Kanser Series

Ngayon, Kung Saan Walang Naayon

KANSER Series: Part 4

 

Hindi dati naniniwala si Fred sa chain letters pero mukhang dahil dun, ramdam na niya ang epekto ng hindi pagpasa sa sampung tao ng chain letters na nabasa niya. Siguro, hindi siya naniniwalang mayroong swerte, ang alam niya lang ay puno ng kamalasan ang buhay nya.

Bakit nga ba ganito ako kamalas sa buhay?

Yan ang naisip ni Fred habang nakikita niya sa windshield ang paglapit ng kanyang humaharurot na sasakyan sa poste ng ilaw para iwasan ang nakasalubong nilang truck.

“Sorry,” sabi ni Fred sa katabi niya nang hindi lumilingon.

Pagkasabi niya nun, bumangga na sila at nawalan sila ng malay.

 

 

Nagising si Fred sa classroom nila nung highschool sila. Hindi nga niya mawari kung papaano at bakit dun siya napunta. Tumingin siya sa paligid para makahanap pa ng ibang tao bukod sa kanya kaso bigo siya. Dahil sa kalituhan sa nangyayari, hindi niya sinasadyang mapatingin sa projector at sa nilalabas nito sa board.

Labing-limang panaginip.

Ganyan ang naka-display sa projector. Bago pa man niya lubusang isipin ang nakalagay dito, may nagsalita sa likod niya.

“Oy Fred, umalis ka nga dyan. Nakaharang ka eh!” sabi ng isang pamilyar na boses.

“Fred, upo ka na. Manonood na tayo ng Iron Man,” sabi ng isa pang boses na pamilyar sa kanya.

Pagharap ni Fred ay nakita niya ang kanyang mga kaklase na nakaupo at nakatuon ang atensyon sa harapan. Dun niya napagtanto na sila Marco at Apollo na ka-tropa niya ang nagsalita kanina. Napansin rin niya na nakatingin sa kanya na parang nakaabang si Lily at Maia sa kanyang gagawin. Samantalang tahimik na nagbabasa sa gilid ng classroom si Phillip.

Tumingin ulit siya sa board at nagtaka kasi sa halip na Iron Man ang nakapalabas, buong buhay ni Fred ang nandito na akala mo’y nilagyan ng cctv ang lahat ng nangyari sa buhay niya. Bigla siyang hinigop papasok ng TV.

At dito niya nasaksihan ang buhay niya kung saan wala laging umaayon sa kanyang mga kagustuhan.

 

#1

 

“Siya talaga ang gusto mo?” natatawang tanong ni Marco kay Fred pagkatapos ituro nito ang crush niya.

“Isang kanta lang pre. ‘Out of My League’ ni Stephen Speaks,” pang-aasar ni Apollo.

“Sigurado ka ba sa sinasabi mo?” panggagatong ni Phillip habang nagbabasa sa gilid nila ng Chemistry kasi may exam sila dito mamaya.

Hindi naman napigilan ni Fred na sumimangot.

“Tatanong-tanong kayo kung sino tapos sabay mang-aasar. Salamat ha,” reklamo ni Fred.

Hindi na nga napigilan ni Marco na tumawa. “Kasi naman. Aasa ka pa ba kay Jem? Mataas standards nun!”

“Anong ibig mong sabihin, mababa lang ang class ko?” tanong ni Fred.

“Wala akong sinabi ha,” sagot ni Marco habang kumakain ng Mr. Chips.

“Pwera biro, paano naman si Maia? May gusto yun sa iyo ah,” paalala ni Apollo.

“Ha?!” sagot ni Fred habang mukhang nasusuka. “Asa naman. Mas astang lalaki pa nga yun sa akin eh!”

Tumawa naman ang tatlong kausap niya. Hindi na din napigilan ni Fred na tumawa sa sinabi ni Apollo.

Malabong mangyari yun, malabong malabo, isip-isip ni Apollo.

 

#2

 

“Tumabi ka nga!” sigaw ng isang babae sa gilid niya.

Nagulat naman si Fred kasi unang araw pa lang niya ng pagpasok sa highschool ay may makakaaway agad siyang ibang bata. Ang malala, babae pa na parang mas maangas kumpara sa kanya. Papunta kasi siya ng canteen para bumili ng meryenda nang biglang may marahas na taong nakipag-unahan sa kanya na buksan ang pintuan sa canteen. Kundi lang nakapalda at naka ipit ang buhok ng kausap niya, baka akalain niyang lalaki ito.

“Sorry,” sabi na lang niya.

Inismidan na lang siya ng babae. “Paharang-harang kasi eh. Pag ako naunahan, ay nako!” dire-diretso niyang sabi sa lalaki habang naglalakad papasok sa loob kaya hinayaan na lang niya itong mauna sa kanya.

Pagkabili ni Fred ng pagkain, napagdesisyunan niyang pumunta sa playground kasi dun siya matiwasay na makakakain. Ang saya na ng pagkain niya doon nang may marinig siyang iyak sa likod ng slide. Kaya naman nataranta siya kasi akala niya ay may multo.

Ang umiiyak pala ay yung kaninang maangas na babae. Tumingin naman ang lalaki sa Oreo na nalaglag sa lupa. Sa loob-loob ni Fred ay natatawa siya kasi cookies lang pala ang magpapaiyak dito.

“Oy. Wag ka ngang umiyak dyan. Ang laki-laki mo na eh,” sermon ng lalaki. Doon lang siya napansin ng babae pagkatapos magsalita ni Fred. Halata sa mukha nitong nagulat na nahihiya, na mabilis namang sumimangot at kumunot ang noo.

Akmang iimik ang babae ng biglang inabot ni Fred ang Oreo na nasa bulsa niya.

“Iyo na lang oh, hindi naman ako mahilig sa matatamis,” alok niya na mabilis sa kanyang nakuha ng babae.

“Wow. Salamat ha,” sarkastikong sabi ni Fred habang umupo sa duyan na malapit sa slide.

Kumain muna ng isang pirasong Oreo ang babae bago ito nagsalita ng, “Sorry naman classmate, favorite ko yan eh.”

“I-Sampaguita ka din?”

“Malamang. Classmate nga eh,” pambabara nito. “Ikaw si Fred diba?” dagdag niya.

“Uh. Oo,” alanganing sagot ni Fred habang pinagmamasdan ang babae na parang nahihiwagahan kasi hindi niya maalala na may kaklase pala siyang maton. “Ikaw anong-”

“Maia,” pagputol niya sa tanong ng lalaki. “Pero nanay ko lang ang tumatawag sa akin niyan. ‘Aya’ na lang,” sabi niya habang kinakainin ang natitirang cookies.

“Okay sige,” pagsang-ayon ni Fred. “Maia.”

Inirapan naman siya ng babae at akmang tatayo. Akala pa nga ni Fred ay sasapakin na siya nito. Buti na lang ay nilagpasan siya. “Oh anong tinitingin-tingin mo dyan? Tara na. Malelate tayo sa Filipino.”

Tumayo na rin siya at sumunod sa kanya pabalik ng classroom.

Wow wala man lang salamat sa pag-bibigay ko ng Oreo, isip-isip ni Fred. Ayaw pa naman niya sa taong mga ungrateful. Kaya pinapangako niya sa sarili niyang iiwasan na niya si Maia.

 

#3

 

Hingal na hingal sila Fred habang nakaupo sa may waiting shed na madalas nilang tambayan malapit sa swimming pool ng school nila. Kakatapos lang kasi nilang maglaro ng basketball kasama ang kapatid ni Apollo na si Silver. Kasama rin nila ang ka-tropa nito na sina si Joseph at Rico na pinsan ni Marco na nagpapahinga rin sa tabi nila. Ang tahimik nilang pagpapahinga dun ay biglang binasag ng sigaw ni Rico.

“Makakain sana ng tae yang IV-Acacia na yan!” sigaw ni Rico habang nakatingin sa mga rooms ng highschool sa ibaba ng burol.

“Oh easy lang boss,” sabi ni Silver na natatawa sa asta ng kaibigan niya.

“Pero may point si Kuya Rico eh,” pagsang-ayon ni Apollo. “Ang bargas nilang maglaro. Kaya tayo natalo eh.”

“Sus,” pag-epal ni Marco. “Ikaw din kasi, taeng-tae ka maka-shoot eh dalawa ang bantay mo.”

“Epal din tong si Joseph, di marunong mag-dribble. Kaya naaagawan eh,” reklamo ulit ni Rico kay Joseph na parang may iba pang kahulugan.

