Destination Series

Destination : The Anthem of our Hearts

DESTINATION Series: Part 2

 

Saturday. Ito ang naka-flash sa phone ni Marcus habang pinapatay nito ang alarm. Tamad na tamad siyang bumangon kasi pagod na pagod siya. Pero naging masaya naman siya sa mga nangyari kahapon. Yun nga lang, kahit anong ganda ng nangyari kahapon, di niya mapigilang isipin na magiging pangit ang umaga niya ngayon.

Pero kung sabagay, bago pa man magsimula ang press conference ni Marcus, pangit na talaga ang kanyang umaga. Una, nasira na ang pagtulog niya kasi may LBM siya kahapon pa. Pinuwerwisyo pa nito ang kasarapan niya ng pagtulog. Alas-dos ng madaling araw ng gambalain siya ng kanyang tiyan at alas-tres ng madaling araw ng muling nagsumamo ang kanyang bituka. Pangalawa, mga bandang ala-sais na ng umaga na siya nakatulog ng matino at sa kalagitnaan ng bago niyang pagtulog, biglang umalingawngaw sa kanyang condo ang alarm niya ng 6:35 AM. Pangatlo, matutulog sana ulit siya ng naisipan niyang buksan ang kanyang social media accounts at hindi niya mapigilang ma-badtrip sa mga batikos sa kanya, sa mga bashers at haters niya na akala mo naman ay kilalang-kilala na ang pagkatao niya kung makapag-conclude. At pang-apat, may malakas na hampas at pagkatok ng pintuan. May sunod-sunod pa na pagkalampag ng pintuan niya na parang balak pang sirain ulit ang pintuan niya. Napilitan na tuloy siyang bumangon sa kanyang malambot na kama.

Inis na inis si Marcus habang naglalakad papunta sa pintuan. At doon, naka-abang ang kanyang Talent Manager na si Christine na mapapansin mo ding puyat at yamot na yamot.

“Bakit ka ba katok ng katok? Alam mo naman ang passcode ko ah. Maninira ka na naman ng pintuan eh.”

“Wow. Ikaw pa badtrip ah. Marky! Why aren’t you answering my calls? Tsaka ano yung paandar mo sa Twitter mo! Ang daming na-shookt sa tweet mo ah” sabi nito. Sabay upo nito sa couch niya.

“Chill ka lang, TM. Hindi ka na nasanay sa mga tao eh. Hayaan mo na lang sila,” kalmadong sabi ni Marcus kay Christine habang umupo na din ito sa tabi nito.

“Hello? Sino ba ang hindi na-shookt sa sinabi mo sa twitter? Sakit mo sa bangs ah,” reklamo ng kausap nito sa kanya.

“Wala ka namang bangs ah.”

“Ewan ko sayo.”

“Hayaan mo na lang kasi yun. Haha. Anong itinerary natin ngayon?”

“Wag mong iniiba ang usapan Marcus Aurelius Manalo. Bakit ka biglang nawala kahapon? Hindi pa kita ma-contact. Alam mo bang muntik na akong magpa-man hunt sa ginawa mo? Napakawalang kwenta yung nilagay mo sa note mo. Tapos out of nothing, may lumitaw na tweet sa account mo? Akala ko nga na-hack yung account mo eh.”

“Sorry for making such a fuss. Haha. I’ll fill you in later. Pero ngayon, saan nga ba yung venue nung Press Con?” tanong ni Marcus.

“Haynako. Pinaalala mo pa yang Press Con na yan. Muntik na kaya akong mapaaway dun  sa isang reporter na parang hindi marunong mag-report. Daig pa kaya si Tito Boy sa galing mag-assume sa showbiz! Ah basta. Bahala siya and don’t worry, alam na nung driver mo yung venue nung epal na Press Con na yun. Hay! Ewan ko talaga sa mga paandar mo, Marky. Lakas mong maka-showbiz eh,” sabi ni Christine habang nagpapaypay ng mukha niya na parang init na init sa condo ni Marcus na may aircon naman.

“Wag mo nga akong tawagin niyan. Hindi naman yan yung pangalan ko,” sabi ni Marcus na inis na inis. “Screen name ko lang yan.”

“Ewan ko sayo. Artista ka naman eh kaya yan ang tawag ko sayo. Hala! Mag-ayos ka na dyan. Male-late pa tayo niyan. Chop chop! May bonding ka pa sa media mamaya,” sabay tayo ng kausap niya at nag-ayos ng mga paraphernalia ng artista.

“Mas gusto ko pang ka-bonding ang unan at malambot kong kama eh,” sabi niya habang napilitang tumayo sa couch niya.

Parang ayaw umalis ni Marcus ng condo niya pero wala siyang nagawa. Kaya naligo na siya at napilitan na silang pumunta kung saan ang press conference nila.

Ingay ng flash ng camera ang bumungad sa kanila sa venue. Partida, nasa loob pa sila ng sasakyan rinig na rinig na nila ang ingay ng mga tao. ‘Hindi naman ako sikat. Mukha na nga akong starlet eh. Bakit ang OA ng mga tao dito?‘ Ito ang paulit-ulit na iniisip ni Marcus.

Nahirapan tuloy siyang lumabas.

“Chill lang. Master your art of nodding na lang. Kaya mo yan. Haha,” sabi ng TM niya. Tumango na lang siya dito.

The moment na lumabas na sila ng pintuan, nag-iba na siya. Hindi na siya si Marcus, naging si Marky na siya. Buti na lang at nakasuot siya ng shades kaya hindi siya masyadong nabulag sa mga flash ng camera. At buti na lang talaga naka-shades siya, kung hindi makikita nito ang pagpapanggap niyang masaya at outgoing na aura niya. Sanay na siyang magpanggap dahil normal na sa buhay artista ang ganito. Pero walang artista ang nakapagsabi na mahirap at masakit na magpanggap na masaya pa din sa industriyang ito. Kasi kung tatanungin mo talaga siya kung ano talaga ang totoo, gusto niyang matulog at parang sumasakit ang tiyan niya. Kung kahapon ito mangyari baka mag-walk-out na lang siya sa madaming tao.

