagkakita ko, naalala ko na siya rin yung kausap ng mga kaklase ko na upperclassman.

“Uh,” sabi ko habang pinakita yung eraser sa kamay ko.

“Uy salamat!” sabi niya habang inabot niya ang eraser. “O sige, aalis na ako.”

Bigla namang bumuhos ang malakas na ulan. Napatingin tuloy kami sa labas at nanlumo kasi mabilis na bumaha sa daan. For sure, pag bumaba kami, lubog agad ang paa namin. Hindi na muna kami makakaalis dito.

Tumingin na lang ako sa railing para pagmasdan ang ulan. Napansin ko namang naglakad siya papunta sa gilid ko para pagmasdan din ang ulan. Hindi ko naman siya pinansin ng mga ilang minuto. Kaso hindi ata nakatiis ang loko. Takot sigurong mapanisan ng laway.

“Ikaw yung kaklase nila Kevin diba?” tanong niya. Tumango lang ako.

“Ako nga pala si Bryan, ikaw?” tanong niya sabay abot niya ng kamay niya.

Inabot ko naman at sumagot sa kanya ng “Tops, pare.”

Tumingin ulit siya sa ulan na parang may iniisip. Akala ata niya hindi totoo yung pangalan kong binigay. Hindi niya alam, palayaw ko yun. Ang totoong pangalan ko kasi ay Christopher, kaya Tops na lang. Ang pormal kasi pag Christopher.

Mas lumalakas pa ang ulan kaya stranded talaga kami rito.

“Ikaw yung tinatawag nung nakaraan nila Kevin diba? Ba’t di ka sumama sa amin? Sayang, ang daming pa naming pagkain.”

“Ay sayang!” sagot ko habang tumatawa. “De, joke lang. May pupuntahan pa kasi ako eh.”

“Ganun? Sayang. Nag-tutorial pa naman din ako nun para sa Emags at Statics. May exam kayo dun, diba?”

“Oo eh.”

“Musta naman?”

“Ayun, bagsak ako,” sagot ko na natatawa.

“Nye. Sayang naman! Si Sir Wagan ang prof nyo dun diba?”

“Oo eh, kaya kawawa!”

“Nako, dapat niyong galingan sa subjects niya. Malaki ang bearing ng mga exams niya sa grades eh.”

“Sobra nga eh. Parang every meeting may exams. Lagi namang bagsak.”

“Eto tip na lang, para mas madalian ka sa mga subjects mo, isipin mo na lang mamimiss mo rin yang mga subjects na yan.”

Tumingin naman ako kay Bryan para malaman kung nang-aasar ba siya kaso wala akong nakuha sa mukha niya. “Emags? Statics. Mamimiss ko? Asaness. Kung pwede ngang ibaon na lang β€˜to sa lupa eh.”

Tumingin naman siya sa akin na parang may inside joke siya bago magsalita. “Promise,” pagsisigurado niya. “Kakainin mo lang yang mga sinasabi mo ngayon.”

Tumawa naman ako kahit wala namang nakakatawa. “Gaano ka naman ka sure dyan?”

Tumingin ulit siya sa labas. “Ikaw ba, naiisip mo ba ang future mo? Anong mangyayari kapag naipasa mo na mga subjects mo? Ano nang mangyayari kapag naka-graduate ka? Ano na ang mangyayari kapag naipasa mo na ang board exam at nakapag trabaho ka na? Naisip mo na ba yun?” sagot niya na wala namang connection sa tanong ko.

Napatigil naman ako sa mga tanong niya kasi sa totoo lang, wala namang tao ang nagtatanong sa akin ng ganyan. Palaging kamusta ka, anong pangarap mo, ang natatanong sa akin. Pagkatapos nun, wala na. May sariling mundo na ulit ang mga nagtatanong sa akin na parang hindi ako nag-eexist sa buhay nila.

“Minsan,” pagsisinungaling ko.

Yung totoo? Siyempre hindi ko naman naiisip ang future ko. Paano ko naman ito iisipin kung alam ko namang paulit-ulit lang ang mangyayari rito? Oo tatanda ako pero more or less, paulit ulit lang ang mangyayari sa akin. Magkakaroon ng problem, tapos malalampasan at pagkatapos magkakaroon lang ulit ng problema. Alam ko namang pagka-graduate ko, magtatrabaho ako, magkakapamilya tapos mamatay. Ganun lang talaga ka simple.

“Ako kasi, madalas ko itong naiisip kasi sa akin, kaya ko nakayanan ang mga nagyayari sa akin ngayon kahit na mahirap ay dahil alam kong makakatulong ito sa akin at may mas mahirap pang pwedeng mangyari sa future pero mao-overcome ko ang lahat. Sigurado ako na lahat ng problema na kinakaharap ko ngayon, may rason.”

Hindi ko na napigilan ang sarili kong magsalita. “Ano ba talaga ang rason?” bigla kong tanong.