“Kaya nga, dapat palitan na natin si Joseph!” panggagatong ni Silver na tumatawa. Ilang segundo pa ay humarap ito sa kapatid niya at nagsalita ulit. “Oy Apollo, diba may katropa pa kayong isa? Isali niyo minsan sa laro yun.”

“Nako, asa pa kay Phillip. Hindi nga yun naglalaro eh. Puro aral yun. Gusto nun maging perfect,” sagot ni Apollo.

Tumayo si Rico sa kinauupuan niya at tumingin sa tanawin sa baba ng burol. “Nako. Mahirap yung ganung klase ng tao na perfectionist. Minsan, sa pagpipilit mong maging perfect ang ginagawa mo, macocompromise naman ang oras mo. Ang malala, sisisihin mo pa sarili mo kasi hindi mo na-perfect ang isang bagay. Dapat moderate lang lahat. Seek excellence, not perfection. Kung excellence kasi, malay mo ma-perfect mo pa yun. Ah ewan ko!”

Nanahimik naman ang lahat sa sinabi ni Rico. Ilang saglit pa ay nagsalita na si Silver, “Naks. Deep mo boss. Kung sana nilalagay mo yun sa diary mo, hindi ka na sana papagalitan ni Ms. Liwanag!”

“Asa ka pang susulatan ko yun. Wala namang hindi naka-graduate dito na hindi nagsulat ng diary na yun!” sabi ni Rico.

Tinawanan na lang nila ang sinabi ni Rico. Maya maya pa’y nagsimula na silang maghiwa-hiwalay kasi pupuntahan pa nila yung iba nilang kaklase sa room. Ang iba naman ay uuwi na.

Habang pababa sila Fred sa burol, napatingin ulit siya sa may waiting shed at inalala ang sinabi kanina ni Rico na, Sa pagpipilit mong maging perfect ang ginagawa mo, macocompromise naman ang oras mo.

Haynako, Fred. Gutom lang yan. Wag mo nang isipin yun, isip-isip niya.

 

#4

 

“Tinatamad na akong magsaulo,” reklamo ni Fred habang nakahiga sa sofa nila Lily.

“Eh ano pa ako? Wala nang pumapasok sa utak ko!” reklamo rin ni Marco na nakaupo sa beanbag.

“Econ at Trigo ang exam natin sa first day, diba?” tanong ni Apollo habang nagbabasa ng notes niya.

Nasa bahay kasi sila ni Lily para mag-review kasi exams na nila next week. Napilitang mag-cram ang barkada ni Fred kasi hindi sila nakapag-review last week at kakatapos lang ng Foundation Day nila.

“Wag nga kayong maingay please! Nagugulo ang utak ko sa inyo,” utos ni Lily. “Pati Pre-Calc kasama sa 1st day, Apollo.”

Nabaling naman ang tingin ni Fred kay Phillip na himalang nanonood lang ng kung anu-anong mga videos sa youtube gamit ang desktop ni Lily.

“Aba, himalang walang hawak na libro si Phillip!” pang-aasar ni Fred. “Ikaw na hindi nagka-cram!”

Humarap naman si Phillip sa pumansin sa kanya. “Tapos na kasi akong mag-aral last week. May bakante kaya tayo nung Valentines day. Kayo itong ang daming ganap nun eh.”

Iimik na sana si Fred nang biglang dumating si Maia na dala ang luto niyang kaldereta. “O kain na kayo dyan, mga patay-gutom!” anyaya niya.

Nagmadali naman silang kumuha ng plato at kanin para makakain kasi alam nilang lahat na masarap magluto ang maton nilang kaklase.

“In fairness girl,” sabi ni Lily habang kumakain. “Pwede ka nang magtayo ng restaurant.”

“Nek nek mo, nakakatamad kayang magluto,” sabi ni Maia. “Mas trip ko pa ring mag teacher noh.”

Humarap si Fred kay Maia at nagsalita. “Tatakutin mo lang mga estudyante mo eh.”

“Asa!”

“No offense Maia ah, wala akong natutunan nung nag-report ka sa Econ last month. Puro pandidilat lang ang ginawa mo dun,” epal ni Apollo.

“Paano ba naman, tinutulugan mo ako eh!”

Bago pa man sumali sa usapan si Fred, biglang humirit si Lily na nagpagitla sa kanila.

“Hoy Liliana! Makasigaw! Wala akong nilagay na ipis dyan!” defensive na sabi ni Maia.

Hindi naman natinag si Lily na binabasa ang text sa phone niya. “Guys! May result na ang UPCAT at ACET!”

“Ha?!” sabay-sabay nilang sabi. Nagsitakbuhan sila sa laptop ni Apollo at desktop ni Lily para malaman kung nakapasa sila. Nag-entrance exam kasi sila Apollo, Lily, at Phillip sa UP, UST, La Salle, at Ateneo. Samantalang si Marco ay sa Ateneo at UP lang. Si Maia at Fred ay sa UP lang nag-exam.

“Uy Maia, paano pag hindi tayo nakapasa? Saan na tayo pupulutin nito?” tanong ng kinakabahan na si Fred.

Tinuktukan ni Maia si Fred sa ulo. “Wag ka ngang manakot ngayon!”

“Pasa ako! Woo hoo!” biglang sigaw ni Marco.

Tumingin naman si Apollo sa screen at binasa. “Naks. Accountancy oh. Ikaw na Arrheneyo!”

“Eh ikaw Apollo?” tanong ni Fred.

“Hindi eh. Pero okay lang, naasikaso ko na forms ko sa UST.”

Iimik sana si Marco nang biglang sumigaw si Lily. “Guys! Pasa rin tayo sa UP!”

Kay Lily naman nabaling ang atensyon nila. Tumakbo sila sa babae at binasa ang nasa desktop. Pumasa nga si Lily sa UP Manila, sa course na Industrial Pharmacy.

“Phillip Diaz, UPLB, Electrical Engineering,” malakas na basa ni Marco. “Naks! Angas ng course mo tol!” Halata naman kay Phillip na natuwa siya sa course niya.

Biglang sinuntok naman ni Maia si Fred sa braso habang nakatingin ito sa desktop. “Aray! Ano b-”

“Fred Dela Cruz, UP Diliman, Secondary Education!” sigaw ni Maia.

“Seryoso ba yan?!” tanong ni Fred na tila nahawa sa excitement ni Maia.

“Uy ikaw din, Maia. Pasa ka sa UP Diliman,” sabi ni Apollo sabay pakita ng laptop niya. Hinablot naman ni Maia kay Apollo ang laptop niya na parang hindi makapaniwala.

“Gosh! Pasa nga ako, parehas kami ni Fred!” sabi ni Maia na naiiyak na sa tuwa.

Para silang baliw sa oras na yun na talon ng talon sa tuwa. Wala eh, pakiramdam siguro nila ay may patutunguhan na ang buhay nila.

Pagkatapos humupa ng sitwasyon, nagsalita si Phillip. “So this is it, this is college.”

At binalot na sila ng matalinhagang katahimikan. Nawala tuloy lahat ng inaral nila.

 

#5

 

Matalim pa rin ang tinginan nila Marco at Fred sa isa’t isa nung nagkita sila sa bahay ni Apollo kasi birthday ng mama niya. Bigla kasing hinampas ni Marco si Fred ng gitara sa hindi malaman na dahilan nung nakaraang linggo. Ang pagkakatanda ni Fred ay nag-uusap lang sila ni Apollo tungkol sa basketball. Kaya nagulat na lang sila na ang sinabi ni Marco sa guidance na tungkol sa kanya yung pinag-uusapan nila Fred. Pagkatapos ng isang linggong suspension nila, ngayon lang ulit sila nagkita-kitang magbabarkada para palamigin ang sitwasyon.

Naputol ang tinginan nila nang bigla silang batukan ni Maia. “Itigil niyo na nga yan. Mukha kayong timang,” pagpuna niya sa dalawa. Umalis ang babae at pumunta sa nanay ni Apollo. Kumuha na si Fred ng pagkain. Samantalang si Marco ay pinuntahan si Phillip.

Mag-isang kumakain sa likod-bahay si Fred nang bigla niyang marinig si Maia sa likod niya, “Nasa music video ka ba? Lakas maka-senti ah.”

Hindi na lang pinansin ni Fred ang pang-aasar ng kaibigan niya at pinagtuunan niya na lang ng pansin ay ang ilog sa ibaba. Umupo si Maia sa tabi niya at kumuha ng pagkain sa plato ni Fred.

“Alam niyo, para kayong baliw mag-away. So ano, wala kayong pansinan?”

