Kanser Series

Ang Pagtuturo Ng Nakaraan

KANSER Series: Part 2

 

Noong isang araw pa inis na inis si Marco. Para kasing baliw ang mga ka-tropa niya. Ilang beses na siyang na-bubwisit sa mga asta ng kaibigan. Pinipilit kasi siyang pumunta ng highschool reunion, eh tinatamad siya. Iniisip kasi ni Marco na napakamukhang-pera ng school nila. Hello, sampung taon pa lang ang nakakalipas nung maka graduate sila ng highschool tapos may ganito pa silang paandar. Mukhang pera talaga ‘tong school nila. Nagbalak pa nga siyang magtago kaso epal si Phillip. Ang galing niyang mangonsensiya, wala siyang laban sa kadramahan nito. 

Tsaka buti na lang, slack season ngayon, madaling makapag-file ng leave

Kasalukuyan niyang itinigil ang sasakyan niya sa parking lot ng school. Nagulat pa nga siya kasi ang laki na ng pinagbago ng school nila. Pumasok siya sa loob at napansin na sa malaking gym pala gaganapin ang kanilang reunion. 

Tumingin muna siya sa orasan niya at napansin na na-paaga pala siya ng tatlong oras sa pinag-usapan nilang pagkikita nila ng mga katropa niya. Pero sa halip na pumunta siya sa gym, iba ang nilakaran ng kanyang paa. Nagsimula siyang maglakad sa mga classrooms para bumalik sa nakaraan. Medyo nagulat pa nga si Marco kasi may mga estudyante pa at may mga guro pang nagtuturo. Kung sabagay, oras pa naman ng pag-aaral. Pinuntahan niya lahat ng mga lugar sa school nila na kung saan naging mahalaga sa kanya. Dinaanan niya muli ang pathway na kung saan ilang beses siyang nadadapa sa kakatakbo kasi late siya sa pagpasok. Dinaanan din niya ang guidance room na kung saan ilang beses na siyang naglabas-pasok sa sobrang dami niyang mga demerits at penalties sa student handbook. Dinaanan din niya ang IV-Diamond na room nila dati, at inalala niya ang mga magagandang memorya niya sa loob ng classroom nila. Kung wala lang nagkaklase sa loob, malamang pumasok na siya doon.

Feeling nga niya artista siya kasi pinagtitinginan siya. Siguro dahil nakasuot siya ng uniform sa office nila, yun daw kasi ang dress code eh. Inis na inis siya sa long sleeves niya kasi naiinitan na siya.

Patuloy siyang naglakad at napansin ang isang waiting shed sa may burol sa di-kalayuan. Nagulat nga siya kasi nandito pa din ang pinaka-nostalgic na lugar para kay Marco. Inakyat niya ang burol  at umupo sa upuan sa may waiting shed. Sa hindi niya malamang dahilan, parang mas mahirap pang maglakad papunta dito.

Siguro sadyang epal lang ang gravity sa pag-akyat niya sa burol o baka naman mas nahihirapan siyang maglakad dito sapagkat sa ibang daan ang dinadala ng paa ng buhay niya. 

Pinagmasdan niya ang olympic-sized na pool ng school nila sa kanan at ang mga buildings ng college ng school nila sa kaliwa. Pinagmasadan din niya ang buildings ng highschool sa baba na pinanggalingan niya kanina. Sosyal kasi ng school nila, may pang-highschool at pang-college pa. 

Habang pinagmamasdan niya ang pagbaba ng araw, hindi niya napigilang magmuni-muni ng kung anu-anong mga bagay. Malayo na sana ang nilakbay ng utak niya nang biglang may nagsalita sa tabi niya ng, “Is this seat taken?”

Tumingin naman si Marco sa nagsalita kasi isang multo ng nakaraan ang nasa harap niya. Medyo nag-loading pa ang lalaki bago nag-register sa kanya kung sino ba ang magandang babae na nagsalita. 

“Lily?” sabi ni Marco na parang ngayon lang niya ulit nabanggit ang pangalan na iyon. 

Ngumiti naman si Lily at umupo siya sa tabi niya. “Yes, at your service,” sabi niya na nakangiti pa sa kanya na parang may magandang naalala nung nakita niya ang gulat na mukha ni Marco. 

Hindi pa din naman nagbabago ang paningin ni Marco kay Lily, maganda pa din siya kahit naka jeans at T-shirt lang. Napatingin din si Marco at natawa na lang siya nang makita niyang naka-converse na sapatos ang babae. 

“Oh, aning ka na?” tanong ni Lily. 

“Sorry. Ang cute kasi ng porma mo. Parang college ka pa din,” sagot ni Marco. 

“Asus, crush mo na naman ako eh,” pang-aasar ng babae. 

Nagulat na naman si Marco sapagkat ang ‘vocal’ na ngayon ni Lily. Dati kasi halos hindi naman siya ganito ka-vocal mang-asar. Pero ngayon, nakakaya niyang magsalita ng ganyan kay Marco na parang hindi sila matagal nagkausap. Umiwas na lang siya ng tingin sa babae at pinagmasdan ang campus nila sa baba.

“Ang kapal mo talaga. Hindi no,” sagot ng lalaki.

Napansin naman ni Marco na sinundan ni Lily ang tinitingnan niya ang nasa harap at baba niya kaya nanahimik siya sa sasabihin ng babae sa kanya. 

“Uy. Crush pa din ako, hindi ka makatingin sa akin eh,” asar ulit ni Lily na tinawanan na lang ng lalaki. Iimik na sana si Marco nang biglang nagsalita ulit ang babae. “Nakakamiss ang campus natin no?”

Tumingin ang lalaki sa nagsalita at napansin niya ang ngiti nitong kakaiba. “Oo naman. Ang dami kong namimiss dyan sa epal na sa school na ‘yan.” 

