Kanser Series

Ang Kanser Ng Lipunan

KANSER Series: Part 1

 

“Napakawalang-kwenta mo talaga kahit kailan!” sabi ni Phillip sa sarili niya. Kasalukuyan kasi niyang tinitingnan ang mga subjects na nasa screen ng laptop niya. Fifth year na siya sa kursong Engineering at mukha pang ma-eextend pa siya ng isang taon. Nasayang ang mga gabing hindi siya natutulog para lang may maisagot sa mga exam niya. Nasayang ang paglalakad niya ng certificate of candidacy para sa graduation. Nasayang ang pakikipag-break niya sa girlfriend niya para lang maka-graduate siya. Nasayang ang chance na binigay sa kanya ng mga prof niya para makapag-removals kasi pati dun, bagsak siya. Nasayang ang pera ng magulang niya na pang paaral sa kanya. Sa madaling salita, nasayang ang oras at panahon na ginugol niya para sa course na ito.

Wala eh. Bobo siya eh.

Hindi niya inakala na hindi siya makakagraduate kasi may mga subject siyang binagsak. Sa sobrang inis niya, binagsak niya ang laptop niya at nag-cellphone na lang siya at tiningnan ang facebook niya. Mas lalo naman siyang na-bwisit kasi nakita niya ang mga posts ng mga kaklase niya na makakagraduate sila. Dagdagan pa ng mga ka-batch niya na nagpalit na ng profile picture at nag-caption ng napakahaba para lang ipamukha sa kanya na silang lahat ay ga-graduate na at si Phillip ay hindi pa. Iniwan na lang niya ang phone niya at lumabas ng kwarto.

Siya na ang bitter.

Naabutan niya ang nanay niya sa labas ng kwarto niya at mukhang nag-aantay din ng resulta ng mga grades niya. Umiling na lang siya sa nanay niya. Akmang lalapit ang kanyang nanay ng bigla na lang siyang umalis sa kinapepwestuhan. Tinatawag siya ng nanay niya pero hindi siya lumilingon. Ayaw niya kasing makita siya nitong na mabigat ang nararamdaman.

Naiiyak siya kasi pagkatingin niya sa nanay niya kanina, naalala niya ang pinangako niya sa kanyang Tatay dati bago ito mamatay sa isang kanyang sakit. Ipinangakong niyang mag-aaral siya ng mabuti para makagraduate at para makatulong sa magulang niya.

Pero wala eh, pati yung pangako niya sa Tatay niya, hindi man lang niya natupad.

“I am a failure, as always,” sabi ni Phillip sa sarili habang kinuha ang susi ng kotse nila at umalis ng bahay.

Hindi niya alam kung saan siya pupunta. Kanina pa siyang paikot-ikot sa campus habang sumisigaw sa loob ng kanyang dahil sa sobrang inis. Ang sama na nga ng tingin sa kanya ng guard sa pang-apat niyang ikot sa gate.

Pero wala siyang pakialam sa guard. Wala siyang pakialam kung may mabangga siya. Wala siyang pakialam kung mabangga siya. Wala na siyang pakialam sa sarili niya. Tinatamad na siyang mag-aral. Tinatamad na siyang mabuhay.

Tinigil niya ang kanyang sasakyan sa parking lot dahil alam niyang mauubos na ang gasolina nito. Bumaba siya at naglakad-lakad hanggang nakarating siya sa Sunken Garden. Tatambay sana siya sa may damuhan kaso mainit at ang daming tao. Naglakad-lakad siya at nakarating sa Fertility Tree. Tumambay siya sa lilom ng malaking puno.

Buti na lang at siya lang ang tao sa oras na yun kasi kung may mga mag-syota siyang makikita dun, baka makasapak pa siya sa kalandian ng mga ito. Siguro kaya kaunti na lang ang mga tao ngayon dito kasi puro mga nag-aasikaso ang mga estudyante para sa summer classes. Palibhasa, May na din. Ganyan naman talaga ang UPLB eh, tanggap ng tanggap ng mga estudyante tapos yung mga matatalino lang nakakapasa, yung iba, pinapaasa.

Matutulog na muna sana si Phillip sa pwesto niya nang may makita siyang isang lumang notebook malapit sa may ugat ng puno. Dahil wala siyang magawa, kinuha niya ito. Nagulat pa nga siya kasi diary pala yung nakuha niya. Natawa pa nga siya kasi lalaki ang may-ari nito. Hindi naman kasi usual na nag-dadiary ang mga lalaki. Siya nga eh, tamad na tamad pang kumopya ng lectures. Napaka-corny naman ng nagmamay-ari nito.

“Baka madrama lang talaga,” sabi na lang ni Phillip.

Napansin niya na may pangalan na nakalagay sa loob ng diary. Rico ang nakalagay na pangalan sa loob nito. Baka sa kanya ito. Tumingin muna siya sa paligid kasi baka naiwan lang ito kaso wala siyang makitang tao. Iiwan na lang sana niya nang may nahagip siyang salita sa pangalwang pahina na, mamatay. Kaya natalo siya ng kanyang kuryosidad at binasa ang diary ni Rico.

———

January 4, 2010 (Monday)

Baliw talaga si Ms. Liwanag. Kung kailan ga-graduate na kami ng highschool saka naman magpapagawa ng diary. Tae, anong ilalagay ko dito? Pam-bading lang eh. Kung hindi lang ‘to kelangan sa Filipino, baka ‘di ko to gawin. Kakatamad eh!

January 7, 2010 (Thursday)

Anak ka ng jebs, pati Values ito daw yung requirements. May hindi na ba nakagradweyt ng highschool dahil hindi nagpasa ng diary? Kakabadtrip.

February 12, 2010 (Friday)

Napagalitan ako ni Ms Liwanag at Ms. Ronsillas, ba’t daw dalawa lang ang entry ko dito sa diary kong ito. Yung totoo, pati yung nakalagay dito, papansinin nila? Walah. Wala namang kwenta tong buhay na ‘to ehhh. Anong ilalagay ko? Ilagay ko na lang yung pangalan ng crush ko para may silbi ito. Since 1st Year ko pa siyang crush. Itago na lang natin sa pangalang Fel. Hahahaha. Corny ko.

February 23, 2010 (Tuesday)

Anak ka ng siomai! Binigay sa akin ni Fel ang diary ko. Baliw ko lang e, naiwan ko pa sa classroom kahapon, tapos sila pa ang cleaners. Grabeng hiya ko ng binigay sa akin kaninang umaga. Ayun, di na ako pinansin ng crush ko. Gusto ko nang MAMATAY kainis!

February 28, 2010 (Sunday)

Pasa ako ng UPCAT! Veterinary Medicine pa. Matuturukan ko na din ang mga hayop na mga katropa ko. Hahaha. Hayop yang si Joseph at Silver, inaasar ako kay Fel. Kakahiya tuloy kay Fel. Nakapasa din pala mga kaklase ko. Talino namin eh. Nakapasa din si Fel ng UPLB, Agricultural Chemistry. Alam na. Hahaha.

March 3, 2010 (Wednesday)

Chocnut lang pala ang kailangan para mapansin ni Fel eh. Gulat ako nung biglang siyang nanghingi sa akin pagkatapos ng PE namin. Nga pala, bargas maglaro ng basketball ang IV- Acacia, makaapak sana sila ng tae. Nga pala, umamin na ako kay Fel at nagtanong kung pwedeng manligaw, buti pumayag. Wooh. Sabi na eh, gwapo ko talaga!

March 5, 2010 (Friday)

Exempted na naman ako sa mga finals. Ehem, nangangamoy Valedictorian ako. Haha. Pero halimaw si Silver, balak ata akong hamunin sa ranking eh.

March 22, 2010 (Monday)

Kakatapos nga lang pala ng practice namin para sa graduation tapos inimbitahan kami ni Fel sa bahay nila kasi bday niya. At dahil dakila kaming patay-gutom, pumunta ang buong klase. Yun nga lang, may problema. Napaamin ako sa Tatay at kapatid ni Fel na gusto ko siya. Ipinaalam ko na nanliligaw ako kay Fel, buti pumayag. Kung sabagay, courtesy naman yun. Pero mukha nila akong sasakmalin eh. Huhu. Katakot.