Nakangiting naglalakad sina Marcus papunta sa loob ng venue ng press con na hindi niya alam kung ito ang sisira o bubuo ng araw niya. Tahimik siyang nakaupo sa upuan kung saan pinagpipyestahan ng media ang kanyang mukha at lahat ng ginagawa niya. Sira na nga siguro ang retina ni Marcus sa sobrang daming flashes ng camera sa harap niya.

At dito na nagsimula ang kalbaryo niya.

“Na-kidnap po ba kayo? May sindikato bang nanghingi ng ransom sa iyo?” panimula ng isang reporter.

“May bali-balita daw na broken hearted ka daw kaya ka nagtangkang magpakamatay. Totoo ba ito?” tanong ng isa pang reporter.

“Masyado ka na bang stressed sa dami ng projects mo kaya ka nawala kahapon?” tanong ng isa pang reporter na halos makipag-agawan na ng mic sa ibang reporters.

“Ano yung ibig sabihin ng tweet mo kaninang madaling araw?” dagdag pa nito.

“Are you planning to extend your contract in your TV network?” medyo pabibong pag-English na tanong ng isa pang reporter.

Gusto na tuloy ni Marcus na matunaw at lumubog sa lupa sa mga tanong ng mga reporters sa kanya. Ang pinaka-iniisip nga niya ay bakit ba kasi tatlong microphone ang binigay nila sa mga ito. Dami tuloy nilang natanong dito. Ni hindi na nga niya ma-absorb ang mga tanong at hindi rin siya makaporma ng sagot sa mga ito. Tsaka hindi ba nila alam ang etiquette sa press con? Anong sense nito kung parang inabangan at hinarangan lang din siya ng mga reporter sa labas ng bahay niya?

Pilit siyang nag-iisip kung paano masasagot ang mga tanong nila ng kalmado at concise nang biglang nagrebelde ang utak niya at sinariwa ang mga nangyari kahapon na parang kahit ang utak niya ay hindi makapaniwala sa mga nalaman at naintindihan niya kahapon.

Ano nga ba talaga ang nangyari kahapon?

 

Kahapon? Simple lang naman ang nangyari kahapon. Nagsimula ito nung magising si Marcus ng madaling araw na hindi mawari kung nakatulog ba talaga siya kasi mga 2 a.m. na siya nakauwi at kakatapos lang ng walang katapusan niyang mga projects, mga shootings at endorsements niya. Saglit siyang bumangon para makainom ng tubig at saglit na tumingin sa cellphone.

Friday. 4 AM.

 

Ito yung nakalagay sa phone ni Marcus. Habang nakatingin siya sa phone, hindi niya maisip yung pinaggagawa niya sa buhay niya. Iniisip niya kung matutulog pa ba siya. Siguro kahit matulog pa siya ng tatlong araw, hindi mawawala yung pagod na nararamdaman niya. Baka nga, pag natulog pa siya ngayon, mas mapagod pa siya eh. Kaya minabuti na lang niya na magmuni-muni sa terrace niya. Ito na ang naging paborito niyang pwesto sa condo niya kasi masarap ang simoy ng hangin, kitang-kita pa niya ang mga ilaw sa daan, mga umiilaw na bahay sa may kalayuan, mga buildings sa tabi ng building niya kahit nasa 84th floor siya. Naging paborito niya itong pwesto kasi ito yung pinakatahimik na pwesto at may lamesa pa na pwedeng paglagyan ng kape na kanyang hinihigop habang nagmumuni-muni.

Dito nanatili siyang nakaupo at nagmamasid sa katahimikan ng paligid at sa pasikat na araw na nagsisimulang magliwanag sa kapaligiran. Todo isip siya ng alibi kay Christine para hindi umalis ng condo niya kasi may nakaabang na naman na madaming gawaing para sa kanya mamaya.

O kung umalis kaya siya ngayon sa condo niya?

Kaya dali-dali siyang naligo at pumorma paalis ng condo niya. Nagsuot siya ng wig, nagsuot siya ng sun glasses, at nagsuot ng tipikal na pang-alis na damit. Nag-disguise siya para wala masyadong makakilala sa kanya.  Mukha tuloy siyang stunt double ni John Lennon ng Beatles. Magte-text sana siya kay Christine kaso baka hindi siya payagan. Iniwan niya yung phone niya sa may lamesa sa sala niya kaso inisip niya na baka may tumawag sa kanya, o baka mag-alala si Christine at pumunta ito sa niya condo kaya nag-iwan siya ng sticky note at dinikit sa phone.

Tine, alis muna ako. Mag-unwind lang ako. Sorry for the inconvenience. Be right back.

P.S. Wag mo akong ipapa-man hunt.

-Marcus

 

At tuluyan na nga siyang umalis at pumunta sa kanyang naisip na puntahan dati pa, sa Tagaytay. Bakit nga ba dito pa sa Tagaytay? Dapat kasi talaga Baguio, pero naalala niya na Panagbenga Festival ngayon, sobrang daming tao. Kaya no choice siyang mag-Tagaytay. Gagamitin niya sana yung sasakyan niya kaso iba yung trip niya.

Napagpasyahan niyang mag-commute papunta dun. Buti na lang mga 6 a.m. siya nakaalis at hindi pa masyadong marami ang taong bumabiyahe. Yun nga lang, mga 11 ng umaga na siya nakadating sa Tagaytay. Kasi naman, mali pa ang nasakyan niyang bus. Sa may SM Lipa, Batangas kasi siya nakababa. Buti na lang may mabait siyang fan na nagturo sa kanya.

