Destination Series

Destination : The End Where We Start Again

DESTINATION Series: Part 4

 

Isang buwan na lang, graduation na ni Timothy. Kasalukuyan silang kumakain ni Marcus ng hapunan sa loob ng UP. Kakatapos lang kasi niyang maglakad ng mga papeles para sa kaniyang graduation. Buti na lang at nauto niya ang artista para ilibre siya sa isang tapsilogan. Napaka kuripot pa din niya hanggang ngayon.

“Wow! Gagraduate ka na talaga. Ang galing naman,” puri ni Marcus habang hawak ang mga tickets sa PICC. Hindi pa din siya maka-get over sa balita ni Timothy.

Tumawa na lang si Timothy sa sinabi ng kasama niya. Magkahalong kasiyahan at kalungkutan ang nararamdaman niya habang pinagmamasdan ang mga tickets na hawak ng artista. Masaya, kasi sa wakas nagbunga na ang limang taon niyang paghihirap sa course niya. Malungkot, kasi papasok na siya sa “real world”. O baka siguro may iba pang dahilan, hindi lang niya mawari kung ano nga ba iyon.

“Musta ka naman? Lalo ka nang sumikat ah. Hindi ka na talaga makakagraduate niyan,” tanong ni Timothy.

Tumawa muna si Marcus bago siya sumagot. “Grabe naman yung sikat? Ang OA mo din eh. Nadagdagan lang yung mga projects ko,” sabi ng artista. “Tsaka nakapagpaalam naman na ko sa management na magtutuloy na ako ng pag-aaral next sem eh. Hahabol na ako. Nakakahiya naman sa’yo.”

Napatingin na lang siya kay Marcus at napaisip sa mga pinagdaanan ng artista nitong mga nakaraan. Noong nakaraang taon, niyanig niya ang media sa kanyang sinabi sa isang press conference. Sa halip na tungkol sa ipapalabas nilang pelikula ang tumatak sa madla, tungkol sa advocacy ni Marcus ang narinig ng mundo. Pakain-kain lang ang artistang ito ng tapsilog pero ambassador na siya ng UNICEF. Kakaiba din kasi ang nagawa niya noong oras na iyon. Kulang na nga lang, magkaroon ng reporma sa sistema ng media sa matinding nangyari nung araw na yun eh. Tapos ngayon, nakakaya na nitong tumawa sa harap niya kahit kakamatay lang ng tatay nito noong isang buwan.

“Buti naman at tatapusin mo na ang pagpasok mo. Inaamag na kaya TOR mo sa admin. Ang tagal mo na masyado dito sa UP eh.”

“Ang OA mo naman sa matagal. Ngayong second sem lang naman ako naka sabbatical eh,” sabi ni Marcus. “Ay teka nga muna, ang daya mo ah. Ikaw ang gagraduate, pero ako nanlilibre sa ating dalawa?”

“Singkwenta lang itong tapsilog, makapagreklamo ka naman dyan. Ikaw nga ang dapat manlibre sa amin eh. Pinanood kaya namin yung pelikula mo kahit finals na namin nun. Tsaka naging blockbuster yung pelikula, wala man lang kaming kickback pambihira.”

“Eh nasaan ba kasi sina Nicole? Sila lang naman ang inaantay ko eh. Palagi kasi silang MIA nitong nakaraan.”

“Malamang nag-aasikaso din sila para sa graduation. Ikaw lang naman ang hindi nag-aasikaso ng pag aaral eh. Eh di tawagan na lang sila para ma-inform natin. Saan mo ba kami ililibre?”

Saglit na napaisip si Marcus bago siya sumagot ng, “Sa Ilocos.”

Nagulat naman si Timothy sa kanya. “Seryoso ka ba dyan? Bakit sa Ilocos?”

“Choosy ka pa ah. Eh kasi diba nakapag-promise ako nung nasa Tagaytay tayo dati? Kaya itutuloy na natin. Para hindi na maging drawing.”

Na-excite naman si Timothy kasi makakalibre na naman siya. “Sinabi mo yan ah! Ako na tatawag sa kanila,” sabi ni Timothy sabay kuha ng kanyang cellphone. Pansamantalang nawala yung kakaibang naramdaman niya kanina nung nalaman niya na ga-graduate na siya.

Kauna-unahang dumating si Timothy sa Mcdo na malapit sa LRT Cubao, kung saan sinabi niyang doon sila mag-aantayan para sa outing nila. Tahimik lang siyang nagmamasid sa paligid sapagkat dito din sila huling nag usap ni Michelle ng silang dalawa lang, dalawang taon na ang nakakalipas. Napapaisip pa nga siya ngayon kung bakit nga ba hindi sila makapagsalita habang kumakain noong panahon na yun. Naputol na lang ang pag mumuni-muni niya nang biglang may nagsalita sa gilid niya.

“Wow. So balik emo days ka na ngayon?” tanong ni Michelle na nakatayo sa gilid niya bago siya umupo. “Excited ka talaga ah. Ang aga mo naman para sa 4am na kitaan.”

“Eh bakit ikaw, maaga din?”

Napasimangot na lang si Michelle bago siya magsalita. “Wala. Napaaga lang ang gising ko.”

Napansin naman ni Timothy na may hindi sinasabi si Michelle pero hinayaan na lang niya ang babae at nagtanong na lang siya ng, “Musta naman ang preparation mo sa graduation?”

“Eto. Chill na lang ako ngayon. Last month kasi hassle eh, muntikan pa akong hindi makapasa sa exam namin tsaka medyo nagka aberya lang sa grades. Buti nga at maayos na ngayon. Ikaw ba? Sure ka na bang gagraduate?”

“Oo naman. Ako pa ba?” mayabang na sagot ni Timothy. Natawa na lang ang kausap niya. Ang kaninang ingay ng pagtawa nila ay napalitan ng matalinhagang katahimikan na hindi nila maintindihan kung bakit ngayon pa sila nanahimik. Siguro dahil nag-cecellphone sila. Siguro inaantok pa sila. Siguro hindi nila alam kung anong pag-uusapan nila. Bumalik tuloy yung kakaibang nararamdaman ni Timothy. Buti na lang, dumating na ang maingay na si Nicole na may dalawa pang kasama. Kilala ni Timothy ang isa, si James na kapatid ni Nicole. Ilang beses pa lang nilang nakakasama ang kapatid niya sapagkat sa ibang lugar ito nakatira. Ibinaling naman ni Timothy ang kanyang atensyon sa kasama nilang babae na halatang nahihiya. Siya siguro yung sinabi ni Nicole na isasama nila. Hinayaan muna nilang dalawa na makaupo ang mga bagong dating bago nila kausapin.

“Grabe guys,” panimula ni Nicole. “You won’t believe what happened!”

“Ano na naman ang nangyari?” walang emosyon na tanong ni Timothy.

“Muntik na kaya kaming maaksidente kanina!” eskandalong sagot ni Nicole.

“Hala. Ano bang nangyari?” tanong ni Michelle.

“Muntik na kasing makatulog yung driver ng bus kanina. Buti na lang ginising siya ng konduktor! Wala lang. Share ko lang.”

“Okay lang naman kayo? Wala namang nangyari sa inyong masama?” tanong ni Michelle.

“Wala naman po. Actually tulog naman po siya nung nangyari yun, kami lang ang nagkwento sa kanya. Minsan OA lang talaga si ate,” singit ni James. Binatukan tuloy siya ng ate niya.

“Uy James! Musta na?” tanong ni Timothy.

“Eto po. Mag-fofourth year napo. Graduating na po ako next sem.”

Napatigil muna si James ng pagsasalita bago siya umimik habang tinuro ang kasama niyang babae. “Uh. Siya nga pala po si Arielle, kaibigan ko po.” Tumango naman si Arielle.  

“Hello po,” sabi ni Arielle na nahihiya.

“Okay lang naman po na sumama siya sa atin diba?” tanong ni James.

Tumawa naman si Timothy bago siya sumagot. “Pwedeng pwede naman no? Mayaman naman si Marcus. Kakayanin naman niya tayong lahat.”

Bigla namang nagsalita si Michelle. “Speaking of,” sabi niya habang tumitingin sa paligid nila. “Nasaan na ba siya? Malapit nang mag 4:30am ah. Lakas talaga ng loob ni Marcus magpalate. Palibhasa artista eh.”

“Sabi niya medyo malelate lang siya ng konti. May aasikasuhin pa daw siya eh,” sabi ni Timothy.

Bigla namang nagtinginan sina Michelle at Nicole na napansin naman agad ng lalaki.

Palibhasa may pagtayo pang nalalaman si Nicole na akala mo naman talaga ay nagulat.

“Oh ano na naman?” walang reaksyon na naman na tanong ni Timothy.

“Hala. Kinakabahan ako,” sabi ni Nicole na dilat na dilat ang mata. Hindi nila tuloy alam kung si Marcus ba o si Nicole ang artista. “Paano kung tumakas na naman siya sa management?”

“Ha? Eh palagi naman siyang tumatakas eh. Tsaka for sure ngayon, hindi naman siya magpapa-outing kung hindi naman siya nagpaalam diba?” sagot ni Timothy.

“Yung pagpunta niya kaya sa Tagaytay dati, hindi siya nagpaalam kasi baka hindi daw siya payagan at malayo daw. Papaano pa kaya kung Ilocos pa?” pagpapaliwanag ni Michelle. “Hindi naman sa nega ako ah, pero papaano kaya kung ma-flash ulit yung mga mukha natin sa TV kasi tumakas na naman siya?” medyo praning na tanong niya sa mga kausap niya.

“Ha? ‘Ulit’? Nangyari na ba yun sa atin dati?” naguguluhang tanong ni Timothy.

“Malamang! Nung pumunta siya sa Tagaytay, maghapon din natin siya kasama diba? Eh maghapon ding hinahanap ng press si Marcus kasi naka schedule siyang mag promote nung movie nila. Pagkatapos mangyari ang press conference niya, bigla na lang lumabas sa media yung picture natin sa Tagaytay. Akala kaya ng media tayo yung kumidnap kay Marcus nun! Tapos paglabas namin ni Nicole ng dorm, may mga nag aabang na mga reporter sa labas! Diba, ang OA nila? Halos araw-araw kaya kaming sundan ng media nun, hassle! Makikisabay pa sila sa finals,” reklamo ni Michelle.

“Teka nga muna, wala bang humarang sa‘yo na media last February?” tanong ni Nicole.

“Alam ko, may trangkaso ako ng halos isang linggo eh, kaya siguro hindi ako na-corner.” sagot ni Timothy.

Bigla na lang silang tumahimik sa pag-uusap nila na parang nag-iisip. Kahit sina Arielle at James ay hindi makaimik kasi wala naman silang ma-iaambag sa usapan.

Kaya pala kapag pumapasok si Timothy napapansin niya na parang pinag-uusapan siya ng mga tao. Akala niya nag-iilusyon lang siya pero totoo pala talaga. Napaisip na naman si Timothy kung tutuloy pa sila kasi baka sumabit na naman sila sa media.

Bigla namang namutla si Timothy habang nag-suhestyon ng, “Sa tingin niyo ba, tama ba kung ituloy pa natin ito?”

Iimik sana si Nicole nang biglang may nagsalita sa likod niya ng, “Oh. Anong pinag-uusapan niyo dyan? Ang seryoso niyo ah.”

Napatingin sila kay Marcus na kasama din pala si Christine, ang talent manager niya. Sa halip na sagutin nila ang artista, sa talent manager sila bumaling.

“Christine, nagpaalam ba si Marcus sa management niyo na mag-oout of town tayo? Baka kasi maya-maya, may maghanap na namang media sa kanya tapos kami na naman yung masabihan ng kidnapper?” praning na tanong ni Nicole.

Nakakatawa siguro ang itsura nilang tatlo kaya tumawa si Marcus at Christine, na sinundan naman ng tawa nina James at Arielle. Kasi kung sa tutuusin, napaka-OA lang nilang tatlo.

“Chill ka lang, baby girl! Nakapag paalam naman kami sa management. Kaya nga kasama ako eh,” sagot ni Christine.

“Sure yan ah. Ayaw kong makikita na naman sa TV yung mukha ko tapos may mang-stalk sa aking kagwapuhan tapos wala man lang akong alam,” pagsisigurado ni Timothy. Hinampas naman ni Michelle at Nicole ang braso ng lalaki. “Aray!”

“Oo nga, Timothy. Kung maka-react ka dyan, akala mo naman ikaw yung artista,” pang-aasar ni Marcus.

“Fine. We’ll rest our case. Bakit naman kayo late? Quarter to 5 na oh. Mahihirapan tayong sumakay ng bus. I want to sleep pa,” dire-diretsong salita ni Nicole.

“Haha. Sorry. Kasi may inasikaso lang ako kaya medyo natagalan. Tara na sa labas!”

Pagkalabas nilang lahat ng Mcdo, dire-diretsong naglakad si Marcus papunta sa sasakyan na nasa harap nila. Kaya no choice naman sila kundi sundan ang artista. Nagtaka sila kasi may kinausap muna si Marcus sa harap ng van bago siya nagsalita.

“Guys! Tara na! Ihahatid na tayo ni Manong papunta sa NAIA. Malelate na kasi tayo sa flight natin!” anyaya ng artista.

Aba, mayaman talaga. Hindi lang pala mayaman, sosyal pa, isip-isip ni Timothy.

Akala nila nang-aasar lang ang artista pero talagang nagpa-book si Christine ng flight nila papuntang Laoag. Nagulat pa nga sila kasi ilang minuto lang ang tinagal nila bago makadating ng airport. Himalang hindi masyadong traffic sa Resorts World Manila. Mga ilang oras ang nakalipas at nakasakay na din sila sa loob ng eroplano. Pagkatapos magturo ng flight attendant sa mga pasahero ng guidelines sa loob, nagsimula nang umidlip sina Marcus, Christine, at ang driver nila na si Mang Lito sa tapat ni Timothy. Si James at Arielle ay nag-uusap sa harap niya. Si Michelle at Nicole ay todo picture sa tabi niya. Si Timothy ay nakatingin sa ulap sa may bintana, walang pakialam sa ingay ng katabi niya. Unti-unting nawala yung kakaibang naramdaman niya kanina.