April 6, 2010 (Tuesday)

GRADUATE NA DIN KAMI! Hahaha. Hindi ako Valedictorian, Salutatorian lang. Di na din masama. Tapos narealize ko din kanina habang nag-mamarch kami, hindi pala pinasa sa Values at Filipino ‘tong diary. Bwisit, sayang tinta ng ballpen ko. Haha. Eto na yung last kong sulat dito. Siyempre biro lang. Haha. Ang ganda ng nangyari kanina eh. SINAGOT NA AKO NI FEL! BEAT THAT. HAHA. Pero siyempre dapat cool lang ako, ang corny kasi. Mas hyper pa ako kesa sa kanya diba? Dapat kasi hindi na ako susulat dito pero mapilit si Fel. Magsulat lang daw ako tapos basahin daw namin ito pag matanda na kami. Ilang ektarya kaya ng mais ang kinuha niya? Korni eh. Ngeeeee.

June 1, 2010 (Tuesday)

Nakapaghakot na din kami ng gamit sa dorm. Medyo malungkot kasi nasa Raymundo ang dorm ni Fel. Pero magkaklase naman kami sa mga GE. Nga pala, binigyan ako ng dalawang sapatos ni Kuya. Graduation Gift daw. Naks, galante ni Kuya. Wag ka, Adidas at Crocs ‘to. Imba talaga siya.

August 16, 2010 (Monday)

Unang beses naming nag-away ni Fel, nalimutan ko siyang sunduin kasi caught up pa din ako sa pagkabagsak ko sa Midterm. Baka bumagsak pa ako sa English. Hirap eh. Pero buti na lang, may chocnut ako at ayos na kami. Naks.

December 22, 2010 (Wednesday)

Muntik na kaming maaksidente sa daan kanina. Nawalan kasi ng preno yung sasakyan nung kapatid ni Fel. Kakatakot eh. Pero may na-realize lang ako. ‘Pag oras mo na, oras mo na. Kaya live like there’s no tomorrow daw. Dapat gawin mo na lahat. Wala lang, mas ma-aapreciate mo lang yung buhay kapag mawawala na ito.

April 6, 2011 (Wednesday)

Akalain mo, naka-isang taon na kami ni Fel? Ang galing ah. Oy Fel, kung mababasa mo ‘to, Mahal na Mahal kita ah! Basahin mo nga ng malakas? Yiee. Haha. Harot mo. Road to forever na dapat tayo ah. Okay lang naman na mag-away tayo, marami pa akong chocnut. Pero wag palagi, mabubungal ka sa sobrang dami ng chocolates na kakainin mo eh. Haha. Ang saya mo kanina sa ferris wheel ah, makakapit ka sa akin eh. Ang gwapo ko talaga. Kainis. Hahaha.

July 10, 2011 (Sunday)

Epic fail talaga ng surprise sa birthday ko kanina. Una, akala nina Papa, makakaya nilang maitago yung regalo nila sa aking kotse kanina. Kaya pala kating-kati silang pakuhanin ako ng student license. Halatang halata. Pangalanan ko ngang Cece yung kotse! Kasi kotse-se? Ay korni! Hahaha. Pangalawa, yung cupcakes na binake ni Fel, ang pait! Pero kinain ko pa din, mahal ko eh. Haha. Yun nga lang, feeling ko may LBM na ako bukas. Anak talaga ng jebs. Pero sa totoo lang, masaya palang may nakakaalala sayo. Ewan ko ba, parang may halaga pala ako sa ibang tao. Tama na nga, drama eh!

October 28, 2011 (Saturday)

Anak ka ng jebs, Sir Bulalacao! Halos isumpa ko na ang subject niyang Chemistry eh. Buti na lang naka-tres ako sa subject niya. May nakasalubong pala akong weird kanina sa Carabao Park. Tinatanong ako kung naniniwala akong matatapos na ang mundo sa December 21, 2012. Sabi ko naman hindi. Tapos nagtanong pa siya, “Kung totoo na matatapos na talaga yung mundo sa December 21, 2012, anong gagawin mo sa 20?” Pero bago ako makasagot, umalis na siya. Nilamon na siguro yun ng course niya kaya nabaliw. Sa totoo lang, napaisip din ako. Ano nga kaya?

January 14, 2012 (Saturday)

Buti na lang, wala akong pasok every Saturday. Inaya ko si Fel at mga tropa namin na mag-mountain climbing. Wag ka, ilang taon na kaming nagpaplano pero ngayon, natupad na din. Baliw nga si Joseph eh, muntik pang hindi sumama. Buti na lang, na-push namin. Tapos yung bestfriend ni Fel na si Mia, nag-feeling expert, ilang beses namang nadadapa. Feeling professional pa kami, puro galos naman kami nung makaakyat sa Mt. Maculot. Haha. Habang nasa taas kami ng bundok, dun ko lang naalala yung weirdo na nagtanong sa akin dati. Siguro, ang gagawin ko before end of the World, baka aakyat kami ng mataas na bundok. Gusto ko kasi makagawa ng achievement na mataas. Kaya literal. Joke. Haha. Siguro ang gagawin ko before end of the world, gagawa ako ng something na tatatak sa mundo. Yung may impact ba kahit papaano. Kahit isang araw na lang ang natitira sa Earth. Pero, malay natin diba?

February 29, 2012 (Wednesday)

Kakagising ko lang kanina. Pinagpapahinga pa nga nila kasi ako eh, kakagaling lang daw kasi ng comatose, eh wala akong magawa eh. Tulog kasi sina Papa at Mama sa gilid ko, tapos si Fel, mamaya pa makakapunta kasi may finals. Last two weeks ago kasi, nakasama ako sa multiple car collision sa SLEX. Eh dumaan lang ako sa SLEX kasi may kukunin ako sa Alabang. Tapos, comatosed ako for one week. Ba bye, Cece. Siyempre joke lang, ipapaayos pa yun. Sayang eh. Haha. Na-realize ko lang na ang suki ko pala sa aksidente. Haha. Anyways, hindi siya kagaya nung napanood namin ni Fel dati na Just Like Heaven na umalis yung kaluluwa sa katawan. Blangko lang talaga yung memorya ko. Kaya siguro hindi pa ako namamatay kasi kailangan ko pang gawin yung sinabi ko dati, yung magkaroon ng impact sa mundo. Hmmm..

March 1, 2012 (Thursday)

Kakapanood ko lang kanina ng TV. Ibinalita ulit yung aksidente last two weeks ago na kasama ako. Naks. Sikat na talaga ako. Haha. Kidding aside, nakakalungkot lang yung mga namatay. May lima pang namatay eh. Tatlo kaming nabuhay, tapos ako lang yung na coma. Pero napansin ko kasi yung isang namatay, philanthropist pala yun? Kaya pala maraming nagpapasalamat sa buhay niya kasi ang daming natulungan. Na-realize ko lang na yun yung sinasabi ko dati, kahit patay ka na, patuloy pa din ang impact sa mundo. Gusto ko ng ganun. Gusto ko ding makatulong sa iba.

March 22, 2012 (Thursday)

Happy birthday, Fel! 19 ka na. Hahaha. Mas matanda ka na naman sa akin. Ang saya kasi namin kanina. Pumunta kami sa IRRI kanina. Nag-try kaming mag Trolley kasi madalas naming nalalampasan yun. Worth it naman. Haha. Nga pala, alam niyo ba yung different kinds of love language? Napag-aralan kasi namin sa Psychology. Anyway, kay Fel ay Gift of Service. Yun nga lang, tamad kasi ako. Haha. Tapos hindi ko alam kung anong gusto niya. Buti na lang, marami akong collection ng stolen pictures niya. Kaya ginawa ko siya ng mosaic ng mga pictures niya. Hindi niya daw sure kung matutuwa siya o mabubwisit siya. Haha. Bahala siya.

April 6, 2012 (Friday)

2nd Anniversary! Haha. Ang saya kanina sa Space Shuttle, akala ko naiwan ang kaluluwa ko sa baba eh. Muntik na nga kami magkaaway ni Fel kanina. Kasi hindi ako pumasok sa klase ko kanina para icelebrate. Sabi ko minsan lang eh. Tsaka sinabi kong make-up class lang yun. Buti na lang, may chocnut ako sa bag ko kaya masaya kami. Haha.