Tumingin muna siya sa akin bago sumagot. “Siyempre hindi ko alam. Pero…” sagot niya. “Siguro isa sa mga rason kung bakit nangyayari ngayon ang dapat mangyari ay tinutulungan tayo ng problema natin para mag-grow. Ganun naman talaga sa buhay eh, palaging may process. Magkakaproblema, tapos maayos. Yes, tumataas ang difficulty. Pero tumataas din ang ating wisdom, ang ating courage at ang ating willpower para lumaban sa pagsubok ng buhay.”

“Paano kapag ang buhay ay walang process?”

Kumunot naman ang noo niya sa sinabi ko. “Paanong walang process?” pagtataka niya.

“Yung parang paulit-ulit. Yung feeling mo. makakapasa ka sa exam. Tapos babagsak. Tapos uulit lang. Kaya unconsciously, tinatamad ka na lang mag-step forward at ma-excite sa nangyayari sa buhay mo.” pagpapaliwanag ko.

“Edi hindi mo yun pwedeng tawaging buhay,” walang kalatoy-katoy na sabi niya.

“Ha?” medyo slow kong tanong.

“Ganun naman talaga eh, hindi mo pwedeng tawagin yung buhay kung wala namang growth. Kung walang order kasi walang process. Kasi kapag nagpapaulit-ulit lang ang nangyayari sa buhay ng isang tao, hindi yun living. Existing lang ang tawag dun.”

Nagulat naman ako sa sinabi niya. Pwede ba talaga yun? Ibig sabihin ba nun, hindi talaga ako nabubuhay?

“Alam mo, ang dami mong alam.” sagot ko na lang sa kanya.

Tumawa naman siya. “Hindi naman masyado. Sadyang sinasabi ko lang kung anong natutunan ko.” sabi niya.

“Minsan kasi, ang korny lang ng buhay.” bigla kong sabi.

“Bakit naman korny? Ano yan? Joke?” tanong niya habang tumatawa.

“Pwede rin,” pagsang-ayon ko. “Kasi bakit palaging may mystery? Bakit kailangang maraming pagdaanan para lang maintindihan ang buhay? Hindi ba pwedeng ihain na lang para wala nang hassle?”

Saglit naman siyang nanahimik habang tumitingin sa ulan sa labas na parang nandun lahat ng sagot sa mga tanong ko. Saka siya tumingin ulit sa akin na parang may nakuha nga siyang sagot sa labas.

“Ano ang pagkakapareho ng gold, ng langis at ng diamond?”

“Uh, mahal?”

“Bakit sa tingin mo mahal ang lahat ng yun?”

“Kasi rare?”

“Oo nga noh?” sagot niya na parang ngayon niya lang napansin na tama rin ang sagot ko. Tumingin siya sa labas. “Pero sa totoo lang, kaya mahal ang gold, diamond, at langis ay dahil hindi yan basta-bastang napupulot lang sa tabi-tabi. Hindi yan basta-bastang nakukuha kapag humukay ka ng konti dyan sa gilid. May mga proseso para lang makakuha ng diamond. Sabi nga sa Material Science, kung anu-anong process ang dadaanan bago mapunta sa kamay mo yun. Una, exploration. Tapos mining, sorting, cutting and polishing. Saka mapupunta sa retailing. Ang daming arte bago ka makakuha ng legit na diamond.”

Bigla naman siyang tumigil habang napansin kong nakatingin pa rin siya sa labas. Kaya naman napatingin na rin ako sa malakas na buhos ng ulan.

“Kaya mahal ang diamond kasi mahirap yun makuha. Maraming pagsubok para lang makakuha ng legit na diamond. Ganun din sa buhay, kaya mas tumataas ang value nito kasi ang daming pinagdadaaanan. Ang pagkakaroon ng misteryo sa buhay ay ang mismong nagpapataas dito. Though siyempre hindi ko pa rin talaga alam ang pinaka rason kung bakit tayo nagkakaproblema kasi hindi naman ako Diyos, diba? Ayun, ganun lang ka simple.”

Tumawa naman ako. “Tae, simple? Ang lalim nga eh!”

Tawa na lang ang ginanti niya. Hindi na muna ako umimik at pinagmasdan ko ang malakas na ulan sapagkat nakakaramdam ako ng ginhawa sa bawat patak ng ulan na aking nakikita. Siguro mga ilang minuto ang nakalipas ng magsalita ulit ako.

“Ang lalim mong tao, alam mo ba yun?” pansin ko.

“Ganun naman talaga dapat tayo eh. Sa buhay, hindi dapat pataasan ng pride. Dapat palaliman ng wisdom. Yun kasi yung magiging pinaka malaking panlaban mo sa pagsubok ng buhay eh. Kaya kailangang kumalap pa ng maraming wisdom!”

“Sana all kasing lalim mo,” sabi ko.