Mabilis lang ang biyahe papuntang Laoag. Inabot lang sila ng halos isang oras. Himala nga at hindi sila sumuka kasi nagkaroon pa ng turbulence sa may Zambales. Pagkababa nila ng eroplano, inantay nila si Mang Lito para kuhanin ang van na inarkila nila na gagamitin papuntang Pagudpud.

“Guys, paano pala yun? Wala tayong hotel na na-reserve? Kahit hindi summer ngayon, madami pa ding tao ngayon,” natatarantang tanong ni Nicole na nakaupo sa pinaka likod ng van. Feeling nila, maririnig ng ibang sasakyan ang boses ni Nicole sa sobrang niyang ingay.

“Chill lang Nicole,” sabi ni Marcus na nakaupo sa tabi ng driver nila. “May matutulugan tayo.”

“Saan naman?” tanong ni Michelle kay Marcus.

“Sa amin, malamang,” sabat ni Christine na nakaupo sa tabi ni Michelle. “Kaya pinayagan si Marcus ngayon eh.”

“Weh, taga Ilocos ka, Christine?” manghang tanong ni Timothy.

“Naman!” medyo malakas na sabi ni Christine. Napangiwi naman sila sa lakas ng sagot ng babae. Hindi lang pala si Nicole ang nakalunok ng microphone.

Tumigil ang van sa bahay nina Christine sa Brgy. Saud. Dito sila sa bahay nila tumigil kasi malapit lapit lang naman na sila sa Blue Lagoon. Dapat kasi sa Hannah’s Beach Resort kaso may matutulugan naman na sila eh. Tsaka madaming tao dun, baka may makakilala kay Marcus. Bumungad sa kanilang pagdating ang matandang mag-asawa na magulang pala ni Christine.

Ipinaghanda sila ng mga magulang ni Christine ng bagnet, pinakbet, at longganisa na pang-agahan. Nasa kalagitnaan sila ng pagkain nang magsalita na naman si Nicole.

“Mamsi Mila! Ang sarap niyo naman pong magluto ng pinakbet!” sabi ni Nicole na halos mabulunan sa pagkain.

“Walang anuman iha. Ay siya, dahan dahan ng pagkain, baka mabulunan!” nahihiyang sabi ng nanay ni Christine. Hindi na nila inasar si Nicole sa sinabi ni Aling Mila sapagkat hindi na din sila makaimik sa dami ng kinakain nila. Mukha tuloy silang patay gutom. Kulang na lang magsabi sila ng, ‘penge nga pong isang kaban ng kanin’. Parang bastos lang.

Lumipas ang limang minuto ng katahimikan habang kumain nang biglang nagtanong si Michelle.

“So guys, anong plano na pala natin?” tanong ni Michelle sa kanila.

Tumingin naman silang lahat kay Timothy. “Oh, makatingin kayo dyan. Problema niyo?”

“Ano yung plano natin? Kilala ka namin, Tim. If I know, may Gantt Chart ka na dyan. Daig mo pa kaya si Christine sa pag aayos ng schedule,” pang-aasar ni Michelle kay Timothy.

Kahit ang magulang ni Christine ay nakatingin na sa kanya kaya wala na siyang nagawa. Napa-buntong hininga na lang siya at nagsalita.

“Christine, gaano katagal ang biyahe simula dito hanggang Blue Lagoon?”

“Thirty-five minutes,” sabi ni Christine.

“Siguro by 10am pwede na tayong umalis. Kaya makakadating tayo ng mga 10:35am. Meron tayong 4-5 hours na alloted time sa dagat. Tapos, by 4pm, pwede na tayong mamalengke para makapagluto tayo ng hapunan mamayang 7pm. Tapos, pwede na din pala tayong mag set-up ng bonfire sa tabi ng bahay mamaya kasi may space naman sa likod,” dire-diretsong sabi ni Timothy.

Napanganga na lang silang lahat. Ibang klase talaga ang lalaki. Kahit si Nicole ay taob sa kanya. Maya maya pa’y nagsimula na silang maghanda papunta sa resort. Habang nag aayos ng mga gamit sina Marcus, lumabas muna ng bahay si Timothy kasi gusto niyang lumanghap ng sariwang hangin. Pumunta siya sa likod ng bahay kasi dito kitang-kita ang dagat. Nakita niyang tulala si James kaya pinuntahan niya ito at kinausap.

“Uy ang drama mo dyan ah,” bungad ni Timothy.

Nagitla naman si James kasi pasulpot-sulpot ang kausap niya.

“Ay hindi naman po. Nag-aantay lang po ako sa kanila,” wika ni James. Sinabayan niya si James sa pagmamasid sa dagat.

“Gagraduate ka na next year no? Ano ngang course mo?” biglang tanong ni Timothy.

“Opo. Interior Design po.”

“Kamusta? Kakayanin pa naman?”

“Kakayanin pa naman po. Haha.”

“Nga pala, pasensiya na medyo maingay kami nila Nicole kanina ah. Sana hindi naiilang ang kaklase mo sa amin,” paumanhin ni Timothy. Tumingin na tila nagtataka si James sa nagsalita bago siya sumagot. “Ah, si Arielle po. Hindi ko po siya kaklase. Pero hindi naman po yun naiilang. Maingay din po siya eh,” natatawang sambit ni James.

Tiningnan niya si James. Akmang magsasalita siya ng biglang mamula ang kausap niya. “Hindi ko din po siya girlfriend. Kaibigan ko lang po siya,” depensa ni James.

Natawa naman si Timothy sa inaasal ni James sapagkat, sa unang pagkakataon nakita niya ang pinagkaparehas ni Nicole sa kapatid niya: ang pagiging assuming. Aasarin sana ni Timothy si James kaso baka mapikon siya kaya iniba na lang niya ang sasabihin niya.

“So papaano kayo nagkakilala ni Arielle?”

Ngumiti muna ang kausap niya bago siya magsalita. “Last June ko lang po siya nakilala, noong Manila day. Una ko siyang na-encounter sa Intramuros. Actually, photobomber lang siya habang kumukuha ako ng litrato. Tapos ayun, nagkausap lang kami ng buong maghapon. After nun, nagkita ulit kami sa Intramuros mga ilang linggo makalipas ang una naming pagkikita. Doon namin nalaman na schoolmates pala kami. Simula nun, naging magkaibigan na talaga kami.”

Madami sanang itatanong si Timothy kaso hindi siya umimik. Baka kasi isipin pa ng kausap niya na feeling close siya. Magpapaalam na sana siya nang biglang nagtanong ang kausap niya. “Kuya may tanong po ako. Papaano po kayo nakakapag-isip ng mga malalalim na tanong?”

Tiningnan niya ng mabuti ang kausap niya na iniisip na sa daming pwedeng itanong, iyon pa ang naisip niya. Saglit siyang nag-isip bago sumagot. “Wala lang. Kung anong maisip na tanong ko lang. Tsaka minsan kasi gusto kong pinag-iisipan talaga ang tanong. Sayang ang laway eh.”

Isang katahimikan na parang palaisipan ang sinabi ni James.

“Bakit mo nga pala natanong?”, sambit ni Timothy.

“Ah kasi po, napaisip lang ako kasi ang lalim mong magtanong. Hindi ko alam kung saang baul mo nakukuha yun. Tsaka naalala ko lang yung tanong niyo dati na, ‘Bakit nga ba humuhugot ang isang tao?‘.”

“Ah. Pero may nakuha ka na bang sagot?”

“Meron po. Para sa akin kasi baka kaya humuhugot ang isang tao kasi hinuhugot nila ang sarili nilang binaon sa lupa ng kanilang paghihirap.”

Namangha naman si Timothy sa kausap niya. Napansin niyang medyo nagbago na siya nung huli silang nag-usap. Napansin niya na kakaiba na ang James na kausap niya ngayon kesa sa dati na nag-rerebelde pa sa ate niya sa hindi niya malaman na dahilan.

“Oh papaano mo naman naisip ang sagot na iyan?”

Pinansin ko lang po yung mga tao sa may Casa Manila,” sagot niya na hindi naman maintindihan ni Timothy. “Pinansin ko lang po yung mga tao dun na nakatambay at mga nagmamasid. Tapos napansin ko din po sa mga taong hugot ng hugot.” Napatingin naman siya kay Timothy na nakatingin sa kanya na parang natatawa. “Ay sorry po. Hindi ko naman po kayo pinapatamaan. Haha. Basta, yung mga tao sa lansangan, etc.”

“May punto nga naman yung sagot mo. Yun nga lang, may payo ako.”

“Ano po iyon?”

“Hindi lahat ng bagay sa ilalim hinuhukay. Minsan hahayaan mo na lang ito sa ilalim ng lupa. Baka kasi yung foundation na pala yung nabubungkal mo. Hindi mo alam sa paglalim ng paghukay mo, siya na din palang pagbaon mo sa lupa. Minsan kasi, sa paghugot na lang ang focus natin, hindi dun sa pag-angat. Kapag hinugot mo yung kutsilyo sa katawan mo, diba ang susunod mong gagawin ay gagamutin yung sugat? Pero wala eh, mas naka-abang tayo sa paparating pa na kutsilyo na ibabato sa atin ng mundo, para lang masalagan natin. Yun nga lang, mabigat yung shield kaya nagrereklamo tayo, kaya eventually, mabibitawan natin at matatamaan na tayo. Sa sobrang sakit, babaliwalain na natin yung dugo na nauubos sa bawat segundo ng ating buhay kasi manhid na tayo. Long story short, minsan mas nagde-dwell tayo sa hugot ng mundo at hindi sa kagamutan para sa mundo. Kaya sa halip na gamot ang maibigay mo sa ibang tao, bitterness, takot, at panghihinayang ang maipapasa natin.”

Napatahimik naman lalo si James sa sinabi niya. “Uy bata! Sorry kung weirdo ako ngayon ah. Nasobrahan lang siguro ako sa bagnet eh!”

“Ay hindi naman po ako naweweirdohan. Actually may itata-,” hindi na niya naituloy ang sasabihin niya sapagkat umeksena na sa kanila si Nicole.

“Uy Timothy! Kanina pa namin kayong hinahanap ah! Anong pinag-uusapan niyo dyan?”

Nagtinginan muna silang dalawa tapos nagsalita si Timothy. “Wala. Nagtatanong lang si James kung papaano manligaw!”

“Ay nako,” sabi ni Nicole tapos humarap siya kay James habang tinuturo si Timothy. “Sa kanya ka pa talaga magpapaturo ah? Style nga nito bulok eh. Kaya nasayang tuloy.”

“Anong sinasabi mo dyan?” tanong ni Timothy.

“Wala wala! Tara na. I’m excited na!” natatawang sabi ni Nicole.

Hindi na lang nila pinansin ang pang-aasar ni Nicole. Sumakay na sila sa van at pumunta na sila sa resort malapit sa Blue Lagoon. Muntik pa nga silang mawala kasi kahit si Mang Lito ay hindi saulo ang daan. Kahit si Christine ay nalito sapagkat ang tagal na niyang hindi nakakauwi dito. Buti na nga lang at sinundan nila ang ibang magbabakasyon din sa dagat. Partida, nagulat pa sila sa dami ng tao kasi hindi naman na summer. Pinilit pa nga nila na magsuot ng wig si Marcus kasi baka pagkaguluhan siya pero hindi sila nanalo. Kung sabagay, sino nga ba ang nagsusuot ng wig sa dagat diba? Parang baliw lang. Napakainit kaya.

Nakapwesto sila sa nirentahan nilang cottage. Buti na lang kahit daming nagbabakasyon dito, nakakuha pa din sila ng magandang pwesto. O baka dinaan lang sa pagiging artista ni Marcus ang pagre-reserve. Nauna na silang pumunta sa cottage kasi may kakausapin pa daw sila Marcus at Christine.

“May cottage nga tayo, wala namang pagkain. Very prepared tayo ah,” reklamo ni Nicole habang naglalagay ng sunscreen.

“May sunscreen ka nga, wala ka namang tsinelas. Very prepared ka din ah,” pang-aasar ni Timothy habang tinuturo ang naka-sapatos na si Nicole habang naka-apak sa buhangin.

“Sorry ah. Biglaan lang kasi yung pagsasabi ng outing! Malamang, hindi ako nakapag prepare. Tapos nalimutan ko pa slippers ko sa bahay. Tsaka hindi naman ako lalangoy eh!” depensa ni Nicole.

“Eh anong gagawin mo? Pumunta ka pa ng dagat, hindi din naman pala lalangoy.”

“Malamang, mag-pipicture! Duh,” maarteng sabi ni Nicole. Nag-aayos din sina James sa tabi nila kaya hindi sila makaimik sa usapan. Si Michelle naman ay may kausap sa cellphone.

“Wow ah. Ginawa mo pang-,” napatigil si Timothy sapagkat nakita naman niya ang kausap niya na nag-memake up at nag-aayos na ng kilay. “Seryoso ka ba dyan sa ginagawa mo?!”

Iimik sana si Nicole kaso sumabat na si Michelle na kakatapos lang kumausap sa cellphone niya. “Tim, tawag ka ni Marcus. Punta ka daw sa entrance. Tulungan mo daw sila ni Mang Lito sa pagbubuhat.”

“Kelangan niyo po ba ng tulong?” suhestyon ni James.

“Okay na ako. Bantayan niyo na lang ni Arielle ang ate mo. Baka makapag-suot pa siya ng gown diyan,” pang-aasar ni Timothy. Umulan naman ng tawa sa cottage nila habang umalis na si Timothy at pumunta sa entrance.

Nakita niya na may bitbit na madaming kaldero at bilao ng meryenda sina Marcus. “Wow. May pa-feeding?” singit niya.

“Tumulong ka na nga lang, ang bigat eh,” sabi ni Marcus. Dala-dala nilang apat ang pagkain nila papunta sa kanilang cottage. Habang naglalakad sila, napapasulyap ang ibang tao sa kanila. Hindi sure ni Timothy kung dahil ba may kasama silang artista o sadyang napakadami ng kanilang pagkain na animo’y may pa-feeding nga sila.

Halos lumuwa naman ang mga mata ng mga kasama nila nang makita ang buhat-buhat nila Marcus. Mukha kasing mapapakain-marino na naman sila sa dami ng pagkain.