June 3, 2012 (Sunday)

Nag-try akong sumali sa PBB. Kaso malas eh, wala naman akong maipakitang talent. Tinawanan lang ako ni Fel kasi akala niya nagloloko lang ako. Aba, malay ko bang mahirap makapasok dun? Nakakainis. Hahah. Kaya ako sumali kasi gusto kong magkaroon ng impact sa mundo diba? Pero nakakatuwa yung sinabi sa akin ng isang judge dun. Sinabi ko kasi sa kanila yung reason ko kung bakit ako sumali diba? Tapos sabi niya sa akin, “Kung gusto mong magkaroon ng impact na maganda sa mundo, kailangan sa sarili mo muna. Kailangang yung mga ginagawa mong mabuti ay magkaroon muna ng impact sa sarili mo bago sa mundo mo.” Grabe yung sinabi nun, kaya napasulat agad ako dito eh. Para hindi ko malimutan. Mahina memorya ko eh. Hahahahaha.

June 11, 2012 (Monday)

Start na ulit ng pasukan! Akalain mo yun, Third Year na ako! Dalawang taon na akong nag-aaksaya ng tinta ng ballpen para dito sa diary ko. Feel ko, walang kwenta mga nilalagay ko dito eh. Actually, nakita kanina nung isa kong kaklase β€˜to. Sabi ko na lang, lectures ko to nung last sem. Hindi ko sinabi na diary to kasi baka ma weirdohan sila sa akin. Hindi kasi halata sa akin na nagsusulat ako ng mga ganito eh. Pero wala eh, nakapag-promise ako kay Fel. Parang nakalimutan na niya nga ata itong diary ko eh. Siya lang naman rason ko kung bakit ako nagsusulat. Paano ko kaya mapapaalala sa kanya? Ipukpok ko na lang sa ulo niya bukas para maalala niya. Hmmm.

September 10, 2012 (Monday)

Ginulat ako ni Kuya kanina ng regalo. Akalain mo, laging sapatos regalo niya sa akin. Konti na lang, makakapag-bukas na ako ng outlet stores. Pero siyempre di ko ibibigay yung Stan Smith. Mahal eh. Haha. Binili niya din ako ng bagong kotse. Siya na mayaman. Nagkaroon pala kami ng reunion ng mga kaklase namin nung highschool. Da-drama eh. Gulat pa nga sila na kami pa din kasi Single nakalagay sa fb. Ka-aarte ng mga tao ngayon. Masyadong nagpapaniwala sa social media. ‘Di nila alam, inuuto lang sila ng Facebook. Pero, bahala na. Palitan ko nga yun mamaya.

November 3, 2012 (Saturday)

Napansin ko lang, puro si Fel yung laman ng diary na ito. Kagaya ngayon, siya na naman ilalagay ko. Ganun ba kawalang kwenta ng buhay ko? Haha. Kidding. Nag-away kasi kami kanina. Ngayon lang kasi kami magkikita ulit. Busy na kasi kami ngayon. Ang daming requirements. Pati siya, kasi parehas na kaming 3rd year. Nagiging bibo na rin mga prof namin. Eh nagalit kasi ako kanina ko pa siyang umaga tinetext at tinatawagan, hindi sumasagot. Yun pala, kasama mga kaklase at gumala. Hindi man lang nagsabi sa akin. Limang oras ako nag-antay sa tapat ng dorm nila. Akala nga ni Ateng nagbebenta dun, akyat-bahay gang ako, (siyempre, member lang. Ang dami kaya ng gang). Nairita din siya sa akin kasi nung magkasama kami, hindi ko siya pinapansin. Kumain din kasi ako ng seafoods kasi naiirita ako, eh may allergy ako. Pinagalitan ako. In short, maarte lang kami parehas. Hanggang ngayon di pa din kami ayos. Parang bata lang eh.

December 18, 2012 (Tuesday)

Pinuntahan ako sa dorm nina Fel at Mia kasi may sakit ako. Umiikot pa nga yung paningin ko habang nagsusulat dito eh. Hindi din kasi kami masyadong nagkikita nung nakaraan dahil ang daming club activities. Tapos nagiging mabigat na din yung mga subjects namin. Tagilid na nga ako sa Macroscopic Anatomy 2 eh. Kawawa. Pati nga si Fel nagrereklamo na sa akin sa Gen Biochemistry nila. Aba, kamalayan ko dun? Pero mukha na din yung haggard. Agri Chem pa. Hahaha. Pero last day naman ngayon ng pasok before Christmas Break kaya sinundo nila ako. Okay na din na umuwi ako, at least makakapamasko pa diba? Tiba-tiba na naman ako. Haha.

December 19, 2012 (Wednesday)

Mas lumalala yung sakit ko kaya sinugod nila ako sa ospital. I know, OA nila. Parang lagnat lang eh. Tapos masakit lang ang tiyan. Sa totoo lang, nauumay na ako sa ospital kasi nung bata ako, may history ako ng Asthma at Pneumonia kaya suki ako sa ospital. Tapos nung February, na-aksidente pa ako. Pero nakakamiss lagyan ng dextrose ah. Kainis.

December 21, 2012 (Friday)

End of the world na. Galeeeeeng.

January 6, 2013 (Sunday)

Ilang linggo ko nang hindi masyadong pinapansin si Fel pati mga katropa ko. Sa totoo lang, ako naman ang may kasalanan eh. Mas okay na din na ganito, ang gulo ko kasi eh. ‘Di ko nga alam kung anong sumapi sa akin at naisipan kong magsulat dito. Sunugin ko na lang kaya to? Kaso sayang tinta ng ballpen eh. Hay anak ka nga ng jebs oh. Hirap mag-isip ng matino oh!

February 14, 2013 (Thursday)

Nag-away kami ng magtotropa. Mababaw lang naman, naglalaro kasi sila ng basketball tapos gusto kong sumali, eh ayaw nila. Tapos pati si Fel, nag-away kami. Akala pa nga niya nag-dudrugs ako. Hindi ko nga napigilang tumawa eh. Hahaha. Pag naalala ko talaga yun, tawa lang ako ng tawa. Sa gwapo kong ito? Parang baliw eh. Buti na lang nagkaayos kaming lahat nung kumain kami ng lechong kawali sa Batcave. Muntik ko pa ngang gawing unan ang ulam sa antok eh. Badtrip. Hahaha. Nanood din kami ng mga banda kanina kasi UP Fair. Imba ng Spongecola.

February 15, 2013 (Friday)

Pumunta kami ng UP Diliman kanina kasi UP Fair din dun eh. Tapos nag-celebrate na din kami ni Fel ng Post-Valentines. Inaasar ko pa nga siyang sumabay kami sa valentines ng mga kabit eh. Ayon, pikon na naman. Haha. May nanlimos din sa amin kaninang bata, dahil naawa si Fel, pinakain na din namin sa Jollibee. May kapatid din daw siyang may colon cancer eh, magkasing-edad din kami. In the end, hinatid namin yung batang nanlimos. Grabe, sa Navotas pa siya nakatira. Tapos nakaabot pa ng Diliman para manglimos. Nakita namin yung bata at yung kapatid niyang may sakit. Hindi sa pagmamayabang pero dahil naawa ako sa kanila, gusto kong magbigay ng kahit ano. Pagkabukas ko ng bag, yung isang sapatos na pinanglaro ko kanina yung napansin ko. Kaya binigay ko na sa kanila. Napansin ko kasi na nagustuhan ng Kuya niya eh. Tapos sinabi na din namin sa kinauukulan yung sitwasyon nila. Para kahit dun lang sa simpleng bagay, makatulong kami. Sana makatulong kami kahit papaano.

April 6, 2013 (Saturday)

3rd Anniversary na namin kaya talagang push kami para mag-celebrate. Epal lang talaga yung removals sa Systemic Physiology, tapos siya may inayos na requirements. Mga 4pm na kami kanina nakaalis ng LB, diretso na kami ng Baguio. Siyempre kasama namin si Mia, Silver, at Joseph. Pandagdag-ambag kasi diba? Haha. Tsaka taga-Baguio talaga si Joseph kaya sa kanila kami muna nakituloy. The usual na mga lugar yung pinuntahan namin. Yun nga lang, muntik nang tumaob yung bangka namin sa Burnham Park. Ang kukulit namin eh. Hahaha. Parang baliw si Ate na bangkera, nanakot pa. Pero in the end, tinawanan na lang namin. Hanggang kelan kaya kami tatawa ng ganito? Haha.

April 10, 2013 (Wednesday)

Break na kami ni Fel. Siguro mas maayos na ‘to. At eto na naman ako, nagsusulat dito sa diary. Wala eh, wala akong makausap na ibang tao. Siguro kailangan ko na itong itigil. Mas naaalala ko siya eh. Nahihirapan ako pero mas nahihirapan siya sa sitwasyon namin. Ayoko siyang isama sa paghihirap ko. Alam ko, unfair ang desisyon ko. Pero mas magiging unfair ako pag tinuloy pa namin to. Mas okay na itaboy sila para hindi ko sila kasabay bumagsak.