“Gaya ng?”

“Yung mahal na tuition at mabibigat na books. Feeling science highschool.” 

Tumawa naman ang babae sa sinagot ni Marco. Nakakatawa naman kasi ang pagiging sarkastiko ng lalaki kasi ganun na ganun talaga siyang magsalita. 

“Pero seryoso, yan talaga namiss mo?” pagtatanong ni Lily na halatang di naniniwala sa sagot ng lalaki. 

Natuwa naman kahit papaano si Marco kasi kilala pa din siya ni Lily hanggang ngayon. 

“Sa totoo lang, marami akong namimiss. Namimiss ko yung highschool as a whole. Ang babata pa natin nun eh. Wala tayong masyadong problema.”

“Tayo, walang problema. Pero yung adviser natin, kawawa sa section natin. Ang pasaway kasi natin eh,” sabi ni Lily. 

“Ikaw lang, mandadamay ka pa eh,” pang-aasar ni Marco. 

“Ay kapal. Sino kaya yung pasaway na bata dyan dati? Nakakahiya kaya yung bata na yun. Naturingang president pero pagdating sa kalokohan, siya pa itong nangunguna.”

Magkahalong tuwa at gulat ang naramdaman ni Marco sapagkat napakalinaw pa din ng memorya ng kausap niya. 

“Weh. Kelan naman kaya yun?” 

“Naalala mo ba nung pinalabas tayo ng principal kasi ang iingay ng section natin?” tanong ni Lily.

“Palagi namang napapalabas ang section natin dati ah.”

“But do you still remember that particular time na ikaw yung naging pasimuno ng pag-iingay? Nung nag-connect ka ng laptop mo sa projector para lang makapanood ng movie?”

Saglit na inalala ni Marco ang nangyari nung panahon na yun bago sumagot ng, “Wow. Makasisi ka ah. Ang naalala ko kasi pinilit niyo akong i-connect ang laptop ko sa projector kasi wala naman tayong klase nun!”

“Technically yeah. Pero hindi naman kasi tayo mahuhuli nun kung hindi dahil sa tawa mo eh. Kung tumawa ka kasi, parang first time mong panoorin yun ah.”

“Nakakatawa kaya ang Iron Man! Sino bang hindi matatawa dun?” depensa ni Marco. 

“Yeah. Nakakatawa nga, pero every scene, tatawanan mo? Like really?!” reklamo ni Lily.

“Maka-reklamo ka dyan, pero tawa ka din naman ng tawa noon!”

“Nakakahawa ka kasi eh. Pero thanks sayo, pinalabas tayo at nakapila tayo sa quadrangle. Wa poise ako kay crush. Kaya siguro na turn-off yun sakin.”

“Hindi naman ako na turn-off sayo nun ah,” pang-aasar ni Marco. 

“FYI, hindi lang ikaw ang crush ko nun no. Si Tj kaya, crush ko. Hiyang hiya kaya ako nun sa kanya.”

“Wow. Naging crush mo yun? Ang panget kaya nun. Mukhang unggoy,” sabi ni Marco. 

“Asus. Selos ka lang eh.”

“Sa gwapo kong ito, magseselos ako?”

“Pero dati kaya, totoy na totoy ka pa. Ang itim itim pa. Ilang glutathione ba ang nilaklak mo kaya ka nagkaganyan?”

“Asa ka naman. Konti lang naman ang ipinuti ko kumpara dati eh.”

“Anyways, nadungisan yung student handbook ko dahil sa violation na nagawa natin. Ingay mo eh.”

Sumimangot naman si Marco sa narinig niya. “Excuse me, sadyang KJ lang si Mr. Principal. Hindi lang yun fan ng Marvel.”

Umiling naman si Lily kay Marco. “Ganyan tayo eh, minsan tayo yung mali, pero sinisisi natin sa iba. Tapos magrereklamo tayo dun sa mga taong nag-didisiplina sa atin na ang gusto lang naman ay itama tayo. Naghahanap lang tayo ng masisisi natin sa pagkakamali natin. Tsaka,” tumigil si Lily. 

“Wow. Tumigil ka pa ah. Ituloy mo na ang monologue mo. Nakakahiya naman sayo,” pang-aasar ni Marco. 

“Baluga. In my opinion kasi, ang isa sa pinaka-ayaw natin ay yung may mga tao na mas alam pa ang tama kesa sa’yo.”

“Hindi naman sa ganun. Minsan kasi ang pakialamero/pakialamera ng dating sa taong na-cocorrect eh,” pagdedepensa ni Marco. 

“Fine point taken. Pero minsan, kailangan rin nating buksan ang utak natin. Nagiging sarado na kasi palaging sarili lang natin ang pinakikialaman natin. Kailangan nating marealize na kapag may pakialam ka sa isang tao, ay wait, kapag mahal mo ang isang tao, tutulungan mo silang mag-improve to. Kapag mahal mo ang isang tao, i-cocorrect mo sila not because ang perfect mo. But because may pakialam ka sa kanila at ayaw mo silang mapahamak.”

Kahit na medyo naiilang si Marco sa tono ng pananalita ni Lily, sumagot pa din siya ng, “Kung sabagay, may punto ka. Hindi nga naman tayo makakapag-inspire ng tao sa mga pagkakamali natin. Makakapag-inspire tayo sa kung papaano natin yun na-overcome. I rest my case.”

“Told ya,” natatawang sagot ni Lily. 

“Pero bakit ganun,” singit ng lalaki. “Kung gusto mo pala ako tulungang mag-improve dati, bakit hinayaan mo akong magkamali nung role play natin ng Romeo At Juliet?” 

“Ha?”

“3rd year Highschool tayo dati nung nag Romeo At Juliet tayo ah. Nakalimutan mo na?”