Buti na lang, may extrang tsinelas si Marcus at pinahiram kay Nicole. Pagkatapos nilang mag-ayos ng mga pagkain at gamit, nagsimula na silang magtampisaw sa tubig. Buti na lang, naka sunscreen sila kasi sobrang init. Pero sigurado namang mangingitim pa din sila. Kahit si Nicole ay napilitang sumama sa kanila kasi inasar ni Marcus na siya ang magbabantay ng kanilang gamit. Sila Christine, Michelle, Nicole, at Arielle ay todo pose habang pini-picturan sila ni James. Si Marcus naman ay todo sa paglangoy sa medyo malalim na parte. Si Timothy ay saglit na umalis ng dagat para pumunta sa cottage at kumain ulit. Matakaw talaga. Tanging si Mang Lito lang ang nagbabantay sa gamit nila habang kumakain ng ice cream.

Mga ilang oras ang nakalipas at naburyo na sila sa dagat. Naisipan nilang sumakay sa banana boat kasi lahat sila’y ngayon lang makakasakay dito. Mabilis naman silang nakasakay kasi konti pa lang ang sumasakay sa banana boat.

“Manong!” sigaw ni Marcus habang humaharurot ang banana boat. “Anong dapat gawin kapag nangangalay na?”

“Kapag hindi mo na kayang humawak, bumitaw ka na lalo na kapag mas lalong bumilis ito!”

“Wow manong! Pati ikaw humuhugot ah!” epal ni Nicole habang malikot na tumatawa, kaya siya ang kaunaunahang nalaglag. Mas lalo ngang bumilis ang banana boat na parang tataob ang bangka sa sobrang bilis. Sumunod na nalalaglag si Michelle at James. Na sinundan naman ni Marcus at Christine. Kahuli-hulihang nalaglag sina Arielle at Marcus. Tanging si Timothy lang ang naiwan sa bangka. Ayaw niya pa kasing bumitaw eh.

Pagkatapos nilang mag banana boat, bumalik sila sa kanilang cottage at nag-usap.

“Wow ako pa tatawanan niyo ah,” sabi ni Timothy. Kasalukuyan kasi nilang tinatawanan si Timothy dahil hindi siya bumitaw sa bangka kasi hindi siya marunong lumangoy. “Si Nicole nga nalaglag agad sa bangka kahit hindi pa naman yun yung pinakamabilis na takbo nun!”

“Excuse me,” depensa ni Nicole. “Madulas lang kaya yung handle!”

“Talaga ba?” sabay-sabay na sabi nilang lahat habang tumatawa.

Napansin naman ni Timothy na biglang nanahimik si Marcus kasi may binabasa siyang isang journal. Tumingin muna siya ng oras sa cellphone niya bago siya magsalita. “Guys, 3pm pa lang. Ano pang trip niyong gawin natin?” anyaya niya.

Nanahimik naman na sila. Siguro dahil solve na sila sa pinaggagawa nila ngayong araw.

“Alam ko na!” bulalas ni Marcus. “Mag zipline kaya tayo? Maganda daw dun eh. Meron daw malapit dito eh!”

Otomatiko namang napatingin si Timothy kay Michelle na biglang namutla kasi may takot siya sa heights. Bago pa siya maka-imik, nagsalita na si Christine.

“Ay alam ko kung saan yan kaso may bayad ah. Yun nga lang, papaano na yung gamit dito?”

“Ganito, tulungan natin si Manong sa pagbalik nitong-,” sabi ni Marcus.

“Ay ako na ang bahala sa mga pagkain dito. Pwede na kayong pumunta ngayon. Kokonti na lang naman yung pagkain eh tsaka sayang sa oras,” sabi ni Mang Lito.

“Sure po ba kayo manong? Pwede naman po kami tumulong,” tanong ni Arielle na parang gustong-gusto talagang tumulong. Nagulat pa nga si Timothy na kasama pa din nila si Arielle eh. Siguro nasapawan lang siya ng kaingayan ni Nicole. O baka gawa ni Michelle. Si Michelle yan eh.

Nagising na lang si Timothy sa kanyang pag-iisip nang magsimula na silang mag-ayos ng kanilang mga pagkain at gamit. Wala naman siyang nagawa kundi sumunod sa mga kaibigan niya.

Pumunta na sila sa zipline. Kasalukuyang niilalagyan ng strap sina Marcus at Michelle kasi sila na ang susunod. Nag-aantay sa baba sina Christine at Nicole kasi sila ang unang nakasakay.

“Uy guys, walang mag-baback out ah. Antayin namin kayo sa baba!” masiglang sabi ni Marcus.

“Kalma lang, Marcus. Nahihirapan silang mag-ayos ng strap mo oh,” malumanay na sabi ni Michelle na parang nagpipigil ng takot niya. Ilang saglit lang ay nagsimula nang gumalaw ang zipline. Kailangan muna nilang mag-antay ng ilang minuto bago ang turn nila.

Kapansin-pansin naman kay James na kinakabahan kasi hindi na siya mapakali sa pwesto niya. Napansin na din siguro ni Arielle ang kaba ng lalaki kaya nagsalita siya.

“Bakit takot ka sa heights?” tanong ni Arielle.

“Ang taas kasi. Nakakalula yung taas,” pagpapaliwanag ni James na nakatingin sa ibaba.

“Alam mo ba dati takot din ako sa heights?” sabi ni Arielle.

“Talaga ba? Halatang halata dyan sa naka-prepare na Go Pro mo at gear mo ah,” sarkastikong sabi ni James.

Hindi na pinansin ni Arielle ang sarkastikong tugon ng lalaki at nagsalita ulit. “Dati, mga 12 years old ata ako. Iniwan ako ng pinsan ko sa may harap ng Space Shuttle sa EK. Tapos,” napahinto naman siya sa pagkukuwento. Hindi alam ni Timothy kung inaalala niya yung memorya niya o napansin lang ng babae na pati siya’y nakikinig sa usapan nila. “Sa hindi ko malaman na dahilan, napasakay ako sa space shuttle. Buong pagkatao ko nun ay bumaliktad kasi sobrang bilis! Dahil dun kaya natakot ako. Nawala lang yung takot ko nung nahulog ako sa second floor ng bahay namin kasi naglilinis ako ng bintana. At dahil dun, eventually nawala na yun takot ko sa heights.”

“So kelangan pa akong magpakahulog kung saan para lang mawala yung takot ko?” tanong ni James na hindi mawari ni Timothy kung sarkastiko ba siya o seryoso.

“Nope. Nawala yung takot ko nung nag-focus ako sa horizon. Nung naglilinis kasi ako ng bintana noon, takot na takot ako, pero unconsciously, pagtingin ko sa horizon, nawala yung focus ko sa takot ko. Yun yung isang paraan para ma-overcome ang fear.”

Unti-unting kumalma si James at ngumiti bago siya ulit magsalita ng, “So panibagong symposium na ito?”

“Sira,” sabi ni Arielle habang tumatawa. “Wala nang time dyan. Tayo na next oh.”

Wala namang naintindihan si Timothy sa pinagsasabi nilang dalawa. Inside joke siguro nila yun. Hinayaan niyang mag-zipline ang dalawa. At nung siya naman ang susunod, matapang siyang nagpadulas sa zipline, iniisip kung bakit nga ba ang ang tagal niya bago siya mahulog pero mabilis lang naman pala itong natapos. Nasaan nga ba ang nakakatakot dito?  

Pagkatapos nila sa zipline, dali-dali silang nag-ayos kasi pupunta sila sa palengke. Buti na lang kasama nila si Christine kasi kung hindi, matagal na silang nawala.

“I have a plan,” sabi ni Christine. “Kami na ni Marcus, Michelle at Nicole sa mga ingredients ng pang-adobo. Kayo nang tatlo ang bahala sa mga natitira dito sa listahan. Kung meron pa kayong idadagdag, go lang.”

At naghiwalay na nga sila. Nangingiti naman si Timothy habang tinitingnan ang listahan.

“Bakit po parang masaya kayo?” nagtatakang tanong ni James.

“Ah wala lang. Simula kanina pang umaga, wala pa tayong ginagastos. Sinagot talaga ni Marcus ang lahat.” Napatingin naman silang dalawa kay Timothy. “Sagarin na kaya natin ito?” masayang pagtutuloy niya.

Mabilis naman silang nakabili ng pagkain sapagkat kaunti lang ang mga taong nabili. Habang nabili sila ng mga nasa note, nakipag kwentuhan siya sa dalawa. Napansin niya na mahilig pala talaga silang makipag-usap kahit sa hindi nila masyadong kilala. Siguro, kung si Timothy ang mapapapunta sa sitwasyon nila, baka hindi siya kumausap ng ibang tao. Lalo na siguro kung hindi niya kakilala.

Nauna silang nakabalik sa bahay nina Christine kesa kina Marcus dahil mas kaunti lang naman ang binili nila. Habang nag-aantay, naisipan nilang ihanda ang mga gagamitin sa pagluluto. Tinulungan din sila ni Mang Tino at Aling Mila na maghanda. Buti na lang, kanina pa hinanda ng mag-asawa ang barbeque kaya kaunti na lang ang ihahanda nila.

Malapit nang mag ala-sais ng gabi nang makadating sila Marcus na ipinagtaka ni Timothy kasi ang tagal naman ata nilang mamalengke.

“Kasi si Marcus eh. Nakita siya ng mga tao. Feeling niya wala sa kanyang makakakilala. Kaya ayun naharang kami,” pagpapaliwanag ni Michelle na nag-aayos ng pinamili nila.

“Ayaw pa kasi magsuot ng wig. Ayan tuloy, pinagpyestahan ng mga tao,” sabi ni Nicole habang tinutusok ang barbeque stick sa hotdog.

“Eh mainit kaya pag nagsuot pa ako ng wig,” depensa ni Marcus habang nag-aayos ng uling na gagamitin sa pagluluto ng barbeque. “Timothy, saan niyo nga pala nilagay yung baboy? Magsisimula na tayong mag-ihaw.”

“Teka, nasa akin! Chill lang Marky,” epal ni Christine na may dalang madami-daming barbeque.

Hinayaan na lang ni Timothy na magkagulo ang mga kasama niya sa pagluluto ng barbeque at pumasok siya sa loob kung saan nakita niya si Arielle na nagluluto ng adobo habang nakikipag-usap kay Aling Mila. Si James naman ay nagluluto sa isang kalan ng pancit habang tinuturuan ni Mang Lito at ni Mang Tino na magluto. Napansin naman niya na wala siyang maitutulong dito kaya lumabas na lang siya habang dala-dala ang pinamili niya.

Pumunta siya likod ng bahay at pinagmasdan kung papaanong nagsisimulang kuminang ang mga bituin sa gabing iyon. Isang magandang gabi ang binigay sa kanila kaya nakakasigurado naman siyang hindi dapat iyon sayangin. Napansin naman niya ang mga kahoy na sinibak nina Mang Tino kanina at kinuha niya ito. Kinuha niya rin ang pinamili niyang gas at lighter. Nagsimula siyang mag-ayos ng tumpok ng kahoy at sinabuyan niya ng gas. Hindi naman siya nahirapang magpa-apoy sapagkat may natutunan naman siya sa pagiging boy scout o sadyang gas yung nagdala kaya siya nadalian. Kumuha rin siya ng medyo malalaking mga bato na pwedeng upuan at ipinaligid niya ito sa kanilang bonfire. Umupo siya sa batong hinakot niya at nagpahinga. Pinagmasdan niya ang kalangitang ngayo’y mas gumaganda pa lalo sa paningin niya sa hindi niya malaman na dahilan. Tahimik lang siyang nakatingala sa itaas nang may nagsalita sa likod niya.

“Wow. May shooting ka dyan?” tanong ni Nicole habang naglalakad papunta sa pwesto niya. Pinansin niya naman yung dalawang stick ng barbeque na hawak ng babae. Siguro mang-iingit lang siya ng pagkain.

“Inayos ko lang naman yung bonfire. Wag ka nga,” saway ni Timothy.

Umupo naman si Nicole sa tabi niya at binigay niya ang barbeque na dala niya. “Tikman mo daw kung masarap.”

Tinikman naman ni Timothy at halata sa mukha niyang nasarapan siya pero parang may nagpipigil sa kanyang pagkain. Pinansin niya si Nicole na nakatingin sa kalangitan. Bigla naman siyang nagtaka sa inaasal ng babae ngayon. Alam niyang hindi naman ito malungkot pero biglang nag-iba mood ni Nicole. Hindi naman siya galit, naiinis, masaya, o inaantok pero may kakaiba kaya napansin niya agad yun.

“Anong problema mo?” tanong ni Timothy sabay kagat ulit sa barbeque.

“Anong problema mo?” pag-uulit ni Nicole. Akala pa nga ni Timothy inaasar na naman siya kagaya nung kanina pero isang nakangiting seryoso ang nakita niya sa mukha ni Nicole.

“Wala naman akong problema. Napagod lang sa pagbubuhat ng bato,” sabi niya habang tumitingin siya sa apoy.

“Bato lang ba talaga ang dala-dala mo?”

“Alam mo,” sabi ni Timothy na hindi alam kung naiinis ba siya o natatawa sa tanong ni Nicole. “Nakakainis ka kapag wala kang sense kausap.”

Tumawa na lang ang babae bago siya nagsalita. “Naalala mo ba last year nung sinamahan mo kami ni Michelle sa Galleria?”

Saglit namang napaisip si Timothy bago siya sumagot. “Oo naman. Yun yung naabutan tayo ng traffic diba? Sino bang hindi makakalimot sa paglalakad natin sa EDSA?”

“Diba, may naabutan tayong nagbubugbugan sa farmers? Ano ngang pinag-aawayan nila?”

“Dahil sa babae, third party. Ang haba ng hair ni ate eh,” natatawang sagot ni Timothy. Tumawa naman si Nicole bago siya ulit magsalita.

“May tanong lang ako. Bakit tumulong ka sa pag-aawat sa kanilang nag-aaway?”

Inalala naman ni Timothy kung bakit nga ba niya yun ginawa. “Siguro,” sabi ni Timothy. “Yun yung tamang gawin eh. Ayaw kong makigaya sa mga taong nakapaligid sa mga nag-aaway na masayang-masaya pa sila sa kanilang nasasaksihan nilang nagsasakitan.”