“Pwede namang pati ikaw lumalim kagaya ko ah. Wag mong maliitin ang sarili mo.” payo niya.

“Maliitin? Eh mas matangkad nga ako sayo eh.” pang-aasar ko.

“Alam mo kung anong ibig sabihin ko.”

“Kaya naman pala madaming alam sila Kevin eh. Kung anu-ano ang pinagsasabi mo sa kanila.”

“Eh sabi nga nila, isa ka daw sa pinakamatalinong estudyante sa klase niyo.” sabi ni Bryan.

“Kahit tsamba lang? Madalas kaya bumabagsak ako!” depensa ko.

“Pero kapag may mga iilan na papasa sa inyo, sure na kasama ka, diba?”

“Kahit na!” sabi ko habang tumatawa na sinabayan din niya.

“Pero,” sabi ko pagkatapos kong tumawa. “Minsan walang sense na pumasa kung sa mga susunod alam mo namang babagsak ka. Minsan walang sense gumawa ng kahit ano kung paulit ulit lang ang nangyayari sa buhay mo.”

“May problema ka ba?” tanong niya.

“Kelan ba nawalan ng problema ang tao, Bryan?”

“Siyempre palaging may problema ang tao. Pero konti lang ang may solusyon dito kasi konti lang silang nag-endure para makuha yun.”

“Kahit anong tanong, may sagot ka noh?” pansin ko.

“Siyempre, sayang ang tanong kung walang sasagot!” sabi niya habang tumatawa.

“Weirdo mo,” sabi ko na sumasabay na rin sa pagtawa niya.

“Nagsalita ha. Sino kaya yung weirdo na nagsosolo dito?”

“Edi parehas na tayong weirdo,” sagot ko.

“Nga pala, ba’t ka pa nandito? Maaga kayong pinalabas sa klase niyo diba?” tanong niya.

“Wala lang, maiingay masyado mga kaklase ko. Gusto ko lang magsolo.”

Tumango na lang siya at yun ang naging simula ng pagtahimik namin. Napatingin ako sa labas kung saan tumigil na ang ulan. Kaso kahit nasa sixth floor kami, kitang-kita ko ang baha sa baba kaya aantayin ko pa itong mawala bago umuwi. Mula sa baha, dumako ang tingin ko sa freedom wall na kung saan may nakalagay na salitang Pagbabago.

Ewan ko ba, siguro may phobia na ako sa katahimikan kaya nagsalita ulit ako.

“In demand na talaga ang pagbabago ngayon noh?”

Napatingin naman din siya sa may freedom wall na tinitingnan ko.

“Siyempre, yan yung kailangan ng mundo eh.”

“Ikaw ba, pakiramdam mo ba minsan, sa sobrang paulit ulit ng bagay na nangyayari sa paligid mo, naghahanap ka ng bago? O yung pakiramdam mo na gusto mo nang baguhin ang mga nangyayari sa’yo?” bigla kong tanong.

“Oo naman. Dumating naman din ako sa puntong yan ng buhay na gusto ko nang baguhin yung sarili ko para mag iba na ang takbo ng buhay ko.” mabilis niyang sagot. “Kaso minsan kahit ilang ulit ko nang binabago yung sarili ko parang at the end of the day, bumabalik lang ako sa dati kong gawain.”

Nagulat naman ako sa pagiging tapat niya sa nararamdaman niya kasi ilang beses na akong nagtatanong ng ganyan sa mga kaibigan ko pero tanging si Bryan lang ang sumagot ng totoo kasi. Parang alam niya ang napagdadaanan ko at alam niyang parehas lang kami ng pinagdadaanan.

“Ngayon ba, ganyan pa rin yung pakiramdam mo?” tanong ko na halatang humihingi ng kumpirmasyon.

Akala ko parehas pa rin kami ng nasa utak kaso nagulat ako sa sagot niya. “Hindi na masyado. Alam ko na ang dapat gawin para mabago ako at ang paligid ko eh.” sagot niya habang nakangiti na parang may inaalalang magandang alaala.

“Sana all talaga.” sagot ko na hindi na naitago ang inggit ko.

“Ang change kasi hindi yan basta-bastang kinukuha sa bangketa. It must be imposed. Dapat sa puso at utak mo ay decided ka na magbago.” sabi niya sa akin.

“Eh bakit ganun, may mga tao namang choice na nilang baguhin yung sarili nila. Kaso pagkatapos ng araw, wala din kasi bumabalik lang sila sa dati nilang ginagawa.”

“Having the decision to be changed is the first step towards change. Pero para mabago ka talaga, you need to go back to the beginning.”

“Ha?”

“Ganito. Di ba sa science kapag may isang topic, ide-define muna yung pinaka-word? At kapag inilalarawan yun, usually may mga etymology at pinapakita kung papaano binuo yung salitang yun di ba? Ganun din sa change. Kaya maraming nagkakaroon ng misconception tungkol sa change kasi in the first place, hindi naman talaga nila alam ang salitang change.” pagpapaliwanag ni Bryan.