“I mean naalala ko yung play, pero ano yang sinasabi mo na hinayaan kitang magkamali?”

“Grabe. Nakakainis kaya kayo nun! Dun pa sa crucial na moment na akala ni Romeo patay na si Juliet! Naalala mo ba nung nakalimutan ko yung script ko at dahil sa kaba ko, pumiyok ako. At naalala mo ba ginawa niyo dati? Ayun, tinawanan niyo lang ako!” reklamo ni Marco. 

Tinawanan naman ni Lily ang nagrereklamo niyang kausap. Mas lalong napikon ang kausap niya. 

“Wow. Galak na galak ha. Hiyang hiya kaya ako nun! Romeo na Romeo ako nung panahon na yun tapos papahiyain niyo lang ako? Ang galeng.”

“Ay feel na feel mo talaga ang pagiging Romeo mo ah!” pang-aasar ni Lily. 

“Siyempre naman. Sa gwapo kong ito!” pagmamayabang ni Marco na tinawanan lang ng babae. 

“In fairness,” sabi ni Lily pagkatapos niyang tumawa. “Ang galing mong mag adlib nung panahon na yun.”

“Pambihira yun! Kinailangan ko pang mag-imbento ng scene,” reklamo ulit ni Marco tapos bigla siyang tumawa. 

“Oh, aning ka na?” 

“Hindi naman,” sagot ni Marco. “Nakakatawa kaya yung mga mukha niyo nung naka-in character pa din ako.”

“Paano mo nga ulit naitawid yun?” tanong ng babae. 

“Simple lang. Nung tumatawa kayo, sumigaw na lang ako para makakuha ng eksena. Pinamukha ko lang na pinaglalaruan lang si Romeo at Juliet ng mga tao sa paligid niya kaya nagpakamatay siya. At least na pick-up mo yung cue ko para magpakamatay ka din nun.” 

“Ang galing mo nga palang scriptwriter!” sabi ni Lily. 

“Pero sa totoo lang, kinakabahan ako nung moment na yun. Baka kasi pagalitan ako ni Sir Dumlao kasi pinalitan ko yung script.”

Magkahalong tawa ni Marco at Lily ang umalingawngaw sa waiting shed nila. Nang tumigil na yun, nagsalita si Lily.

“Pero sa totoo lang, hindi naman kita hinayaang magkamali. Kasi hindi naman mali yung pumiyok ka. And pwede mo na ding sabihin na blessing in disguise yun kasi mas nag-improve pa ang acting skills mo. Ang galing mo kayang umarte nung mga sunod na play natin nung 4th year.”

“Hindi din. Hirap kaya akong makapagsaulo ng script.”

“Hindi lang naman sa roleplay ka magaling umarte,” makahulugang sabi ni Lily. 

“Ang magagaling umarte sa buhay, sila yung mga takot sa katotohanan na hindi nila kayang makontrol ang tadhana nila kaya gumagawa sila ng sarili nilang version ng tadhana,” sagot ni Marco habang nakatingin kay Lily.

Peke naman. Wala din,” sagot ni Lily sabay tingin din sa kausap nila. 

“Bakit kasi kinakailangang may script ang buhay? Nakakainis naman ‘yang script na yan eh. Kasalanan niyang script na yan kaya hanggang ngayon feeling natin, mali yung sinasabi natin,” tanong ni Marco.

“Para may order,” sagot ng babae. 

“Eh scripted naman,” depensa ng lalaki. 

“Nakadepende naman yan sa delivery natin eh. Kung natural lang yung flow ng script, malamang totoo yun. Bakit natin isisisi sa script yung nangyari? Baka nasa delivery lang natin yun. Ganun lang ka-simple.”

Tumawa naman ang lalaki sa sagot ng babae kahit wala namang nakakatawa dun. 

“O bakit?” tanong ni Lily. 

“Nakakatakot ka pa din pala, napansin ko lang.”

“Hala! Bakit naman?”

“Ganyan ka din nung Foundation day eh.”

“At kailan naman ako naging nakakatakot? Sa ganda kong ito!”

“Maganda nga, nakakatakot naman lalo na nung sumigaw ka everytime na may huhulihin sa jail booth!”

Nanlaki naman ang mata ni Lily sa sinabi ni Marco. “Baliw,” depensa ng babae. “Naka in-character lang ako nun.”

“Asa. Hindi ka naman naging Battalion Commander kung hindi ka nakakatakot.”

“Ang sabihin mo, magaling lang ako umarte.”

“Anyways, ang lakas kaya ng tama mo last foundation day natin dito dati. Palibhasa alam mo lang na may sweldo ako sa paluwagan natin kaya pinahuli mo ako nun. Nakakatakot ka eh.”

“Ayaw mo nun, prisoner of love?” 

“Prison lang. Walang love.” 

“So saan ka naman natakot nun sakin? Parang di ka na nasanay sa CAT. “

“Hindi naman talaga dun. Dun lang sa thought na nakakaya mong mag-iba ng mood. Extreme lang eh. 3hrs after mong ikulong ako, sobrang saya mo naman kasi nandun tayo sa marriage booth. Wala lang. Creepy pero nakaka-amazed lang.”

“Grabe, di ba pwedeng magaling lang akong maki-adapt sa situation.”

“Pero alam mo ba, nakakamiss din pala yun,” sabi ni Marco. 

“Ang alin? Yung pakasalan mo ako?”

“Baliw,” sagot ng lalaki. “Yung mga panahon na kaya mong maka-adapt sa bawat sitwasyon na inihahain sayo ng tadhana. Ang hirap kasi pagdating nung college. Feeling mo lagi, ginugulat ka. Nakakamiss yung panahon nung highschool na ang pinaka-iniisip natin ay kung ano yung sasayawin natin sa foundation day. Iisipin mo na lang kung ipapa-frame mo ba yung certificate sa marriage booth. O kung ano ang isasagot mo sa Calculus. Mga ganun lang ka-simple. Kasalanan kasi ng highschool ‘to eh!” 

