Kanser Series

Para Sa Mga Normal Na Tao

KANSER Series: SPECIAL CHAPTER for LOCKDOWN

 

Kahit na nasa 20th floor si Kevin, rinig pa rin niya ang mga tunog ng sasakyan sa baba. Hindi kasi normal na maraming dumadaan sa street nila kaya hindi siya sanay. Akala pa nga niya’y merong sunog eh. Bigla na lang niyang naalala na marami nga pa lang taong nagmamadaling umalis ng Manila ngayon kasi maya-maya’y magkakaroon na ng lockdown.

Kung sabagay, wala naman siyang plano na makipagsabayan sa maraming tao sa baba. Baka nga dun pa siya magkaroon ng sakit eh.

“Ikaw, hindi ka pa uuwi?” sabi ng boses sa likod niya.

Tiningnan ni Kevin ang nagsalita at hindi na siya nagulat na ang kaklase niya palang si Jade ang nagsalita kasi dito sila sa rooftop madalas tumambay.

“Hindi na muna, wala rin naman akong gagawin sa bahay eh,” sagot ni Kevin sa babae.

Napansin na lang niyang nilapitan siya nito at sinabayan siyang pagmasdan ang kaguluhang nangyayari sa ibaba.

“Sure ka? Isang oras na lang, ma-iimplement na ang lockdown. Hindi ka na makakaalis dito.”

Tumingin si Kevin sa kausap niya at napansin niyang kahit ang babae ay walang balak umuwi sa probinsya. Hindi niya napigilang tumawa.

“Why?” tanong ni Jade sabay tabi sa pwesto ni Kevin.

“Mukhang pati ikaw, ayaw mong umalis ah.”

“Nag-aalangan kasi akong umalis. Traffic na kaya ngayon sa NLEX.”

“Saan ka nga uuwi?”

“Ilocos pa.”

“Sad. For sure, punuan na naman sa terminal niyan,” komento ni Kevin.

“Kaya nga eh. Baka naman maisipan mo akong ihatid sa amin, sayang ang Ford,” pang-aasar ng babae.

Kumunot naman ang noo ni Kevin, “Asa ka naman. Ang layo kaya ng Ilocos. Papatayin mo ata ako sa biyahe eh,” sagot niya.

Nag-peace sign na lang si Jade habang nakatingin sa lalaki. “Oh chill lang. Ang init naman ng ulo mo!”

Umirap na lang si Kevin sa kawalan sabay sagot ng, “Chill lang naman ako.”

“Halatang-halata ah!” sarkastikong sabi ni Jade. “Pero seriously, ba’t parang mas mainit ang ulo mo ngayon than usual?”

“Yung mga tao kasi-” putol na sagot ni Kevin kasi may biglang sumigaw sa likod nila.

“Hey guys!” sigaw ng isang boses-lalaki sa likod nila.

Nang kanilang lingunin ang pinanggalingan ng boses ay kaklase nilang nakangisi ang bumangad sa kanila.

Inantay nila itong pumagitna sa kanila bago nagsalita si Jade.

“Himala, gising ka pa ngayon, Leo.” puna ni Jade.

“Himala, nandito ka pa. Akala ko uuwi ka na sa inyo?” tanong ni Kevin.

“Panahon na kasi ngayon ng milagro,” sagot ng bagong dating sabay tawa nito.

“Ano naman yang nasa bag mo?” pansin ni Kevin sa bag na nakasukbit sa likod ni Leo.

Binuksan ni Leo ang bag niya at nakita nilang puro pagkain ang nasa loob. Mabilis pa sa alas-kwatrong kumuha sila Kevin ng pagkain sa bag ni Leo.

“Oy! Wag kayong lumapit. Social distance!” pang-aasar ng kinuhanan habang tumatawa.

Unconscious na nag-arms sideward si Kevin na sinabayan ng dalawa. Mukha tuloy silang timang sa pwesto nila.

“Wala rin kayong balak umuwi sa inyo noh?” tanong ni Leo habang kumakain ng potato chips.