“Ha? Sira. Iba ang iniisip ko,” sagot ni Fred habang nakatingin pa din.

Saglit na tumingin si Maia sa kausap niya at halatang kabisado na niya ang utak ni Fred base sa itsura nito. “Bakit yun na naman?” tanong niya na halata namang alam ni Maia ang sagot.

Tumango lang si Fred. “Ang hirap kasi. Ako kasi yung niloko. Hindi ko nga-”

“Alam kong kaya mo pang magpatawad, Fred.” pagtutuloy ni Maia. Tumingin naman si Fred sa nagsalita.

“Hoy. Iba ang niloko sa pinaglihiman. I don’t mean to be harsh and insensitive pero bakit ganun, pag ba nagkamali, hindi na pwedeng manghingi ng tawad? Wala namang perfect dito eh. Fine. Mabigat yung issue sa inyo. Pero please, huwag kang gumaya sa ginawa ko dati,” malungkot na sabi ni Maia.

Sa halos apat na taon na naging kaibigan niya si Maia, ngayon lang niya itong nakitang mahina. Hindi siya sanay na makita itong paiyak na parang may dinadamdam.

“Ang mahalaga, may nagmamahal sa iyo. Huwag mong hayaan na dumating ang oras na kung saan marerealize mo kung gaano sila kahalaga sa panahong wala na sila. Mahirap magpakatapang mag-isa, I tell you,” malalim na sabi ni Maia sabay kuha ng oreo niya para kainin.

“Ang hilig mo talaga sa oreo noh?” pag-iiba ni Fred ng usapan. “Kaya ka tumataba eh.”

“Kapal mo ha,” sagot ni Maia. Ngumiti siya habang pinagmamasdan ang oreo. “Eto na lang kasi yung huling naalala kong binigay sa akin dati ng nanay ko.”

“Ha?” tanong ni Fred. Hindi naman sumagot si Maia.

Bihira nila kasing pag-usapan ang buhay ni Maia. Ang pagkakaalala lang ni Fred sa kwento ng babae ay hindi na niya nakilala ang papa niya. Samantalang maliit pa lamang ay iniwan na rin siya ng mama niya.

Kumagat si Maia ng oreo bago magsalita ulit ng “Huwag mong hayaan na tanging Oreo na lang ang maalala mo sa lahat ng binigay ng mga tao sa paligid mo. Mahirap yun.”

Hindi na lang umimik si Fred.

 

#6

 

“Saan ka na ba?” iritableng tanong ni Fred sa kausap niya sa phone. Lumabas naman siya ng kotse na hiniram niya sa papa niya at sumandal sa pintuan nito para makalanghap ng hangin.

Nagbabalak kasi silang magkita nila Apollo. Birthday kasi ni Phillip ngayon at balak nilang bisitahin sa Los Baños ang kaibigan nila.

“Teka lang! Taeng-tae ka eh!”

“Hoy Maia, isang oras na akong nag-aantay dito. Abuso ka ha.”

“Wait nga kasi,” sagot ng babae sabay baba ng phone.

Sa totoo lang, dapat mag-aaral siya sa Math 54 kasi finals na nila next week kaso napasubo siyang sumama. Kaya ngayon, nandito siya sa Quezon Hall para antayin si Maia. Kaya siya naiirita sa babae kasi dadaanan pa nila si Apollo sa España.

Ilang minuto pang nag-antay si Fred nang dumating na si Maia.

Natatawa naman si Fred sa itsura ni Maia kasi halata sa babae na nagulat itong may sasakyan na si Fred. Dati na kasing nakukwento ni Fred na nag-aaral siyang magmaneho pero ayaw maniwala ng babae. Sinalubong naman siya ng sapak sa braso ni Maia.

“Nakuha mo na license mo?” tanong ni Maia

“Hindi ba obvious?” sagot niya sabay pakita ng kanyang lisensya.

“Kelan pa?” tanong ng babae habang sinisipat ang kotse.

“Last week lang.”

“Yaman!” sabi ni Maia sabay sakay sa loob ng kotse sa tabi ng driver. “Tara na!”

Sumakay na din si Fred at nagsimula naman siyang mag-drive papunta kila Apollo.

“Buti nasisingit mo ang pag-aaral mong mag-drive sa pag-aaral ha. Pabibo na kaya ang Philo 11!” sabi ni Maia.

“Since 4th year pa naman ay tinuturuan na ako ni papa na mag-drive, kaya nasanay na ako,” sagot ni Fred habang nakaharap sa manibela. “Tsaka mahirap? Balita ko kay Anne, nag-top ka raw sa prelims ah. Ako ang dapat magsabi niyan sa iyo. Mas mahirap naman major mong Physics kesa sa akin na hamak na Math lang.”

“Tsamba lang naman yung pag-top ko!” sagot ng babae. “Tsaka, nakakahiya naman sa iyo, University Scholar ka na naman pag natapos itong sem, pustahan.”

Hindi na lang niya sinagot ang babae at nag-focus na kang siya sa pagmamaneho dahil maraming kaskasero sa tabi nila.  “Anyways, buti na lang at nakuha mo na lisensiya mo, may instant driver na ako at ang barkada!”

Sumimangot naman si Fred. “Nek nek mo. Bahala kayo dyan.”

Hindi naman pinansin ni Maia ang reklamo ng lalaki. “Speaking of barkada. May balita ka ba kina Lily, Marco at Phillip? Umay na ako sa inyo ni Apollo eh!”

Umarte namang nalungkot si Fred at humarap kay Maia. “Ayaw mo na sa amin?” pagpapaawa niya.

Binira naman ni Maia ang ulo ni Fred paharap sa manibela. “Eyes on the road, mister. Kapag tayo nabangga, ibabato ko sa iyo yung gulong ng sasakyan!”

“Wala akong masyadong balita sa kanila. Si Phillip, kinain na ng LB. Nagpapakadalubhasa na sa circuits niya. Palaging MIA naman sina Lily at Marco nung nag-break sila last year.”

Biglang nanahimik si Maia na mabilis na napansin ni Fred. “Nanahimik ka dyan?” tanong ng lalaki habang nakatingin pa din sa labas.

“Wala lang,” malumanay na tono ni Maia na pinagtaka naman ni Fred. “Mahirap din pala yung ganung sitwasyon na kung saan naging magkaibigan muna bago naging magjowa. Kapag kasi nag-break, hindi lang pala yung relationship ang masisira. Kasama din yung friendship.”

Lalo namang nagtaka si Fred sa sinasabi ng kausap niya. “Yung totoo,” sabi na lang niya. “Anong nangyari sa iyo? Weird mo.”

“Ha? Wala lang naman.”

“Ah, in-love ka na no?” pang-aasar ng lalaki.

“Ano?!” bulyaw ni Maia sabay hampas niya sa tumatawa na lalaki. “Nag-conclude lang ako. Tapos in-love agad?”

“Baka may pumoporma na sa iyo ha?”

“Isa pang asar mo sa akin, jojombagin na kita.”

Tumawa lalo si Fred. “Kung sabagay, mas barako ka pa nga sa mga puporma sa iyo eh.”

“Che!” sabi ni Maia sa tumatawang si Fred na sa huli naman ay sinabayan na din niya ng halakhak.

 

#7

 

“Wala na naman ba?” tanong ni Apollo kay Fred.

“Walang sumasagot sa kanilang tatlo eh,” sagot ni Fred sabay baba ng kanyang telepono.

“Hindi na kayo nasanay sa tatlong yun,” sagot ni Maia habang kumakain ng cake.

Birthday kasi ngayon ni Apollo at sila na namang tatlo nila Maia ang magkakasama. Akala kasi nila’y sisiputin sila nila Marco kaso drawing pa rin.

“Ba’t ikaw lang mag-isa dito sa bahay mo, Apollo? Nasaan sila Tita?” biglang tanong ni Fred nang mapansin niyang walang masyadong ingay sa bahay ni Apollo.

“Mamaya pa sila babalik. May pinuntahan sila nila Kuya.”

Tumayo si Fred at pinagmasdan ang mga koleksyon ni Apollo ng Vinyl.

“Oh may vinyl ka na pala ng Viva La Vida?” biglang tanong ni Fred.

“Kelan ka pa naging fan ng Coldplay?” tanong ni Apollo na halatang gulat kasi ngayon lang siya nagtanong tungkol sa music.

“Nung nililigawan niya na si Tracy,” medyo inis na sagot ni Maia.

Napansin naman ni Fred ang pag-iiba ng tono ng babae.

“Ba’t parang galit ka? Selos ka ba?”