“Pero bakit nung una nag-hesitate ka pang tumulong?”

“Malamang, hindi ko naman sila kilala eh. Masabihan pa akong pakielamero. Pero nung panahon na yun, aalis na dapat tayo kaso may nakita akong isang tao na halata sa mukha niya na gusto din niyang pigilan yung mga nag-aaway kaso may hesitation siya na parang kagaya nung sa akin. Napansin ko kung gaano niya kagustong tumulong, yun nga lang takot. Bigla ko tuloy naisip na, ‘kelangang may mag stand-out‘. Kaya ginawa ko yung tama. Long story short, napigilan namin yung mga nag-aaway kahit yung ibang mga tao ay na-disappoint kasi wala na silang pagkakalibangan: ang manood sa nagbubugbugan.”

Tumatango naman si Nicole saka siya tumayo at nagsimulang umalis sa pwesto nila.

“Bakit mo pala tinanong?” pahabol na tanong ni Timothy sa babae.

Tumigil si Nicole sa paglalakad niya at tumingin sa nagsalita. “Dati, kahit may hesitation ka, nagawa mo yung tama. Eh ngayon kaya, magagawa mo kaya ulit yung tama kahit puno ka ng hesitation?”

Hindi naman niya naintindihan ang makahulugang salita ng kausap niya. Ano ba ang tinutukoy niya? O bakit? O baka naman sino? Kanina naiinis si Timothy kay Nicole kasi wala siyang sense kausap. Kaso ngayon, mas naiinis na siya kasi parang wala na siyang sense magtanong. Nang walang makuhang sagot si Nicole, tuluyan na siyang umalis habang si Timothy naman ay biglang nanlamig sa tanong ng kausap niya kahit napakalapit niya sa apoy. Ang malala pa, bumalik yung kaninang kakaibang nararamdaman niya na hindi niya maipaliwanag.

“Uy Timothy! Pakidala naman nito sa labas,” pakiusap ni Michelle habang inaabot ang isang plato na puno ng shanghai. Lutang pa niyang kinuha ang shanghai sa babae kaya muntik pa itong matapon. “Uy dahan dahan!”

Habang naglalakad si Timothy papunta sa lamesa na binuhat nila James kanina, iniisip pa din ng lalaki kung papaano nga ba siya napunta sa taga-dala ng pagkain. Kanina, wala din siya sa wisyo na magbuhat ng lamesa dahil sa tinanong sa kanya ni Nicole. Hindi niya alam kung kanino siya maiinis; kay Nicole dahil sa pagtatanong sa kanya o sa sarili niya kasi nalilito siya sa hindi niya malaman na dahilan.

“Nasaan na si Michelle?” tanong ni Marcus habang naglalagay ng adobo. “Tara, kain na tayo!”

“Teka lang. PG ka na naman eh, parang hindi artista,” pang-aasar ni Timothy.

Babalikan sana niya ang babae sa loob nang biglang lumabas si Michelle na may hawak na plato na punong-puno ng shanghai. Tinawag naman ni James ang matatanda at nagsimula silang kumain. Halos kumuha na ng sariling kaldero ng kanin si Timothy at Marcus sa pagkain nila. Sila James, Christine, at Arielle naman ay kumakain habang nag-uusap sa gilid. Samantalang sina Michelle at Nicole ay nag-uusap ng seryoso. Pansin ni Timothy ang pagiging seryoso ng pag-uusap nila sapagkat halos hindi nila ginagalaw ang pagkain nila.

Pagkatapos nilang kumain, nagpaalam na ang matatanda kasi balak na nilang magpahinga sa loob. Naglinis naman ng mga plato at mga ginamit nila sa pagluluto ang mga babae. Sila Timothy naman ay pumunta na sa bonfire. Dala-dala ni James ang camera niya samantalang si Marcus ay may dala-dalang tripod. Nagpaalam din si Christine sa kanila sapagkat masama ang pakiramdam nito.

“Timothy, hindi mo dala yung gitara mo?” tanong ni Marcus habang nag-aayos ng tripod.

“Hindi. Ang bigat kaya.”

Pinansin naman ni Marcus si James. “Marunong ka palang mag camera, James? Kanino ka nagpaturo?” pag-usisa ng artista.

“Opo. Tinuruan lang po ako ng magulang namin,” sagot ni James na sabay namang pagbalik ng mga babae na may dalang mga ng mga junk foods, marshmallows, at hotdogs.

“Ang daldal mo ata ngayon, Marcus?” tanong ni Timothy.

“Hindi naman. Teka nga, ba’t ba ang init ng ulo mo ngayon? Ano bang problema mo?”

“Wala naman. Busog lang ako.”

“Uy guys, anong pinag-uusapan niyo dyan? Seryoso niyo ah,” usisa ni Nicole habang umuupo sila.

“Wala wala,” sagot ni Timothy habang nakatingin ng matalinhaga kay Nicole na hindi ata nakuha ang mensahe ng nagtatanong na tingin ng lalaki.

“Ang ganda ng gabi ngayon ano?” puna ni Michelle.

Napatingin naman silang lahat sa langit na tila nagpapakitang-gilas sa kanila. Hindi naman sila nabigo sa nakita nila sapagkat ilang bilyong mga bituin ang nagpakita sa kanila na sinabayan pa ng malakas na simoy ng hangin na nanggagaling sa dagat. Pero kahit ganun, hindi sila nanlalamig sa pwesto nila sapagkat malakas ang ningas ng apoy ng bonfire nila na parang nakikipaglaban sa liwanag ng mga tala. Sa unang pagkakataon, kahit si Nicole ay hindi makapagsalita sa nakikita niya. Kung sabagay, hindi naman na nila kailangang magsambit ng salita para mailarawan ang nakita nila. Isang magandang alaala ngayong gabi ang tumatak sa utak nila. Hindi lang ang nakikita nila ang babaunin nila ngunit ang nararamdaman nila sa oras na iyon na tanging Diyos lamang ang makakapagpaliwanag kung ano nga ba ang nararanasan nila sa saglit na iyon.

“Bukas,” pagbabasag ng katahimikan ni Marcus na may halong lungkot. O saya? “Uuwi na pala ulit tayo. Babalik na tayo sa usok ng Manila. Babalik na tayo sa traffic. Babalik na tayo sa kanya-kanyang mga problema. Ano nang plano niyo sa mga buhay niyo?”

Himalang nanahimik si Timothy na parang hindi siya makabuo ng sagot kasi kapag nakakadinig siya ng paksang plano nabubuhay agad ang araw niya na handang magbigay ng ideya niya. Naalala niya pa nga dati nung tinanong siya ni Michelle kung anong plano niya, mabilis siyang nakasagot eh. Tumigil siya sa pagmuni-muni nang napansin niya si James na magsalita.

“Sa akin po,” panimula ni James. “Plano ko pong tapusin ang pag-aaral ko ng Interior Design. Tsaka plano ko po kasi na ding buksan ulit yung iniwan sa amin ng magulang na studio. Balak ko-“

Bigla namang tumigil si Nicole sa pagsunog ng marshmallows sa apoy. “Sigurado ka?!” epal ni Nicole. “Parang dati lang gusto mong sunugin yun ah!”

Ngumiti muna si James sa kanila bago siya nagsalita ulit. “Naman. Pero siyempre, dati yun. Nagbago na ako eh.”

“Anong nagpabago sa iyo?” tanong ni Michelle habang kumakain ng Mr. Chips.

Tumingin muna si James sa nagtanong bago siya magsalita ulit ng, “May nagpaalala lang po sa akin dati ng, hindi lahat ng tao nakukuntento. Hindi lahat gustong makuntento. A few months ago, pagkatapos kong makahanap ng kaibigan sa Intramuros, umuwi ako sa probinsiya. Ewan ko, paulit-ulit sa utak ko yung sinabi niya sa akin dati na, ‘You could be a part of someone else life without knowing it‘. Para kasi sa akin, yung someone sa sinabi niya ay yung pamilya ko. Yung mga magulang ko. Sa hindi ko malaman na dahilan, umiiyak ako nung panahon na yun habang palakad-lakad lang sa terrace namin.”

Tumawa muna si James na halatang nagpipigil ng luha. Tahimik naman silang nakinig sa sinasabi ng lalaki kasi seryoso si James sa pagsasalita. “Lalo akong umiyak nung napadaan ako sa studio na iniwan ng magulang ko bago sila mamatay. Sa nag-iisang lugar na kung saan palagi kong iniiwasan kasi iyon yung nagpapa-alala sa akin ng paghihirap ng magulang namin na itinaguyod lang kami gamit ang pagkuha ng litrato. Hindi ko kasi dati matanggap na maaga silang nawala. In fact, dati sinisi ko pa ang sarili ko kasi hingi ako sa kanila ng hingi kaya napilitan silang mag-ibang bansa. Kung sana hindi ako naging maluho, hindi sila mapapapunta sa ibang bansa na kung saan nadamay sila sa pag-taob ng barko. Pinagsisihan ko yung pag-rerebelde kina ate. Sa hindi ko malaman na dahilan, yung pagpunta ko lang pala sa studio yung nagpamulat sa akin na dapat na akong tumigil sa pagtakbo sa nakaraan. Dapat ko nang itigil ang paninisi sa aking sarili sa nangyari sa amin. Dapat ko na palang itigil ang pag-rerebelde ko sa ate ko. Dapat ko nang tapusin yung pagtakbo sa nakaraan kasi natatakot ako sa hinaharap na wala ang magulang namin. At higit sa lahat, dapat ko na palang simulan yung tinapos nila. Dahil sa pagpunta sa Intramuros na-realize ko na pwede pa naman akong mareklamo, manisi, magalit, at mawalan ng pag-asa sa mundo kasi unfair ang nangyari sa buhay namin. Pwede kong i-feed yung emosyon ko kasi nawalan kami. Yun nga lang, masasayang lang yung oras ko ngayon na kung saan kung hindi dahil sa sakripisyo nila, wala din dapat ako ngayon. May oras ang lahat. May oras para magbigay ng dalamhati. May oras para umiyak. May oras para magalit. Pero may oras din naman para sumaya. May oras para magbigay ng saya. May oras para bumangon. Kasi kung hindi pa ako babangon, kelan pa? Kaya mas tama ito. Oo, nawalan kami ng magulang, pero hindi sila nawala sa puso namin. Hinding-hindi. Kasi ang plano ko ngayon ay buksan ulit yung studio ng magulang namin at mag-tutor sa mga taonv nais humingi ng tulong sa pagkuha ng litrato. Hindi lang ako basta magtuturo, balak kong ipasa sa mga tuturuan ko yung memorya na binigay sa amin ng mga magulang namin,” sabi ni James na nakangiti.

Nagulat na lang sila ng biglang niyakap ni Nicole ang kapatid niya na marahil ay nagulat din sa inasta ng ate niya. Napatingin si Timothy kay Michelle na nagpupunas ng luha. Tumingin din siya sa mga kasama niya na halatang nagpipigil ng luha.

“May tanong lang ako,” sabi ni Nicole pagkatapos niyang kumalas sa yakap nila. “Sino ba yung kaibigan mong sinasabi kanina?”

Tumingin si Timothy kay Arielle na halos mamula na sa gilid. “Ah. Siyempre, si Arielle yun. Siya yung nakilala ko dati sa Intramuros nung Manila Day. Siya yung nagpa-realize sa akin kung gaano kahalaga ang bawat segundo ng buhay. Madami kang pwedeng gawin sa bawat oras ng buhay mo. Pwede kang uminom, kumain, gumala, magmahal, magtrabaho, at magpahinga. Yun nga lang, oras nga ba ay sasapat kung alam mo namang ito lang ang masasayang sa ginagawa nating hindi naman mahalaga? Naintindihan ko na hindi lahat ng humihinga ay buhay. Ang iba nagpapatay-patayan lang. Hindi din naman lahat ng taong patay ay hindi na nabubuhay sapagkat patuloy na nabubuhay ang kanilang memorya sa puso ng taong mahal nila. Ginawa nila yung rason nila kung bakit sila nabubuhay,” sabi ni James saka siya tumingin kay Timothy at nagsalita ng, “Eto na yung oras para hugutin ko na yung sarili kong binaon ko sa lupa.”

Tumingin naman silang lahat kay Arielle na halos hindi na din makapagsalita kasi naiilang sa atensyon na binibigay sa kanya. May pagtango-tango pang nalalaman si Marcus. Napansin niyang seryoso si James kaya nagsalita ang artista ng, “Basta, kung kailangan mo ng tulong, nandito lang naman kami. Madali naman kaming matatawagan, diba guys?” Sumang-ayon naman ang lahat.

Pagkatapos niyang magsalita, tumingin siya kina Timothy at nagsalita. “Kayo, anong plano niyo pag-uwi ng Manila?” tanong niya na halatang natutuwa sa pinag-uusapan nila.

Ito na yung pangalawang beses na kung saan hindi makasagot si Timothy sa paborito niyang tanungan. Nagtaka pa nga siya kay Michelle kasi kahit ang babae ay tahimik lang na parang nag-iisip. Balak niya na ngang batuhin si Marcus ng kahoy kasi kung anu-ano ang naiisipang itanong nito.

“Ako may plano na pag-uwi natin ng Manila,” sagot ni Nicole. Uminom muna siya ng softdrinks bago siya sumagot. “Pagkagraduate ko, balak kong mag board exam. Tapos, magtatrabaho ako ng ilang taon. Pagkatapos, balak kong mag masteral kasi gusto kong magturo sa mga bata.”

“Nai-imagine ko na ang itsura mo kapag naging teacher ka na,” natatawang asar ni Timothy. “Feeling ko kailangan na ng mga estudyante mo ng hearing aid.”

“Bakit hearing aid? Malakas naman boses ko ah!”

“Malakas nga. Kaya bingi na agad yung mga estudyante mo pag nagturo ka na.”