May 2, 2013 (Thursday)

Kakalibing lang sa Papa ko kanina. Last week kasi habang nag-dadrive sila ni Mama, inatake siya sa puso at naaksidente. Himala ngang nakaligtas si Mama pero si Papa ang pinakanapuruhan. Wala man lang akong magawa. Kita kong hinang-hina si Mama habang umiiyak. Pumunta din yung ibang kaklase ko. Pati sina Joseph nandito. Pumunta din si Fel. Kakauwi lang nila at ako ngayon ay nasa rooftop namin. Sa totoo lang, wala na akong maramdaman. Gusto kong magalit, mainis, umiyak, at sumigaw habang nagsusulat ako, pero blangko na ako. Parang hindi na kayang mag-react ng sarili ko sa nangyayari. Sunud-sunod na. Hindi ko na alam. Sabi nila, follow your heart daw. Pero papaano ka susunod sa isang bagay na wala naman nang laman? Paano ka susunod sa isang puso na wala naman nang maramdaman?

May 3, 2013 (Friday)

Maybe the world really did end last December 21, masyado lang akong manhid. Masyado lang akong slow. Magrereklamo sana ako kasi parang mag-isa na lang ako pero in the first place, ako yung nagtaboy sa kanila. Kahit yung Mama ko, hindi na din ako makausap ng matino. Matigas ulo ko eh. Kaya dito na lang ako sa diary naglalabas ng hinanakit. Salamat Ms. Liwanag sa pagpapagawa sa amin nito ah.

May 5, 2013 (Sunday)

May mga tao talaga na kahit ilang beses mong itaboy, nandyan pa din. Ganyan siyempre ang nanay ko, mahal ako eh. Pati sina Silver, kinakausap pa din ako kahit gusto ko munang mag-isa. Kahit si Fel, nandyan pa din. Actually, pinuntahan niya nga ako kanina. Kaya ko lang naman siya tinataboy, kaya ko silang tinataboy lahat kasi wala naman nang future sa buhay ko. Hello, isa akong taong may multiple myeloma. Kahit na itry pa ang stem cell treatment, nawawalan na ako ng pag-asa. Simula nung December 21 na kung saan na-diagnosed ako na meron akong bone-marrow cancer sinimulan ko na silang itaboy. Sinabi kasi sa akin dati kung bakit ako madalas nagkakasakit at sumasakit ang katawan kasi symptoms daw ito. Actually, matagal na silang nag-iipon ng pang stem cell treatment, kaso ayaw ko, naiisip ko kasi, dagdag gastos lang, mahal na nga gamot eh. Ang lakas na ngang makasira ng pag-asa ang cancer, tapos bigla pang dumagdag ang pagkamatay ng Papa ko. Saan pa ako pupulutin? Pero wala eh, mas malakas ang kapit ng pagmamahal nila sa akin kesa sa cancer. Korni mang sabihin at isulat, pero sa totoo lang, ang pagmamahal nila ang nagbibigay sa akin ng confidence para lumaban. Narealize ko na kung kelan ako malapit mamatay, dun ko pa mas lalong naintindihan ang salitang “buhay”. For the first time, pagkatapos ng pagkaka-diagnosed sa akin na mamamatay na ako, dun ako nagsisimulang mabuhay.

July 10, 2013 (Wednesday)

Akalain mo, nakaabot pa talaga ako sa birthday ko! Haha. Wag ka, ang sarap na ng cake na binake ni Fel. Ang sayang makita na masaya sila kahit ako yung may birthday. Imagine, 20 years old na ako, Fourth Year na! Dalawang taon na lang ga-graduate na ako! Basta, tutuparin ko yung pangako ko dati. Tuturukin ko talaga yang mga hayop kong kaibigan. Hahahaha.

October 14, 2013 (Monday)

Last day na ng sem namin. At dahil malakas ang trip ko, umabsent ako sa subject namin at nagpabook ng tickets papuntang Cebu, gusto ko kasing I-try yung Sky Diving. Siyempre, giyera sa amin kasi ayaw talaga akong payagan ni Mama pero pinilit ko. Papayagan niya lang daw ako kung papayag yung doctor ko kasi ang dami ko daw iniinom na gamot pa at baka magkaroon ng complication at dapat kasama sina Fel. Nakapasa din kasi ako sa mga subjects ko at undergoing ako sa mga iniinom kong mga gamot eh. Sa totoo lang, ang panget ng lasa. Lasang jebs, kadiri. Haha. Pero kailangan eh. Actually simula nung December pa ako umiinom ng mga gamot. Kaso nakakatamad namang ilagay dito sa diary eh, mapupuno to na puro mga gamot na iniinom ko diba? Baka maging pharmacy ‘to. Tsaka hindi naman na ako competetive na mapuno ‘to, hindi naman na kailang ipasa ito sa Values. Ay siopao, hindi naman talaga kami nagpasa dati, inuto lang pala ako nito. Bwiseeeeeet. Hahahahaha

October 17, 2013 (Thursday)

Pinayagan ako ng doctor ko pero hangga’t maaari mag-ingat. Napakadami kayang bilin sa akin. Tapos pinag-reserve na nila ako ng date sa March para sa Stem Cell Treatment. Naawa nga ako sa mama ko kasi napakamahal nun. Naguiguilty pa nga ako kasi gastos pa yung pagpuntang Cebu eh, pero pinilit na ako ng Mama ko kasi sabi ng doctor makakatulong kasi yun para mas tumaas yung confidence ko na lumaban. Ah ewan ko, basta yun na yun. Haha. Nagsimula na nga pala kaming mag-impake kanina ng gamit. Isang linggo lang kasi kami dun, kaso ang OA nila Mia sa pag-iimpake, parang buong buhay na yung dala nila.

October 20, 2013 (Sunday)

Nasa eroplano na nga pala kami. Actually, hindi ako makatulog ngayon kasi natatakot talaga ako sa heights. Epal pa tong si Fel, sa bintana pa talaga ako nakapwesto. Buti pa siya, nakatulog pa. Bago pa mag take-off, tulog na tulog na siya. Eh ang tagal bago umalis nitong eroplano. Ang lakas pa ng hilik, grabe. Picturan ko kaya? Hahaha. Ay tae, nalimutan ko. Paano ako mag sky diving kung takot ako sa heights? Anak ng jebs naman oh! Bahala na nga!

October 28, 2013 (Monday)

Kakauwi lang namin kahapon. Tawang-tawa ako nung isang araw nung sky diving kami. Nakakatakot talaga yun nung habang nasa eroplano kami eh. Tapos tumalon na kami at lalo kong naramdaman yung hangin. Pero siyempre, may kasama kami sa parachute, hindi naman kami professional. Yun nga lang, baka pagkamalan akong bading nung kasama ko sa parachute. Kung makasigaw kasi ako eh. Anak ng siopao oh. Hahaha. Kung pwede kasing yumakap sa kanya, mapapayakap talaga ako sa sobrang takot. Pero dahil dun, unti-unting nawawala yung takot ko at narealize ko na ang saya pala sa pakiramdam ng nasa ere, parang walang problema. Minsan, yung mga bagay na nagpapalaglag sa atin, yun pa yung magpapakita sa atin kung gaano pala kaganda yung nasa taas. Minsan, kaya tayo binababa sa ating buhay kasi para mas maappreciate kung gaano kaganda yung nasa taas. Alam mo kung papaano makikita yung kagandahan? Edi ibahan mo yung tinitingnan mo. Kasi nung inalis ko yung tingin ko sa cancer, mas nakita ko yung buhay at mas naappreciate ko ito. Note to self ito. Hahaha.

February 26, 2014 (Wednesday)

Kagigising ko lang kanina, sinugod kasi ako sa ospital nung isang araw. Ang sama kasi ng pakiramdam ko, parang mababali pa yung buto ko sa tuhod kasi ang sakit talaga. Kadiri pa yung lasa ng lugaw dito sa ospital. Lasang tubig. Huhu. Ay patay, may exam pala kami sa Virology bukas, baka hindi pa makapag-exam. Nga pala, nagulat si Fel kasi nakita niya akong nagsusulat dito sa diary. Wag ka, umiyak pa si Ate, feeling niya ang ganda niyang umiyak. Inasar ko pang panget niyang umiyak, tumutulo pa yung sipon. Feeling Hilda Koronel. Ayun, sinapok ako. Sakit. Hahaha. Wala eh, promise ko sa kanya pag matanda na kami, ipapabasa ko sa kanya ‘to at kahit nasasayang lang yung tinta ng ballpen ko. Korni ko na nga, dagdagan pa ng diary na ‘to diba? Lamunin na ako ng lupa. Hahahahaha.