Binato ni Maia si Fred ng icing sabay sabi ng, “Wow, Feeling ka koya? Asa naman!”

Tumawa naman ang dalawang lalaki sa reaksyon ni Maia.

“Ayan. Tatawa ka, tapos kapag na-basted ka ni Tracy, iiyak ka na naman!” pagsabat ulit ng babae.

Akmang dedepensahan ni Fred ang sarili niya sa pang-aasar ng babae nang nagsalita ulit si Maia.

“Ay wait, di mo sure! Bakit? Kasi nung nalaman mo palang fan yung nililigawan mo ng Coldplay, todo research ka kasi sinabi mong fan ka nila kahit hindi naman! May common na, kaya may pag-asa na. Ang galeng!”

“Uy kalma ka lang,” pag-aawat ni Apollo sa nag-aalburotong babae.

Tumayo si Maia at akmang mag-wawalkout nang nagsalita si Fred.

“Oy ano bang problema mo?” naguguluhang tanong ni Fred. “Ba’t ang init ng ulo mo?”

“Eh ba’t ang manhid mo!?” sabi ni Maia.

“Ha!?”

“Ewan ko sayo!” sabi ni Maia sabay walkout.

Nagtinginan na lang ang dalawang lalaki sa kadramahan ni Maia.

“Ano bang problema nun?” tanong ni Fred na tinawanan lang ni Apollo. “Ano na naman?”

“Tama nga siya, manhid ka nga,” sabi ni Apollo habang umiiling. “Kain ka na muna, baka sakaling gumana na yung utak mo.”

“Ewan ko sa inyo. Ang gugulo niyo!” sabi ni Fred sabay kain ng cake para kalimutan ang nangyari.

Kaso mukhang mabibigo siya.

 

#8

 

“Sabi ko sa iyo eh, hindi worth it na habulin mo si Tracy,” pangangaral ni Maia kay Fred.

Hindi naman nagsalita si Fred. Nakita kasi nila si Tracy at ang ex nito na masayang nag-uusap sa Rodic’s na saktong tambayan din nila.

“Ano nang plano mo ngayon niyan?” tanong niya habang kumakain ng Oreo. Lumipat na lang sila sa Sunken Garden kasi nawalan si Fred ng gana na kumain sa Rodic’s.

“Hindi ko alam,” tipid niyang sagot.

Bakas naman sa mukha ni Fred ang kalungkutan sa nangyari kanina. Pinuntahan kasi nila si Tracy sa pwesto nila kanina at dun na mismo siya binasted ng babaeng niligawan niya ng halos dalawang buwan.

Panakip-butas lang pala siya.

“Dapat kasi hinayaan mo akong habulin siya, malay mo-”

“Na ano, bawiin niya yung sinabi niya? Fred, nag-walk out na yung tao. Pinahiya ka na. Ano pang hahabulin mo dun?”

“Kung mahal mo, hahabulin mo,” sabi ni Fred.

“Hindi lahat ng nag-walk out ay hinahabol,” malalim na sabi ni Maia.

“Pero papaano kapag mahal-”

“Ganyan ka naman kasi. Mahal mo lang yung mga bagay na wala ka. Kaya kapag nakuha mo na yun, babaliwalain mo lang ulit kasi may iba ka na namang hinahanap.”

Hindi naman makaimik si Fred. Nakatingin lang si Maia sa lalaki na tila nag-aantay ng sagot kaya nilamon sila ng katahimikan sa pwesto nila.

Nang walang makuhang sagot si Maia, bigla siyang umimik na ikinagulat naman ni Fred.

“Ah ewan ko sa iyo! Bahala ka na nga diyan!” inis na sabi ni Maia sabay tayo at alis sa pwesto nila.

Hindi tuloy alam ni Fred kung hahabulin ba niya ang nag-walk out niyang kaibigan o hindi na.

 

#9

 

“Bakit ganun?” tanong bigla ni Fred habang patuloy na pinapaharurot ang kotse niya. “Bakit kailangang ako lagi ang maghabol? Bakit ba lagi na lang ako yung nagmamakaawa ng pagmamahal sa ibang tao?!”

Hindi naman umimik si Maia kaya nagpatuloy si Fred. “Nakakagalit kasi. Buong buhay ko, palagi na lang akong naghahabol. Palagi na lang akong niloloko. Tapos ngayon, pinagtabuyan na naman ako. Bakit ganun ang ugali nila?!”

“Hindi naman kasi natin kayang kontrolin ang nararamdaman at iniisip ng tao,” sagot ni Maia.

“Pero kahit na, wala man lang ba siyang katiting na nararamdamang pagmamahal sa akin? Parang basura lang ako na tinapon niya eh,” tanong ni Fred habang lumuluha.

Hindi naman sumagot si Maia.

Tumawa ng pilit si Fred. “Kung sabagay, wala naman na talagang nagmamahal sa akin. Ba’t pa ako mag-eexpect?”

“Ano ba!” biglang sigaw ni Maia na parang hindi na niya napigilan ang sarili niya. “Walang nagmamahal sa iyo? Seryoso ka?! Nandito ako, nandito kaming nagmamahal sa iyo pero palaging yung mga wala sa iyo yung pinapansin mo! Bingi ka ba o manhid? Kailan mo ba marerealize na may mga taong totoong nagmamahal sa iyo?! Kapag ba nawala na din kami sa iyo?”

Hindi naman makasagot si Fred. Siguro hindi matanggap ng puso niya ang sinasabi ng katabi niya. Hindi na niya maintindihan kung ano ba talaga ang nangyayari sa kanya. Sa sobrang inis niya, bigla niyang niliko ang kotse at sa hindi inaasahan, may nakasalubong silang truck.

 

#10

 

“Last scene na ito Fred ha,” paalala ni Phillip na siyang direktor ng role playing nila sa kanilang project sa Filipino. Ang kanilang dula-dulaan ay tungkol sa isang lalaki na inip na inip sa buhay niya kasi walang umaayon sa gusto niya kaya gumawa siya ng gadget na kayang makapunta sa hinaharap. Yun nga lang, sa huling scene ay marerealize ng ginagampanan ni Fred na walang kwenta pala ang naging resulta ng buhay niya kasi hindi naman siya namuhay na nakaayon sa tamang oras.

Humarap si Phillip sa mga kaklase niyang nag-aayos ng props para sa last scene. “Okay guys, last scene na ito, go 2-1!”

Nag-cheer naman silang lahat. Pagkataas ng kurtina, nagsimula nang maglakad si Fred papunta sa unahan ng stage na umaarteng nalilito sa nangyayari sa paligid niya.

“Nasaan ako?” arte niya. Humarap siya sa kanyang kanan at nakita niya si Maia na nakangiti sa kanya pero nakatago sa mga mata nito ang kalungkutan.

“Nandito ka sa panahon na naging resulta ng lahat ng nangyari sa buhay mo,” arte ni Maia.

“Masaya ka ba?”

Umiling si Fred. “Sa totoo lang, kung kaya kong maibalik ang panahon, gagawin ko ang aking makakaya para mas mapahalagahan ko ang bawat segundo ng buhay ko.”

“Pwede naman eh.”

“Papaano?”

Tinuro ni Maia ang isang pintuan na props nila sa gilid. “Pumunta ka at buksan ang iyong mata para mabalikan mo ang iyong kasalukuyan, kung saan walang naayon.”

Malapit na si Fred sa pintuan nang humarap ulit ito kay Maia. “Papaano kapag hindi ko na naman napahalagahan ang kasalukuyan ko?”

Ngumiti si Maia at pumunta siya sa tabi ni Fred. “Alalahanin mo ang mga taong nagmamahal sa iyo. Kasi sila lang ang mga taong kayang pahalagahan ang oras mo sa panahong mababalewala mo ulit ito.”

Ngumiti na din si Fred at inabot niya ang kamay ni Maia. Sabay silang naglakad sa pintuan at pumasok para makabalik sa kanilang kasalukuyan.

 

#11

 

“Ate, saan po ba nakalagay dito yung picture nila mama?” tanong ng batang Fred na abalang nag-hahanap ng picture sa may cabinet.

“Nako Tutoy, hindi dyan nakalagay yun,” sagot ng yaya nila. “Bakit mo ba hinahanap yun?”

Kinamot ni Fred ang kanyang ulo habang sumasagot, “Eh kasi sila Andrew, inaasar ako na hindi ko daw kamukha sila mama. Ampon daw po ako.”