To cut the long story short, dinala siya ng mga paa niya sa Picnic Grove. Nagulat pa nga siya kasi ang daming tao. Buti na lang medyo effective ang disguise niya kung hindi pagkakaguluhan siya. Ang balak niya lang talaga ay maglakad-lakad dun at tumambay sa railing kung saan kita yung Taal Lake. Kaso biglang may humampas ng malakas sa braso niya.

“Aray!” sabi niya tapos tumingin sa nanghampas sa kanya na halos mapaupo sa kakatawa sa kanya. Buti na lang kakilala niya yung humampas sa kanya kung hindi, makakasapak pa siya.

“Uy Kalvin! Ikaw pala yan. Bakit ka nandito?” tanong ni Marcus.

Hindi makasagot si Kalvin sapagkat tawa pa din ito ng tawa sa nakikita niya. Hindi tuloy alam ni Marcus kung narinig ba siya. Akmang uulitin niya yung tanong niya ng nagsalita ang marahas niyang kausap.

“Grabe. Hindi ko naman alam na ganyan kalala yung disguise mo! Muntik na kitang lampasan eh,” sabi nito. “Ibang-iba nga pagkatao mo kapag ganyan ka ah. May kamukha kang singer.”

“Sino? Si John Lennon?”

“Ang tanda naman ng reference mo. Pero kamukha mo din siya. Pero mas kamukha mo si Unique ng IV of Spades.”

“Sino naman yun?”

“Ikaw ‘tong artista hindi mo man lang kilala yun,” sabi niya. “So anong ginagawa mo dito?”

“Wala. Tatambay lang sana. Nakaka-stress na kasi sa showbiz eh.”

“Wow. Dami mo namang time. Hindi ka man lang pumapasok. Alam mo bang ang dami mo ng absent? Exam na nga bukas eh.”

“Eh naka-sabbatical naman ako. Tsaka alam na ng mga prof yung estado ko kung bakit ako wala.”

“Kahit pa. Ayos lang sayo na mag-isa ka lang gumawa ng thesis? Hirap kaya ng thesis ng ECE. Di mo tuloy alam kung kelan ka pa makaka-graduate. ”

“Okay lang yun. Quality education takes time naman diba?” sabi ni Marcus. Napatawa naman si Kalvin dito at nagsimula na silang maglakad ng kausap niya na papunta sa stall ng pagkain.

“Eh ikaw. Anong ginagawa mo ngayon dito?” tanong ng artista.

“Gagala lang din. Unwind lang.”

“Sabi mo exam bukas ah. Unwind ka dyan.”

Natawa na lang si Kalvin sabay sabi ng, “Eh wala eh. Hindi na din ako makapag-aral. Wala na akong maintindihan sa mga binabasa ko.”

Napatingin na lang si Marcus sa stall ng pagkain kung saan may mga street foods. “Ah, buti na lang sa pag-aaral may ganyan no? Sa trabaho kasi parang kasalanan mong mag-unwind ng ganyan.”

“Luh. Ewan ko sayo. Wag mo akong dramahan,” asar ni Kalvin. “Basta, sinabi ko na din dati sayo na gawin mo yung gusto mo, hindi yung gusto nila, ang selfless mo kasi masyado eh.”

“Fine. Haha. Libre mo na lang ako oh. Sarap nung kikiam at fishball lalo na kung libre.”

“Anong ilibre ka dyan. Ang yaman mo tapos magpapalibre ka. Napakakuripot mo.”

“Mas kuripot ka naman. Tanda mo ba nung bumili tayo ng wire? Dumayo pa kaya tayo ng Recto para lang makamura kahit meron naman sa Ace hardware sa Farmers nun. Tapos dapat nag-LRT na lang tayo nun pero pinilit mo pa ding sumakay ng jeep para makatipid. Buti na lang effective ang disguise ko nun kaya walang taong nakapansin,” reklamo ni Marcus.

“At least nakatipid ako nun,” sabi ni Kalvin. “Kay Christine na nga lang ako magpapalibre.”

“Wala siya dito ngayon. Ako lang mag-isa.”

“Ha? Bakit mag-isa ka lang dito? Tumakas ka na naman?” Tumango na lang ang kausap nito. “Lagot ka na naman sa management niyo niyan.”

“Ewan ko ba kung anong naisip ko kaninang umaga. Pero matagal ko na talagang planong pumunta dito ng mag-isa eh.” Huminga si Marcus ng malalim pagkatapos nagsalita ulit siya. “Buti ka pa nga nakakapunta ka dito kahit mag-isa ano?”

“First of all, malapit lang naman ang bahay namin dito. Taga-Laguna lang kaya ako. Tsaka second of all, may mga kasama ako.”

“Sino namang kasama mo?”

Hindi na lang sumagot si Kalvin bagkus ay tumingin siya sa medyo malayo na parang may nakitang isa pang kakilala pagkatapos ay kumaway siya.

“Si Nicole tsaka si Joy,” Turo niya sa dalawang babaeng papalapit.

“Joy? Siya ba yung kinuwento mo sa akin last year? Yung iniyakan mo?”

“Ayos ka din eh ano. Yan pa talaga naalala mo.”

Pumunta naman sa pwesto nila sina Nicole at Joy. Tinignan naman ng dalawang babae si Marcus na parang na wiweirdohan sa pormahan niya at sumimangot rin si Nicole kay Kalvin.

“Sabi ko naman sayo na sa stall ng  Pizza Hut mo kami antayin. Ang layo mo naman eh,” reklamo ni Joy.

Natawa naman si Kalvin sa sinabi ng babae. “Maka-malayo ‘to. Wala pa ngang 300 meters nilakad mo.”

“Wag mo nga akong sukatan. Accountancy ako.”