March 4, 2014 (Tuesday)

Baliw talaga si Kuya. Last week kasi, nag-advise yung doctor ko na kailangan ko nang mag undergo ng stem cell treatment kasi baka mas kumalat pa yung cancer cells. Eh dahil kulang pa yung pera namin, binenta niya yung kotse niya. Mas na-guilty tuloy lalo ako. Pero mas maguiguilty naman ako kung hindi man lang ako lalaban sa sakit ko diba? Mag start na sa Wednesday yung Stem Cell Treatment. Hindi ko alam kung ano ang plano ng langit. Basta, kung anong magiging resulta, magiging masaya ako.

April 6, 2014 (Sunday)

4th anniversary namin ngayong araw. 8 years ko na pala siyang crush. Hahaha. Yiee. Hi Fel, kung mababasa mo ito, I love you! Haha. Kilig ka na naman no? Haha. Inaantay kong matapos ang pag-aayos ng requirements nila Fel kasi pupunta kami ng Cagayan De Oro, libre ng pamilya nina Mia. Taga-CDO kasi siya eh. Balita ko, dun daw yung rafting. Ma-try nga yun. Haha. Tapos may dagat dun, baka pwedeng mag dive. Ahhhhh! Ang dami kong pwedeng gawin. Pero bago yun, kailangan ko na palang sunduin si Fel. Baka, mag-tampo pa eh, sa susunod na nga lang magsulat ulit!

April 14, 2014 (Monday)

Dapat pauwi na kami ngayon sa Manila, kaso trip naming mag-extend ng kahit isang linggo. Siyempre, masaya kami kasi hindi na kami mag-reremovals. Pwedeng pasado kami sa mga subject o bagsak. Pero kokotongan ko ang magsasabing babagsak kami. Gusto na naming maka-graduate no. Ang dadaya kasi nila eh, puro mga isang taon na lang sila at ga-graduate na, ako, dalawa pa. Anyway, first time namin na mag rafting nung isang araw. Ang dami kong natutunan habang nasa rumaragasang ilog kanina. Una, bingi pala ako. Hahahaha. Ang ingay kasi ng alon ng ilog, tapos sumisigaw pa kami kasi nakakatakot yung alon. Pangalawa, kailangan, may kasama ka at nagkakasundo kayo ng direksyon sa pagsagwan. Muntik pa nga kaming tumaob eh. Pangatlo, hindi ka mag-isa sa pagtumba at makakatapos sa pagsagwan niyo. Siguro, parang buhay lang talaga, maraming alon ang babangga sa ‘bangka’. Pero hindi mo kinakailangang mag-isa kasi hindi ka naman talaga mag-isa. Sabay-sabay kayong tataob, sabay-sabay kayong matatapos. Hindi mo kinakailangang pakinggan ang alon, wala namang maitutulong yun eh. Ah basta, tama na nga ‘tong kadramahan ko. Epal kasi ‘tong sina Silver eh, lalakas humilik, di ako makatulog. Ah bahala na! Kaya ang dami kong nasusulat dito eh.

May 8, 2014 (Thursday)

Nawawala, bumabalik, heto na naman! Haha. Parang timang mga kaklase ko kanina, may inasikaso kasi ako sa Virology tapos nakita nila ako. Mga anak ng siomai kasi talaga ‘yang mga yan. Nagpapalibre kasi ang mga ungas na ‘to. Akala ata sa akin, tumatae ng pera. Feeling may pakimkim na sakin. Bwiset. Haha. Ay oo nga pala, may utang pala sa aking 1k si Joseph, makuha nga bukas. Haha. May nakita akong pamilya kanina sa Sunken Garden. Siguro alumni yung mga magulang. Naawa nga ako dun sa bata eh, parang may sakit. O baka judgemental lang ako. Hahaha. Tapos naisip ko lang, parang gusto kong magtayo ng foundation na tumutulong sa mga nangangailangan. Naalala ko kasi yung nangyari sa akin na aksidente dati sa SLEX eh. Gusto kong maging kagaya nung Philantrophist na maraming natulong sa mahihirap. Pero siyempre, ayaw ko munang mamatay di’ba? Haha. Tsaka feel ko matagal pa ako makakapagtayo ng foundation kasi wala pa akong pera. Soon na lang. Haha

June 9, 2014 (Monday)

May nakausap akong estudyante kanina. Malungkot kasi siya sa Sunken Garden. Eh napansin namin ni Fel. Alam niyo naman si Fel, ang daming napapansin. Hahaha. Anyways, akala pa nga namin, hiniwalayan siya ng gf niya eh. Pero tungkol pala sa studies yung problema niya. Nung kinausap nga namin, akala niya networking kami. Haha. Alam niyo ba yun? Nababalitaan ko lang sa mga kaklase ko yun kanina eh. Anyway, nakausap namin siya. May naibagsak kasing subject. Extended tuloy siya. Para naman gumaan yung pakiramdam niya, pinayuhan ko na lang siya. Oo na, feel na feel kong mag-advice. Sabi ko na lang sa kanya, “Okay lang yan. May kanya-kanya tayong oras. Hindi naman yan nasusukat sa kung gaano katagal kang nag-aral. Nasusukat yan sa kung gaano kadami yung natutunan mo at sa kung papaano mo ito ma-iaapply para makatulong sa mundo. Tsaka ma-mimiss mo din yan. Sa susunod, magtatrabaho ka na din, maaalala mo yan at tatawanan mo lang”. Ang alam ko may sinabi pa ako kaso di ko na maalala. Kaya nilagay ko na lang ‘to dito. Baka makatulong din sa akin eh. Haha.

May 20, 2014 (Tuesday)

Nasa ospital ako ngayon. Sinugod na naman kasi ako. Ang sakit ng buong katawan ko kahapon. Kaya kinailangan na naman nila akong i-test kanina. Baka raw kasi connected sa bone marrow cancer. Kahit na nakapag stem cell treatment ako dati, may possibility na bumalik daw. Kaya nag-test na para sure. Bukas pa malalaman ang result. Actually, kakagising ko lang ngayon kasi ang ingay nilang matulog. Hahaha. Eh hindi na tuloy makatulog. Tapos ang pangit pa ng lasa ng gamot. Lasang bakal. Sakit pa ng mga karayom na tinurok sa akin. Feel ko barbeque na nga ako eh. Kaya yung mga muscles ko lumalabas na. Kaya machong macho si Fel sa akin eh. Joke! Love you, Fel. Hahaha.

May 21, 2014 (Wednesday)

Ang drama namin kanina. Lumabas na kasi yung result ng test. Sad to say, kumalat na sa ibang buto yung cancer. Pati yung kidney naapektuhan na din. Soon, mahihirapan na daw akong maglakad. Though kahit mag-stem treatment ulit ako, masyado na daw kumakalat ang cancer cells so parang walang kwenta na din. Mataas yung chance na bumalik ulit yun. Sa totoo lang, hindi ako malungkot na ganito yung naging resulta. Diary, alam mo ba naramdaman ko? Three words: Wake-up call (ay two words lang pala. Haha). I just realized that I have to do something that will make an impact to the world. Gusto kong maging makabuluhan yung natitira kong buhay. Lahat naman tayo mamatay din eh. Yun nga lang, hindi lahat nabubuhay. Hindi nabubuhay kasi hindi gumagalaw at nabubuhay na naaayon sa oras. Madalas, aantayin muna natin na maubos ang isang bagay o ang isang buhay para lang mapahalagahan ito. Ang galing kasi yung cancer pa yung nagpabuhay sa akin. Pinaintindi sa akin ng cancer na may limit yung buhay. Yun nga lang sa akin, may prior notice. Pero okay na yun, at least alam ko na ang gagawin ko ngayon. Ako si Rico Maniago, may multiple myeloma, isang taong may bone marrow cancer, ay magsisimula nang mabuhay ngayon.