Napailing naman ang yaya. “Wag mo na lang pansinin yun. Alam mo namang sila ang mama at papa mo eh. Itong bataong ito oh, Grade 2 pa lang, kung anu-ano na ang sinasabi.” Tumingin ang yaya sa wall clock at nagsalita ulit. “Uy, Phineas and Ferb na, nood na tayo!

Tumayo naman si Fred at tumakbo palabas ng kwarto para manood ng Phineas and Ferb.

 

#12

 

“Mga kuys, feeling ko ampon ako,” biglang sabi ni Fred sa barkada niya habang kumakain ng tanghalian sa canteen nila.

Nabuga ni Marco at Apollo ang pagkain nila sa narinig nila. Nabulunan naman si Phillip. Napanganga naman si Lily. Tanging si Maia ang tumawa sa narinig niya.

“Hanep ka naman sa segway. From algebra to ampon? Ayos,” komento ni Apollo pagkatapos nitong maka-recover sa sinabi ni Fred.

“Ganyan kasi ang napapala ng panonood ng teleserye sa gabi,” sabi ni Maia na tumatawa pa rin.

Binaba ni Fred ang kanyang kutsara’t tinidor sa baunan niya at nagsalita ulit. “Seryoso kasi ako.”

“Paano mo ba yan nasabi?” tanong ni Phillip.

“Sa cleft chin.”

“Ha?!” sabay-sabay na sabi nilang lahat.

“Sabi kanina sa Biology, ang isa daw sa namamana ng anak sa magulang ay ang cleft chin eh. Meron akong cleft chin, si papa, wala.”

Si Marco naman ang tumawa. “Cleft chin ba yan? Parang mukhang dimple yan eh.”

“Dimples? Sa baba? Seryoso ka ba?” tanong ni Fred.

“Oh chill. Galit ka na naman.”

“Pero seriously, itanong mo muna sa magulang mo yan kesa mag-assume ka,” sabi ni Phillip.

Iimik na sana si Fred nang biglang tumunog ang bell ng school nila.

“Ano na naman yun?!” reklamo ni Maia.

“Emergency bell yun,” sagot ni Lily. “Ngayon yung earthquake drill diba? Tara na, punta na tayo ng gym.”

Nagmadali naman silang tumayo. Hindi naman natinag si Maia kaya hinigit na ni Fred ang babae.

“Teka, yung pagkain ko!” reklamo ulit ni Maia. Kaso wala siyang nagawa kasi hinila na siya nila Fred palabas ng canteen.

Tinawanan lang nila ang babae.

 

#13

 

Kahit hawak na ni Fred ang papeles, hindi pa rin siya makapaniwala sa nabasa niya. Ano nga bang mga papeles ang hawak niya?

Adoption papers. Ang malala, pangalan ni Fred ang nakalagay sa dokumento. Isa lang ang ibig sabihin nito.

Ampon nga si Fred.

Dati na siyang inaasar ng mga kalaro niya na ampon siya kasi hindi naman niya kamukha ang mama at papa niya. Dati na siyang may suspetsa na baka ampon siya kasi sa pamilya nila, siya lang ang may cleft chin na kung tutuusin ay dapat meron ang papa niya o ang lolo niya.

Kaso ayaw niyang maniwala. Kailangan pa niyang ma-suspend ng isang linggo dahil sa pag-aaway nila ni Marco para lang magawi siya sa attic, maisipang maglinis at makita ang mga papeles na nakatago dun.

Umupo si Fred sa sofa nila habang paulit-ulit na binabasa ang nakalagay sa adoption papers. Akala niya ay sa mga telenovela lang ang mga ganitong eksena. Hindi nga lang siya nasabihan kung gaano ito kasakit.

Naabutan na lang siya ng mama niya na nakatulala sa sofa.

“Nak? Anong ginagawa mo dyan?” tanong nito.

Malungkot naman na tumingin si Fred sa mga magulang niya. Napansin naman niya ang gulat sa mukha ng mama niya nung nakita nito ang hawak niyang mga papel.

Nang hindi makapagsalita ang magulang niya, iniwan ni Fred ang papel sa lamesa at tumayo.

“Bakit hindi niyo man lang po ito sinabi sa akin?” tanong niya na naiiyak.

Lumapit naman agad ang mama niya at niyakap siya. “Pasensya ka na anak, humahanap lang kasi kami ng tyempo para-”

“Ang dami naman na pong chance para masabi niyo sa akin yun diba?” sagot ni Fred sabay bitaw sa yakap ng mama niya. “Naalala niyo po ba dati, nung nagtatanong ako sa inyo kung ano yung salitang ampon kasi inaasar ako ng mga kalaro ko? E yung panahon dati na tinatanong ko po sa inyo kung bakit hindi ko po kayo kamukha? Bakit hindi ko kamukha sila kuya? Sa loob ng labing-pitong taon na nabubuhay ako, hindi niyo man lang po sinabi?”

Hindi naman makasagot ang mama niya. Tumingala si Fred para pigilan ang kanyang luha na bumagsak. “Sa totoo lang po, sa mga palabas ko lang nakikita ito. Pero kapag pala ikaw na ang nasa sitwasyon, ang sakit pala. Ang sakit palang malaman na buong buhay mo, niloloko ka.”

“Hindi na-”

“Okay lang po yun, Ma. Sanay na po ako,” sagot niya sabay ngiting naiiyak. “Magsi-sink in din po ito sa akin. Kailangan ko po itong ma-absorb eh. Para at least, alam ko na po kung saan ako lulugar.”

Akmang magsasalita ang mama niya nang naisipan na niyang lumabas ng bahay nila. Alam ni Fred na bastos ito kasi magulang niya pa rin ang kausap niya pero natatakot kasi siyang makapagsabi ng masasakit na salita sa mama niya, at ang malala, baka makapagsabi ang mama niya ng salita na mabilis niyang paniniwalaan na sa totoo lang ay kasinungalingan na naman pala.

 

#14

 

“Bakit kasi kailangan mo pang malaman?” tanong ng mama ni Fred.

“Kasi po kahit papaano po, pamilya ko pa rin siya. Gusto ko pong makilala yung taong nagluwal sa akin. At ang tanging paraan lang po para makita ko siya ay kapag nagsabi po kayo kung saan sila nakatira,” malumanay na sabi ni Fred.

Umupo naman sa sofa ang mama ni Fred at tumingin sa lalaki na parang inaalam kung anong sumapi sa kanya para hanapin ang tunay niyang magulang. Maski si Fred ay hindi niya alam kung bakit niya naisipang hanapin ang totoo niyang nanay.

Siguro ay gawa ng nakita nila Fred at Maia na pamilyang kumakain sa may Sunken Garden kanina. Dalawang taon na ang nakalipas nang nalaman niya na ampon siya pero ngayon lang itong sumagi sa utak niya.

“Sinabi ko na sa iyo,” pag-papaalala ng mama niya. “Baka hindi ka nila magustuhan. Nasabi ko na sa iyo na hindi ka na nila binalikan ng totoo mong nanay dati sa ospital diba?”

“Okay lang po kahit hindi nila ako magustuhan. Ang mahalaga po ay nakita ko sila. Sapat na po iyon,” sagot ni Fred.

Tumayo ang mama ni Fred at tiningnan siya ng diretso. “Bakit mo ba sila gustong makita?”

Ngumiti si Fred. “Pakiramdam ko po kasi, kapag nakita at nakilala ang totoo kong magulang, tuluyan na pong mabubuo ang pagkatao ko. Sila lang po yung kayang maglapat ng takip sa butas na puso ko.”

Hindi naman napansin ni Fred na masakit pala ang sinabi niya sa mama niya. Tumango lang ang mama niya at inabot sa kanya ang isang pirasong papel.

“Hindi ko alam kung nasaan ang tunay mong magulang. Pero nakalagay dyan ang pangalan nila,” sabi nito. Kinuha ni Fred ang papel at niyakap niya ang mama niya.

“Basta tandaan mo ha, nandito lang kami. Kung kailangan mo ng tulong, tawagan mo lang kami,” paalala niya.

Kumalas si Fred sa yakap ng ina niya at tumango. Lumabas si Fred ng bahay nila at nagsimula nang hanapin ang tunay niyang magulang.

 

#15

 

“Tao po! Tao po!” sigaw ni Fred habang kinakalampag ang gate. Halos limang minuto na kasi siyang kumakatok sa gate.

“Baka walang tao?” sabi ni Maia.

“Imposible,” pagsalungat ni Fred. “Kita mo namang may pumasok kanina dito sa gate diba?”

Tumahimik na lang si Maia kaya pinagpatuloy ni Fred ang pagtawag sa loob. Buti na lang at may lumbas na babae sa labas ng bahay.