“Ayoko ngang makipagsabayan sa dami ng mga tao,” sagot ni Kevin habang kinakain ang chichiryang kinuha kay Leo. “Akala ko susunduin ka ng kapatid mo? Ba’t nandito ka pa rin?”

“Na-traffic kasi sila sa EDSA. Pinag-stock na lang nila ako ng pagkain kasi mas safe raw dito,” sagot ni Leo. “Eh ikaw, Jade? Ba’t hindi ka pa umuuwi?”

“Nakakatamad kasi. Hassle pa at ang layo ng uuwian ko!” reklamo ni Jade.

Tumingin naman si Kevin sa babae. “Wow tamad. May foods ka ba sa condo mo? Baka magtagal itong crisis,” sabi niya.

“Manghihingi na lang ako sa inyo ng foods!” pang-aasar ni Jade habang tumatawa.

“Parang ang happy mo naman masyado?” medyo masungit na komento ni Kevin.

“At ikaw, parang ang init ng ulo mo,” pansin ni Leo.

“Para kasing hindi lang yung virus yung crisis na kinakaharap natin,” pagpapaliwanag ni Kevin.

“And for the record, hindi talaga ako masaya guys,” sagot ni Jade. “Sadyang nababanas lang ako sa nangyayari sa atin ngayon.”

“Hay nako. Sinabi mo pa,” pagsang-ayon ni Kevin sa babae. “Lalo na sa social media.”

“Bakit?” tanong ni Leo na tila naguguluhan. “Anyare na ba sa FB at Twitter?”

“Wow, taga-bundok ka pre? Walang social life?” sarkastikong tanong ni Kevin.

“Pwedeng naka-deactivate lang? Ang sungit naman ni koya,” nakatawang sagot ni Leo. “Tsaka ever since naman, toxic na talaga sa social media noh.”

Si Jade naman ang sumagot na nasa kanan ni Leo ng, “Promise, mas malala ngayon ang toxicity sa facebook. Nakaka-stress!”

“Anyare ba?” tanong ng walang kaalam-alam na kaibigan nila.

“Yung gobyerno kasi!” reklamo ni Jade.

“Anong gobyerno ka dyan?” medyo iritang tanong ni Kevin. “Yung mga taong nasasakupan kaya ng gobyerno ang mga toxic!”

Kumunot na rin ang noo ng babae. “Hoy Kevin, seriously? Sa gobyerno ka talaga kakampi? Wala ngang sistema ang gobyerno!”

“Anong walang sistema?” medyo tumataas na boses ni Kevin. “Yung mga tao ang ayaw sumunod kaya nawawalan ng sistema!”

Bago pa man tuluyang magdebate ang dalawa, biglang umeksena si Leo.

“Shhhh!” saway ni Leo. “Chill lang kayo guys. Since wala naman akong idea sa mga pinag-uusapan niyo, maglaro na lang tayo ng fliptop!” hyper niyang suhestyon.

“Ha? Fliptop?!” sabay na tanong ng magkaaway.

“Oo. Fliptop. Dictionary, gusto niyo?” pang-aasar ni Leo. “Ayan kasi, palibhasa parehas kayong galit, nabibingi na tuloy kayo sa ibang tao.”

Nanahimik lang ang dalawa kaya nagsalita ulit si Leo. “Siyempre ako ang magiging judge. Ako ang magsasabi kung sino ba talaga ang toxic. Ang gobyerno ba talaga, o ang mga citizens? Ang manalo sa debate, ililibre ko pagkatapos ng quarantine!”

“Sinong mauuna?” tanong ni Kevin na tila interesado sa naisip ni Leo sapagkat wala naman din silang magagawa sa oras na iyon.

“Jack-en-poy muna!” suhestyon ni Leo.

“Seriously?” sabay ulit na sabi nila Kevin.

“Arte niyong dalawa!” nakatawang sabi ni Leo. “Game na!”