July 10, 2014 (Thursday)

Salamat Papa God nakaabot ako sa 21st birthday! Pwede nang mag-asawa. Kidding. Haha. Himala ngang kumpleto kaming magbabarkada ngayon eh. Kung sabagay, puro mga graduating na sila. Puro mga engineering pa. Feel ko, puro numero na ang tumatakbo sa utak sa mga to kaya palaging sabaw. Pati nga si Fel, bihira ko na lang makita. Todo reklamo na nga daw siya sa Technical Analysis. Tapos eepal pa daw ang Thesis. Hindi ko sila nakikita kasi tumigil na ako ng pagpasok. Focus muna ako ngayon sa health ko. Sa totoo lang sumasakit ang katawan ko pero nilalabanan ko lang. Pero ngayon, naisipan naming magkita-kita lahat. Pumunta kami ngayon sa UP Manila, sa may Jollibee dun sa tapat ng PGH. Nag-celebrate ako ng birthday kasama ang mga bata sa Cancer Institute Foundation. Nakakatuwa nga yung mga bata eh, simpleng mascot lang ni Jollibee, kita mo sa mga mata yung kasiyahan nila. Simpleng mga pakain lang ang nangyari kanina pero daig pa ang fiesta sa kagalakan nila. By looking at them, I just realized na may iba’t ibang bokabularyo ng salita ang ibang tao. Take the word for happiness for instance. Maraming mga bata ngayon ang umiiyak kasi naagawan ng candy. Maraming mga teenagers na umiiyak kasi nabasag yung phone nila. May mga tao na galit na galit kasi nakaapak sila ng jebs. Hindi ko naman ini-invalidate ang nararamdaman nila pero may mga batang may cancer na masaya kasi nakita si Jollibee. May mga teenagers na may cancer pero masaya kasi nakakamulat pa ang mata nila at nakakain ng burger. May mga taong may cancer na masaya kasi binigyan sila ng wheelchair para makapaglakad. Siguro ganun talaga tayo kasi may kanya-kanya tayong coping mechanism. Feeling ko nga mas matatapang ‘tong mga batang ito sa akin. Sila, nabuhay na meron nang sakit, ako mga ilang taon lang eh. And you know what, my greatest realization in my birthday is that when I looked in the eyes of those children, when I heard their laughter, and when I saw their authentic smiles, it felt like an adventure of a lifetime.

December 25, 2014 (Thursday)

Merry Christmas! Ngayong panahon na lang ulit kami nagkita-kita. Kakatapos lang kasi ng celebration sa bahay namin kanina eh. Running for Magna Cum Laude kasi si Fel tapos puro running for Laude din sila Silver. Sila na matatalino. Haha. May mahalaga pala kaming pinag-usapan kanina. Meron pa kasing naitabing pera ang Mama ko at Kuya ko, para sana sa stem cell treatment ko. Ayaw ko sanang ipagastos sa kanila yun kaso sabi nila gusto daw din nilang tumulong sa ginagawa ko daw na “foundation”. Ayun, sa huli naman, pumayag na ako. Tutulong na din kasi yung mga magulang ni Fel. Pati yung pamilya nila Silver. Haha. May pangalan na tuloy yung foundation ko. Team Lakbay Sapatos Foundation. Lakas maka-team sa PBA no? Haha. Simple lang naman yung foundation namin. Mag-kacanvass kami ng mga sapatos, mga pieces ng sapatos. Tapos magbebenta kami, balat man o kaya rubber shoes. Tapos yung pera na kikitain namin, mapupunta sa mga matutulungan naming mga cancer patients na kagaya ko. Sa totoo lang, ito yung unang beses sa buhay ko na parang may papatunguhan na ang nagawa kong mga desisyon. Sana makatulong kami.

January 9, 2015 (Tuesday)

Halos umiyak ako sa tuwa kanina. Ewan ko ba, una ko lang kasi nakitang may nagawa akong simpleng bagay na nagkaroon ng malaking impact sa buhay ng iba. Last two years ago kasi, may tinulungan kaming pulubi. Tapos yung kapatid niya may colon cancer. Dahil gusto namin ni Fel na makatulong kami, sinabi namin sa NGO na pwedeng tumulong sa kanila. At dahil may gusto akong ibigay sa Kuya niyang may sakit, nabigyan ko siya ng sapatos. Hindi ko naman inakalang may malaking epekto sa buhay niya yun. Bat ko kinuwento? Nakasalubong kasi namin sila sa Marikina. Nakilala pala ako nung Kuya kasi nakasalubong namin. At doon namin nalaman na dahil dun sa sapatos na binigay ko, nagkaroon siya ng pag-asang mabuhay. Kasi ang dating daw sa kanya nun, parang may panahon pa siya para masuot yun. Para daw naging simbolismo sa kanya yun ng pagtayo sa pagkakadapa dahil sa cancer at magkaroon ng pag-asang makapaglakad ulit sa daan ng buhay. Ang lalim nga eh. Haha. Siguro ganun talaga ang may cancer, huhugot sila ng pag-asa at lakas ng loob na lumaban sa cancer sa kahit saan man at sa kahit kanino. Kagaya ni Kuya Eric, nagkaroon ng cancer dati at nawalan ng pag-asang gagaling kaya hindi nagpagamot. Pero dahil sa isang maliit na bagay, nandito na ngayon ulit siya sa Marikina at nagbebenta ng sapatos, at dahil napagamot, magaling na. At wag ka, sabi ni Kuya Eric, tutulong din daw siya sa foundation ko. Marunong din daw kasi siya sa sapatos. Iba talagang klase ang buhay. Haha. Siguro kaya nakakaya ko pa ring makatayo at maglakad, kasi ayaw ko pang mamatay nang hindi pa tapos ang ginagawa ko.

February 16, 2015 (Monday)

Ngayon yung simula ng nationwide opening (Naks!) ng aming foundation. Meron kaming mga binebentang mga sapatos sa UPLB, sa UP Manila (kasi gusto ding tumulong ng Cancer Institute Foundation sa may PGH), tsaka sa Marikina na pinapangunahan dun ni Kuya Eric. May mga bumibili naman at napukaw yung atensyon nila nung nalaman nilang fund raising yun para sa mga may cancer na bata. May mga estudyante nga kanina na nanghingi ng permission sa akin na i-post yung mga binebenta namin. Feel ko mag-tetrend yun. Ang gwapo ng nagbebenta eh. Hahaha. Ehem. Pero sana may mapala ito. Kasi malaki din ang maitutulong nito sa mga may sakit. Kasi alam ko kung gaano kalaki yung ginagastos sa maintenance at therapies.

April 6, 2015 (Monday)

5th Anniversary na namin. Haha. Oo, tama ka ng pagkakabasa, Fel. Limang taon na tayo. Void kasi yung break-up natin. Yung ilalagay ko dito sa araw na ito ay para sa’yo lang. Haha. Kaya kung ako sa’yo, kiligin ka na. Hahaha. Anyways, nababasa mo naman yung date, 2015 na pero tuloy pa din ako ng pagsusulat. Malapit na ngang maubos ‘to eh. Ang tagal ko na kasing nagsusulat dito kasi ito yung request mo, ang basahin natin ‘to pag tumanda na tayo. Pero mukhang di ko ata matutupad yun. Tama na nga ang negativities. Haha. Tanda mo pa ba dati nung nalaman mo na crush kita? Grabe yung hiya ko nun sayo. Kaya kita naging crush kasi ang bait mo na tao, hilig mong mag-motivate ng mga kaklase natin kapag may problema sila. Kahit nung highschool, ang bait mo. Kahit nung naging tayo nga eh, patuloy ka pa din sa pagmomotivate sa akin para mag-improve. Nandyan ka kapag may mga success akong nagagawa, at siyempre kahit na dumadating yung pinakamadidilim na parte ng buhay ko. In fact, isa ka sa mga taong pinaghuhugutan ko ng lakas. Kaya, salamat talaga. Kahit ilang beses kitang itaboy, nandyan ka pa din. Tanda mo pa ba nung nadedepress ako sa sakit ko, na ang hirap kong intindihin? For sure, alam niyo naman yung mga panahon na kung saan hindi ako makausap ng matino, may mga panahon na kung saan kahit maliliit na bagay nagagalit agad ako, at may mga oras na kung saan hindi ko na maintindihan ang sarili ko kasi bulag na ako sa sakit ko. Pero alam mo ba, sa simpleng pagsama mo lang sa akin sa pagbili ng gamot, sa simpleng pag-intindi sa akin kapag naiirita ako kasi walang cable, sa simpleng ngiti mo sa akin kapag napapatawa kita, at sa simpleng tingin mo lang sa akin na tila nagpapahiwatig ng iyong pagmamahal, alam ko na hindi ako mag-isa sa laban na ito. Nandyan kayo nila Mama, Silver, Joseph, at Mia para samahan ako sa buhay na ito. Sabi nila, ang buhay ay isang giyera. Walang sense mabuhay kung walang pinaglalaban. Kayo ang dahilan ko kung bakit ako lumalaban. Siguro nga, isang delubyo, o isang unos, o isang bagyo itong kinakaharap ko. But I want tell you, ikaw yung naging sentro ng bagyo ng buhay ko. Eye of the hurricane ba. Sa mga susunod na segundo, minuto, oras, araw, linggo, buwan, at taon, pwede na akong mawala na pero ang gusto ko lang sabihin sa inyo na salamat. Hindi kayo mawawala sa puso ko. Lalo ka na, Fel, may puwang ka sa puso ko. Haha. Kahit mawala man ako physically, nandyan ako sa puso mo, sa mga puso niyong lahat. Patuloy akong mabubuhay kahit wala na ako kasi nandyan ang pagmamahal niyong hinding-hindi mapuputol ng kahit ano, kahit kamatayan man yan. Mamaya, mag-cecelebrate tayo ng anniv natin at marahil pag-uusapan natin yung foundation. Sana maging masaya tayo and above all else, lubusin natin ang bawat segundo na nauubos. Love you!