Nanatiling tahimik si Marcus sa usapan ng mga magkakaibigan. Akmang magsasalita na si Kalvin nang biglang hinampas siya ni Nicole.

“Aray! Ano bang problema mo?” reklamo ni Kalvin.

“Wag nga kayong maingay! Hindi ko marinig yung sinasabi ng announcer eh.”

Hindi nila naintindihan ang sinabi kasi tapos na din naman itong magsalita. Basta, ang pinaka naintindihan lang nila ay may mapapanalunan sila kung maghahanap ng kasama. Hindi na lang pinansin nina Kalvin ang narinig.

“Ay nga pala. Si Marcus, kaibigan ko. Kaklase ko din. Marcus, kilala mo na sila diba,” tumango naman si Marcus.

“Parang pamilyar mukha mo ah.” sabi ni Joy.

“Nagkasalubong na ba tayo? Familiar talaga mukha mo eh,” tila nag-iisip na sabi ni Nicole. “Oh well. Wala ka naman sigurong kasama diba? Tara, sama ka muna sa amin.”

Kinurot naman ni Joy si Nicole. “Oy ang FC mo ah. Wag ka nga.”

“Ouch. Grabe. Hindi naman. Di mo ba narinig yung sinabi kanina lang?” tanong ni Nicole.

Napatingin na lang silang tatlo sa nagsalita kasi wala naman talaga silang narinig, much less maintindihan sa pinapalahaw ng babae.

“Haynako. May mga pakulo na naman kasi sila. Actually, every Friday may mga kaartehan silang ginagawa. Naghahanap sila ng barkada picture shot. Siyempre yung pinaka-magandang shot yung hinahanap nila. And si Marcus lang naman yung may DSLR eh,” sabi ni Nicole tapos tumingin siya kay Marcus. “Please Marcus oh! I want the grand prize talaga eh.”

“Arte naman nito. Conyo mo ah,” asar ni Kalvin.

“Ano naman yung grand prize?” tanong ni Joy kay Nicole.

“Best Drawing na Natuloy Award yung pinakamaganda! Naka-schedule siya ng May 24. Trip to Pagudpud for four days and three nights sa Hannah’s Beach Resort, inclusive of hotel accommodations. Tapos pwedeng may kasama na ding pang campfire kasi pwedeng mag-camp dun sa resort. We only need P300 as a fee to join them. Diba, amazing?”

Napasipol naman si Kalvin. “Sus, yun lang pala eh. Kayang-kaya naman ni Marcus yan. Mayaman naman ito eh. Di mo ba. . .” mabilis siyang siniko ni Marcus. “Aray! Ano ba? Kalma.”

“Don’t mind him, Marcus. Ano? Pwede bang sumama ka sa amin kahit ngayong araw lang?” tanong ni Nicole.

Saglit namang napaisip si Marcus. Pwede nga naman. Kasi for sure, magmumukmok lang siya.

“Sige okay lang naman,” sagot ni Marcus na nakangiti.

“Yown! Ganito. Yung picture na ipapasa natin ay dapat may title and one phrase na magde-describe sa picture.”

“Grabe naman bes. Narinig mo lahat yan? Ikaw na may bionic hearing,” manghang-mangha na komento ni Joy.

“I know right? Haha. Basta tara! Gala muna tayo dito. Baka may maganda tayong view na makuhanan!” excited na sabi ni Nicole.

“Teka lang! Kain muna tayo. Gutom na ako eh!” anyaya ni Kalvin.

“Sure. Libre mo naman eh. Tara!” sabay na sabi nina Joy.

Hindi na tuloy nakapalag si Kalvin. Ang matindi pa, sa Pizza Hut talaga sila kumain.

“Oy Marcus, sayo ko irereimburse ‘to ah,” sabi ni Kalvin.

Kasalukuyan silang nag-aantay ng kanilang pagkain. Stuff crust pa kasi ang gusto nila kaya matagal sila doon na nakatambay.

“Napakuripot mo naman. Minsan ka na nga lang manlibre eh,” sabi ni Joy.

“Anong libre ka dyan. Babalik niyo ito sa akin no,” asar ni Kalvin.

“So, Marcus. Tell us something about you naman oh. Bigla ka kasing sumulpot eh,” sabi ni Nicole.

“Wag mo ngang artehan ang pagsasalita mo, Nicole. Hindi ka naman artista eh. In fact, si Marcus lang ang ar-… Aray! Wag ka ngang manghampas Joy!” sabi ni Kalvin.

“Wag ka ngang maingay dyan. Si Marcus kausap namin oh!” saway ni Joy.

Nanahimik lang si Marcus, hindi niya din naman kasi alam kung papaano siya sasagot sa kanila. Patuloy naman silang nakatingin sa kanya, kaya napilitan siyang magsalita at magsabi ng isang kwento na kahit si Kalvin ay hindi alam.

“Takot ako sa daga at aso.” panimula ni Marcus.

“Ha?” sabi nilang tatlo.

“Natakot ako sa daga at aso kasi parehas akong nakagat nito nung bata pa ako. Hinabol ako ng aso kasi kumuha ako ng mangga sa kapitbahay namin. Tapos sa sahig dati ako natutulog yan tuloy, nakagat ako ng daga,” poker-faced na sabi ni Marcus. “Eh ang malala pa, muntik na akong magka-rabies.”

Natawa tuloy silang tatlo kay Marcus.

“Bakit kayo tumatawa?”

“Eh kasi yung mukha mo. Para kang nagsusumbong. Haha,” sabi ni Kalvin.

“Ewan ko sayo. Haha.”

Saglit silang nanahimik kasi dumating na ang pizza nila. Natatawa din si Marcus sa sinabi niya. Hindi naman talaga siya pala-kwento. Kaya hindi niya alam kung anong sapi niya at nasabi niya pa iyon.