“Sino po sila?” tanong ng babae.

“Hinahanap ko po si Linda Suarez. Pasabi po hinahanap siya ni Fred.”

“O sige, teka lang ha.”

Pagkaalis ng kausap niya, nagsalita ulit si Maia. “Handa ka nang makita magulang mo?”

“Siyempre naman,” sagot ni Fred. “Halos tatlong buwan ko silang hinahanap. Pinaghandaan ko ang sitwasyong ito.”

Natigil naman ang pag-uusap nila nang bumalik ulit ang kausap nilang dalawa.

“Kuya, wala daw po silang kilalang Fred.”

Binigay ni Fred ang picture niya nung baby siya tsaka ang mga papeles niya sa ospital na sinilangan niya. “Pakibigay po yan sa kanila. Mas makikilala po nila ako dyan.”

Kinuha naman ng kausap niya ang mga papeles sabay pasok ulit sa loob. Mga ilang minuto ang nakalipas nang bumalik ulit ang babae.

“Kuya, hindi daw po nila kilala yung nakalagay dyan sa papeles,” sabi ng babae na mukhang hindi naniniwala sa sinabi niya. Nagtinginan pa sila ni Maia na parang nahihiwagahan din sa nangyayari kasi alam nilang tama ang taong pinagtanungan nila base sa sinabi ng ospital sa kanila.

Bago pa man umapela si Fred, biglang may inabot ang babae sa kanyang isang envelope. Kinuha niya ito at nagulat siya kasi may nakalagay ditong pera.

“Pakiusap daw po, wag niyo na daw po silang hanapin. Wag na daw po kayong mag-eskandalo,” pakiusap nito kay Fred.

Doon lang napagtanto ni Fred na kilala naman pala siya ng kanyang totoong magulang kaso ayaw nila sa kanya.

Biglang bumigat ang nararamdaman ni Fred kaya marahas niyang binalik sa babae ang pera.

“Ate, ano namang gagawin ko dyan sa perang yan!?” medyo pagalit na tanong niya sa babae.

Tinuro ni Fred ang kotse niya na nasa likod nila ni Maia. “Ayan oh, may kotse ako. Hindi ko po kailangan ng pera nila. Pasabi po sa kanila, aanhin ko ang pera na yan? Sa tingin ba nila kaya lang ako pumunta dito ay para humuthot ng pera? Isaksak nila sa baga nila ang pera na yan!”

Napatigil siya sa litanya niya kasi hinawakan ni Maia ang kamay niya kaya medyo kumalma siya.

“Ilang taon kong iniisip kung papaano nila nakakayang hindi makita ang anak nila sa loob ng halos dalawang dekada, ngayon alam ko na. Sana nga lang ay may kapal sila ng mukha para man lang sabihin sa akin ng harap-harapan na ayaw nila sa akin.”

Biglang lumuha si Fred. “Kung ayaw man nila sa akin, sana nagpakaplastik man lang sila kesa ganito. Ang sakit kasi eh. Hindi ko naman kasalanan na nabuhay ako ah! Sorry ha. Sorry kung nakaistorbo pa ako sa kanila ngayong gabi.”

Niyakap ni Maia si Fred habang nakatingin pa rin sa kausap niya. “Pasabi na lang po sa kanila ang lahat ng nasabi ko.”

Kumalas siya ng yakap kay Maia at nagmadaling bumalik ng kotse para makaalis sila sa bangungot na iyon.

Mga isang oras na nagmamaneho si Fred nang maisipan niyang ihinto ang sasakyan para lumabas sa kotse.

Tumambad sa kanya ang madilim na kapaligiran at ang maliwanag na bituin sa kalangitan.

“Maia,” medyo paos niyang tawag sa kasama niya.

“Oh?”

“Saan ba ako nagkamali?”

Hindi sumagot si Maia. “Mali ba na hanapin ko ang tunay na magulang ko? Mali ba na pinuntahan ko pa sila sa bahay nila para malaman nilang buhay pa ako? O baka mali ba na nabuhay pa ako?” tanong niya habang naiiyak ulit.

Niyakap siya ni Maia habang sumasagot ng, “Tama na. Wag mo nang saktan ang sarili mo. Walang mali sa ginawa mo.” Ilang minuto silang binalot ng katahimikan bago ito basagin ni Fred.

“Pero bakit ganito ang nangyayari sa buhay ko? Pinilit kong hanapin ang nakaraan para umayos na ang kasalukuyan pero ganun pa rin. Paulit ulit nang walang umaayon sa gusto ko.”

Kumalas si Maia sa yakap at tumingin sa kalangitan. “Uulitin ko yung sinabi ko sa iyo dati ha. Hindi mag-aadjust sa atin ang mundo. Kadalasan, kahit gumawa ka ng mabuti, hindi naman palaging kabutihan din ang babalik sa iyo. Ganun din sa pagmamahal. Kapag nagmahal ka, walang assurance na babalik din sa iyo yung pagmamahal na na-invest mo. Hindi mo naman kasi kayang kontrolin ang pag-iisip ng lahat ng taong makakasalamuha mo,” sabi niya. “Alam mo kung anong mahalaga?”

“Ano?”

“Ang mahalaga kasi ay kung ano yung magiging response mo sa mga sitwasyon kagaya ngayon, kung saan walang naayon sa inaasahan mo,” sagot ni Maia.

“Ano ba dapat maging response ko?”

“Kanya-kanya tayo ng coping mechanism. Sa case ko kasi, kinailangan kong maging independent. Kailangan kong maging matapang kasi alam kong mag-isa na ako. Pero sa iyo, hindi ko alam. Nakadepende sa iyo yun.”

“Sa totoo lang, ang hirap nang maghabol. Lalo na kapag alam mong napapagod ka na.”

“Don’t be starry-eyed about something or someone you can’t have, especially if it blinds you to something or somebody who is more important,” biglang sabi ni Maia kaya napatingin si Fred sa kanya. “Sa susunod, piliin mo yung mga hahabulin mo.”

“Wow. Ang dali namang gawin niyan,” sakastikong komento ni Fred.

“Wala naman akong sinasabing magiging madali lang yun,” sabi ni Maia. “Kahit ako nga eh, hanggang ngayon, iniisip ko pa rin kung tama pa rin ba ang paghabol ko.”

“Saan?”

“Wala,” sabi ni Maia na halata namang meron pa siyang sasabihin.

Hindi niya maintindihan ang sinabi ni Maia. Bihira kasing magsalita ng malalim ang kaibigan niya. Sa totoo lang, hindi pa rin nawawala ang dismaya, takot, at galit na nararamdaman niya. Pakiramdam niya kasi pinaglalaruan lang siya ng tadhana.

Gusto niya sanang ilabas ang inis niya kaso hindi niya alam kung papaano.

“Tama na nga, ang drama na natin,” sabi na lang ni Fred.

“Okay ka na?” tanong ni Maia kay Fred na ikinagulat ng lalaki kasi seryoso pa rin ang babae. Akala niya nga ay mang-aasar pa rin si Maia.

“Okay na,” pagsisinungaling niya.

Sumakay na ulit sila ng kotse at tahimik na binagtas ang daan pabalik sa bahay nila.

Hindi niya alam kung anong mangyayari sa kanya pagbalik sa bahay nila.

Bahala na, bahala na, isip-isip ni Fred habang tahimik na nagmamaneho.

Sa loob ng halos dalawang oras na pagmamaneho ng lalaki, hindi niya nagawang kausapin si Maia kasi baka hindi na naman niya maintindihan ang sasabihin nito sa kanya, o baka ayaw lang niyang intindihin kasi sumasakit na ang ulo niya kakaisip sa nangyayari sa buhay niya. Hindi naman din niya alam kung anong sasabihin niya sa babae, kasi nahihiya siya at naging saksi si Maia sa mapait na pangyayari sa buhay niya.

Wala pa ring maintindihan si Fred sa mga nangyayari sa pero isa lang ang sigurado siya: tinataboy siya ng mga taong hinahabol niya.

Siguro sa sobrang bigat ng nararamdaman niya, bigla na lang niyang hinampas ang manibela ng kotse na ikinagulat ng katabi niya.

“Hoy ano ba!” sabi ni Maia. “Kung naiinis ka, nagagalit o naiiyak, ilabas mo lang kesa ganyan ka! Hindi yan-”

“Bakit ganun?” tanong bigla ni Fred habang patuloy na pinapaharurot ang kotse niya. “Bakit kailangang ako lagi ang maghabol? Bakit ba lagi na lang ako yung nagmamakaawa ng pagmamahal sa ibang tao?!”