“Huwag ka ngang epal! Nakakapikon ‘to,” sagot ni Nicole na natatawa. Ilang saglit pa ay naging seryoso na ulit siya sa pagsasalita. “Na-amaze kasi ako sa mga teachers na willing na mag-sacrifice ng effort, ng time, ng money, at ng kanilang buhay para lang may matutunan ang mga estudyante nila. May mga teacher nga na tumanda na sa pagtuturo eh. Natutuwa lang ako kapag nakaka-encounter ako ng magulang na nakikipag-usap sa kanilang anak tungkol dun sa magiging guro nila na naging teacher na din pala ng mga magulang nila. Parang hindi lang about sa mga subjects ang naituturo nila, nakakapagturo sila tungkol sa kanilang identity na nagiging legacy na pala nila. Kung sa bagay, legacy is passing your identity to the next generation naman talaga eh.”

“Ano ba ang legacy mong maipapasa sa estudyante mo kapag naging teacher ka na?” tanong ni Marcus habang naglalagay ng kahoy sa apoy.

Nanahimik na naman sila sa biglaang tanong ni Marcus. “Siguro,” sabi ni Nicole. “Gusto ko din ipasa yung identity kong maganda sa mga magiging estudyante ko. Yung identity na hindi lang book-smart, kundi street-smart din. Yung hindi lang matalino sa eskwelahan, kundi marunong gumawa ng diskarte sa buhay. Yung magkaroon ng hope na makakaya nilang ngumiti at lumaban sa buhay kahit nahihirapan na sila kasi alam nilang may pinanghahawakan sila. At yung pagkakaroon ng willingness na hanapin yung halaga ng buhay. Oo, medyo malayo yun sa scope ng itututuro ko, pero as a teacher, gusto kong mag-impart sa kanila ng pag-asa hindi lang sa pag-aaral, kundi sa buhay mismo. Hindi ko kasi gusto yung mindset na nabuo sa ibang estudyante na sa bawat pagpasok nila, ang iniisip lang nila ay kung papasa ba sila sa subject nila o hindi. Maaaring pumasa nga sila sa isang subject, pero bagsak naman sila sa pagsubok ng buhay, mas mahirap yun. Gusto kong ipakita sa kanila na kung kinaya ko, kakayanin din nila. Kinaya ko kahit muntik na akong bumagsak sa buhay. Alam niyo naman ang kwento ng buhay ko diba? Na nung mawala yung magulang namin ni James, pinagsabay ko na ang pag-aaral at pagpasok. Dinagdagan pa ng pressure ng mga tito at tita namin. In fact, gusto ko nang mag suicide dati kasi hindi ko na kayang mabuhay kasi hirap na hirap na ako sa pagsubok ng buhay diba? Naging wake-up call lang yung pag-rerebelde ng kapatid ko sa akin kaya naintindihan ko kung bakit ko nga ba kinailangang lumaban sa depression. Na may mga iba pang taong kailangan pa ako, na kailangan ko pang lumaban sa buhay para malaman ang halaga nito. At para maging legacy lahat ng ito, gusto kong maging testimony sa mga estudyante ko na in the end, worth it lahat ng pagsubok natin sa buhay. Kasi kung nag suicide ang dating Nicole, malamang, wala nang teacher na magtuturo sa kanila.”

Pansin namang nagulat si Marcus at Arielle sa narinig nila. Palibhasa tanging si Timothy at Michelle lang ang napagsabihan ni Nicole ng dati niyang problema.

“Teka,” pambabasag ulit ni Marcus ng katahimikan nila. “Hindi mo nasabi sa akin na suicidal kang tao dati ah. Ganyanan tayo eh.”

“Wow naman. Sa TV ka lang talaga bagay magdrama. Tsaka bayan-mo-ipatrol-mo lang? Daig mo pa si Tito Boy ah,” pang-aasar ni Nicole. “Those are my dark days eh. Minsan, ayaw ko nang ungkatin ang nakaraan. Sayang sa effort. Tsaka before ko pa naman ikaw nakilala yun kaya hindi mo din alam.”

“Fine. Sama ka sa conference ko minsan ah. Kelangan namin ng speaker tungkol sa depression awareness eh.”

“Ay bet ko yan. Para naman ma-expose sila sa kagandahan ko,” patawang sagot ni Nicole na tinawanan nilang lahat.

Pagkatapos nilang tumawa, nagtanong ulit si Marcus. “Kayo, anong plano niyo?”

Dahil nauna si James magsalita, nagkaroon ata ng tapang si Arielle ngayon para magsalita. Nagulat pa nga si Timothy sapagkat nakakaya pala ni Arielle makakuha ng atensyon nila.

“Balak ko pong hanapin yung tunay kong magulang,” malumanay na sabi ni Arielle. “Never ko pa po kasi silang nakikita.”

Akala ni Timothy hindi na siya magugulat dahil sa sinabi nina James at Nicole kanina pero pati ata si Arielle, ugali niya ding manggulat. Mag-rereact na sana sila nang nauna si James. Nalaglag pa niya ang barbeque niya bago siya magsalita. “Bakit hindi mo pa sila nakikita?” tanong ni James na halatang gulat at nagtataka.

Siguro nailang si Arielle sa mga tingin nina Timothy kaya kay James na lang siya tumingin at sumagot. “I was an orphan. Iniwan daw kasi ako sa may harap ng ampunan. May umampon lang sa akin na mag-asawa nung six years old ako. Tapos sila ang nagpa-aral sa akin. Sa dinami-dami ng nangyari sa buhay ko, napagtanto ko na gusto ko silang hanapin at itanong sa kanila kung kamusta na sila, kung bakit nila ako iniwan sa ampunan, at kung papaano nila nakakayang wala ako sa tabi nila. Yun nga lang, hindi ko pa sure kung buhay pa sila o kung nasa Pilipinas ba sila.”

“Bakit ngayon mo lang naisipan na hanapin sila?” tanong ni James.

“Tinatamad ako dati eh,” sagot ni Arielle.

“Ha?! Seryoso ka dyan?” halos sabay na sabi ni Michelle at Nicole. Hindi na nakapag-salita ang mga lalaki sa sagot ng babae. Ibang klase.

Tumawa naman si Arielle bago siya sumagot. “Opo. Tsaka mahirap din minsan. Hindi naman po kasi ito katulad ng mga teleserye sa TV na kung saan kapag nagkita-kita na ang mga ampon at tunay na magulang, konting iyak lang, tapos okay na. Sa totoong buhay po kasi, sobrang hirap malaman na ampon ka. Pero mas mahirap malaman kung sino ang tunay mong magulang. At higit sa lahat, pinakamahirap malaman kung anong gagawin mo pagkatapos niyong magkita. Hindi naman sa lahat ng pagkakataon, madali lang.”

“Yun lang talaga rason mo kung bakit ngayon mo lang sila hahanapin?” tanong ni Timothy.

“Hindi naman po. Kagaya nga nung sinabi ko po kanina, ang dami na pong nangyari sa buhay ko. Gusto ko naman pong i-share sa kanila kapag nagkita na kami,” biglang tumigil sa pagsasalita si Arielle at nagsalita ulit. “Share ko lang po, last Valentines last year kasi I was diagnosed with Leukemia. Nung moment na nalaman ko, instant na nawala yung pag-asa ko. Wala ako sa mood na umuwi kaya nagpaikot ikot ako sa Manila hanggang sa makadating ako ng Divisoria. At nakakatuwa kasi pagkasakay ko ng jeep, hindi ako na-bored kahit sobrang traffic kasi may nag-uusap na dalawang tao sa harap ko na nasa tabi ng driver. Hindi naman sa tsismosa ako, pero natuwa ako sa kanila. Ang dami nilang pinag-uusapan na tungkol sa buhay. Pinakagusto ko yung nagtatanong na sila ng kanilang mga plano. Anyway, I felt that I must do something para ma-apply ko yung natutunan ko sa napag-usapan nila. Nakakatuwa pa nga yung tanong ng lalaki sa kausap niya eh. Sabi niya, ‘Ang sure mo na sa kung ano na yung plano mo sa buhay ah. Pero bakit sa pagbaba ng jeep, di mo pa din alam kung saan ka bababa?‘ Naka-relate lang ako kasi kahit ako, hindi ko alam kung saan ko nga ba gustong papuntahin ang jeep ng buhay ko. Na-realize ko na ang jeep palang sinasabi ni kuya ay ang decisions ko. It feels like destiny is asking what’s my decision: Accept my fate, or alter it. Kaya I accepted my fate. Kahit na ine-encourage ako ng mga doktor na magpagamot, umaayaw ako. Ewan ko ba kung bakit umayaw ako. Siguro natatakot ako na masayang lang yung effort? O baka kapag ginagamot na ako, dun ko lang mare-realize na malapit na akong mamatay? O baka kasi tanggap ko na kung kelan at saan ako bababa sa jeep ng buhay ko? Anyway, dumaan ang isang taon at nagkita na kami ni James sa Intramuros. Nakakatuwang isipin na kahit hindi naman niya narinig ang dalawang tao na nag-uusap sa jeep dati, nag-cocompliment naman yung sinasabi nila. Dahil sa pag-uusap namin, nakumbinsi niya akong bumalik sa doktor para i-accept yung chemotherapy nila.”

“So undergoing ka ngayon ng chemotheraphy?” tanong ni Michelle.

Ngumiti naman si Arielle. “Yun po yung pinakamasayang part, lumabas po sa test na benign yung leukemia sa katawan ko. Sabi nila pwede daw glitch yung unang result pero pwede ding nawala miraculously. Ang ironic nga nila kasi parang mas kapani-paniwala daw yung miracle kesa magkaroon ng glitch kasi high-tech naman daw yung gamit nila. Pero whatever the reason, nabigyan ako ng second life. Lulubusin ko na diba? Kaya kasama sa plano kong pong hanapin ang mga magulang ko. Whatever happens, tanggapin man nila ako o hindi, at least makita at matandaan ko yung mga itsura nila. Masaya na ako kasi alam kong buo yung pagkatao ko.”

Natuwa naman sila sa narinig nila. “Basta kung kailangan mo ng tulong sa paghahanap mo ng magulang, nandito kami ah,” pagpapa-alala ni Timothy na kumakain pa ng barbeque.

“Naks naman si Timothy, hindi na galit. Ang bait oh,” asar ni Marcus saka niya binato ng piattos ang inasar niya.

“Lah. Kahit mabait naman talaga ako?”

Hindi na lang pinansin ni Marcus ang sagot ni Timothy bagkus ay nagtanong ulit. “Tapos na sina Nicole, James, at Arielle sa pagsagot. Kayo na lang dalawa.” sabi ni Marcus habang tinuturo sila gamit ang barbeque stick.

“Ikaw kaya, hindi pa sumasagot,” pag-salungat ni Michelle habang kumain ng hotdog.

“Kaya nga. Tsaka may mapapanalunan ba kapag maganda yung sinagot?” pagsang-ayon ni Timothy sa babae.

“Wala naman. Pero unfair naman sa kanila diba? Sila sumagot na, tapos kayo, pass? Tsaka akong nagtanong eh. Ako ang last,” sabi ng artista.

“Fine. Ako muna,” sambit ni Michelle. Akala pa ni Timothy nagloloko lang ang kausap niya pero nakita na naman niya ang seryosong mukha ng babae. “May aasikasuhin pa kasi ako para maka-graduate pero madali na lang yun. Balak kong mag-board exam this October para maging CPA na ako. Then, magwo-work ako ng 3-5 years. Tapos plano ko ding mag law para maging abogada ako.”

“Wow. Talino mo ah. Push na talaga yan bes?” tanong ni Nicole.

“Siyempre naman no. Gusto ko talagang maging lawyer eh.”

“May tanong ako,” singit ni Timothy. “Naalala ko dati, nung tinanong kita ang sabi mo, balak mong magturo ng accountancy pagka-graduate mo. Anong nagpabago sa iyo?”

Tumingin naman sa kanya si Michelle. Nailang pa nga si Timothy kasi hindi naman siya sanay na tinitingnan ng babae. “Ay yung mga panahon na yun kasi hindi ko pa talaga sure kung saan ako bababa.”

Nalito naman silang lahat sa sinabi ni Michelle kaya nagsalita ulit siya habang tumitingin kay Arielle. “Hindi lang ikaw ang nasa jeep ng mga oras na yun, Arielle. Nandun din kami ni Timothy. To be specific, kami yung nag-uusap sa tabi ng driver. Yun kasi una naming pag-uusap pagkatapos naming maka-graduate ng highschool. At kung sasagutin ko yung tanong ni Timothy, pwede kong isagot na sobrang daming dahilan kung bakit yun nagbago. Nung mga panahon na magkausap kami ni Timothy sa jeep, inis na inis ako sa sarili ko. Kasi nagpapadala ako sa pressure nila. Para sa kaalaman niyong lahat, kami ay pamilya ng mga teacher. Ewan ko ba kung anong issue nila at gusto nilang lahat kami ay kukuha ng Education. I have nothing against teachers pero sadyang accountancy ang gusto ko. Choosy pa nga nila eh, pinipilit akong mag-teacher. Yun nga lang, pasaway ako at ginawa ko yung gusto ko. Tatlong taon din sa college nila akong pinipilit lumipat ng course pero ang nagpatigil sa kanila ay ang balak kong mag-teacher ng accountancy. Kumalma sila nung nalaman nila yun. Kasi pwede din pala akong magturo sa eskwelahan ng pamilya namin. Agit na agit silang maging teacher ako para may magtuloy ng legacy namin. Sadyang nakakapikon lang ang tadhana nung nalaman nila na bumagsak ako sa Cost Accounting nung third year. Kaya pwede akong ma-delay. Ang dami nilang sinabi sa akin pero yung pinaka nasaktan ako ay, ‘sa pamilyang ito, ni-isa ay walang bumabagsak. Ang kapal ng mukha mong kumuha niyan, lumaban ka pa sa amin, hindi mo naman pala kaya. Nagpapanggap ka lang na matalino‘. Hindi ko alam kung kanino ko ibubuhos yung galit ko kaya umalis muna ako sa amin. Ni hindi nga ako makapag-reklamo sa kanila kasi natatakot ako. Parang gusto ko na lang sumabog sa lahat ng galit ko sa kanila na inipon ko na ng halos buong buhay ko. Oo, medyo mababaw pero minsan yung mga mabababaw na mga bagay ang pwedeng maglunod sa iyo kung masyado mo itong mamaliitin. Hinayaan ko na ma-consume ng pressure, ng galit, ng takot, ng insecurities ang sarili ko kaya hindi ko na alam kung saan ako pupunta.”