“Oh dahan’dahan mga ineng. Kain marino na naman eh,” asar ni Kalvin. Dalawang kurot tuloy nakuha niya.

“So papaano na ang gagawin natin para sa picture?” tanong ni Nicole.

“Talaga bang sasali tayo dun?” sabi naman ni Joy.

“Of course! Sayang kaya ang prize!”

“Ang tanong, mananalo kaya? Haha,” pambabara ni Kalvin.

“Ang nega mo talaga. Wala namang mawawala kung sasali tayo, diba?”

“Meron. Sayang sa oras. Sayang sa pera. At sayang sa effort.”

“Wala namang masasayang kung ginawa mo naman ito kasi gusto mo diba?”

“Kahit hindi ka manalo?”

“Siyempre naman! Kung matalo man, at least ginawa mo yung gusto mo,” sabi ni Nicole.

Biglang napaisip si Marcus sa pinag-uusapan nilang tatlo. Ano nga ba ang gusto niya? Bakit nga ba kaninang umaga pa siya may gustong gawin kaso hindi niya maisip ito? Bakit nga ba siya tanong ng tanong ng bakit sa sarili? Hindi ba dapat ‘ano’ muna ang mauna hindi ‘bakit’?” Sobrang dumadami yung naiisip niya pero wala naman siyang maintindihan sa mga ito.

Natigil ang pag-iisip niya nang makita niya ang tatlo na nakatingin sa kanya ng kakaiba.

“Bakit?” tanong ni Marcus.

“Bangag ka pre? Haha. Tinatanong ni Nicole kung anong gusto mo?” sagot ni Kalvin.

Ano nga ba ang gusto ni Marcus sa buhay niya?

“Ewan ko. Hindi ko na alam kung anong gusto ko.”

“Ha? Tinatanong ka niya kung sasali ba tayo o hindi. Sinasabi mo dyan? Haha.”

“Ay sorry. Haha. Bahala kayo. Kung saan kayo, go lang ako.”

“Okay! Sasali na tayo ah!” masiglang sabi ni Nicole.

“No choice naman na eh,” Sabay na sabi ni Kalvin at Joy.

Maya-maya ay umalis na sila sa Pizza Hut. Pumunta sila sa mga lugar sa Picnic Grove kung saan expected nilang ‘Instagramable’. Yes, photogenic ang lugar, yun nga lang sobrang daming tao. Tapos ang dami ding nagpi-picture.

“Hala. Naunahan na tayo oh. Alam kaya nilang may picture contest?” malungkot na sabi ni Nicole.

“Malamang,” sabi ni Kalvin.

“Guys. Kaya yan. Diskartehan na lang natin yan,” sabi ni Joy.

Doon sila nakapwesto sa may baba ng puno ng Acacia na kung saan ay makikita mo ang ibang stalls at ang catwalk.

Habang nagse-setup si Kalvin ng DSLR, biglang nagtanong si Joy kay Marcus.

“Alam mo, pamilyar ka talaga. Parang sa TV kita nakita eh. Naging contestant ka ba sa Showtime? Sorry ah. Hindi ko din kasi sure dahil ang tagal ko nang hindi nanonood ng TV eh,” sabi nito.

Sasagot na sana si Marcus nang biglang sumigaw si Nicole, “Guys ano na? Tara na!”

Hindi na tuloy siya nakasagot. Nakapwesto na sila sa harap ng camera at kumuha ng mga shots. Pumunta sila sa iba pang mga pwesto kung saan maganda ding kuhanan ng picture. Pagkatapos nun, umupo sila sa may isang bench na medyo malapit sa railing na kung saan makikita ang pinakabunganga ng bulkan ng Taal at dito nila tinignan ang mga shots.

“Uy teka lang. Mag-CR lang ako,” paalam ni Kalvin.

“Eww. Haha. Bili ka na din ng food ah,” sabi ni Joy.

Nakatingin lang si Marcus sa Taal ng biglang tinapik siya ni Nicole.

“Marcus. Tingnan mo. Parang may kulang eh,” sabay bigay niya ng DSLR. “Hindi ko lang kasi ma-distinguish. Baka mapansin mo yung kulang.”

Tiningnan naman niya ito ng maigi. Kung tutuusin ang ganda naman ng mga shots. Perpekto pa nga ang pagkakaanggulo kaso tama nga si Nicole. May kulang nga talaga.

“Yung mga ngiti.” sabi niya.

“Ha? Bakit? Mukha bang baliw yung mga ngiti?” sunod-sunod na tanong ni Joy.

Saglit na napaisip si Marcus bago siya magsalita. “Medyo halatang scripted yung ngiti eh.”

“Talaga ba? Patingin nga,” Sabay kuha ni Joy ng camera. “Hala. Oo nga no. Medyo halata ngang scripted.”

“Eh papaano yan? How can we take a photo, there’s so much people na eh,” tanong ni Nicole.

Sakto namang balik ni Kalvin na may dalang donuts.

“Oh. Anong problema niyo?”

“Tingnan mo yung shots,” sabi ni Joy sabay abot ng camera.

“Maayos naman ah. Ay wait, gawa ba ng mga ngiti?” Tumango naman silang tatlo. “Parang typical lang kasi yung mga ngiti noh? Parang nag-picture lang talaga tayo.” Tapos binigay niya ulit kay Marcus ang camera. “Pre, hanap na lang ulit tayo ng pwesto niyan.”

“Saan ka naman hahanap, aber?” sabi ni Nicole habang pinapakita ang dami ng tao sa paligid.

“Aba, malay ko. Madaming taong nakikipaglaban para lang makanap ng pwesto, pero hindi ibig sabihin wala na talagang pwesto. Minsan, kailangan lang natin tumingin sa ibang anggulo para mahanap ang iyong gusto,” makahulugang sabi ni Kalvin.