Tumawa na lang si Lily at sumagot. “So bakit kasalanan pa ng highschool yan?”

“Di man lang kasi tayo na-inform na ganito pala talaga kaseryoso ang buhay. Kasalanan ng highschool kasi masyado tayong na-baby. Kaya isang bagyo lang, bagsak agad tayo.”

Umiling-iling naman si Lily sa kausap niya. “Bakit mo kasi isisisi sa nakaraan ang nangyayari sa iyo ngayon? May kanya-kanya tayong oras sa lahat ng bagay eh. Lahat nakaayon sa oras. Sadyang tayo lang ang pilit na bumabalik sa nakaraan para sisihin ito. Pero hindi natin alam, matagal na pala niya tayong tinuturuan, sadyang sa iba lang tayo nakatingin.”

Napatingin naman si Marco kay Lily sapagkat napansin niyang mas naging seryoso ang babae. Babaliwalain na lang sana niya ang sagot nito nang bigla niyang hindi makontrol ang kanyang bibig at nagsalita ng, “Yung totoo, okay ka lang ba? Kanina ka pang may malalaman na sinasabi ah.”

“Wala naman. Sadyang ganito lang kaya ako.”

“Talaga ba? Ganyan ka din kasi nung galit ka sa akin dati.”

“Kelan ba yang sinasabi mo? Parang halos buong highschool kagalit kita ah.”

“Ganun ba yun. Madalas kang galit sa crush mo dati?” pang-aasar na naman ni Marco habang tumatawa.

“Oo eh. Para mapansin mo ako,” sagot ni Lily na tila sinakyan ang trip ni Marco. “Pero seriously, kelan ba yang sinasabi mo?”

Tumingin muna si Marco sa baba ng burol nila at pinagmasdan ang pool sa tabi nila. 

“Nung minsan akong dinala sa guidance councilor,” sagot ni Marco sa kausap niya. 

“Parang lagi ka namang na-guguidance eh.”

“Pero iba yun, dun ko lang nakita kung paano ka nagalit. Ito yung moment na kung saan nakipag-away ako kina Fred.

Napansin ni Marco ang biglaang pananahimik ni Lily. Iimik sana ulit ang lalaki nang biglang umimik ang babae ng, “Eh sino bang hindi magagalit sa iyo nun. Parang timang ka eh.”

“O, ako na naman?”

Ikaw naman talaga eh. Ikaw pa rin,” pang-aasar ni Lily na natatawa kaya napatingin si Marco. “Pero seriously, bakit ba ang init ng ulo mo nung panahon na yun?”

“Eh kasi, nakakapikon sila Fred. Daming sinasabi sa akin kapag hindi ako nakatingin sa kanila. Mga duwag.”

“So kelangang manghampas ng gitara kasi napipikon ka? Sayang naman ang Ibanez.”

“Eh kasi, kapag kaharap mo, bestfriend mo. Pero kapag nakatalikod, kaaway ka. Kalalaking tao, duwag naman.”

“Ano ba yung sinasabi nila sa iyo?”

“Mababaw lang naman. Tungkol lang ata sa yun sa basketball? Hindi ko na maalala eh.”

“Mababaw nga,” sabi ni Lily. “Kaso, kahit anong mababaw na bagay pa yan pero may malalim kang pinanghuhugutan, mabigat yun.”

Huminga muna ng malalim si Marco bago nagsalita ulit. 

“Ang pinaka ayaw ko sa tao ay yung mga backstabber. Lalo na kapag mapurol naman ang kutsilyong isasaksak sa likod mo,” sabi ni Marco.

“Wow. Talagang mapurol ah.”

“Siyempre. Kapag mapurol, makalawang. At kapag makalawang, nakaka-tetano. Parang sa buhay lang, kapag may sinabi ang isang backstabber sayo, lalo na kapag walang basis kasi mapurol yun, nakakamatay.”

“Ha?”

“Nakakamatay yun ng relasyon. Kasi ang isasaksak sayo ay toxic eh. Choice mo na nga lang kung  iiwasan mo yun.”

Napansin naman ng lalaki na nanahimik si Lily. Tumingin siya dito at nakitang nakatingin din sa lalaki. “Ano na naman?” tanong ni Marco. 

“Bakit ka ba hugot ng hugot? Kanina ka pa ah.”

“Coming from you ah,” sagot ng lalaki. “Wala lang. Masaya lang humugot.”

“Bakit ka ba kasi nakikisabay sa mga taong mahilig humugot?”

“Hindi ako nakikisabay no. Lalo na kapag alam ko naman na walang sense ang hugot nila.”

“Paano mo ba nasasabing walang sense ang isang hugot?” tanong ni Lily. 

“Walang sense ang kahit anong hugot kung wala namang tinatamaan,” sagot ni Marco. 

Saglit silang nanahimik sa sinasabi nila. Sa totoo lang, hindi alam ni Marco kung ano bang nasa isip ng kausap niya at kanina pa silang kwento ng kwento ng nakaraan nila. Kahit na naka-longsleeves si Marco, hindi niya pa din mapigilang manginig sa kanyang nakaraan. 

Bakit nga ba siya nanginginig?

“So,” pag-iiba ni Marco ng usapan. “Bakit ka nga ba nagalit sa akin nun?”

“Nasabi ko na kung bakit ah.”

“Yung totoo,” imik ng lalaki. 