Nanahimik ulit sila sa mahabang sinabi ni Michelle. Tiningnan naman ni Timothy ang babae at napansin niyang tumingala ito sa langit. Akala pa nga niya ay nagpipigil ng luha ang nagsalita pero nakangiti siya na parang nakuha ang tamang isasagot niya sa langit. “Dahil sa pag-uusap namin ni Timothy dati, naliwanagan ako sa dapat kong gawin. Walang sense tumakbo sa takot. Walang sense tumakbo sa responsibilidad. Walang sense tumakbo sa legacy nilang iniiwan kung meron naman talaga akong lugar dun. Pagkauwi ko, kinausap ko sila at inamin lahat ng mga hinanakit ko. Sa una, hindi nila tinanggap lahat ng sinabi ko. Pero lumipas ang panahon at nakita nilang pinaglaban ko yung course ko kaya makaka-graduate na ako kaya natanggap nila yun eventually. Legacy kasi nilang sa bawat generation ng pamilya namin magkaroon ng guro kaya nagpu-push silang meron dapat na magtutuloy. Pero hindi lang naman nababase ang legacy sa kung ano yung susundin mo, madalas nakabase ito sa kung anong maibibigay mo sa mundo. Para silang mga uling na panggatong sa apoy. Para akong isang kahoy na pwede ding ipanggatong sa apoy. Magkaiba man kami ng ginagawa, parehas kaming pwedeng gamitin para mas mag-alab ang apoy. Ang apoy ay ang mga buhay na magpapaliwanag sa mundo. Hindi man lumabas ang pangalan namin sa mga guro, posible namang lumabas ang pangalan namin sa abogasya. Maaaring natapos na silang magpasa sa amin ng kanilang legacy. Pero ito na yung panahon na ako naman ang magpapasa. Sisimulan ko yun kapag nagtuluy-tuloy ako sa law kasi bata pa lang ako, pangarap ko na yun maging,” sinabi ni Michelle.

Saglit na nanahimik sila bago magtanong si Marcus. “Talagang ginagalingan mo ang pagsagot mo ah. May isa lang akong tanong, bakit ba gusto mong maging abogada?”

“Nag-start akong mangarap na maging abogada nung elementary. May kaibigan kasi akong pipe. Eh natural, ibu-bully siya ng iba pang bata. Ang nakakalungkot lang, hindi siya makalaban kasi hindi siya makapagsalita. Kaya in the end, ako yung tumulong sa kanya nung na-bully siya. Na-realize ko na hindi lahat kayang magsalita, kaya kailangan mayroong kayang makapagsalita in their place. Hindi naman sa pagiging aktibista, pero kasi gusto kong maging boses. Gusto kong ipaglaban yung mga taong walang kakayanan na ipaglaban yung stand nila kasi hindi sila makapagsalita. Kasi hindi nila kayang lumaban kapag inaagawan na sila ng lupa ng mga mayayaman. Kasi hindi nila alam, kinukuhanan na pala sila ng pera ng mga mapagsamantala.  Kaya ko ginustong maging abogada kasi gusto kong makatulong sa pagbabago ng ating bansa. Ayaw ko kasing sumama sa ibang nagrereklamo lang sa buhay. Gusto kong mayroon akong ginagawa na maganda para may maiambag ako sa mundo.”

Nagkatinginan naman ang lima sa sinabi ni Michelle saka sila sabay-sabay na nagpalakpakan. “Iboboto ka na namin sa senado ah,” pang-aasar ni Timothy.

Natawa naman si Michelle saka siya nagsalita ng, “Baliw ka talaga, lawyer ang plano ko, hindi kongresista.”

“Mayroon namang lawyer na nagiging congresswoman ah,” depensa ni Nicole.

“Eh kahit na. Hindi naman yun yung plano ko eh,” sabi ni Michelle.

Patuloy silang tumatawa sa mga pinagsasabi nila. Nasa kasarapan sila ng pagtawa ng biglang binato ni Marcus si Timothy ng maliit na bato. “Aray! Anong problema mo?” reklamo ng binato.

“Ang saya mo dyan ah. Hindi ka pa sumasagot,” paalala ni Marcus.

“Eh ano namang isasagot ko?”

“Malay ko sa’yo. Ikaw naman yung palaging may sagot eh,” makahulugang sagot ni Marcus.

“Sus. Ewan ko sayo. Gulo mong kausap,” sambit ni Timothy saka siya umayos ng upo. “Alam niyo na naman yung plano ko diba? Bakit ko pa ba paulit-ulitin?”

“Malay mo naman kasi nagbago na. Magulat kami, iba na pala yung plano mo,” sabi ni Nicole.

“Hays. Basta, ganun pa din naman ang plano ko pagbalik ng Manila eh. Pagka-graduate ko, tuloy akong review school para makapag-board. Whatever the result, magtatrabaho na ako somewhere in Ortigas.”

“Oh akala ko ba walang nagbago?” tanong ni Marcus.

“Wala namang nagbago ah.”

“Ay, I beg to differ ah,” pagsalungat ni Nicole.

“Alam mo ba ang basher mo?” tanong ni Timothy.

Tumawa naman si Michelle na pinansin naman nila. “Oh pati naman ikaw, nabuang na?” tanong ni Timothy.

“Hay nako, Tim. Hanggang ngayon hindi ka pa din nagbabago,” sabi ni Michelle.

“Ano bang sinasabi mo dyan?”

Saglit na nanahimik si Michelle bago siya sumagot ng, “Until now, hirap ka pa ding mag-express ng emotion mo. And judging from your actions, I can conclude that na baka nga sure ka na sa plano mo pero may alinlangan ka pa din kung tama yung tatahakin mong plano kasi hindi mo pa makita yung goal mo base sa mga ginagawa mo.”

“Wow. Judgemental ka talaga.”

“Hindi naman ako judgemental. Can ang sinabi ko, hindi will. Kaya nga auxillary verb ang gamit ko eh, nagbigay lang ng possible outcomes pero hindi nag-assume.”

Tumawa naman si Timothy sa babae marahil na-realize niyang mahirap makipagtalo dito. “Fine. To tell you the truth, hindi naman ako takot dun sa plano ko. Sadyang kinakabahan lang ako dahil sa anticipation na nangyayari sa buhay ko. Kung ide-define ko kasi kung nasaan na ako sa buhay ko, pwede kong masabi na smooth sailing ito. Yun nga lang, hindi ko mapigilang isipin kung ano ba ang dapat kong gawin ngayon habang inaantay ko na makadating yung barko ko sa pupuntahan ko. Para kasing isang barko yung buhay ko na chill lang gumalaw pero halata sa hangin na dapat akong mag prepare kasi may dadating na malalaking alon at itataob ang barko ko. Parang may paparating na bagyo. O baka sadyang pessimistic lang ako kasi pinipigilan ko ang sarili ko na sumaya kasi paparating na ako dun sa goal ko.”

“Baka masyado ka lang anxious sa buhay mo. Kasi iniisip mo na meron pang mga factors sa buhay na pwedeng magpabagsak sa iyo?” tanong ni Marcus. “Kayo ba, anong masasabi niyo?”

Naunang nagsalita si Nicole. “Baka natatakot ka lang na i-accept mo yung mga consequence dun sa mga na-compromise mo para lang makuha yung goal mo. Na ngayon mo lang naisip ang lahat ng yun kasi nag-aantay ka na lang na makadating dun.”

Sunod namang nagsalita si James. “Sa akin po, baka kasi iniisip niyo pa yung mga nakalimutan niyo pang mga gawin kasi malapit na kayo sa goal niyo at baka hindi niyo na yun magawa?”

“Sa akin naman po, baka kasi iniisip niyo na meron pang What-if? Baka hindi naman talaga ito yung gusto mong gawin?” sabi ni Arielle.

Tumingin silang lahat kay Michelle kasi hindi pa siya sumasagot. “O baka naman, iniisip mo na pagkatapos mong makuha yung pangarap mo, ano na yung susunod mong pangarap?”

Tinamaan naman si Timothy sa mga sinasabi nila. Napakagaling talagang gumawa ng paraan ng tadhana para lang ipamukha kay Timothy ang lahat ng alinlangan niya. Nanahimik sila ng medyo matagal nang biglang nagsalita ulit si Timothy. “May punto yung lahat ng sinabi niyo. Naisip ko lang na baka kaya ako nahihirapan ngayon kasi gagraduate na tayo sa kanya-kanya nating mga paaralan, pero meron nga ba tayong naiambag dun? Wala lang, habang nagsasalita kayo naisip ko din na enough ba na ang maialay natin sa sintang paaralan ay ang pagiging engineer, pagiging teacher, pagiging CPA, pagiging Interior Designer at pagiging Marketing Consultant?”

Napaisip naman silang lahat sa tinanong ni Timothy. Medyo matagal silang nanahimik habang nag-iisip ng maisasagot dun. Hindi na siguro nakatiis si Marcus sa katahimikan kaya siya na ang sumagot.

“May nakapagsabi sa akin dati na ang totoong pangarap, hindi lang para sa buhay mo. Ang pangarap ay para sa mga buhay na susunod sa iyo,” panimula ni Marcus. “Kilala niyo naman kung sino ang tatay ko diba? The Great Ricky Manalo, ang binansagang the modern king of comedy. Alam niyo bang isang struggle sa anak ng isang icon sa industriya ang pag-apak sa media? Matinding pressure ang nararamdaman ko nun. Iniisip ko pa nga kung itutuloy ko pang mag artista eh. Yung passion ko na lang yung nag-drive sa akin para ituloy ito eh. Kaya nagsimula ako sa isang indie film na pinamagatang Muli. Though may background naman ako sa theatre arts, nagkaroon pa din ako ng struggle sa pag-arte. Dun ako nagsimula para hindi pa muna ako masyadong makikita ng tao. Ang ironic diba? Nag-artista pero ayaw makita ng mga tao? Pero siyempre, malaking pangalan yung dadalhin ko, dagdagan pa ng pressure ng pamilya namin, ng mga tao sa industriya, at ng madla. Naging successful yung unang film ko at nakilala ako sa industriya na “ang anak ni Ricky Manalo”. Yun yung nagbukas sa akin sa maraming mga opportunity sa media. Dun ako masaya. Dalawang taon ang nakalipas pagkatapos nun, dumami na yung projects ko, may mga fans, at may mga bashers na ako. Diba, famous lang? Dun ako nagsimulang mapagod sa ginagawa ko. Nawawala na yung saya na naramdaman ko nung naging successful yung ‘Muli’. Dun na ako nagsimulang magtanong sa sarili ko na, Is passion enough?

Hindi alam nina Timothy kung nagtatanong ba siya pero bago pa man siya sumagot, umimik ulit si Marcus.

“Nasagot yun after two years nang pagtutuloy ko sa pag-aartista. Naka-tatlo akong projects pero ni-isa ay walang nagbigay sa akin ng contentment. In fact, mas lalo kong naramdaman ang pagod. Hindi ko na mahanap yung dating passion na nagdala sa akin sa posisyon na ito. Lalo pa akong nanlumo nang malaman kong nagkaroon ng sakit ang aking idolo, ang aking ama two days bago ang conference. Nalaman ko na meron siyang Liver Cancer, stage 3. Yung nag-iisang nagbibigay ng kasiyahan sa akin ay balak na din akong iwan. Iiwan na din ako kagaya ng nanay ko na hindi ko man lang nakita kasi namatay siya matapos ng panganganak sa akin. Dahil sa nalaman ko, dun na ako nawalan ng kakayanang magkaroon ng pakiramdam. Wala na akong maramdaman. Parang humawak ako sa apoy pero sa halip na mainitan ako, lalo akong nilamig kasi nag-overload na ang senses ko. Kaya ko binalak na pumunta ng Tagaytay para mapag-isa. Pero sinira niyo yung pag-dadrama ko dun eh! Pero dahil sa mga natutunan ko, nalaman ko na yung kulang sa akin. Kaya sinabay ko talaga sa press conference yung gusto kong gawin. Gusto kong magkaroon ng organization o institution na binubuo ng mga taong tutulong sa mga na-dedepress na tao. Hindi lang basta mga psychologist pero mga simpleng taong willing na samahan sila at tulungan silang makabangon sa depression. Anyway, pagkatapos ng conference, dumating yung tatay ko at kinausap ako. Ewan ko ba, umiyak ako sa kanya. Hindi ko alam kung dahil sa lungkot o sa saya. Medyo matagal kaming nakapag-usap pero ang pinaka-tumatak sa akin ay ‘Kaya ka ngayon na-dedepress hindi dahil nalulungkot ka kundi dahil nawawalan ka ng passion na magpatuloy. Nawawalan ka ng passion kasi wala ka nang nahahawahan ng passion mo. Wala ka nang napapagpasahan. Kaya in the end, na burn-out ka,‘. Kaya natauhan ako sa mga ginawa ko. Mga ilang linggo ang nakalipas nang bigla akong kausapin ng UNICEF kasi nakuha ko daw ang attention nila. Akala ko nga may nagawa akong masama eh! Pero dahil sa proposal nila, nagkaroon ako ng burden sa kanila. Dito na pumasok yung sinabi ni papa na tungkol sa legacy. Gusto kong tumulong sa mga bata para bigyan sila ng pag-asa, at the same time, ang pagbibigay ko ng passion sa kanila,” sabi ni Marcus.

“Wow! Ang amazing naman nun! Parang gusto ko din tumulong sa inyo!” masiglang sabi ni Arielle.

“Pwede naman,wala namang problema dun eh. Tsaka share ko lang din. Last month naman, for sure nabalitaan niyo naman na namatay na yung papa ko. Siyempre, mahirap yun. Pero kailangang maging malakas eh. Tsaka kahit wala na siya, nandito pa din yung legacy na iniwan niya sa mundo. Nandyan yung ligaya na patuloy na nagpapasaya sa bawat isa. Buhay na buhay lahat ng iniwan niya kahit wala na siya. Ganun pala talaga kalakas yung sinasabi niyang passion na kahit naging malamig ang pagkawala niya, nanatiling mainit ang mundo sapagkat napasa niya sa mga tao yung passion niya. Ganun din ang balak kong gawin,” masayang sambit ng artista.