Si Jade ang nanalo sa kanilang jack-en-poy kaya siya ang nagsimula. “Sa totoo lang, ang mas toxic ay ang gobyerno.”

“Paano mo nasabi?” tanong ni Kevin na halatang sarado ang utak.

“Well. First of all, maraming hindi alam ang government sa nature ng krisis ngayon.”

“Paano mo nasabi?” panggagaya ni Leo sa tanong ni Kevin.

“Ang dami na kasi nilang na-implement na kung anu-anong mga bagay na hindi naintindihan ng mga tao. Hindi naman nadi-deal ng maayos yung pinaka-issue. Or kung may na-implement man, huli na ang lahat. First example ay yung travel ban. Dapat nung nag-advise na ang WHO at DOH na magpatupad ng travel ban sa China and other country na may case na ng Covid-19 ay sinunod na nila. But no, mas mahalaga sa kanila ang kalusugan ng friendship ng dalawang bansa kesa sa kalusugan ng mga tao dito sa atin. Late na ang government sa travel ban nila kasi nagkaroon na ng case dito.”

Hindi umimik ang dalawang lalaki kaya nagpatuloy si Jade sa pagpapaliwanag niya. “Next is yung implementation of rules. Karamihan sa mga mayors dito sa bansa ay wala namang kaide-ideya sa mga pinapatupad nilang batas. May masabi lang na may ginawa itong mga nanunungkulan. Yung mga nasasakupan tuloy nila yung nako-compromise sa pagiging incompetent ng nasa taas. Yung mga first-world country nga sa ibang parte ng mundo ay nahihirapan sa pagtapos nitong crisis na ‘to, papaano pa kaya itong bansa natin na kung saan kulang-kulang ang equipments laban sa virus? Lastly, yung sistema nila sa social distancing at sa quarantine. Oo, effective yun, pero hindi naconsider yung mga mahihirap. Ano ang ipapakain nila sa kanilang mga pamilya sa mga susunod na araw kung hindi sila papasok dahil no work, no pay, di ba? Dahil dito, mas mataas ang chance ng mga mayayaman na maka-survive sa delubyong ito, ang mga mahihirap, ligtas nga sila sa virus, patay naman sa gutom. Naturingan pang gobyerno, wala namang malasakit sa nasasakupan nila.”

“So sa tingin mo, dun naging toxic ang government?” kalmadong tanong ni Leo.

“Yes,” walang kalatoy-latoy na sabi ni Jade. “Actually, napakarami pang scenarios na nangyayari ngayon na kasalanan ng bulok na sistema ng gobyerno pero baka abutan pa tayo ng pagtatapos ng community quarantine na wala pa ring nangyayari. Tumingin ka na lang sa mga social media para makita mo ang reklamo ng mga tao. Pero the bottomline is, marami ang mga hindi sasang-ayon kung nakikita ng mga tao na hindi handa at kulang pa sa kaalaman ang gobyerno para protektahan tayo.”

“Kahit nga sa relationship eh. Isa itong malaking toxic kapag alam mong wala itong future kasi hindi niyo na alam kung saan ang papatunguhan nito. Ganun din sa leadership ng government. When you’re a leader, you have the responsibility to lead. But how can you lead if in the first place, you don’t have any idea of where are you going? How can you follow somone knowing that there’s no future in them?” dagdag ni Jade.

“O time na!” biglaang epal ni Leo na nagpagulat sa dalawa.

“Hilig mo talagang umextra no?” pang-aasar ni Kevin sa lalaki na ginantihan na lang siya ng tawa.

Tumingin ang dalawa kay Kevin kaya medyo na-conscious ang lalaki. “Tapos na si Jade,” komento ni Leo na kahit hindi niya sabihin ay alam ni Kevin. “Ikaw kuys, anong side mo?”