Napanganga na lang talaga ako sa lalim ng sinasabi niya. “Ganyan ba talaga ka-crucial ang pagbabago na kelangan may etymology pa?”

“Oo naman.” sagot niya. “Alam mo ba kung bakit ganun na lang ka crucial sa tao ang change?”

Umiling na lang ako kasi hindi ko naman talaga alam.

“Kaya maraming naghahanap ng pagbabago hindi dahil gusto nila na may thrill o may kakaibang pwedeng gawin. Kaya nila yun hinahanap kasi unconsciously, nawawala na talaga sila. Hindi na nila alam kung saan sila pupunta. Ganun talaga kapag nawawala ka sa buhay, hahanap ka ng bago para gawin itong palatandaan pag nawala ka ulit. Pero pag nahanap mo na yung change, marerealize mo na lang na hindi lang pala yun isang palatandaan sa paglalakbay mo sa buhay. Yun pala yung bagay na tutulong sa iyo para malaman mo kung saan ka pupunta.” pagpapaliwanag niya.

Tumawa na lang ako na sensyales na suko na ako sa kalaliman niya. Kaya tumawa rin siya.

“Alam ko marami ka pang tanong.” sabi niya na parang nababasa niya ang utak ko. “Kaya may ibibigay ako sa iyo.” dagdag niya sabay kuha niya ng parang ticket at inabot niya sa akin.

Change Movement ang nakalagay sa ticket. Nakalagay din kung saan ito gaganapin at kung anong oras na sakto namang wala kaming klase sa panahon na yun.

“Ano ‘to?” parang baliw na tanong ko kasi pwede ko naman itong basahin.

“Change Movement.” sagot niya na malalaman ko rin naman kapag binasa ko. “Para yang seminar kung saan pag-uusapan natin ang change.”

“Hindi ba yan networking? Magsasaulo na rin ba ako ng chant?”

Tumawa naman siya. “Baliw! Hindi yan networking, para lang yang gathering na ang topic ay about change. Org namin ang hosts. Pupunta sila Kevin dyan, kaya pumunta ka na rin. Sayang free foods at free aircon.” pang-iinggit niya.

“Ay may free foods? G ako dyan!”

Mas lalo naman siyang tumawa. Bakit ba, sino bang aayaw kapag may free foods?

Inantay naming bumaba ang baha habang nagkukwentuhan tungkol sa mga subjects ng engineering at kung ano yung mga dapat kong paghandaan kasi mahirap daw yun. Hindi ko nga alam kung tinutulungan niya ako o sadyang nananakot lang.

Nang mapansin namin na pwede na kaming umuwi, nagsimula na kaming bumaba at maglakad sa labas.

“O pano pre, see you sa Change Movement ha?” sabi ni Bryan habang nagpapaalam kasi iba yung dadaanan niya pauwi.

“Tingnan ko pre.” sabi ko habang tumatawa.

Kakatapos lang ng Change Movement kanina. Ewan ako ba, kahit na sinabi sa akin ni Bryan na hindi daw sila networking, hindi ko pa rin mapigilang isipin na baka ganun sila. Sumama ako kila Kevin sa pagpunta, yun nga lang, hindi talaga kami masyadong close kaya sinama ko si Nico. Madali namang sumama ang loko kasi sinabi ko ililibre ko siya ng pagkain, pero nung malaman niyang sponsor ng org nila Bryan yun, nagdrama pa ang loko.

Pati ba naman ako papaasahin mo? Ibang klase, sabi niya kanina habang nag-gogroupings kami.

Arte mo, makinig ka nga kay kuya. Iingay pa eh, saway ko.

Masaya naman din sa event kasi marami akong natutunan. Una, natutunan ko na competetive rin pala ako sa palaro lalo na kapag alam kong may prize. Pangalawa, natutunan ko na ang tunay na change o pagbabago ay hindi instant. May step-by-step na process bago mo makuha ang pagbabago. Kaya nga may 7-weeks challenge na kung saan isang beses sa linggo ay may mentor na mag-memeet sa akin. Buti na lang si Bryan yung mag-memeet sa akin kasi kung iba, baka hindi ko seryosohin. Hindi dahil sa hindi ko sila kilala. Mas mabuti na rin kung si Bryan para malaman at makita ko kung papaano siya naging malalim na tao. Base sa pag-uusap namin nung nakaraan. Gusto ko din maging kagaya niya na maraming alam sa buhay. At pangatlo, natutunan ko na ang change ay isang privilege.