Napansin niyang huminga muna ng malalim si Lily bago ito sumagot sa kanya. “Wala lang, pakiramdam ko kasi parang nagbago ka na. Parang hindi ikaw yung kilala ko dating mababaw ang kaligayahan. Kaya ako nagalit sayo nun kasi pakiramdam ko, tinatakbuhan mo kung sino yung totoong ikaw kasi naduduwag ka sa sitwasyon na yun.”

Hindi muna sumagot ng ilang minuto si Marco sa sinabi ni Lily kasi hinahanap niya yung tamang salita.

Nang mahanap niya yun, sumagot na lang siya ng, “Sobrang sama kasi nung araw na yun. Dun ko nalaman na may ibang babae na naman ang Papa ko. Ilang taon na niya pala kaming niloloko.”

Hindi naman nagsalita ang kausap niya kaya nagsalita ulit ang lalaki. 

“Unang beses naming nalaman na niloloko kami ng Papa ko nung 2nd year tayo. Pero dahil mahal namin siya, pinatawad namin. Kaso, ang sama lang ng tadhana eh. Naulit na naman nung araw na yun ang panloloko niya sa amin. Pakiramdam ko, nawalan ako ng tiwala sa taong mahal ko. Siguro kaya nahirapan na ulit akong magtiwala ulit. Kasi kahit yung mismong mahal ko sa buhay ay nagawa kaming lokohin.”

Sa totoo lang, medyo naluluha si Marco kapag naaalala niya ang panahon na yun. Ganun talaga eh. Hanggang ngayon kasi hindi pa din ito nagagamot. 

“Kamusta naman kayo ngayon?” tanong ni Lily.

“Ewan ko. Pagkatapos kasi nun, hindi na namin ulit siya nakausap. Dumating ang panahon na kung saan pakiramdam ko mag-isa na ako kasi tinaboy ko na lahat ng mga taong posibleng mahalin ako. Up until now, ang mindset ko na lang ay umiwas sa mga taong posibleng mahalin ako kasi baka hindi naman din ito totoo,” sagot niya habang nakatingin sa papalubog na araw. “Kaya nahirapan na ako ulit magmahal ng ibang tao eh.”

Akala ni Marco, mananahimik na lang ang kasama niya kaso bigla itong nagsalita sa tabi niya ng, 

“Kaya ba tayo umabot sa sitwasyon na ito?”

Kung tutuusin, pabulong lang naman yun pero pakiramdam ni Marco, may bombang bumasag sa tabi niya. Mali, sa puso niya ng marinig niya yun.

Ni hindi siya makatingin sa kausap niya kasi hindi naman niya alam kung papaano nga ba niya ito sasagutin.

“Hindi ko din alam,” sagot ni Marco na parang nahihirapang ilabas ang gusto niyang sabihin. “Pero para sa akin, sobrang dami kong mga regrets para lang makarating dito sa sitwasyon na ito.”

Hindi makatingin ang lalaki sa kausap niya kaya hindi niya mawari kung ano nga ba ang reaksyon ng kausap niya. Akala niya hanggang dun na lang ang kanilang dialogue ni Lily nang bigla itong umimik ng tanong na bumasag ng katahimikan niya. O baka ng puso niya. 

“Did you regret us?” 

“Never,” mabilis niyang sagot. 

“Bakit naman?”

“Siguro,” sagot ni Marco na nag-iisip ng isasagot niya. “Hindi dun sa relasyon natin ako nag-regret. Dun sa action na nagawa ko after ng ating break-up ako nagregret. Na-realize ko kasi after nung 2nd anniversary natin na ‘paano kung magaya tayo sa mga magulang ko?’ Kasi sa totoo lang, kapag nakikita ko dati ang mga magulang ko, kung magkakaroon ako ng asawa, gusto kong maging kagaya nila. Na yung tipong may problema pero kayang malagpasan. Nag-regret ako sa nagawa ko kasi na-break kita ng malala nun. Na-realize ko na why prolong the agony of the unknown? Hindi mo makakayang mapatagal ang pagmamahal kung wala ka namang tiwala sa kinabukasan kasi nag-aalangan ka sa kasalukuyan. Kasi alam mo naman, naghiwalay din sila Papa at Mama. Alam mo kung bakit?” 

Umiling si Lily kaya nagsalita ulit si Marco. “Kasi hindi nila napanindigan ang pagmamahal na inalay nila sa isa’t isa. Hindi napanindigan ni Papa ang pagmamahal na bumuo sa aming pamilya. And that scares me. Aaminin ko, naduwag ako sa pagmamahal sa unang beses sa buhay ko not because it can break someone’s heart but because ang pagmamahal ay kayang bumasag ng buhay ng ibang tao kapag hindi mo ito pinanindigan. Kaya napaisip ako, hindi ko kayang gawin sa iyo nun. Mas okay na nakipaghiwalay ako sayo para maalala mo na lang ngayong kasalukuyan ay ang mga nagawa kong mali sa nakaraan kesa makipaghiwalay ako sa’yo sa panahon kung saan ang maalala mo lang ay ang mga bagay kong magagawang mali sa hinaharap.”

Pagkatapos sabihin ni Marco ang kanyang litanya, binalot naman sila ng mabigat na katahimikan. Hindi nga alam ni Marco na dito sila umabot sa oras na ito na pinagmamasdan ang magandang view sa kanilang harapan pero pinag-uusapan nila ang kanilang nakaraan.

“Eh anyare sa’yo nung after break-up?” pagbabasag ni Lily ng katahimikan. 

Umiwas naman ulit ng tingin si Marco. Nag-isip muna siya ng mga salitang gusto niyang sabihin sa katabi niya. 