“Sa akin, mas toxic ang mga taong nasasakupan kesa sa mga gobyreno. Feeling kasi nila, alam nila ang lahat. Feeling nila, expert sila. Nung January, volcanologist sila. Naging lawmaker naman nung February. Tapos ngayong March, kung makapag-conclude, feeling virologist. Tapos kapag mali sila, isisisi na lang sa gobyerno. Napakadaling isisi ng lahat ng ito sa mga taong mas malaki ang responsibilidad. Dahil sa ganitong katoxican, nahahati tuloy ang mga mamamayan sa dalawa; pro at anti-government. Ang mahirap kasi sa atin, kulang tayo sa disiplina. Masyado na tayong na-spoiled ng demokrasya. Kaya konting pagdidisiplina ng gobyerno, rant agad sa twitter. Madali sa kanilang magbigay ng criticism sa gobyerno kasi sa una pa lang, ayaw na nila sa gobyerno. Kaya kahit anong gawin ng gobyerno, palaging may sasabihin ang mga tao.”

“Hello, kaya may nagra-rant kasi may mali. May mali sa sistema,” pagsalungat ni Jade.

“May reklamo nang reklamo kaya walang nagagawa, kaya tuluyang nasisira ang sistema. Yung pansariling interes lang nila yung pinapansin ng bawat tao. Kaya ultimong pagba-ban, isisisi agad. Hindi man lang naisip na hindi pwedeng ora-mismo dapat masunod ang gusto. Dapat may proseso. Dapat, may order,” sagot ni Kevin.

Nanatiling tikom ang bibig ng mga nakikinig kaya umimik ulit si Kevin. “Hindi ko sinasabing perpekto ang government natin, pero ang point ko ay kung makapag-rant ang tao akala mo’y walang naambag na maganda ang gobyerno. Kung makapagreklamo tayo, akala mo’y lahat ng tao sa gobyerno ay masasama, o bulok ang kanilang sistema. Kung makapag-rant tayo, feeling natin gobyerno ang kalaban natin, hindi ang virus. Kung manisi tayo sa mga tao sa taas, akala mo naman ay mamamatay tayo kapag sinunod natin ang utos nila. Puro reklamo, ayaw naman sumunod. Tapos magagalit tayo sa gobyerno kapag nagkaroon ng aberya. Gumagalaw naman ang gobyerno, kaso sadyang marami lang ang utak-talangka. Hatakan lang pababa, para mapakita sa madla na sila yung mas tama at mas maraming alam. Tingnan mo na lang sa mga social media, napakaraming instances na kung saan pinapakita ang pagiging toxic ng tao. Bakit? Kasi maraming matigas ang ulo kasi nasobrahan sa demokrasya, nakulangan na sa disiplina, kaya naging toxic na,” sagot niya.

“Sa relationship nga,” paggaya ng lalaki sa narinig niya kanina. “Masasabi mo itong toxic kapag isa lang ang gumagalaw. Sabi mo, toxic ang relationship kasi walang papatunguhan? Baka kaya walang pupuntahan kasi iisa lang ang kumikilos. Ganun din sa gobyerno. Walang kwenta ang sistema na binigay ng gobyerno kung sila lang ang gagalaw para baguhin ang mundo.”

“Time!” sigaw ni Leo.

“Kelangang sumigaw?” tanong ni Jade.

“Hindi naman, ‘gg’ kasi kayong dalawa eh!”

“Hindi naman,” sagot ni Kevin.

“So ready na sa rebuttal?” tanong ni Leo.

“Pinanindigan mo talaga itong debate ha,” pansin ni Jade. “Pero anyways, yung last line ni Kevin? Sorry, but I beg to disagree.”

“Ba’t naman?” tanong ni Kevin habang kumakain ng Mr. Chips.

“May mga tao kayang sila na mismo ang gumagawa at nag-iisip ng sarili nilang hakbang kasi hindi na sila satisfied sa ginagawa ng gobyerno. Sila na mismo yung namimigay ng pagkain, face mask, at paraphernalia ng mga medical workers kasi ang tagal gumalaw ng gobyerno. Kulang na nga sila sa preparasyon, kilos pagong pa!” sagot ni Jade.