“Wag mo nga akong daanin sa ganyan mo. Huhugot ka na naman eh,” sabi naman ni Nicole. “You’re so dramatic talaga, as always.”

“Ah madrama pala ah, wag kang kukuha ng Krispy Kreme ko ah.”

“Uy, joke lang naman. Actually, I like your idea very much. Gustong-gusto ko nga yung mga sinasabi mo eh very intellectual! It suits you talaga!”

“Yan ang mahirap sa tao eh, magugustuhan lang ang isang bagay o isang desisyon kapag alam nilang may mapapala at makukuha sila. Kaya walang nagiging masaya eh. Pilit silang gumagawa ng mga desisyon na kung saan binabase na lang nila sa kung ano ang makukuha nila, hindi sa kung anong maibibigay nila.”

“Stop it na nga. Fine. I’ll rest my case na lang.”

“Joke lang. Kumuha na kayo nito. Haha. Joy, kumuha ka na dyan ng paborito mo. Marcus, tumigil ka na sa pagtulala dyan, gutom ka na eh. Nicole, kumain ka na din bago tayo maghanap ng mga pwestong pagkukuhanan ng shots,” anyaya ni Kalvin.

Doon nagising ulit si Marcus sa pagmumuni-muni niya sa mga pinagsasabi ng mga magkakaibigan. Kaya nilagay na niya muna ang camera sa may stand na kung saan ay malapit lang sa kanila at sila’y kumain ng may galak. Actually, tawa sila ng tawa sa mga asaran ng magkakaibigan sa isa’t-isa.

“Excuse me lang ah, mas malaki kaya ang bunganga ni Joy. Kayang kaya niyang lumamon ng dalawang siomai sa isang subuan no!” pang-aasar ni Nicole.

“Ay weh. Mas malaki ang bunganga nitong katabi ko oh. Ubos ang isang donut sa isang kainan. Haha.”

Hindi na nakapalag si Kalvin sapagkat punong-puno ang bunganga niya ng donut na to the point na sa sobrang saya niya ay naibuga niya ang donut.

“Ewww. Kadiri ka talaga kahit kailan. Haha,” sabi na lang ni Joy.

“Ay teka. Sayang, pupulutin ko,” seryosong sabi ni Kalvin.

Kaya mas lalo silang natawa dito. Inaasar pa nilang kuripot masyado. Actually masayang-masaya si Marcus sa nangyayari ngayon. Walang photoshoot, walang outing sa malayo, walang pagpunta sa abroad para magbakasyon, walang concert, at walang okasyon na nangyayari ngayon pero sobrang saya niya sa kasimplehan ng nangyayari ngayon sa kanila.

Pagkatapos nilang kumain, inayos na nila yung pinagkainan at sila’y akmang aalis na nang biglang nagsalita si Kalvin. “Uy guys, tingnan niyo ito oh. Ang astig. Haha.”

Pinakita niya yung mga kuha sa camera na mukhang stolen sila. Nalimutan kasi ni Marcus ioff ang camera at aksidente niyang napindot ang capture kaya nakuhanan ang nangyari kanina na asaran at tawanan nila. Eh naka continuos shot yun kaya marami rin yung nakuhang picture.

“Uy ang cute oh! Ang ganda ko dyan!” sabi ni Nicole habang tinitingnan nila yung mga picture.

“Ang daya mo naman. Ikaw na photogenic,” reklamo ni Joy. “Buti pa kayo dyan maayos ang pagkakakuha.”

“Ha? Anong okay ka dyan? Mukha nga akong dugyot eh,” sabi ni Marcus.

Nanatili namang silang tumatawa sa mga nakikita nila na umabot sa point na tumigil sila sa isang picture. Ang picture na tinitingnan nila ay masasabi naman nilang ito ang pinakamaayos sa lahat ng mga stolen shots nila. Nakuhanan ng camera dito kung papaano silang lahat na tumatawa, kung papaano hinampas ni Joy si Kalvin na halos mabilaukan na kakatawa, kung papaanong hagalpak na tumatawa si Nicole kina Joy, at kung papaano nakatawa si Marcus habang pinagmamasdan ang tatlo.

“Oy infairness, maganda talaga itong shot na ito ah,” komento ni Joy.

“Oo nga eh. Kung makatawa si Nicole akala mo naman mamatay na oh. Haha,” sabi ni Kalvin.

“Guys! I have an idea!” sigaw ni Nicole na halos bumasag ng tenga nila. “Why don’t we use this picture instead?”

“Ha? Wag! Nakakahiya!” sabay na sabi ni Joy at Kalvin.

“Ba’t ganyan kayo maka-react? OA lang ah. Eh diba sabi ni Marcus kanina kulang sa authenticity? Yan! Authentic na!”

“Eh kahit na,” nag-aalinlangang sagot ni Kalvin.” Ikaw ba, Marcus? Okay lang ba ang picture na ito?”

“Ha? Bakit akong tatanungin niyo diyan?”

“Malamang camera mo yan eh.”

“Eh kung sa akin, okay lang naman kaso sa inyo ba?”

“Okay na yan guys. Daming arte eh. Let’s go na. Ipasa na natin yan!” masayang sabi ni Nicole.

“Teka! Sabi mo kailangan ng title yan? Tsaka isang phrase or sentence? Anong ilalagay natin dyan?” tanong ni Joy.

Napatingin naman silang tatlo kay Kalvin. “Oh ba’t ganyan kayo makatingin sa akin?”

“Eh ikaw dyan ang magaling sa ganyan eh,” sabi ni Joy.

Saglit namang nanahimik si Kalvin bago siya ulit magsalita. “Eh kung Taal’s Finest kaya? Tapos ang catching phrase, ‘ang tropang walang kapares, lahat sila mapapanis!'”

“Eww naman. Napaka-jologs naman niyan. Haha,” sabi ni Joy.