“Ayun, mas lalo kong naramdaman na mag-isa ako,” sabi ni Marco habang nakangiti kahit alam naman nilang parehong peke yun. “Wala eh, kasalanan ko din, kaya habang nasa college ako, habang nag-boboard exam ako, mas naramdaman ko yung paghihirap ko. Hindi ko naman masabi sa magulang ko kasi hanggang ngayon nga, hindi kami ayos ng Papa ko. Ang Mama ko naman, ang daming iniisip, marami ring problema. Tsaka paano ko masasabi sa mga kapatid ko, wala naman silang kaalam-alam dun kasi mga bata pa sila.”

Hindi naman nagsasalita ang babae kaya patuloy na umimik si Marco. “Isa lang naman yung nakakausap ko ng matino eh, yung pinsan ko. Kaso hindi naman akong pwedeng masyadong umasa sa kanya kasi may sakit din yun. Nakakatawa nga eh, siya yung may sakit pero parang ako yung may sakit kasi mas negative pa ako sa ungas na yun. Eight years na ang nakakalipas nung namatay yun pero tandang-tanda ko yung sinabi niya sa akin. Sabi niya, ‘Palaging may kanser sa lipunan. Alam mo kung bakit? Kasi madalas, ang sinusunod natin ay ang puso nating punung-puno ng kanser. Kaya kung anong nasa puso mo, yun yung magagawa mo. Kung anong nilalaman ng puso mo, yun ay dahil sa kung anong nilalagay mo dyan. Ano nga ba ang nilalagay mo sa puso mo? Positivity o negativity?’. Siyempre nung panahon na yun, parang wala lang sakin yung sinabi niya. Pero wala eh, ang slow ko. Ngayon lang nag-sisink in. Kaya I wanted to retrace my steps para malaman ko ang susunod na step na kailangan ko kasi sa totoo lang, matagal na akong nawawala eh,” malungkot na sabi ni Marco. 

“Minsan, kailangan mo lang bumalik sa pagmamahal. Mahalin mo ulit ang mga tao sa paligid mo. Kasi at the end of the day, sa kanila ka lang din babalik. Kailangan mong matutunan ulit magmahal. Siguro, tinatanong mo sa sarili mo kung bakit sa pagmamahal mo kelangang bumalik. Pero kasi ang pagmamahal lang ang kayang mag-alis sa kadiliman na namumuo sa ating puso. Ang pagmamahal sa buhay mo, sa buhay ng mga mahal mo sa buhay ay ang magpapabuhay sa iyo. Siguro nga, meron talagang kanser sa lipunan. Pero never yun matatanggal ng pagbalik sa nakaraan para dun na lang mamuhay. Love is what makes the present worth fighting for. Kailangan mo yung hanapin. Kailangan mong hanapin ulit yung pagmamahal,” pagbabasag ni Lily ng katahimikan. 

“Papaano kita hahanapin kung pati ako nawawala?” mabilis na tanong ni Marco.

“Eh di aminin mo munang nawawala ka,” sagot ng babae. “The first step towards the future is accepting the responsibility of the consequence in the past. Bago mo maayos ang present, dapat unang maayos ang past.”

“Kasalanan kasi niyang past na yan kung bakit nahihirapan tayo ngayong present eh.”

“Minsan sinisisi natin sa nakaraan kung bakit nasisira ang ating kasalukuyan. Ang hilig nating ituro ang nakaraan kapag nagkakamali tayo ngayong kasalukuyan. Pero sa totoo lang, ang totoong nagtuturo sa atin ay ang nakaraan. Tinuturuan nito tayong mag grow. Kasi sa totoo lang, kailangan naman natin talagang mag grow eh.”

“Okay fine. Makapang-bara naman ‘to,” sagot ni Marco na natatawa sa pinag-uusapan nila ni Lily. 

“Ikaw kasi eh. Ang pinakamahirap kasi sa isang tao ay kapag napuno na ng negativities ang ating puso, naghahanap tayo ng palaging sinisisi. At isa ang nakaraan sa palagi nating sinisisi. At kapag inalam lang natin kung ano o sino ang ating sisisihin, hindi na natin malalaman kung ano ba talaga ang dapat nating gawin. Puro na nga negativities ang puso mo, dadagdagan mo pa ng negative na past? Wag na lang,” sagot ni Lily na tumatawa din. 

“Wow. Ikaw na naka move-on sa past,” sagot ng lalaki. “Sana all.”

“Siyempre ako din, nahirapan din akong mag-move on. Pero kailangan eh. Para mag move forward. Kasi mahirap sa isang tao na mamuhay sa kasalukuyan kung ang iyong pinapakailaman ay ang iyong nakaraan.”

“Kung sabagay, hindi ka naman na talaga pwedeng bumalik sa nakaraan para ibalik yung iyong nararamdaman nung panahon na iyon.”

“Bakit pati yung nararamdaman ng panahon na yun gusto mong ibalik?”

“Kasi nung tumanda tayo, mas naging manhid tayo. Nakakamiss lang yung ganung pakiramdam na kung saan ang simple lang ng lahat.”

“Ano ba yung pakiramdam na gusto mong balikan?”

“Yung pakiramdam na wala kang masyadong burden. Yung wala masyadong responsibilities,” sagot ni Marco.

“Sa totoo lang, pwede namang bumalik ng nakaraan. Yun nga lang, hindi mo na maibabalik yung dating nararamdaman. Kasi either pwede yung madagdagan or pwedeng mabawasan. One thing’s for sure, it will never be the same. Parang sa awareness natin dati. ‘Pag nag try tayong bumalik sa nakaraan, dalawa lang yun, mababawasan yung pakiramdam natin na responsibility kasi alam naman nating may security or mas madadagdagan yung burden kasi mas gusto mong ma-preserve yung ganitong pakiramdam and by accepting that responsibility, you are also accepting that past. But, it will never be the same,” sagot ni Lily. 

“Bakit ang dami mong alam? Kanina ka pa ah,” tanong ng lalaki. 