“Well sorry, but disagree rin ako sa last na sinabi mo,” pagsalungat ni Kevin. “Wag mo lahatin ang lahat ng mga opisyal ng gobyerno. Pinakamagandang example dito ay yung mga mayor ng Maynila at Pasig. Maayos yung sistema dun, alam mo ba kung bakit? Kasi hindi lang gobyerno ang gumagalaw. May disiplina at cooperation ng mga tao. Hindi lang iisa ang lumalaban.”

“May disiplina sa mga lugar na yun kasi nagampanan ng local government ang trabaho nila. Kung ganun lang sana sa ibang lungsod,” sabi ni Jade.

“Nagawa ng gobyerno ng matiwasay ang trabaho nila kasi may kakampi sila sa krisis. Kung sana buong bansa ang susunod, mas mapapadali sana ang paglaban sa krisis,” sabi ni Kevin.

Pumalakpak naman si Leo na parang nakapanood ng reality show.

“Ba’t may pagpalakpak?” masungit na tanong ni Kevin.

“Kasi parehas naman kayong may punto eh,” sagot ni Leo habang nakangiti. “Hindi ko pwede sabihing may mali sa opinyon ng isa dahil lahat ng mga binanggit niyo ay ang normal na nararamdaman ng isang normal na tao.”

Magsasalita sana si Kevin nang biglang umimik ulit si Leo ng, “Yun nga lang, hindi ako normal na tao eh.”

Tumawa sila Jade at Kevin sa sinabi ni Leo. “Oo. Alam namin,” sagot ni Kevin. “Mutant ka naman kasi!”

Sumabay si Leo sa kanilang pagtawa na umalingawngaw sa tahimik na gabing mapanglaw sa ilalim ng maliwanag na mga bituin.

Nang matapos ang kanilang pagtawa’y binalot sila ng matalinhagang katahimikan. Napansin ni Kevin na binaba ni Leo ang kanyang kinakain na chichirya at tumingin sa kalangitan.

“Ngayong alam niyong may krisis na posibleng makaapekto sa buhay niyo, ano agad ang unang pumasok sa isip niyo?” tanong ni Leo habang nakatingin pa rin sa langit.

“Siyempre yung safety natin,” sagot ni Kevin. “Hindi man ganoon kataas ang fatality rate ng virus, we cannot miss the fact na merong namamatay. Ang pinakanaisip ko ay kung papaano tayo makakasurvive.”

Tumango si Leo sa sinagot ni Kevin. “Eh ikaw, Jade? Ano yung naisip mo agad?”

“Siyempre yung kaligtasan din natin. Wala kasing assurance na ligtas ang lahat. Inisip ko agad kung papaano mapapataas ang immune system natin,” sagot ni Jade. “Ba’t mo natanong yan?”

Tumingin si Leo sa baba kung saan kita nilang lahat ang traffic sa daan kasi maraming taong nagkukumahog na makaiwas sa lockdown.

“Nung nalaman kong hindi ako makaka-graduate on time last week, dumiretso agad ako ng Sunken Garden para magmukmok,” malayong sagot ni Leo.

“Wow. May moment talaga?” pang-aasar ni Kevin.

“Shh! Nagkukwento yung tao, wag epal!” saway ni Jade.

Hindi sila tinapunan ng tingin ni Leo pero tumawa siya at nagsalita ulit. “Sa kalagitnaan ng pagdadrama ko doon, may mag-jowa na bigla akong kinausap. Akala ko pa nga’y networking eh!” sabi niya habang tumatawa. “Hindi ko alam kung anong sumapi sa’kin para ibahagi ang buhay ko. Mga taga-UP din sila at alam din daw nila yung ganung pakiramdam. Tapos yung Rico, biglang tinanong yan sa akin.”

“Anong sagot mo?” tanong ni Jade.