Binalot silang lahat ng katahimikan sa sinabi ng artista. Siguro, dahil masyado na silang maraming nasabi ngayong gabi. Siguro sang-ayon sila sa mga sinabi nila. Mga ilang saglit pa ay nagsalita na si Timothy na parang may na-realize.

“Siguro,” pambabasag niya ng katahimikan nila. “Eto na yung challenge sa atin ng mga naunang generation. Tapos na silang magpasa sa atin ng kanilang mga natutunan at ng experiences nila. Ito na yung panahon na tayo naman. Kung sabagay kaya may konsepto ng living and leaving. Makakapagsimula lang ang legacy kapag may natatapos. Minsan, may kailangan muna tayong tapusin para makapagsimula ulit. Minsan, may kailangan tayong wakasan para matuloy yung pinagwakasan sa atin ng iba. Pero higit sa lahat, magkakaroon lang ng saysay ang buhay natin kapag patuloy tayong nabubuhay kahit wala na tayo. Pero malay ba natin sa takbo ng buhay. At least alam na natin kung bakit tayo nabubuhay diba?”

Tumango naman sila bilang pagsang-ayon at tumingin ulit sa kalangitan na ngayo’y mas nagpakitang gilas pa sa kagandahan. May halo mang kaba, hindi na nila sinabi yun. Wala sa kanilang sumubok na sumagot sa tanong ni Timothy. Kung sabagay, hindi naman na nila kailangan ng sagot.

Nagsimula na silang maghanda sa pagtulog kasi bukas ng tanghali ay uuwi na ulit sila sa Manila. Minabuti nilang mag-ipon ng tulog kasi madami pa silang aayusin bukas. Pagkalinis nila ng bonfire nila, naghanda na silang matulog. Unang nakatulog sina Marcus, Arielle, James, at Michelle. Kasalukuyang naliligo si Nicole. Nakahiga naman na si Timothy, yung nga lang hindi siya makatulog. Siguro, madami siyang nakain kaya hirap siyang matulog. Ilang oras ang nakalipas pero hindi pa din siya dinadalaw ng antok. Nakaramdam pa siya ng pagka-uhaw kaya tumayo siya at pumunta sa kusina para uminom ng tubig. Pabalik na siya sa kanyang hinihigaan ng nagulat siya sa biglang pagpunta sa kusina ni Nicole. Akala pa nga niya ay multo, muntik pa niyang mabato ng baso.

“Mag-ingay ka naman habang naglalakad. Aatakihin ako sa puso eh,” saway ni Timothy pagkatapos niyang pakalmahin ang sarili.

“Ayoko nga, that’s so unlady-like kaya,” sagot ni Nicole. “Penge nga akong tubig, I’m so thirsty na eh.” Mabilis namang binigyan ni Timothy ng baso na may lamang tubig ang nanghihingi. Nagulat naman si Nicole kasi hindi na siya inasar ng lalaki. Napansin naman agad ng lalaki ang pagkagulat ni Nicole kaya pinuna naman niya agad ito. “Oh gulat na gulat ka naman dyan?”

“Wala lang, hindi lang ako sanay na gentleman ka.”

“Okay lang. Hindi ka naman babae eh,” pang-aasar ni Timothy.

Tumawa naman ng sarkastiko ang babae saka siya nagseryoso. “So anong kailangan mo? Kilala kita, may gusto kang itanong no?”

“Isang tanong lang. Ano ba yung gusto mong sabihin sa akin kanina nung kinausap mo ako sa bonfire?” mabilis na tanong ni Timothy.

Ngumiti naman ang babae na parang inaabangan niya talagang itanong sa kanya. “Halata kasi sa iyo kanina na wala ka sa focus. Ewan ko ba, hindi ako sanay na makita kang ganun. Parang hindi ikaw yung Timothy na kilala ko. Actually, wala namang cryptic dun sa sinabi ko. In fact, literal yung tanong na yun eh.”

“Eh ano ba yung hesitation na sinasabi mo sa akin kanina? Paano mo nasabing nag-hehesitate ako?”

“Malay ko ba kung anong hesitation mo. Tsaka paano? Hello! Sabihan mo man kaming judgemental pero kilala ka namin eh. May bumabagabag sa iyo. Hindi lang namin alam kung ano yun iba kasi yung aura mo,” sagot ni Nicole.

Tumahimik naman si Timothy sa sinabi ng babae. Maya-maya pa’y umimik ulit ang lalaki. “Sorry kung burdened kayo ah. Kasi kahit ako, nahihirapang mag-rationalize ng nararamdaman ko.”

“Baka ngayon, hindi ka na nahihirapan. Baka nag-aalangan ka na lang.”

“Bakit mo ba pinipilit sa akin na nag-aalangan ako? Parang sira ‘to eh.”

Hindi naman sinagot ni Nicole ang tanong ni Timothy bagkus iba ang sinabi niya. “Nung pinakilala ka sa akin ni Michelle, na-amaze ako sa’yo. Ang lalim mo kasing tao. Ang dami mong alam. Ang dami mong maisasagot kapag may nagtanong sa iyo. Yun nga lang, may mga moments na ang hirap mong intindihin. Para kang isang puzzle na kung saan kailangan kong i-calculate yung sasabihin. No offense ah, yes malalim ka, pero minsan walang sense kapag malalim kang tao pero walang nakakaintindi sa’yo. Bakit? Sobrang lalim mo na eh. Sobrang lalim na hindi na maintindihan ng iba kung sino ka, na to the point kahit sarili mo, hindi mo na din maintindihan. Ang ironic diba? Sa totoo lang, dapat tayong maging malalim hindi dahil gusto nating mas maging superior sa iba. Dapat maging malalim tayo para mas maintindihan natin ang bawat isa.”

Nanahimik naman si Timothy sa pinagsasabi sa kanya ni Nicole. “Don’t get me wrong ah. Hindi naman kasi opposite ng malalim ang pagiging simple. Kung tutuusin nga, kapag mas malalim ang pagkakaintindi mo sa isang bagay, siya namang paglaki ng chance na maging simple ang paliwanag mo dito. Doon tayo sa mga taong malalim pero malinaw, wag sa mga malalim pero malabo naman.”

May punto nga naman si Nicole, isip-isip ni Timothy. Napansin naman niya na tinitingnan siya ng babae na parang nag-aantay ulit ng sagot. Pagkatapos niyang makapag-isip ng medyo matagal, nagsalita na ulit siya.

“Hay nako. Bakit kasi ang kumplikado ng pag-ibig! Mas kumplikado pa sa circuits eh!” reklamo ni Timothy. “Dapat hindi ito yung iniisip ko ngayon eh. Dagdag problema lang. Bakit kasi ganito?”

“Meh,” sagot ni Nicole.

“Anong klaseng sagot yan?” reklamo ulit ni Timothy.

“Sagot para sa tanong mong walang sense. Kasi sa totoo lang, ang love simple lang. Yung mga tao lang sa paligid at mga taong involve ang mga nag-papakumplikado.”

“Wow. Madali palang magmahal.”

“Sabi ko simple hindi madali.”

“Hay ewan ko kung anong gagawin ko. Nakakainis.”

“Naiinis ka ba kasi hindi mo alam ang gagawin mo o sadyang ayaw mo lang gawin yung dapat na gawin mo? Kasi sa totoo lang, hindi kita pine-pressure. Pero sayang kasi yung time. At sana, kagaya nung ginawa mo dati nung may nag-aaway sa EDSA, magawa mo na yung tama kahit ang dami mo ngayong hesitation,” sabi ni Nicole na naglalakad na paalis ng kusina.

“Teka. Alam mo bang ito yung problema ko?”

Tumingin ulit siya kay Timothy. “Nope. Pero, lately ko lang napansin ang pagbabago sa iyo. Akala ko kasi aware ka sa mga ginagawa mo, yun pala clueless ka. Gawin mo yung tama ah?” sabi niya saka siya tuluyang umalis at iniwan ang nag-iisip na si Timothy.

Pagkatapos nilang mag-usap, humiga na si Timothy. Yun nga lang, hindi na talaga siya makatulog. Pakiramdam niya, dapat may gagawin pa siya. Kaya lumabas siya ng kwarto at lumabas sa bahay. Madilim pa sa labas sapagkat wala pang ala-sais ng umaga. Akmang papasok ulit siya nang makita niya si Michelle na nakatulala sa kawalan. Nakaupo ang babae sa may malaking bato na malapit sa bahay. Gugulatin sana niya ang babae kaso nagsalita si Michelle. “Hindi ka din makatulog?”

Umiling si Timothy at nilapitan ang babae. Inakyat ni Timothy ang malaking bato at umupo sa tabi ni Michelle. Nakaharap sila sa pwesto ng dagat na parang nag aantay ng sikat ng araw. Nang makita niya ang mata ni Michelle na nakatingin sa kanya, alam na niya ang gagawin niya.

“Salamat nga pala,” sabi ni Timothy.

“Para saan?”

“Wala lang,” nakangiting sabi niya.

“Kilala mo ako, paulit ulit akong magtatanong ng ‘para saan’ hangga’t hindi mo ako sinasagot.”

Tumawa naman si Timothy sa kakulitan ni Michelle. “Naalala mo pa ba nung nagpaturo ako sa’yo na manahi sa H.E. Class nung highschool?”

“Oo naman. Nakakailang sira ka na kaya ng damit, hindi ka man lang makatapos! Kawawa ka nga eh.”

Saglit silang tumawa bago sila nanahimik ulit. Biglang umimik ulit si Timothy at nagsalita ng, “Eh naalala mo nung binigyan mo ako ng chocnut after ng Intrams?”

Mabilis namang sumagot si Michelle. “Oo naman no. Natalo kasi kayo nun eh. Wala naman akong maibigay kasi poorita ako diba?”

“Naalala mo ba nung tinuruan mo akong mag ulam ng Piattos nung 3rd year?”

“Siyempre naman no. Panis na kasi yung pang ulam mo nun. Eh wala na din akong ulam kasi nakalimutan ko yung baon ko, kaya nag try tayo ng bagong ulam. Ayun, may piattos na.”

“Naalala mo pa ba yung panahon na kung saan binully ako nina June nung 2nd year?”

“Malamang. Feel ko nga may trauma pa din si June kapag nakakakita ng gitara. Eh kasi naman, nasira yung gitara ko nung hinampas ko siya.”

“Naalala mo nung naging makulit ka kasi hindi ko pinapansin ang mga kaklase natin nung 2nd year?”

“Of course. Nagmukha akong sirang plaka sayo nun. Buti kaya at naabutan pa kita malapit sa ilog. Kasi kung hindi, baka nagpakamatay ka na nun. Hindi ka marunong lumangoy diba?”

Nagulat naman si Timothy kasi pati iyon, naalala ng babae sa kanya. Hindi tuloy siya makaimik ng maayos kaya nagsalita ulit si Michelle. “Kaya ka ba nagpapasalamat dahil sa lahat ng iyon?”

Pinilit ni Timothy na magsalita kaso parang may pumipigil sa kanyang magsalita. “Hindi lang dahil dun.”

“Eh para saan nga?”

Huminga muna ng malalim si Timothy. Ngiti lang ang sinagot niya sa babae.

“Ay hindi ako nadadaan sa ngiti ah. Uutang ka ba?” tanong ni Michelle na hindi pinansin ng kausap niya.

“Thank you for letting me feel this way,” panimula ni Timothy. “Thank you dahil tinuruan mo akong manahi. Thank you dahil tinuruan mo akong mag-ulam ng piattos. Thank you dahil sinamahan mo ako dating tumakbo habang hinahabol tayo ng aso. Thank you kasi tinuruan mo akong tumawa kahit naiiyak ako. Thank you kasi kahit ilang beses ko nang takbuhan ang mundo, nandyan ka pa din.” Tiningnan naman niya ang babae ngunit hindi niya ito mabasa kaya nagsalita ulit siya.

“Thank you for letting me love you for all those years,” sabi ni Timothy. Nakatunganga naman si Michelle sa pinagsasabi ng lalaki. Hindi nakikita ni Timothy ang sarili niya pero mukha siguro siyang nakakatawa. Nilubos naman ni Timothy ang katahimikan ng kausap niya kaya nagsalita ulit siya. “Alam mo ba, ilang oras akong nag-isip bago kita kausapin sa jeep noon? Hindi ko kasi alam kung papaano kita kakausapin. Akala ko hindi mo ako maalala. Pero sobrang saya nun. Nung maghiwalay tayo ng landas ng oras na yun, doon ulit ako nakaramdam ng lungkot. Feeling ko nga matatawa ka sa itsura ko nung paakyat na ako ng condo pagkatapos nating mag usap eh,” natatawa si Timothy habang nagsasalita siya.

“Yun yung moment na I chose to let go of my feelings towards you yet unconsciously, all these years, I’m still hoping na tayo pa din ang endgame. Yun nga lang, na realize ko lang sa campfire kanina na kung bakit meron akong hesitation to chase you. Kung talagang mahal kita, dapat umamin na ako sa iyo matagal na. Pero wala eh, kulang talaga ako sa conviction. Kung mahal kita, walang hesitations. Ngayon, I just confessed not because I want to tell you that I love you, but to tell you that finally, I’m letting you go. Just to clear the air. Natakot lang siguro akong aminin sa sarili ko na dapat na pala kitang i-let go kasi natatakot akong isipin kung makakaya ko pa bang magmahal ng ibang tao, or should I say, baka hindi ko na kayang magmahal pa. Akala ko dati hindi pa time pero after all these years, hindi pala issue yung time. Ang totoong issue is yung authenticity. Tsaka ang unfair eh. I cannot lead you on, knowing that now I’m in love not with you but on memories we had. And sorry. Sorry for leading you on kahit hindi ako sure sa nararamdaman ko. Tsaka tama na siguro ang 9 years diba?” nakangiti na sabi ni Timothy habang nararamdaman niyang bumibigat ang mata niya.

Nakakatawa, sa pagbigat ng mata niya, siya namang pag-gaan ng paligid niya. Unti-unting nawawala yung kakaibang nararamdaman niya nitong mga nakaraan. Ineexpect ni Timothy ang isang litanya kay Michelle pero tanging isang tanong lang ang nasabi niya.