“Siyempre, tinanong ko din yan sa sarili ko eh. Alam mo ba ang nakuha kong sagot?” tanong ng babae.

“Ano?”

“Sa totoo lang, kaya natin lahat yan natatanong sa sarili natin na kesyo, ‘paano ba bumalik sa nakaraan? or ‘sana bumalik na lang tayo sa nakaraan kung saan walang masyadong problema’ kasi duwag tayo. Kaya tayo ay duwag ngayong kasalukuyan kasi sa nakaraan lang tayo matapang. Kasi yung nakaraan lang ang pilit mong nilalabanan.”

Napaisip muna si Marco sa sinagot ng kausap niya bago siya ulit magtanong ng, “Paano mo na-formulate yang sagot na yan?”

“Simple lang, accept your past. Kasi the only way to find the answers of your future is to accept all the responsibilities given to you now by your past,” sagot ni Lily. 

Tumawa na lang si Marco na senyales ng pagsuko niya sa madaming alam na kausap niya. 

“Wow ah,” sagot ni Marco pagkatapos niyang tumawa. “Ang da-drama ng sagot mo ha. Ikaw na talaga. Suko na ako.”

“Di naman masyadong emosyonal sagot ko ah. OA ka.”

“Eh anong masama sa pagiging emosyonal? Normal lang yun.”

“Normal nga. Kaso minsan mahirap pag driven ka ng emosyon mo. Kapag may feeling ka, akala mo palaging tama, porket inakala ng puso natin na ito’y totoo. Yung puso nga natin, hindi natin alam, manloloko na din pala. Uto-uto ng maling emosyon. Kagaya nga ng sinabi ko kanina, dapat may responsibility ka. At ang responsibility is not just a feeling, it is a decision even though you feel you don’t want to accept it.”

“Fine. Iwas marupok dapat na tayo no?”

“Yup.”

“Kung sabagay, kapag ang puso marupok, wag ka nang umasa na matibay ang magiging fruit nito. Hindi ka makakabuo ng matibay na building kung marupok naman ang foundation nito,” pag-sangayon ni Marco. 

Tumawa na lang sila sapagkat ang lalim na masyado ng pinag-uusapan nila. Hanggang sa napako na lang ang tingin ni Marco sa kausap niya at unti-unti itong tumigil ng pagtawa. Napansin naman yun ni Lily kaya napatingin din ang babae kay Marco. 

“O bakit?” tanong ni Lily. 

Sa halip na sumagot si Marco, nanatili itong nakatingin kay Lily. Nailang naman ang babae sapagkat kahit hindi umiimik si Marco ay parang may sinasabi ang kanyang mata. 

“Oy Marco ano ba? Kung titigan lang ang trip mo ngayon, bigyan na lang kitang picture ko,” pang-aasar ni Lily, 

“Eh ikaw,” nahanap na lang ni Marco ang sarili niya na tinatanong ito. “Did you ever regret us?”

Natahimik naman ang babae sa tanong ni Marco. Babawiin na lang dapat ng lalaki ang tanong niya nang nagsalita ulit si Lily. 

“Siyempre hindi naman. Natuto akong maging mature dahil sa iyo. And hindi lang yun dahil sa experiences natin ah. As time passed by, it made me realize that, madalas nating sinasabi na ang pinaka nagbibigay sa atin ng maturity ay yung experience pero sa totoo lang, yung responsibility ang pinaka nagtuturo sa atin pagdating sa buhay. Kasi ang experience, pinapakita lang nito yung past. Pero ang responsibility, pinapakita nito yung future. Yung mga taong mature lang ang kayang makakita ng future kasi sila lang yung responsible. So I must thank you for that. For giving me the chance to be more responsible.”

“Naks,” sagot ni Marco kasi wala siyang maisip na sagot. “Sabagay, ba’t ka nga ba mag-reregret sa akin, eh ang gwapo ko kaya diba!”

“Baliw! Ang haba ng sinabi ko tapos yan lang na-realize mo? Pambihira,” komento ni Lily kay Marco. 

“Siyempre joke lang,” sagot ng lalaki. “Meron naman akong na-realize.”

“Ano yun?”

“The cost of growing up is maturity. Kaya kung hindi ka nag mamature, nawawalan ng halaga yang pagtanda mo. Dapat, hindi lang tumatanda, dapat nagtatanda din.”

“Naks, you care.”

“Siyempre!”

Tumawa na lang sila sapagkat alam nilang unti-unti nang nababasag ang yelo na nabuo sa kanilang nakaraan sapagkat alam na nila sa loob nila na dapat na nila itong tanggapin. 

Magsasalita na sana ulit si Marco nang biglang may tumawag sa cellphone niya. Tiningnan niya ito at nakita niya ang pangalan ni Apollo, isa sa mga ka-tropa niyang namilit sa kanya na pumunta dito sa kanilang reunion. 

“O bakit?” tanong ni Marco sa kausap niya sa cellphone. Nakatingin lang si Lily sa kanya habang nakikipag-usap.

“Saan ka na?”

“Sa school na. Bakit ba?” tanong ulit ni Marco. 

“Malapit nang magsimula. Punta ka na dito sa gym!”

“Sige,” sagot niya sabay baba niya ng kanyang cellphone. 

“Grabe ka naman sa kay Apollo. Parang di mo kaibigan yun ah,” puna ni Lily. 

Tumawa muna si Marco bago siya sumagot ng, “Hayaan mo yung epal na yun. May utang pa yun sa akin eh.”

Tumayo na ang babae sa harap niya at nag-unat unat ng katawan. “Tara na?” tanong ni Lily. 

“Tara na,” sagot ni Marco sabay tayo at sinundan niya ang babaeng kausap niya papunta sa gym nila. 