“Siyempre wala akong alam nung panahon na yun. Kaya sinabi sa akin ni Kuya Rico ay ang unahin ko raw isipin kapag may delubyong kinakaharap ay kung papaano yun ma-oovercome. Huwag daw akong matakot na pagdaanan ang isang problema kasi tutulungan daw ako nitong mag-grow. Sabi niya sa akin, ‘Para ma-overcome mo ang isang delubyo, kailangang may totoong burden ka na mabago ang sitwasyon. Marami kasi na hindi kayang i-overcome ang kanya-kanyang problema kasi walang burden’ Last week, hindi ko pa yan gets. Pero ngayon, mas malinaw na. ”

Patuloy pa ring nanahimik ang dalawa. “Having the burden is the first step in order for us to overcome our struggles. Kapag meron ka nang burden, mas maiintindihan mo ang problema at ang urgency para malagpasan ito. Mahalaga ang burden kasi dito nakadepende ang responses natin. Sobrang halaga nga nito sa nangyayaring krisis sa atin eh. Kagaya nga ng example niyo kanina sa rebuttal niyo, yung mga tao na tumutulong sa medical workers at yung mga mayors sa ibang lugar ay may kakaibang responses sa krisis na ito kumpara sa mga normal na tao kasi sila lang yung may tunay na burden. Dahil sa kagustuhan nilang mabago ang sitwasyon, nakapag-respond sila beyond normal,” paliwanag ni Leo na parang inaalala yung sinabi nung Rico na yun.

“Nakapag-respond beyond normal?” tanong ni Kevin na halatang hindi naiintindihan ang sinabi ni Leo.

“Oo. Normal kasi na magreklamo ang tao sa pagiging incompetent ng gobyerno lalo na sa panahon ng krisis. Normal kasi sa gobyerno na tamaan at mapikon sa mga pasaway at mga bashers, kaya minsan napapalaban sila sa tao. Pero iba yung mga naging example niyo. Sila lang kasi yung may mga totoong burden para sa bansa. Kaya ang result? Gumalaw sila nang hindi naayon sa normal na standard ng mundo. In short, responding beyond normal.”

Napansin ni Kevin na tiningnan sila ni Leo sa mata na halatang may itatanong.

“Eto ang mga tanong ko sa inyo,” sabi ni Leo na nakatingin pa rin sa mata nila. “Sa tingin niyo ba, yung pagrereklamo niyo sa sistema ng gobyerno o sa mga taong pasaway, yun ba ay resulta ng burden niyo na mabago ang krisis na ito? May maganda bang resulta ang paninisi niyo sa isa’t isa? May burden ba talaga kayo? O baka may burden nga kayo kaso para sa sarili lamang at hindi para sa pangkalahatan?”

Hindi naman makasagot si Kevin. Bakas din sa mukha ni Jade ang pagkagulat sa kaklase nila na biglang naging seryoso.

“Para sa mga normal na tao, ang paninisi sa gobyerno ay tamang solusyon sa ganitong sitwasyon. Para sa mga normal na tao, ang pagrereklamo sa sitwasyon ang mabisang paraan sa nangyayari ngayon. Para sa mga normal na tao, ang pakikipag-away ang lunas para sa virus na ito. Pero tanungin natin ang ating sarili, ang normal ba nating reaksyon ay nakakatulong sa tunay na pagbabago? Guess what, now’s the time para maging abnormal tayo. Ito na yung panahon kung saan we must respond beyond normal. Kasi kung hindi, mundo natin yung masisira,” litanya ni Leo.

Hindi pa rin makapagsalita sina Kevin at Jade kaya nagpatuloy si Leo sa kanyang monologue.