Kagaya nga ng sinabi nung speaker kanina na, β€œChange is a privilege kasi konting tao lang ang nakakatamasa nito kasi konti lang ang tunay na naghahanap dito. Marami ngang tao ang nagsasabi na ‘we want change’ pero hindi naman makita sa kanila kasi wala namang action. Or kung may action, mali naman kasi hindi naman talaga nila alam ang salitang change. Kaya mapalad kayo na nandito kayo kasi sa oras na ito, na sa dinami-rami ng estudyante rito sa school na nag-aaral, natutulog, naglalakwatsa, nag-aalaga ng kapatid, o may sariling mundo, ikaw ang nandyan sa upuan mo ngayon at ikaw ang nakakarinig ng tunay na pagbabago.”

Ewan ko ba, baka kaya pakiramdam ko namamagnet ako sa mga taong kagaya nila kasi nahihiwagahan ako sa angkin nilang kalaliman sa buhay. Kasi may mga kilala akong mga nakakatanda pero hindi ganyan ang pananaw. Partida, yung naging speaker kanina ay hindi masyadong matanda kasi kaka-graduate lang daw niya two years ago.

Masaya na nga ako sa sinabi nung speaker kanina kaso dinagdagan niya pa ng isang litanya na pakiramdam ko, kilala ako nung speaker at ako yung pinapatamaan niya eh.

Everyone can experience dying, but not everyone can experience living. Nandito tayo sa mundo kung saan maraming tao ang nag-go with the flow na lang sa buhay. Be that person that will make an impact to this world. Be the person that will live in this dead world. Sa tagalog, lahat ay makakaranas ng kamatayan kaso hindi lahat nakakaranas ng totoong buhay kasi hindi nila alam ang purpose nila. Hindi nila alam ang purpose nila kasi hindi sila nagbabago. Hindi nila kayang magbago kasi hindi naman nila alam ang tunay na pagbabago. Hindi nila alam ang tunay na pagbabago kasi hindi naman nila alam na ang Diyos lang ang nakakaalam ng tunay na pagbabago. Hindi sila naniniwala na ang Diyos ang susi sa lahat ng ito kasi hindi naman nila kilala ang tunay na Diyos. Kaya I encourage you to undergo the 7-weeks challenge para mas makilala mo ang Diyos para mas maintindihan niyo ang tunay na pagbabago na hinahanap ng mundo.” litanya ng speaker kanina.

All in all, sulit din ang oras na ginugol ko para makapunta rito kasi sobrang dami ko namang natutunan.

At true enough, natuloy ang 7-weeks challenge namin ni Bryan. Tuwing Biyernes pagkatapos ng Psychology class kami nagkikita para pag-usapan ang change. Ewan ko ba, tuwing Biyernes, ang dami ko na namang bagong bagay na natutunan. Siyempre, hindi ko naman din lahat naiintindihan. Pero willing akong matuto. Minsan nga, pakiramdam ko, ang churchy ng pag-uusap namin. Pero nakakatuwa lang na sa bawat linggo na magkikita kami, narerealize ko na wala namang churchy at non-churchy. Nakadepende naman kasi yun sa kung papaano mo iintindihin ang sinasabi ng isang tao sa iyo.

At ngayon, mas naiintindihan ko na ang salitang change kasi mas nakikilala ko ang Diyos na kayang magbago ng buhay.

Siguro, dahil masaya ang nagyayari sa akin nitong mga nakaraang linggo. Dumating ang isang dagok sa buhay ko.

Kakatapos lang namin mag-usap ni Bryan ng maisipan kong umuwi ng bahay ng maaga kaso pagkadating ko, parang nalimutan ko lahat ng natutunan ko tungkol sa pagbabago. Kasi parang umulit na naman ang problema sa buhay ko.

Naabutan ko sina Mama at Papa na nagaaway kasi sinasaway ni Mama si Papa sa pag-inom ng alak. Inaaway din ni Papa si Mama kasi halos hindi na siya umuuwi galing trabaho. Lagi na lang silang galit sa mundo, hindi na halos makausap kasi may kanya-kanya silang problema. Dati, kapag naabutan ko silang nag-aaway, palagi ko na lang silang hinahayaan at nagkukulong ako sa kwarto.

Pero ewan ko ko ba kung anong sumapi sa akin at bigla kong binagsak ang gamit ko sa sala. Siguro, sawa na akong ganito palagi ang buhay ko.

“Hindi po ba talaga kayo titigil?!” sigaw ko sa kanila. “Palaging ganito na lang dito ah! Gusto niyo bang pati ako mawala na dito para lang tumigil kayo? Hindi pa ba sapat ang pagkawala ni Leo para lang magtino kayo pareho!?”

Tiningnan lang nila ako. Akmang iimik si Mama nang nagsalita ulit ako.

“Ilan pa po ba sa pamilyang ito ang gusto niyong mawala bago maging matiwasay ang bahay na ito?” Hindi naman sila maka-imik sa tanong ko kaya nagsalita ulit ako.