“Eh di kayo mag-isip.”

“Kung ‘With a Smile’ kaya? Tapos ang phrase ay, ‘the world may hurt us, but we still smile with a class’?” mungkahi ni Nicole.

“Panget, parang kanta lang ng Eheads eh,” tugon ni Kalvin.

“Kung ‘Treasures That We Preserve’ kaya? Tapos ang sentence ay, ‘Our smile is the most precious thing we can share to the world?” tanong ni Joy.

“Nye. Para kasing pang-slogan o poster making ng DENR yung suggestion mo eh,” sabi ni Kalvin.

“Grabe naman yang pambabara mo sa suggestion ko ah. Ikaw ba may naiisip pa?”

Nanahimik naman silang lahat dito. Patuloy silang nag-iisip ng mailalagay nila kaso walang pumapasok sa isip ng tatlo. Si Marcus naman ay nag-iisip din ng magandang title dito. Yun nga lang, ang pumapasok na mga salita sa isip niya ay: ngiti, totoo, masaya at kasama.

“Oy Marcus, alam ko yang tinginang ‘yan, may naisip ka ano?” tanong ni Kalvin.

Nailang tuloy si Marcus sa tingin ng mga kasama niya. Saglit siyang nag-isip bago magsalita. “Kapag ba tinignan niyo itong picture, ano yung unang pumapasok sa utak niyo?”

Napatingin naman sila ulit sa picture nila. Saglit na nag-isip ulit si Marcus bago magsalita.

“Sa akin kasi ang unang naiisip ko kapag nakikita ko yung picture is yung pagiging authentic nung shot, kung paano tayo naging totoong masaya dito at kung paano tayo nakuhanan at the exact moment na gusto natin yung ginagawa natin.”

“So ano ngang naisip mong title?” medyo atat na tanong ni Kalvin.

“Eh di, ‘The Anthem of our Hearts’,” walang alinlangang sagot ni Marcus.

“Ha? Saang baul mo naman nahukay yan? Ang lalim ah! Pero in fairness, maganda yan. Eh ano namang phrase?” tanong ni Joy.

“Siguro, pwede na ang ‘The Smile that reflects our Hearts.’”

Napatulala naman silang tatlo sa nagsalita. Hindi nila inakalang ganyan ang makukuha nilang sagot dito.

“Dapat pala sa iyo na lang kami nagtanong eh! Tara! Tara! Let’s print na! Tapos magpasa na tayo, malapit na ang deadline nung contest!” masiglang anyaya ni Nicole.

Kaya dali-dali naman silang nag-ayos at nagpasa sa committee ng kanilang picture. Yun nga lang, 5 p.m. pa daw sila magbibigay ng resulta kung sinong nanalo. Magte-text daw sila kapag ilalabas na ang resulta. Kaya para mapawi ang inip, napagdesisyunan nilang pumunta muna sa Starbucks.

“Nawiwili kayo sa pagkain ah. Babayaran niyo yan!” pang-aasar ni Kalvin.

“Napakakuripot mo talaga! If I know, nagpapalakas ka lang sa amin. Bumili ka pa nga ng Frappuccino,” pang-aasar din ni Nicole kay Kalvin.

“Para sa kaalaman mo, P1000 na ang nagagastos ko sa’yo, Nicole. Di pa kasama yung kina Marcus. Grabe namang digestive juices yan.”

“Bakit P1000 agad yung sa akin?”

“Eh sinolo mo yung isang pizza kanina eh. Nakakahiya naman sayo.”

Tahimik lang si Marcus kasi naiinitan siya kahit naka-aircon sila sapagkat naka-wig pa din siya. Buti na lang sila lang ang tao sa loob. Inisip niya muna kung tatanggalin niya sa harap ng kasama niya bago niya ito tanggalin. Muntik naman sumigaw si Nicole nang makita niya na artista ang kanina niyang inuutusan. Walang nagawa si Marcus kundi bigyan ng autograph ang fan niya na si Nicole para lang manahimik ito. Tawang-tawa naman sila Joy sa asta ng artista sa kanyang fan. Maya-maya’y natigil ang pagtawa nila nang nagsitinginan si Joy, Kalvin, at Nicole kay Marcus kaya nailang siya sa kanila.

“Bakit?”

“Sabihin mo nga,” panimula ni Kalvin. “Paano mo naisip iyon?”

“Ang alin?”

“Yung title tsaka yung phrase.”

“Eh wala lang, yun agad naisip ko eh.”

“Grabe naman yang utak mo ah,” tanong ni Joy.

“Hindi naman sa ganun,” sabi ni Marcus habang nakangiti. “Actually kanina pa talaga bumabagabag sa akin yung mga usapan niyo. Simula pa lang ng nagkasama-sama tayo hanggang sa mga usapan niyo na siguradong-sigurado kayong alam niyo ang gusto niyo. Kaya kanina napapatanong ako kung bakit kayo masaya, ako parang hindi? Ano nga ba talaga ang gusto ko? Bakit nga ba hindi ako masaya? Bakit nga ba ako tanong ng tanong sa inyo ng bakit?”

Nanatili naman silang tahimik sa monologue ni Marcus. “Oo, nakakapunta ako ng ibang bansa. Meron akong pera at kotse. May pamilya, mga kaibigan at magandang trabaho. Pero bakit ganun, bakit hindi pa din ako masaya? Bakit parang may kulang pa din?”

Patuloy silang kinain ng katahimikan nang biglang nagsalita si Kalvin.

“Eh bakit ganun ang naisip mong title kanina? Ang ganda ng naisip mong ideya kanina pero ganyan na pala ang nararamdaman mo?”

“Hindi ko nga lang din alam eh,” napaisip si Marcus bago siya magsalita ulit. “Siguro iyon yung hinahanap ko?”