“Hindi ko sinasabing mali yung mga sinabi niyo kanina. Pero kung may totoo kayong burden, alam niyong hindi ito ang oras para magreklamo’t magsisihan sa mga nangyayari ngayon. Hindi wise na sayangin natin ang oras na binigay sa atin ng Diyos sa pakikipagbangayan. Let me put it this way, para tayong isang OFW. Tapos mababalitaan na lang natin na tinamaan ng matinding delubyo ang ating bansa. Makikita mo na lang ang mga pader at mga bahay na sira-sira. Mapapaiyak ka na lang kasi nasira na yung bayan kung saan ka pinanganak. Kaya uuwi tayo kasi may burden tayong buoin ang ating bansang sinilangan. Kahit hindi tayo isang engineer/architect, gugustuhin mong makatulong para itayo ulit ang nasirang bansa. Hihingi ka na lang ng tulong sa Diyos para bigyan ka ng lakas na mapabilis ang paggawa kasi alam mong defenseless ito. Yun yung nagagawa ng burden. Kita mo ang problema at may aksyon ka. Kaya magugulat ka na lang kasi maitatayo na ang pader ng bansa kasi lahat ng efforts mong mabuo ay driven ng burden mo. And that is responding beyond normal.”

Hindi makatingin sina Kevin at Jade sa isa’t isa kasi tinatamaan sila sa sinasabi ni Leo.

May burden ba talaga ako? O sarili ko na lang ang iniisip ko? isip-isip ni Kevin.

“Tigilan na natin ang paninisi sa ibang tao. Tigilan na natin ang paghihilahan pababa. Kailangan tayo ng bansa natin. Sabi niyo kanina, may namamatay sa virus. Wag naman sanang mapatay din nito ang relasyon natin sa isa’t isa. Oo, may social distancing. Pero sana, sa paglayo natin sa isa’t isa, siya namang paglalapit ng ating mga puso kasi walang kahit anong delubyo ang kayang sumira sa puso ng sangkatauhan na pinagbuklod at pinagtibay ng pagmamahalan,” huling hirit ni Leo.

Ilang minuto silang nanahimik para lang ma-absorb ang mga litanya ni Leo. Hindi alam ni Kevin kung anong pumasok sa kani-kanilang mga isip upang ito ang maging paksa ng kanilang pag-uusap. Pero simula nung dumating ang krisis sa bansa, nagkaroon na si Kevin ng pag-asa.

“Fine, I concede myself,” pag-suko ni Kevin.

“Ako rin!” pagsang-ayon ni Jade.

Ngumiti na lang si Leo sabay sabi ng, “Sure kayo, magpapatalo kayo? Sayang ililibre ko pa naman yung mananalo!”

Nagkatinginan sina Kevin at Jade at napagtanto nila na walang nanalo sa debate na ito kasi parehas naman silang may mali sa pagkakataong yon.

Pero ibang usapan na kung sila mismo ay kayang ipanalo at mapagtagumpayan ang krisis na ito. Kasi ngayon, alam na nila ang tunay nilang kalaban.

Oo, mapanganib ang Covid-19. Pero lubos na mapanganib ang virus na dumidikit sa puso na nagbibigay ng kanser sa lipunan.

Hindi na muli magpapadala si Kevin sa bugso ng maling emosyon.

Saglit na tumingala si Kevin at nakita ang mga bituin sa kalangitan. Maaaring hanggang ngayo’y wala pa ring kasiguraduhan ang mangyayari sa kanilang hinaharap. Kahit nga kinabukasan ay wala pa rin siyang ideya. Hindi niya nga alam kung hanggang kailan pa magtatagal ang community quarantine nila.

Maaari ngang minsan ay nawalan na rin siya ng pag-asa, kagaya ng mga normal na tao.

Pero iba na ngayon.

Pinapangako ko, sabi ni Kevin sa utak niya. Gagawin ko na ngayon ang mas kinakailangan para mabago ang sitwasyon. Panahon na para baguhin na ang mundo.

Bigla siyang tumawa na napansin nina Leo at Jade. Saglit nilang tinignan ang lalaking tumatawa sa kawalan at sinabayan na nila ito na tila simbolo ng isang pagkakaunawaan na hindi para sa mga normal na tao.

Sila nang tatlo ang weirdo. Kung sabagay, wala naman nang normal sa kanila.

Sila na ang mga abnormal.

-END

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s