“Alam niyo ba, nakakapagod ng ganito. Nakakapagod po na paulit-ulit na may nag-aaway dito. Mama, Papa, mahal ko po kayo kaso nahihirapan na po ako na palaging ganito sa bahay. Sa tingin niyo po ba, matutuwa si Leo na nung buhay pa siya, palagi na kayong nag-aaway, lalo pa po kaya ngayon? Na wala na siya? Hahayaan niyo po bang may magka-cancer pa ulit dito sa atin bago lang tayo magkaayos-ayos!?”

Hindi ko napigilang lumuha. Wala eh, malakas pa rin ang kapit ng memorya ni Leo sa amin eh. Naalala ko tuloy yung huli niyang bilin sa akin sa ICU bago siya mawala.

Ikaw na ang bahala kina mama at papa ‘pag nawala na ako ha? pagbibilin ni Leo dati.

Wag ka ngang magsalita ng ganyan. Gagaling ka pa eh. Tuktukan kaya kita? babala ko.

Kahit na. Alam ko, mahirap ang sitwasyon natin ngayon, si mama, busy sa trabaho niya. Samantalang si papa, napakaraming bisyo. Kung ‘di nga lang ako nakaratay ngayon, wala sana sila rito eh. Pero mas lalo pang hihirap ang sitwasyon kapag nawala na ako. Sorry ha? Sorry kung hindi na kita masasamahan ha? sabi niya habang umiiyak.

Wag ka ngang magdrama dyan tol, parang baliw eh, sagot ko na naiiyak.

Basta, kung ano man ang mangyari sa akin, nagpapasalamat ako na naging kapatid kita. Kung bibigyan man ako ng Diyos ng pangalawang buhay, pipiliin kong maging kapatid mo ulit. Kuya, ikaw na ang bahalang magbago sa pamilya natin ha? pagpapaalala niya sa akin.

Hindi talaga mawala sa akin ang huli naming pag-uusap ni Leo kasi alam kong hanggang ngayon, hindi ko naman nagagawa ang bilin niya sa akin. Tatlong taon na ang nakakalipas pero wala pa ring pagbabago sa pamilya namin.

Kung si Leo kaya ang nasa posisyon ko, posible bang iba ang nangyayari ngayon?

“Sorry po at nasabi ko yun,” paumanhin ko. “Pero alam niyo po ba, madalas kong iniisip na sana, ako na lang yung nawala at hindi si Leo? Kasi parang patay na lang din naman ako sa inyo eh. Mas mahalaga sa inyo ang pag-aaway niyo. Tsaka feeling ko po, mas may magagawa siya para mabago ang pamilyang ito kesa sa akin eh.”

Huminga muna ako ng malalim bago ulit magsalita. “Sana po, ‘wag nang umabot sa panahon na kung saan matutunan lang nating mahalin ang isa’t isa kapag alam nating wala na tayong pagbibigyan nito. Kasi po, sa totoo lang, nahihirapan na po akong mahalin kayo. Hindi ko na makita ang sarili ko sa inyong buhay kasi parang may sarili na kayong mundo.”

Bumuhos na lang din ang totoo kong nararamdaman kasi tatlong taon ko rin itong tinago kaya ko nasabi ang lahat ng iyon. Hinayaan ko naman silang manahimik sa sinabi ko at lumabas ako ng bahay at bumalik sa school.

Konti na lang ang tao kaya hindi ako nahirapang makahanap ng pwesto. Naabutan ko naman si Bryan na gumagawa ng assignment habang nakaupo sa pwesto namin tuwing nag-uusap.

“Pwedeng tumabi?” tanong ko sa kanya sabay upo sa tabi niya. Hindi naman na siya nagulat kasi ganun palagi ang tanong ko kapag naabutan ko siyang nakatambay kung saan.

“Akala ko ba, uuwi ka na? Maaga pa tayo bukas. Mahalaga ang Life Retreat. Bawal ang ma-late.” paalala niya.

“Parang ayaw ko munang umuwi.”

“Ano bang nangyari?” tanong niya habang patuloy na nagsusulat.

“The usual.” sagot ko. Hindi na ako nag-dalawang isip na ikuwento lahat ng nangyari kanina. Simula kasi nung nagsimula kaming mag-undergo ng 7-weeks challenge, hindi na naging mahirap sa akin ang pagkukwento ng buong buhay ko at mga kadramahan ko sa kanya. Ewan ko ba, siguro alam ko na may malawak siyang pang-unawa kaya alam kong hindi niya ako huhusgahan.

Nang matapos ko ang kwento ko, binitiwan niya ang ginagawa niyang assignment at tumingin siya sa akin.

“Eh anong plano mo ngayon?”

“Ewan.” sabi ko habang nakatulala sa langit. “Siguro hindi na lang muna a-“

Nagulat na lang ako nang bigla niya akong tinuktukan ng mahina sa ulo ko. “Wag mong sabihin na hindi ka na dun uuwi? Baliw ka ba? Magulang mo pa din sila.”