July 10, 2015 (Friday)

This is my 22th birthday. Kakacelebrate lang namin kanina sa bahay. For sure, natutulog na silang lahat. Hindi pa kasi ako makatulog. Siguro overwhelmed pa din ako. Haha. It’s been 5 months nung nagbukas yung foundation/business namin. Nagulat nga ako kasi talagang nag boom ito to the point na kinakailangan naming magbukas ng mga branches. Kahit nga sa social media, nagtetrend ang Team Lakbay Sapatos. Marami din kasi talagang mga tao ang gustong tumulong sa amin eh. Nga pala, kahapon kasi nainterview kami sa Kabuhayang Swak Na Swak. Grabe, muntik na akong maihi sa harap ng camera. Hahaha. Gets ko naman na recorded yun, pero kahit na. Nakakatuwa nga yung isang tanong ni Tiyang Amy eh, bakit daw sa dinami-dami ng pwedeng ibenta ay sapatos pa. Actually, napaisip pa din ako eh. Sinabi ko na lang, mahilig ako sa sapatos. Pero sa totoo lang, ang pinakarason ko kaya sapatos ang naisip ko kasi alam kong hindi lang isang gamitan yun, alam kong pang-matagalan ang sapatos. Hindi kagaya ng mga damit, hindi basta-bastang napapalitan ang size ng sapatos. Ewan ko, kapag nakakarinig at nakakakita ako ng isang sapatos, ang naiisip ko agad ay “journey”. Kasi ginagamit naman ang sapatos sa paa para sa isang mahabang paglalakbay. Siguro symbolism ko na din yun, inooffer ko sa mga taong walang sakit ang sapatos para ipa-realize sa kanila na may paglalakbay pa sila sa buhay na dapat daanan. May paglalakbay pa silang dapat tahakin para magpatuloy na mabuhay. Kasi ako, at ang iba pang mga taong may sakit ay hindi na matutuloy ang paglalakbay sa buhay. Yes, may deadline talaga yung buhay, yun nga lang, sa amin, imminent na ang death, sa kanila hindi pa. Yung mga normal na taong walang sakit, hindi pa nila narerealize na may deadline ang buhay. Baka nga humihinga sila pero patay na kasi tumigil na sa paglalakad sa buhay. Aantayin pa nilang magkasakit sila para lang makatakbo sila. Nasasayang pa ang oras. Hindi ko jinujudge ang mga taong walang sakit kasi kahit ako, guilty na din dun. Hindi ko rin ini-invalidate at minamaliit yung mga nararamdaman nila kasi tao tayo, lahat tayo nakakaramdam. Pero realtalk? Kapag hinayaan natin ang ating pakiramdam ang siyang sundin natin, lalo tayong titigil sa ating paglalakad, parang MRT. Kasi may mga moments talaga na magiging masaya tayo kasi may nakuha tayong achievements kaya makakapag-move forward tayo. Pero may mga moments naman na kung saan madedepress tayo kasi malalaman natin na hindi tayo makakagraduate on time, may problema tayo financially, o may nakakamatay tayong sakit kaya hindi na tayo makakapaglakad. And that’s okay. Normal yun, normal na masaktan tayo. Pero alam mo ba kung ano ang hindi okay? Yung nakatambay na lang tayo. Wala na tayong progress sa buhay to the point na hindi natin alam ang susundin natin. Maraming magsasabi na ‘follow your heart!’. Pero papaano ka susunod sa isang bagay na wala nang laman kasi binutas na ng maling pakiramdam? I therefore conclude lahat tayo, may cancer. Alam mo ba kung ano yun? Yung maling mindset na kung saan daig pa natin ang mga may sakit sa kung papaano tayo magreklamo sa buhay kapag nadadapa tayo. Daig pa natin ang may cancer sa kung paano natin tapusin ang buhay natin kasi hindi tayo gumagalaw. Negativity. Ito ang cancer ng lipunan. Dahil sa negativity natin sa buhay, kung anu-ano na lang nararamdaman natin at ineentertain. Pero hindi lahat ng nararamdaman, ineentertain. Pwede naman talaga tayong magreklamo, umiyak, sumigaw, magalit, at mainis sa mundo kasi ang unfair nito sa atin. Pero alam mo ba cost nun? Yung oras. I believe naaayon lahat sa oras. May mga moments na tatawa, iiyak, at maiinis tayo. Pero hindi natin kailangang magstay dun. Kailangan nating mag move forward. Kaya laban lang! There’s more to life than that! Marami pa tayong pwedeng gawin, at oras na uubusin. Pwede ngang bukas, sa isang araw, sa isang linggo, sa isang buwan, o sa isang taon, mawala na ako. Pero hangga’t hindi pa nauubos ang tinta sa ballpen ko, hangga’t hindi pa ako nauubusan ng pahina dito sa diary kong ‘to, patuloy pa din akong magsusulat ng kwento sa buhay ko. Patuloy akong maglalakad papunta sa kinabukasan. At higit sa lahat, patuloy akong maglalakbay sa buhay para magkaroon ng malaking impact sa mundo!

————-

Sa totoo lang, hindi talaga iyakin si Phillip pero dahil nabasa na niya ang Diary ni Rico, naiyak siya sa galak kasi kahit ilang oras niya lang itong binabasa, alam niyang nagkaroon ito ng impact sa buhay niya. Akala niya siya lang ang nakakaramdam nito. Sa totoo lang, hindi siya naawa sa kinuwento ni Rico, bagkus parang naging mitsa ito ng apoy sa puso niya para tumayo ulit at makipaglaban sa pagsubok ng buhay. Kung si Rico, kahit may sakit, kinaya niyang lumaban ulit, siya pa kaya? Dahil sa diary ni Rico, napagtanto ni Phillip na may oras nga sa lahat at hindi ito dapat sinasayang lang.

Pwede siyang magreklamo sa mundo kasi ang unfair nito sa kanya. Pwede siyang magalit kasi hindi na siya makakagraduate on time. Pwede siyang magdabog at ipagtatapon ang laptop niya, ang cellphone niya at ang tablet niya para lang hindi niya makita ang mga posts ng mga kaklase niyang makakagraduate on time.

Gaya nga ng sinabi ni Rico, pwede naman niyang i-entertain ang emosyon niya. Pwede nga namang i-feed ni Phillip yung nararamdaman niya. Yun nga lang, pansamantala lang mawawala yung sakit na nararamdaman niya.

Ang pagrereklamo, pansamantala lang ang epekto nun sa kanya. Umay na si Phillip sa pansamantala. Gusto niya ng pangmatagalang epekto sa buhay niya.

Gusto niyang makagawa ng isang bagay na pang habang buhay na kagaya ng nagawa ni Rico na hindi habangbuhay na nagreklamo sa sakit niya. May ginawa si Rico para malampasan ang bagyong dumating sa kanya.

Tuluyan nang luminaw ang isipan ni Phillip. Oo, may konting kirot pa din, pero mas nakita na niya ang mas malaking larawan. Hindi lang siya ang nakakaramdam nito. Ang iba nga, may sakit pa pero nakakaya pang lumaban. Higit sa lahat, hindi lang siya ang nag-iisang taong napunta sa sitwasyon na ito. Hindi lang siya ang nagdadamdam at hindi na gumalaw. Umay na siyang gumaya sa mundo. Gusto na niyang maging iba. Kung pu-pwede sa ibang tao na kapag nagkakaproblema ay nagdadamdam at hindi na mabuhay, pwes si Phillip, hindi.