Hindi naman umimik si Maia kaya nagpatuloy si Fred sa paglalabas ng kanyang damdamin. “Nakakagalit kasi. Buong buhay ko, palagi na lang akong naghahabol. Palagi na lang akong niloloko. Tapos ngayon, pinagtabuyan na naman ako. Bakit ganun ang ugali nila?!”

“Hindi naman kasi natin kayang kontrolin ang nararamdaman at iniisip ng tao,” sagot ni Maia.

“Pero kahit na, wala man lang ba siyang katiting na nararamdamang pagmamahal sa akin? Parang basura lang ako na tinapon niya eh,” tanong ni Fred habang lumuluha.

Hindi naman sumagot si Maia.

Tumawa ng pilit si Fred. “Kung sabagay, wala naman na talagang nagmamahal sa akin. Ba’t pa ako mag-eexpect?”

“Ano ba!” biglang sigaw ni Maia na parang hindi na niya napigilan ang sarili niya. “Walang nagmamahal sa iyo? Seryoso ka!? Nandito ako, nandito kaming nagmamahal sa iyo pero palaging yung mga wala sa iyo yung pinapansin mo! Bingi ka ba o manhid? Kailan mo ba marerealize na may mga taong totoong nagmamahal sa iyo!? Kapag ba nawala na din kami sa piling mo, dun mo na kami matutunang mahalin!?”

Hindi naman makasagot si Fred. Siguro hindi matanggap ng puso niya ang sinasabi ng katabi niya.

May nagmamahal sa kanya?

Hindi na niya maintindihan kung ano ba talaga ang nangyayari sa kanya. Sa sobrang inis niya, bigla niyang niliko ang kotse at sa hindi inaasahan, may nakasalubong pala silang truck.

“Fred!” sigaw ni Maia. Naiwasan naman nila ang truck kaso sa poste sila babangga.

“Sorry,” sabi niya kay Maia habang hindi tumitingin.

At tuluyan na nga silang bumangga sa poste at nawalan ng malay.

 

 

“Fred?” sabi ng isang tinig. Nagising si Fred sa tinig na yun kaya pagkamulat niya ay nakita niya ang mama niya na nasa tabi niya samantalang nakatayo sa gilid ng kwarto ang papa niya.

“Nasaan po ako?” tanong niya.

“Nasa ospital tayo ngayon nak,” sagot ng mama niya na mukhang naiiyak kasi buhay pa ang anak niya. “Magpalakas ka na muna, may mga sugat ka pa oh.”

“Totoo po ba ito? Nandito po talaga kayo?” pagsisigurado ni Fred.

“Oo naman. Sinabi ko sa iyo, hindi ka namin iiwan, lagi kaming nandito para sa iyo.”

Hindi napigilan ni Fred na umiyak, hindi dahil sa sakit ng katawan niya kundi dahil ngayon lang niya nalaman na tama pala ang sinasabi ni Maia na may nagmamahal pa pala sa kanya.

Sa kakahabol niya sa mga totoo niyang magulang, nalimutan niyang may mga taong tunay na nagmamahal na hindi niya kailangang habulin kasi nasa tabi lang pala niya ito.

“Si Maia po?” biglang tanong ni Fred. “Nasaan po siya? Ligtas po ba siya?”

Biglang nawala ang ngiti ng mama niya. “Magpahinga ka muna at magpalakas,” medyo malayong sagot nito. “Nandito rin siya sa ospital at nagpapagaling. Kailangan niyong magpalakas para makalabas kaya utang na loob, magpakatatag ka ha?”

Lalo tuloy siyang na-guilty kasi kasalanan niya kung bakit napahamak si Maia.

Kinabukasan ay doon siya sinabihan ng doktor sa kung ano daw bang nangyari sa kanila. Sinugod daw sila agad sa ospital nung naaksidente sila. Ilang oras lang daw na nawalan ng malay si Fred na siya namang ikinagulat nito kasi parang buong buhay niya ay nakatulog siya. Buti na lang ay naka-seatbelt siya kaya nabalian lang siya ng kaliwang kamay, konting galos sa katawan at concussion lang ang natanggap. Si Maia daw ang medyo napuruhan na siyang ikinalungkot ni Fred. Hindi raw kasi naka-seatbelt ang babae kaya siya ang tumilapon. Siya ay kasalukuyang nasa ICU at naka-coma.

“Pero kailan po siya magigising?” tanong ni Fred sa doktor.

“As of now, we have no idea kung kelan siya gigising,” sabi nito. “Basta magpatuloy kang magpalakas at magpatatag kasi yun yung kaya mong magawa para sa kanya, okay?”

Kahit mahirap, pinilit ni Fred na magpakatatag at magpalakas. Makatapos ang isang linggo, idi-discharge na siya pero sa halip na maging masaya, hindi pa rin siya mapakali kasi hindi pa rin nagigising si Maia. Kaya kahit magaling na siya, pabalik balik pa rin siya sa ospital para samahan ang nag-aalaga kay Maia sa pagbabantay sa babae. Nung una ay ayaw pa siyang payagan ng magulang niya pero napilit pa rin ni Fred kasi nag-aalala na siya sa kaibigan niya.

Sa loob ng dalawang araw ay halos buong magdamag silang nag-aantay na magising si Maia kaso wala pa ring senyales na gigising pa ito. Sa pangatlong araw ng pagbabantay ni Fred, naisipan niyang lumabas muna ng kwarto at magpahangin sa labas.

Tuliro siyang naglalakad kaya hindi niya sinasadyang may mabangga siya. Buti na lang sa kanang balikat niya ito nabangga kasi kawawa siya kapag sa kabila.

“Ay sorry p-”

“Fred? Ikaw ba yan?” sabi ng nabangga niya.

Tumingin si Fred sa nabangga at saglit na napaisip kung sino yung kaharap niya.

“Tol, si Joseph ‘to! Hindi mo na ako kilala?” sabi niya. Saglit namang inalala ni Fred kung may Joseph ba siyang kilala.

“Joseph? Ikaw yung kabarkada nung kapatid ni Apollo?” pagsisigurado niya kasi bihira na silang maglaro ng basketball at marami na silang ginagawa sa kanya kanya nilang buhay kaya hindi na niya sure kung ito pa rin yung kalaro niya dati.

“Anak ng tokwa, oo ako nga!” masayang sabi ni Joseph. Dun lang niya napansin yung cast sa braso ni Fred. “Anyare sa iyo? Ba’t ka nasa ospital?”

Sasabihin na sana ni Fred nang naisipan nilang lumipat sa balcony ng ospital para dun na lang mag-usap kasi ang daming tao sa hallway.

Pagkakwento ni Fred ng nangyari sa kanila ni Maia, nagsalita si Joseph na nakatingin sa labas habang nakahawak sa railing. “Aw. So hanggang ngayon, hindi pa rin siya gising?”

“Hindi pa rin eh,” sagot ni Fred. “Oh ikaw, ba’t ka nandito? May nililigawan ka bang nurse?”

“Ganyan talaga pagkakakilala mo sa akin?”

“Uh. Oo?” pang-aasar ni Fred.

“Grabe. Hindi ba pwedeng binisita lang ang kaibigan?”

Tumango na lang si Fred. “Naks. Code name ba yan?”

Biglang sumeryoso yung mukha ni Joseph. “Hindi, si Rico yun.”

“Rico? Siya yung pinsan ni Marco ah! Anong nangyari dun?”

“Hindi ba nasabi sayo ni Marco at Apollo?” Umiling si Fred. “Hindi eh, bihira na kaming magkita-kita. Ngarag na sa studies eh. Anong nangyari?”

“He was diagnosed with bone marrow cancer, last 2012 pa,” sagot ni Joseph. “Sinugod siya kanina dito kasi lumalala yung sakit niya.”

Hindi naitago ni Fred ang kanyang pagkagulat sa nalaman. “Kamusta naman siya? Ang hirap siguro kapag may ganung sakit.”

Tumingin si Joseph sa labas. “Yung totoo? Kailangan mo pang makita yung dami ng gamot niya para malaman mong may sakit yung ungas na yun. Matapang din kasi yun eh. Ayaw daw niyang magpatalo sa sakit niya. Ang naging lagay, parang kami pa yung may sakit kasi parang mas mukha pang mabigat yung nararamdaman namin kesa sa kanya. Ewan ko ba, kung kailan pa siya nagkaroon ng sakit, doon pa siya naging positibo sa buhay niya.”