“Nakakasawa na kasi. Pa-“

“Sa tingin mo ba matutuwa si Leo kapag nalaman niyang ganyan ang naiisip mo?” tanong niya na nagpatigil sa akin. Nanahimik na lang ako.

“Sa tingin ko ha. Kaya ayaw mong umuwi sa bahay niyo hindi dahil nagsasawa ka. Sa totoo lang, natatakot ka.”

“Saan naman?”

“Natatakot ka lang sa mga susunod na mangyayari pagkatapos ng pag-uusap niyo. Natatakot ka lang sa pagbabagong mangyayari in the near future.” sagot niya na parang kilalang-kilala na niya ako.

“Ha?”

“Well, normal namang matakot sa pagbabago. Malamang, kapag inangkin mo na ang change, aalis ka na sa comfort zone mo. Kasi tatanggalin ka nito sa usual mong spot sa buhay. Kaya konti lang ang totoong nakakahanap ng change kasi kaya nitong basagin ang mundong ginagalawan ng naghahanap dito. Baka nga kaya mo ngayon lang nasabi sa magulang mo yung totoong nararamdaman mo kasi unconsciously, gusto mo nasa comfort zone lang. Kaya hinahayaan mo silang mag-away na lang kasi sa totoo lang, baka playing safe ka. Kaya ka natatakot na umuwi sa inyo kasi alam mong may magbabago pag-uwi. For better or worse.”

Hindi naman ako nakasagot sa litanya niya. Siguro, tinamaan nga ako sa sinabi niya. Wala eh, baka all this time, kaya hindi nagbabago ang buhay ko kasi natatakot akong baguhin ito kasi aalis na ako ng comfort zone.

Matagal naman kaming nanahimik pagkatapos niyang magsalita. At nang nakahanap na ako ng salita, nagkomento ako sa sinabi niya.

“Kilala mo na talaga ako noh?” tanong ko habang natatawa.

“Hindi naman masyado. I’m just speaking of my experiences. Ganyan din kasi ako dati eh. If you want something you never had, then do something you haven’t done. If you want to have the change that bad, then do something to acquire it before it’s gone. Kapag may change, aalis ka ng comfort zone mo. Kapag nakaalis ka na rito, may growth. At kapag may growth, may life. Ganun lang.”

“Eh ano ba ang dapat kong gawin ngayon?”

“Edi, umuwi ka na muna. Pahupain mo muna ang sitwasyon. Tapos magprepare ka na para bukas para sa Life Retreat kasi malaking pagbabago ang magaganap dun.” sabi niya nang nakangiti.

Tumawa naman ako at sumagot ng “Sige. Aalis na ako. Salamat sa payo.”

Umalis naman na ako at umuwi para makapag-ayos na para bukas. Hindi ko na naabutan sina Mama at Papa na gising. Gabi na din kasi nung nakauwi ako. Di ko rin sila naabutan nung umaga kasi maaga akong umalis kasi sa Cavite pa yung Retreat.

One word to describe Life Retreat: Surreal (GRABE!!!).

Wala eh, wala akong masabi, basta, na-magnify ang buhay ko. Hindi sapat ang kahit anong salita para lang ilarawan ang Life Retreat.

Pagkatapos ng Life Retreat, minabuti kong kumain muna sa fastfood para kumain ng hapunan. Hindi ko na naabutang gising sina Mama at Papa kaya pumasok na lang ako ng kwarto at nag-ayos bago ako matulog. Nakahiga na ako sa kama nang makita ko ang picture frame ni Leo.

Sa unang beses, may ngiti sa aking pagtulog nung nakita ko ang larawan ng kapatid ko.

Pagkagising ko, naabutan kong naghahain si Mama. Samantalang si Papa ay umiinom ng kape. Nagulat ako kasi Lunes ngayon at normal na wala sila rito. Napansin naman nila at biglang nagsalita si papa.

“Oh, anong oras ka umuwi? Ginabi ka na naman ah.” tanong ni Papa.

“Mag-ingat ka naman sa pag-uwi, maraming masasamang loob sa labas.” pagpapaalala sa akin ni Mama.

Ewan ko kung anong sumapi sa akin pero nung nakita ko silang nakatingin sa akin, naalala ko lahat kung papaano nila ako tulungang gumawa ng assignment nung bata pa ako. Kung papaano nila ako tinuruang kumain ng gulay nung maliit pa ako. Kung papaano sila sumabay sa akin sa pag-iyak sa ICU nung namatay si Leo at kung papaano nila ako minamahal araw-araw kahit may mga oras na kung saan nababalewala ko lang yun kasi nakakulong lang ako sa sarili kong mundo.

Dahil sa Life Retreat, tuluyan nang nabasag ang mundong minsan kong ginalawan.

Hindi ko napigilan ang sarili ko. Umiyak ako sa harapan nila. Nagulat naman sila kaya biglang pumunta sa akin si mama. Niyakap ko siya. Tumingin naman ako kay Papa at tumango lang siya habang nakangiti sa akin.