“Hindi pa dito matatapos ang buhay ko”, isip-isip ni Phillip. “Mabubuhay ako.”

Marami pa sana siyang maiisip nang biglang may tumapik sa likod niya.

“Excuse me, may nakita ka bang notebook na color blue dito?” sabi ng isang tinig ng isang babae.

Tumingin muna si Phillip at napansin na isang babaeng medyo mahaba ang buhok pala ang nagsalita sa likod niya.

“Ay opo. Nasa akin po yung notebook na sinasabi niyo,” nahihiyang sabi ni Phillip sabay bigay ng notebook. “Uh, pasensiya na din po kasi aksidente ko pong nabasa yan. Dapat po kasi titingnan ko lang sa loob kung may pangalan o may address para maibalik ko, kaso…”

“Okay lang yun no. Wala lang yun sa akin,” masiglang sabi ng babae. Kumalma naman si Phillip.

“Anong pangalan mo?”

“Phillip po,” sabi niya sabay abot ng kamay niya sa babae.

Inabot naman nito ang kamay niya tsaka siya sumagot ng, “Hi! Ako nga pala si Fel.”

Bago pa man makapag-react si Phillip, napansin ni Fel ang tumulong luha sa lalaki kaya nagsalita ulit siya ng, “May problema ka ba?”

Hindi alam ni Phillip kung anong sumapi sa kanya kasi nakwento niya ang buong problema niya kay Fel. Siguro nahihiya ang lalaki kasi nabasa niya ang libro ni Rico kaya bilang ganti, nakwento niya ang problema niya. Kinuwento niya ang pagpapakahirap niya para lang makapagtapos ng pag aaral kaso nalaman lang niya kanina na hindi siya makakagraduate kaya hindi niya matutupad ang pangako niya sa kanyang Tatay bago ito mamatay. Kinuwento niya din kung papano niya nakita ang diary ni Rico at kung papano ito nakaapekto sa buhay ni Phillip.

“Hindi ko lang po sure,” dagdag ni Phillip. “Pero pagkatapos kong mabasa yung kwento niya, narealize ko na okay lang masaktan pero hindi kinakailangang mag-dwell dito. Pakiramdam ko, parang kinausap niya ako.”

Ngumiti muna si Fel bago sumagot. “Ganyan talaga si Rico, kahit nung bata pa kami. Ayaw niyang may naiiwan sa aming malungkot. Kahit nga nung panahon na nahihirapan na siya, kita mo sa mata niya na gusto niyang tumulong. Ramdam mo yung passion sa ginagawa niya. Sabi niya kasi, gusto daw niya, yung ginagawa niya ay pang-habang buhay na kahit mawala pa siya. Kaya nga nabuo yung foundation eh.”

Natuwa naman si Phillip sa nalaman niyang balita. Magsasalita sana siya nang biglang umimik si Fel.

“Yun nga lang, may limit ang lahat eh,” sabi ni Fel na nakangiti pero pansin ni Phillip ang kaunting kalungkutan sa mata nito. “Last April 2016 nung huli naming nakasama si Rico. It’s been 3 years pero parang kahapon lang siya nawala. Pero kahit ganun, mas naging panatag kami kasi natapos na ang paghihirap niya. Nakakatuwang isipin na nung nakakaramdam na siya nang panghihina, saka niya binigay sa akin ang diary niya. Inasar pa ako na ‘wag kiligin! Talagang naalala niya yun eh! Siya yung nagpaintindi sa amin kung gaano kahalaga ang oras. At sana, dun sa natirang oras niya dati, sana naipakita namin sa kanya kung gaano namin pinahalagahan yun.”

Tumingin muna si Phillip sa papalubog na araw bago sumagot ng, “Sa tingin ko naman po, naipakita niyo naman po yun sa kanya. Kasi kung hindi, sigurado naman po akong wala nang foundation niyo dito. Ilang taon na po ang nakakalipas, pero patuloy na nagkakaroon ng malaking impact sa mundo ang nagawa niya, natupad niyo po ang pangarap niya.”

“Wala eh, nagkaroon siya ng malaking impact sa buhay namin, kaya nagagawa namin yun,” sagit ni Fel habang tumatawa. Tumawa na din si Phillip sa sinabi ni Fel sapagkat totoo naman ang sinabi niya.

“May sinabi nga siya sa akin eh, sabihin ko na din sa’yo para makatulong sa iyo. Tanda ko pa yung eksaktong mga salita eh!” natatawang sabi ni Fel. “Sabi niya sa akin, ‘Palaging may kanser sa lipunan. Alam mo kung bakit? Kasi madalas, ang sinusunod natin ay ang puso nating punung-puno ng kanser. Kaya kung anong nasa puso mo, yun yung magagawa mo. Kung anong nilalaman ng puso mo, yun ay dahil sa kung anong nilalagay mo dyan. Ano nga ba ang nilalagay mo sa puso mo? Positivity o negativity?’ Daig niya pa nga nanay ko sa paglilitanya eh!”

“Pero tama naman po siya eh,” pagsang-ayon ni Phillip.

“Kaya nga eh. Kahit may cancer siya, hindi naman cancer ang nagagawa niya kasi iba na ang nilagay niya sa puso niya. Kaya tuwing makikita ko ang mata niya, parang nakikita ko na din ang langit kasi sinasalamin nito ang kanyang puso,” sabi ni Fel habang nakangiti sa langit na parang nakikita niya si Rico sa taas.

Tumahimik naman si Phillip at nilubos ang katahimikan at inabsorb ang lahat ng natutunan niya ngayong araw. Ilang minuto ang nakalipas at binasag ni Fel ang katahimikan.

“So ano nang balak mo ngayon?” tanong ni Fel kay Phillip.

Tumingin muna siya sa paglubog ng araw. Pinagmasdan niya din ang dumidilim na paligid. Ganun naman talaga eh, dumadating sa oras ng kadiliman ang araw, parang buhay lang. Pero kagaya ng mga araw na lumilipas, dadating din ang bagong araw, na kung saan magkakaroon din ng liwanag ang lahat.

Tiningnan din ni Phillip si Fel na kung saan nakangiti sa kanya na parang alam na ang isasagot niya. Dumako din ang paningin ni Phillip sa diary ni Rico, na kung saan ang dami niyang natutunan.

At higit sa lahat, tiningnan niya ang sapatos niya na nagpapaala sa kanya ng paglalakbay sa buhay. Sa unang beses ngayong araw, nagawa na niyang ngumiti kasi may pag-asa na ulit siya.

“Tatayo na,” sagot ni Phillip sabay tumayo at naglakbay sa daan ng buhay.

-END

4 thoughts on “Ang Kanser Ng Lipunan

  1. such an interesting short story. at first talaga di ako ganon kaintresado pero habang binabasa ko, nakakainspired basahin, kasi totoo naman e nasayo yun kung negative or positive ang mas pipiliin mong itatak sa utak mo! , dapat tlga lessen natin yung reklamo, we don’t need to see on the problem sa halip ay tingnan natin yung solusyon kung saan tayo magogrow at sasaya.!
    di ko nga akalaing matatapos ko to kasi wala ako sa mood magbasa haha. Napakamakatotohanan nito at kapupulutan talaga ng aral ng mga magbabasa at ang galing nung writer may sense of humor magsulat, di ka maboboring magbasa.

    Like

  2. Labis akong namangha kung paano napagdugtong ang dalawang magkaibang buhay sa isang storya. Na-realize ko na small act of change can make an impact to someone at kung minsan ang buhay natin ang magiging rason kung bakit gugustuhin ng ibang tao na alamin ang kahalagahan ng buhay at magpatuloy. Natutunan ko na lahat tayo ay may canser at ito ang negativity sa isip natin. Maaari tayong magalit, mainis at umiyak pero hindi dapat maapektuhan nito ang buhay at mga desisyon natin. Magkaiba man ang pinagdaanan ni Rico at Philip parehas naman itong mag-iiwan ng bagong inspirasyon sa mga mambabasa.

    Like

    1. Yes ❀ Kaya patuloy lang tayong maging inspirasyon sa ibang tao at makita rin sa buhay natin ang tamang paraan kung paano makipaglaban at magtagumpay. πŸ™‚ Godbless, Trisha!

      Like

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s