Nanahimik si Fred kaya patuloy na nagsalita si Joseph. “Nakakahiyang isipin na kami yung mga walang sakit pero mas positibo pa rin si Rico sa buhay niya. Nung minsan na tinanong ko sa kanya kung bakit ganun na lang pananaw niya, ang sabi na lang niya ay, ‘Umay na akong maging negative sa buhay eh. Ang totoong kanser ng lipunan ay hindi itong sakit ko, kundi ang negativity. Ito yung pinapasok natin sa puso natin kaya puro negativity na lang din ang nakikita natin kaya hanap tayo ng hanap ng mga bagay na wala tayo kaya nababalewala na yung mga bagay na meron tayo.‘ Sabi ko nga sa iyo, lumalim siyang tao.”

“Sinabi niya talaga yun?” tanong ni Fred kasi sa totoo lang ay tinatamaan siya sa sinabi ni Rico. Hindi naman niya sinabi kay Joseph ang lahat ng kadramahan sa buhay niya kaya imposible na inimbento lang ito ng kausap niya.

Tumango naman si Joseph. “Sa kanya ko nga natutunan na kailangan nating makita yung mga mas mahahalagang bagay. Yung mga bagay na meron tayo kesa yung mga wala tayo. Oo, may mga moment tayo na maiinggit tayo, magagalit, mapipikon, matatakot, o mawawalan ng tiwala pero dapat panatilihin nating moment lang yun. Kasi kung doon na lang tayo mag-dudwell, makakain na natin yung mga negativities na inihain ng mundo.”

Saglit na tumigil si Joseph bago siya nagsalita ulit, “Kung ang nilagay mo sa puso mo ay positivity, umasa ka nang positive na mga bagay yung makikita mo. Makikita mo yung mga bagay na mas mahalaga, yun yung mga bagay na meron tayo na kaya nating ipamahagi sa iba.” Bigla siyang tumawa na ikinagulat ni Fred. “Ewan ko ba kung bakit ko ito sinasabi sa iyo, pero sana, kung anong pinagdadaanan mo o kung may pagdadaanan ka, maalala mo yung sinabi ni Rico kasi sobrang makakatulong yun sa iyo.”

Tumango si Fred nang may ngiti sa mukha niya kasi simula nung nalaman niyang ampon siya, doon niya lang nakita ang mas importante sa kanya, yung mga bagay na meron siya.

Tapos na siyang maghanap ng mga bagay na wala siya. Oras na para mas pahalagahan ang mga bagay na meron siya.

Iimik na sana si Fred nang biglang tumawag sa cellphone niya ang nagbabantay kay Maia para sabihing gumising na ang babae kaya nagmadali na silang bumalik sa kwarto ni Maia.

Malapit na sila sa elevator nang biglang may nag-text kay Joseph. Napansin na lang ni Fred na tumigil ang kasama niya kaya tumingin ito sa kanya. “Oh bakit?”

“Nako,” sagot ni Joseph. “Uy Fred sa susunod na lang ako bibisita kay Maia ha. Ililipat daw si Rico ng ospital eh.”

“Sige. Basta balitaan mo kami kung anong mangyayari ha.”

“Oks. Pasabi kay Maia, magpagaling siya!” sagot ni Joseph sabay takbo palabas ng ospital.

Pagkaalis ni Joseph ay nagmadali si Fred na pumunta sa kwarto ni Maia kasi wala na raw siya sa ICU.

Kaso pagkarating niya sa siya sa harap ng pintuan ni Maia, napatigil siya kasi iniisip niyang kasalanan niya kung bakit napahamak si Maia. Aalis na sana siya nang bumukas ang pintuan na ikinagulat niya kasi si Apollo ang bumungad sa kanya.

“Oh si Fred, nandito na!” sabi ng kaibigan niya. No choice tuloy siya kundi ang pumasok. Iimik na sana si Fred para humingi ng tawad sa babae nang nauna itong magsalita.

“Ang tagal mo naman,” sabi ni Maia na tila nanghihina pa. “Nasaan na ang oreo ko?”

Nagulat si Fred kasi nakangiti pa ang babae sa kanya na walang halong galit o inis.

Ang mahalaga, may nagmamahal sa iyo. Huwag mong hayaan na dumating ang oras na kung saan marerealize mo kung gaano sila kahalaga sa panahong wala na sila. Mahirap magpakatapang mag-isa, I tell you, sabi dati ni Maia.

Hindi niya dati maintindihan ang sinasabi ng babae pero nung nakita niya ang magulang niyang nakangiti sa kanya nung magising siya at nung nakita niya niya ang ngiti sa kanya ni Maia, dun niya napagtanto kung ano talaga ang mahalaga.

Ang mahalaga ay ngayon, kung saan maaring hindi naayon sa gusto niya, pero naayon naman sa mas nakakabuti sa kanya. Natuto siyang pahalagahan ang mga bagay na meron siya na minsan na niyang binalewala kasi sa mga bagay na wala siya nakatingin.

Hindi na kailangan ni Maia na magpaka-tapang mag-isa. Hindi na rin kailangan ni Fred yun. Nandito sila para magtulong-tulong na lampasan ang mga problemang binabato ng buhay.

Inabot ni Fred ang Oreo na nasa bag niya kay Maia na nakangiti sa kanya.

Ngayon, magsisimula nang magbago ang lahat.

 

 

“Ha?” tanong ni Fred sa kausap niya.

“Bingi ka ba o may auditory agnosia ka na?” pambabara ni Maia habang umiinom ng Frappuccino.

“May reunion nga daw. Ang kulit eh.”

“Sampung taon pa lang tayo nakaka-graduate dun tapos may reunion agad? Corny naman,” sabi ni Fred.

“Yan nga rin yung sinasabi ko kay Phillip eh,” pagsang-ayon ni Apollo kay Fred habang umiinom ng Cafe Americano niya.

Kasalukuyan kasi silang nasa Starbucks kasi pinapunta sila ni Phillip at pag-uusapan daw nila ang reunion.

“Basta, i-reserve niyo na yung date. Kelangan nandun tayo,” sagot ni Phillip.

“Hindi ko nga sure kung pwede ako eh,” sabi ni Fred.

Piningot ni Maia ang tenga ni Fred. “Aray!”

“Anong hindi pwede? Wala ka namang tuturuan ng Math sa Friday!” sabi ni Maia. “Don’t mind him, Phillip, nag-iinarte lang siya.”

“Wow, stalker ka? Alam mo schedule ko?” tanong ni Fred.

“Malamang. Ako nag-ayos ng schedule mo eh!”

“O kalma na tayo guys,” pag-aawat ni Phillip kina Maia at Fred. “May iba pa tayong problema.”

“Sino? Si Marco?” tanong ni Apollo. “Natanong ko na siya, hindi raw siya pwede.”

“Tinatamad lang yun eh,” sabi ni Fred. “Puntahan na natin yun sa bahay nila.”

“Wala sila sa bahay nila, pinuntahan ko na din nung isang araw pagkatawag sa akin ni Phillip,” sabi ni Apollo. “May condo daw yun somewhere in Makati.”

“Actually guys, alam ko na kung saan siya nakatira,” sabi ni Phillip.

“Ayun naman pala eh, tara na!” anyaya ni Apollo.

“Wow, makapag-aya, may sasakyan ka?” tanong ni Fred.

“Siyempre wala. Ikaw na mag-drive, Fred.”

“Ang galeng,” sabi ni Fred. “Paano pala si Lily?”

“Natanong ko na siya, pupunta si Lily,” sagot ni Phillip. “Tara, puntahan na natin si Marco.”

“So ako talaga ang driver niyo? Ang galing,” reklamo ni Fred.

“No choice naman eh. Kayo lang ni Phillip ang may kotse, hindi naman niya dala ang kotse niya,” sabi ni Maia. “Tsaka makapagreklamo naman ito. Ayaw mo nun, buo na ulit tayo?”

Tumayo na si Fred. “Hay nako. Tara na nga, baka magbago pa ang isip ko,” sabi niya. “Hoy Maia, ikaw na bahala sa gas ah. Sayang ang pera mo eh, nakatambak lang sa bahay niyo.”

“Sure. Nakakahiya naman sa iyo, diba?!” pagsang-ayon ni Maia na nagpatawa sa kanilang lahat.

Tumayo na sila at sumakay sa kotse ni Fred habang nag-aasaran.

Bakit sa dinami-dami ng barkadang masasamahan ko, sila pa? isip-isip ni Fred habang natatawa.

Nag-start na siya ng kotse at pinaandar ito papunta kila Marco.

 

-END

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s