Dito na magsisimula ang pagbabago.

“Ano nang plano mo ngayon?” pang-limang tanong sa akin ni Bryan.

“Ang kulit. Hindi ko pa nga alam,” sagot ko habang tumatawa.

Kasalukuyan kami ngayong nasa pwesto namin sa 6th floor. Kakatapos lang namin mag-usap. Kanina ay sinabi sa akin ni Bryan na approved na ang Certificate of Candidacy niya kaya nag-aasikaso na ito ng pag-graduate niya. Malaking pagbabago na naman daw ang magaganap sa buhay niya pero alam na niya ang gagawin niya. Kaya tinatanong niya ako kanina pa kung anong plano ko pagkatapos ng Life Retreat kasi yung gagawin ko daw pagkatapos ng pagbabago ang isa sa pinakamahalagang magagawa ko sa buhay ko.

May punto naman siya.

Siguro dahil sa pag-iisip, tumayo ako sa aking upuan at pinagmasdan ang papalubog na araw sa kaliwa. Habang sa baba naman ay kita ko ang mga estudyanteng naglalakad pauwi.

Dati, naiinggit ako kasi buti pa sila, naggagawa nilang tumawa na walang problema. Pero ngayon, natutunan ko na hindi lahat ng tawa ay totoo. Hindi lahat ng taong nagpapakilala sa una ay may simpleng buhay.

Siguro dahil sa mga napagdaanan ko, kaya kong sabihin na kahit nagsisitawanan na parang walang problema ang mga tao sa paligid ko, marami pa rin sa kanila ang kagaya ko dati. May mga sariling mundo at naghahanap ng bago sa buhay nila.

Aminin man natin o hindi, maraming nangangailangan ng pagbabago para magtuloy-tuloy ang buhay natin. Gusto ko ding mag-reach out ng maraming tao kagaya ni Bryan na tumulong sa akin para mapatigil at basagin ang mundong ginawa ko.

Dahil sa pag-iisip, nabaling ang tingin ko sa estudyante sa kanan ko at nakita ko itong nagbabasa ng isang blog.

Bigla na lang akong natawa sa naisip ko.

“Oh anong nakakatawa?” tanong ni Bryan.

Kumuha ako ng ballpen at papel para magsulat. Ewan ko ba, parang may sariling buhay ang kamay ko kasi kung anu-ano na lang ang nasusulat ko.

“Ginagawa mo?” pang-aasar ng kausap ko sa akin.

Napatingin ako sa kanya at biglang kong naalala yung pag-uusap namin dati tungkol sa pagbabago.

Maraming naghahanap ng pagbabago, alam mo ba yun? tanong ni Bryan sa akin dati. Kaya maraming naghahanap sa pagbabago hindi dahil gusto nila na may thrill o may kakaibang pwedeng gawin. Kaya nila yun hinahanap kasi unconsciously, nawawala na talaga sila. Hindi na nila alam kung saan sila pupunta. Ganun talaga kapag nawawala ka sa buhay, hahanap ka ng bago para gawin itong palatandaan pag nawala ka ulit. Pero pag nahanap mo na yung change, marerealize mo na lang na hindi lang yun isang palatandaan sa paglalakbay mo sa buhay. Yun pala yung bagay na tutulong sa iyo para malaman mo kung saan ka pupunta.

Natawa na lang ako sa naalala ko kasi nalaman ko na ang dapat na maging tema ng sinusulat ko.

“Nagsusulat ka pala ng kwento?”

“Sakto lang.” sagot ko habang nagsusulat. “Hobby ko lang ito dati, hindi ko naman alam na magagamit ko pala ito sa mas malaking bagay!”

“Tungkol saan yan?”

“Sa mga hindi alam kung saan na ba talaga sila pupunta.” sagot ko habang patuloy na nagsusulat.

“Anong title niyan?”

Napatigil naman ako sa pag-susulat at napaisip kung ano nga ba ang magandang title. Nang nakaisip na ako ng magandang title, isinulat ko ito sa aking notebook na mabilis naman niyang tiningnan para mabasa.

Destination: Unknown ang title?” tanong niya. “Ang angas ah!”

“Siyempre, maangas ang nagsusulat eh!” pagsang-ayon ko.

Napatingin ulit ako sa mga estudyante at narealize ko na, minsan, nakakulong tayo sa sari-sarili nating mundo kaya wala na tayong pakialam sa mga tao sa paligid natin. Kaya gagamit ang Diyos ng kahit anong sitwasyon o bagay para tumigil ang ating “mundo”.

Maliit man o malaki. Pwedeng gamitin ito ng Diyos para lang mabago ang buhay ng tao.

Sa akin nga, nagsimulang tumigil ang aking mundo nung umulan at nakakita ako ng eraser eh.

Malay mo ikaw, isang libro sa blog ang magpatigil sayo, ‘di ba?

-END

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s