“Bakit mo sa akin sinasabi yan? Bakit ngayon lang?”

“Ang slow ko kasi. Kani-kanina ko lang na-realize nung bonfire. Habang nagsasalita kasi kayo kanina, dun ko lang talaga naintindihan kung bakit nga ba ako nag-aalangan sa buhay ko kahit alam ko na yung patutunguhan ko. Para ako ngayong dumadaong papunta sa destinasyon ko. Yun nga lang, even though I already know my destination, I still felt uneasy. Parang may mali. Sumampal lang sa akin kanina lang yung pagkakamali ko. Na-realize ko na pinipilit ko palang patakbuhin ang barko ko pero nakababa pa pala yung anchor ko. Kaya ang bagal kong dumaong kasi naka-ankla pa din ako sa nakaraan. Pinipilit kong mabuhay sa dalawang panahon na hindi naman pwede. Kaya ko pala hindi kaagad napansin yung problema ko kasi sa malayo kaagad ako nakatingin. Kanina ko lang napansin kung ano ba talaga yung problema ng buhay ko.”

Akala niya lalong magagalit si Michelle sa rason niya pero agad na nabasag ang akala niya nang tumawa ito.

“Hindi ka ba galit sa akin?” nagtatakang tanong ni Timothy.

“Ba’t naman ako magagalit? Drama lang ah. Siguro natuwa lang ako sa’yo kasi ang seryoso mo ngayon. Dati ka pa namang malalim na tao, pero ngayon parang, ang dali mo nang maabot? At napaka-refreshing lang makita sa iyo na nalilito ka, napipikon ka, at naiirita ka. Parang nawala yung Timothy na palaging may sagot, pero at the same time bumalik yung kilala kong Timothy na willing matuto, willing alamin yung mga bagay na magpapa-improve sa kanya. Na hindi susuko para lang may malaman sa buhay.”

“May tanong ako,” biglang sabi ni Timothy, bigla rin tuloy siyang napatigil kasi hindi niya sure kung dapat bang itanong ang naisip niya. “Anong reaksyon mo sa sinabi ko ngayon sa iyo?”

“Honestly, shocked ako. Pero nakakatuwa kasi naging honest ka. Nagulat lang ako sa confession mo. Akala ko nga galit ka sa akin kanina kasi hindi mo ako masyadong pinapansin eh! Anyways, I felt honored. Kilala na kasi kita dati. Pero mas nakilala kita ngayon. Ikaw kasi yung taong hindi outspoken sa nararamdaman eh kaya it’s a privelege na sabihan mo ng nararamdaman mo,” malumanay na sabi ni Michelle.

Sa unang pagkakataon, tumawa sila ng may ligaya. Natigil lang yung tawa nila nang muling nagsalita si Timothy.

“Yan kasi yung mahirap eh. Sa ibang tao, ang akala nila sa akin, na-calculate ko na lahat. Hindi nila alam, mahina ako sa aspeto ng emosyon. Akala ko nga hindi ako equipped dun eh! Lalo na yung pagmamahal diba? Kaya mahirap magmahal ng hindi alam ang konsepto ng pagmamahal. And challege yun sa akin kasi kanina tungkol sa legacy ang napag-usapan natin. Eh ang pinakamalaking sangkap nun ay pagmamahal diba? Kaya masasabi ko talaga na ang pagmamahal ay para lang sa mga mature na tao. Pero at least ngayon, willing na akong mag-mature. Sayang naman ang itinanda ko ngayon kung wala namang kwenta diba?”

Tinawanan naman siya ng kausap niya at tumingin na sila sa bukang liwayway. Napansin naman ni Michelle na pumoporma nang bumaba si Timothy.

“Matutulog ka pa?” tanong ng babae.

“Hindi na. Nawala na ang antok ko eh,” sagot ng lalaki habang bumababa sa bato. “Ikaw ba?”

“Dito muna ako, magpapahangin pa.”

Tumango na lang si Timothy saka siya tumalikod sa kasama niya. Naglalakad na si Timothy papasok sa bahay nang napatigil siya at humarap ulit sa kausap niya.

“Oh bakit?”

“What good is today without yesterday? Yet, what better is tomorrow without today?” sabi ni Timothy.

“Ha? Nabaliw ka na naman.”

“That, I believe,” patawang sagot ni Timothy.

Nakakatuwa kasi for the first time, habang papalayo na siya sa babae, nagsimula nang kumalas ang nararamdaman niyang kakaibang buhol sa puso niya. Sa muling pagkakataon, nakahinga na siya ng maayos.

Pagpatak ng alas-onse ng umaga, nagsimula na silang mag-ayos ng kanilang gamit. Balak kasi nilang umalis ng alas-dose kasi may shooting pa si Marcus sa Manila. Naging madali naman ang pag-aayos nila kasi kakaunti lang naman ang dala nila. Pagka-ayos ng kanilang mga gamit, tumambay muna sila sa sala kasi inaantay nila na bumalik si Mang Lito.

“Nakahanda na ba kayong lumuwas ng Maynila?” tanong ni Aling Mila.

“Opo. Inantay na lang po namin si Mang Lito, nagpa-gas pa po eh,” sagot ni Nicole.

Pumasok naman sina Marcus at Christine sa loob na parang may pinag-uusapan.

“Marcus, daan daw pala tayo ng Ortigas. May ibibigay daw sayo si Selene,” paalala ni Christine habang may binabasa sa cellphone niya.

“Noted,” sagot niya saka siya humarap kina Mang Tino at Aling Mila. “Mang Tino, Aling Mila maraming salamat nga po pala sa pagpapatuloy niyo sa amin! Pasensiya na po kung naging abala kami dito!”

“Naku naman tong batang ‘to. Parang ibang tao eh. Parang anak na namin kayong lahat no,” sagot ni Aling Mila.

“Tsaka kami nga ang dapat magpasalamat eh. Nang dahil sa inyo, nagkaroon ulit ng buhay ang bahay na ito,” sabi ni Mang Tino.

“Wala na ba talaga kayong naiwan? Baka gutom pa kayo, may pagkain dyan! May mga gamot din para hindi kayo mahilo sa biyahe! O baka naman-“

“Ma naman!” sabat ni Christine. “Tinatakot mo naman sila eh!”

“Oo nga naman, Mila. Matatanda na sila, kaya na nila yan,” pagsang-ayon ni Mang Tino. Tumingin naman siya sa barkada at nagsalita. “Ang habilin ko lang naman sa inyo ay patuloy niyong gawin ang tama. Mangarap kayo, at abutin niyo ang pangarap niyo. Sa tanda na naming ito, madami na kaming naranasan. Masasabi ko sa inyo na madami pa kayong kakaharaping mga pagsubok at problema. Pero ‘wag niyong hahayaan na pigilan kayo ng mundo na gawin ang pangarap niyo. Mangarap kayo hindi lang para sa inyo, pero para din sa mga susunod sa inyo. ‘Wag niyong hahayaan na hindi kayo tumayo kapag nadapa kayo. At higit sa lahat, gawin niyo ang lahat para maging parte ng pagbabago sa mundo para makasigurado kayo na may kwenta ang kwento niyo kasi alam niyong naging susi ang buhay niyo sa pagbabago ng mundo,” paalala ni Mang Tino.

“Don’t worry Papsi Tino, kami na po ang bahala sa pagbabago. Just sit back and enjoy!” sagot ni Nicole na tinawanan naman nila.

Saktong dumating na si Mang Lito sa harap ng bahay nila Christine kaya nagsimula na ulit silang mag-paalam sa mag-asawa at sumakay na sa van papuntang Laoag. Mabilis lang sila nakarating sa airport at nakasakay sa eroplano. Natutulog sila Christine, Marcus, James, at Nicole. Kausap naman ni Arielle ang bago niyang kaibigan na si Michelle.

Tahimik din si Timothy habang nakatingin sa may bintana at pinagmamasdan ang kaulapan. Naisipan niyang pumikit at umidlip, yun nga lang hindi siya makatulog. Hindi dahil nalulungkot siya, pero dahil madami siyang naiisip awin pagkauwi niya.

Nakakatuwa, nagsimula siyang maging pala-isip pagkatapos nilang mag-usap ni Michelle dati sa jeep. Ngayon, pauwi na sila ulit sa Manila, ang dami na naman niyang gagawin. Paghahanda para sa graduation, pagre-review, paghahanda sa board exam, at higit sa lahat, pag-paplano kung papaano nga ba maisasakatuparan ang pangarap niyang maging Engineer para makapagtrabaho siya sa ginusto niyang pangarap.

Sa una, maiisip niyang sobrang hirap ng kailangan niyang gawin pero sa totoo lang, hindi naman siya mag-isa para matapos ito. Hindi niya kailangang gawin yun mag-isa. In the first place naman kasi, hindi siya makakadating sa posisyon niya kung wala ang mga kaibigan niya. Nandyan si James na nagpa-alala sa kanya kung paano nga ba mangarap ulit kahit may unos mang dumating. Nandyan din si Arielle na gumising sa kanya na sa kahit anong oras, pwedeng bumagsak ang mundo niya, at the same time kahit anong oras pwede ulit bumangon para mas ma-appreciate ang pangalawang buhay. Siyempre hindi mawawala ang madaldal na si Nicole na nagpa-intindi sa kanya kung gaano nga ba kahalang magkaroon ng pag-asa, na ang mga taong mature lang ang kayang makahanap ng pag-asa sa madidilim na parte ng buhay. Mawawala ba ang artistang si Marcus? Ang artistang nagbukas sa utak niya na ang totoong pangarap ay hindi lang para sa sarili? Siya ang nagpakilala kay Timothy sa ideya ng legacy, ang salitang hindi masyadong nababanggit sa panahon ngayon. At higit sa lahat, nandyan si Michelle. Siya ang isang taong nagpa-realize sa kanya kung papaano ba talaga magmahal at kung gaano kahalaga ang oras sa pagmamahal. Na sa bilis o tagal ng oras malalaman kung totoo ba o peke ang pagmamahal. Dahil sa lima niyang kasama, napagtanto ni Timothy na pwedeng tumingin sa nakaraan, pero hindi pwedeng manatili dito. Pwedeng gamiting sangkap ang nakaraan para maayos ang kasalukuyan. Kailangang ayusin ang kasalukuyan para maisakatuparan ang hinaharap. Kailangang may pagdaanan para may mapuntahan. Kailangang may puntahan para malaman kung saan ang paroroonan. Kailangang may paroroonan para malaman kung hanggang saan.

Mahirap malaman kung saan ka pupunta. Mahirap malaman kung anong magpapasaya sa iyo. Mahirap ang realidad ng buhay kung saan pipilitin ka ng mundo na sumuko. Mahirap mag-iwan sa mundo ng legacy. Pero ang pinakamahirap sa buhay ay yung hindi ka nabubuhay. Hindi ka nabubuhay kasi hindi mo napupuntahan ang lahat ng ito.

Minsan na silang nakapunta sa destinasyon ng buhay na inaalam nila kung saan ba talaga sila pupunta. Minsan na din silang nakapunta sa destinasyon ng buhay na inaalam kung ano ba talaga yung magpapasaya sa kanila. Minsan na silang nakapunta sa destinasyon ng buhay na nagpamukha sa kanila sa realidad na totoong problema silang kakaharapin.

Pero tapos na sila dun.

Kagaya ng pagsakay nila sa eroplano, sabay-sabay silang pupunta sa destinasyon ng buhay nila na kung saan sila matatapos para makapagsimula na ulit ng bago. Nandito sila sa puntong pagbibigay na ng legacy ang hain nila sa mundo. Nandito sila sa puntong malapit na sila sa rurok ng pangarap nila para malaman nila na hindi lang pala para sa kanila ang pangarap nila.

Kung titingnan, mukhang matatapos na ang kwento nila. Pero sa totoo lang, dito pa lang talaga magsisimula ang lahat. Lahat nakakapagsimula, pero hindi lahat nakakapagtapos. Lahat nakakatapos pero hindi lahat nakakapagsimula ulit. Kaya malaki ang pasasalamat ni Timothy kasi alam niyang hindi sila kasama sa dalawang naisip niya.

Naputol ang pag-iisip niya nang maramdaman na mag-lalanding na ang eroplano nila. Sumilip siya sa mga kasama niya at napansin niyang nawala na ang kaba sa mukha nila. Hindi dahil sa tumigil na ang eroplano, kundi dahil magsisimula na silang bumaba para harapin na ulit ang buhay nila.

“Handa na kayo?” tanong ni Marcus habang tumatayo.

“That’s understatement,” sagot ni Timothy na nagpatawa sa kanila.

Kasi sa totoo lang, hindi sila magiging handa sa lahat. Pero mas maganda na alam mo kung saan ka talaga pupunta. Mas maganda na alam mo na kung anong magpapasaya sa iyo. Mas maganda na alam mo ang realidad ng buhay. Mas maganda na malaman mong kahit mawala ka, hinding-hindi mawawala yung nagawa mo kasi may nagtuloy nito.

Kung hindi mo pa napupuntahan ang lahat ng ito, gumagalaw ka ba talaga? Buhay ba talagang maituturing kung wala ni-isa sa taas ang napuntahan mo na? O may napuntahan ka na ba? Kaya mas mabuti na magsimula ka nang maglakbay papunta dito. Kasi hindi palaging nabibigyan ng chance na gumawa ng choice na makapag biyahe papunta dito. May mga taong takot sumakay sa buhay. May mga taong hindi sumasakay kaya nawawalan na sila ng buhay. May mga taong hindi alam na meron pala silang mapupuntahan pa bukod sa tinatambayan nila ngayon. Pero isa ka sa taong nakaalam na meron pala talagang ganito pero baka may alinlangan ka na hindi ito totoo o nawalan na ng pag-asang may puntahan sila kasi naisip mo ang mga nagawa mong pagkakamali noon?

Oo, mahalaga na maiintindihan mo yung nagawa mo dating mga pagkakamali, pero mas mahalagang malaman mo na yung dapat mong gawin ngayon.

Itatama mo ba ang direksyon mo o hindi?

What good is today without yesterday? Yet, what better is tomorrow without today? sabi nga ni Timothy kanina.

Kung sa bagay, may punto naman talaga siya, diba?

-END

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s