Sa totoo lang, hindi na ganun kahirap maglakad pababa ng burol papunta sa gym nila. Siguro dahil tumutulong ang gravity sa paa niya o sadyang natutunan na niyang maglakad sa tamang daan. 

Hindi naman din kasi naging madali sa kanya para makapunta dito. Maraming pagsubok, maraming problema at maraming unos siyang dinaanan para lang makarating sa kanyang kinaroroonan ngayon

Dinaanan niya ang panahon kung saan nakipaghiwalay siya sa babaeng nasa harap niya. Dinaanan niya ang panahon kung saan nasaksihan ng mata niya kung papaano nasira ang pamilya niya sapagkat nakita niya kung papaano naka-apekto ang desisyon na ginawa ng tatay niya. Dinaanan na din niya ang panahon kung saan pakiramdam niya mag-isa siya kasi tinaboy na niya lahat ng mga taong may pakialam sa kanya. Dinaanan na din niya ang college na kung saan ilang beses siyang bumagsak, na ganun din naman sa buhay niya. At higit sa lahat, dinaanan niya ang panahon na kung saan nakita niya ang totoong pag-ibig ngunit tinakbuhan niya ito sapagkat alam niya sa kaloob-looban niya na ang pagmamahal ay may kaakibat na responsibilidad.

Pero buti na lang at tumigil siya sa burol ng buhay niya, para makita niya ang pagitan ng buhay niya dati at ang buhay niya ngayon. Para siyang nasa pagitan ng kanyang nakaraan at ang kanyang hinaharap, na tinatawag na kasalukuyan. 

Nakasanayan na niyang manisi at magturo sa ibang bagay, sa ibang panahon o sa ibang tao kapag may nangyayaring hindi maganda sa buhay niya kaya nalimutan na niya ang isa sa pinaka-importanteng dapat matutunan dito sa buhay: ang responsibilidad.

Kaya nakaramdam din si Marco na parang gusto niyang bumalik sa nakaraan para mas madali na ang lahat. Pero sa totoo lang, na-realize niya ang pinaka dahilan niya kaya kung bakit niya gustong bumalik sa nakaraan ay para sisihin niya ito sa nangyayari sa kanya ngayong kasalukuyan. Ilang beses niyang pinagtuturo ang nakaraan kapag may nagtanong sa kanya kung anong nangyayari sa kanya ngayon kasi hindi niya magawang aminin na ang kanyang aksyon ay may kaakibat na responsibilidad. 

Mas madali sa kanya na sisihin ang kanyang teacher at ang principal niya kaya sila napalabas ng classroom kesa aminin na maingay sila. Mas madali sa kanya na sisihin ang script at ang mga tao sa paligid niya kesa aminin na nagkaroon din siya ng pagkakamali kasi hindi niya sinunod ang script ng buhay. Mas madali sa kanya na sisihin ang highschool kasi hindi sila inihanda nito sa college at sa ibang pagsubok sa buhay kesa aminin na hindi talaga siya namuhay sa tamang panahon kaya siya nahihirapan. Mas madali sa kanyang sisihin ang mga tao sa paligid niya at ang mga pinagsasabi nila kaya nakagawa siya ng masama kesa sa aminin ang totoo niyang nararamdaman na siyang nagdikta ng kanyang aksyon sa ibang tao. At higit sa lahat, mas madali sa kanya na sisihin ang ibang tao sa mga desisyon niyang ginagawa sa buhay niya kesa angkinin ang kanyang sariling desisyon.

Para siyang isang taong may sakit sa puso. Hindi niya mawari kung anong sakit to, o kaya kanser ba sa puso niya. Pero dahil hindi niya alam, sinisisi na niya sa ibang bagay. Sinisi niya ito sa kanyang nakaraan. Nanisi siya kahit alam niyang hindi naman ito ang lunas para mawala ang kanser sa puso niya na ineentertain niya. 

Pero buti na lang, dumating siya sa burol na kung saan dumating ang pagtuturo ng nakaraan. 

Yun lang naman ang kulang sa kanya eh, kulang siya sa responsibilidad. 

Kaya ngayon, aaminin at kukunin na niya ang kanyang responsibilidad sa lahat ng kanyang nagawa. 

Naputol ang pagmumuni-muni niya nang mapansin niya si Lily na biglaang napatigil sa harap ng gym kung saan naka-set up na ang backdrop, ang mga upuan, ang mga table, at ang stage na gagamitin nila. 

Napatingin siya sa mukha ng babae na hindi niya mabasa-basa. Sa hindi niya malaman na rason, napatawa siya ng medyo malakas kaya napansin ito ni Lily. 

“Ano na naman? Lahat ba talaga ng gagawin ko, tatawanan mo? Ano ako, sitcom?”

Napangiti na lang si Marco sa kausap niya. “Wala, narealize ko lang na kaya naman gumanda ang kasalukuyan kasi ang laki ng pinanghugutan nito sa nakaraan. Pero mas gaganda ang kasalukuyan kung alam na nito ang hinaharap nitong kahihinatnan.”

Natawa naman dito si Lily. “Grabe. Ang dami mong alam, tara na nga, hanapin na natin sila Apollo!” sabi ng babae sa kanya sabay lakad papasok.

Tumawa na lang din si Marco sa sinabi niya at sinundan si Lily. 

Sa unang beses sa buhay niya, hindi na kailangang tumingin ni Marco sa likod niya o sa nakaraan kasi alam na niya na ang kinakailangan niya ay ang nasa harap niya. 

Kaya naman gumanda ang kasalukuyan kasi ang laki ng pinanghugutan nito sa nakaraan. Pero mas gaganda ang kasalukuyan kung alam na nito ang hinaharap nitong kahihinatnan.

Sabi niya, walang sense ang kahit anong hugot kung wala namang tinatamaan. 

Tinamaan naman siya sa sinabi niya, hindi ba?

-END

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s