Napangiti naman si Joy kay Marcus sabay sabi ng, “alam mo na ngayon ang sagot sa mga bakit mo kanina?”

“Oo. Alam ko na. Kaso nga lang, paano ako sasaya? Susundin ko din ba ang puso ko?”

“Wag laging follow your heart. Madalas kasi transitory yan. Madaling mauto ng emosyon at hindi ka makakasigurado kung tama ba yung pinaglalaban niyan. Pwede mo namang sundin iyan kung sigurado kang tama yung nasa puso mo at maging yung pinaglalaban nito,” sagot ni Kalvin.

“Eh paano nga ako magiging masaya kagaya nila?” desperadong tanong ni Marcus.

“One word, CONTENTMENT. Kasi relative ang pagiging masaya,” biglang sabi ni Nicole.

“Tama naman si Nicole. Ang pagiging kuntento sa buhay ang isa sa magpapasaya sa atin. Aanhin mo nga ang yaman mo kung hindi ka pa din kuntento diba? And the sad thing is that comparison kills contentment. Kaya hanggang ngayon sobrang daming hinahanap ng tao. Tingnan mo, yung ibang tao kanina todo compare sila nung mga picture nila. Kaya ang ending? Eh di hindi na sila nakuntento sa ganda ng kuha nila. Okay na yung picture nilang pinasa kaso kinuha ulit, nainggit eh. Iniisip kasi nilang mas maganda yung sa iba kesa sa kanila. Kaya nagiging malungkot ang buhay ng isang tao is simply because of comparison. At dahil sa comparison, we try to blend and please everyone, and try to imitate them. The ending? Sila yung nag-grow. Ikaw hanggang tingin ka na lang sa kanila.” sabi ni Kalvin.

Nanatiling tahimik si Marcus kaya nagsalita ulit si Joy.

“Mahirap mabuhay ano? Mas mahirap yung mabuhay ka pero patay ka naman sa loob kasi hindi ka na masaya. Pero ganyan talaga ang buhay eh. Minsan kailangan mong maging malungkot para sumaya, minsan kailangan wala kang alam para alamin mo, at minsan kailangan mong mabasag para mabuo ka,” nakangiting tugon ni Joy.

Napatulala naman si Marcus sa sinabi ni Joy. Nabasa kasi nila ang nasa isip ni Marcus.

“Ganun talaga. Timothy Kalvin ang pangalan ko. Ako nga dala-dalawa na ang pangalan pero nahirapan akong malaman kung sino ang tunay na ako at kung ano yung nagpapasaya sa akin. Kailangan pang may magpaalam para ipaalam sa akin ang hindi ko alam. Kailangan ko pang masaktan para lang gumaling ang sugat na hindi ko malaman ang tunay na gamot,” sabi ni Kalvin.

“Based from experience ko kasi nagiging masakit na ang dating nagpapasaya. Naging artista ako kasi pinilit ako ng magulang ko. Para daw may magtuloy ng pangalan namin. Oo, gusto ko din mag-artista, pero habang tumatagal, parang may kulang. Hindi na pala ako masaya. Pero tinuloy ko pa ding mag-artista para habang umaarte ako, iniisip kong iba ang katauhan ko at meron akong ibang buhay na ginaganapan.”

“Ako nga din, nangyari na din iyan sa akin. Dati kasi pinangarap kong mabuhay sa buhay ng iba pero dahil sa may nakausap ko, naliwanagan ako. Kinailangan ko pang manguha ng fries sa iba para lang maintindihan ko kung ano ba talaga yung tunay na kahulugan ng salitang kasiyahan,” sabi ni Joy na sadya namang hindi maintindihan ni Marcus ang huling pangungusap na sinabi nito. Itatanong niya sana kaso iba ang lumabas sa bibig niya.

“Ano ang gagawin ko?”

“Alamin mo kung sino ka, hindi yung sino yung gusto ng mga tao sa paligid mo. Pero sa tingin ko, alam mo na kung sino ka talaga o may clue ka na, diba?” sagot ni Kalvin. Sumang-ayon naman si Marcus sa sinabi nito. Tapos nagsalita na din si Joy, “Kapag nalaman mo na kung sino ka, alamin mo kung ano yung magpapasaya sa iyo. Huwag mong hayaan ang mundo na pumigil sayo na maranasan mo ang tunay na kasiyahan.”

“Ang dami ko na palang maling mindset, kailangan ko na palang kalimutan yung mga mindsets kong nagdala sa akin dito para maiba na kung sino yung magiging ako,” sabi ni Marcus.

“Ano ba yang mindsets mo?” tanong ni Nicole.

“Na mag tuloy-tuloy sa buhay. Na kahit ano mang problema magtutuloy pa din sa buhay.”

“Eh anong mali dun?”

“Wala lang, sa akin kasi, nagtuloy-tuloy nga ako, kaso ang motive ko ng pagtuloy-tuloy ay gusto ko palang takasan yung problema ko habang umaarte ako unconsciously.”

“Ah. So ganito, nagpapatuloy ka sa daloy ng buhay mo, pero at the same time, dala-dala mo pa din yung problema mo? Kaya ba ang lagay, mas mahirap palang tumakbo kasi may maleta ka pang dala?” tanong ni Kalvin.

Saglit na napaisip si Marcus.

“Oo. Parang ganun.”

“Bakit mo naman kakalimutan yan? Hindi mo mararating kung sino ka ngayon kung kakalimutan mo yung experiences mo. Who you were does not define who you can become. Mag-improve ka! Make a decision to be more than you’re in now,” biglang sambit ni Nicole na nakangiti kaya nagulat sila dito.

“Wow, talino talaga ni Nicole oh!” pang-aasar ni Kalvin.

“Ewan ko sayo. Haha,” tugon ng inasar niya.

“Pero tama talaga si Nicole, you can always strive to be more than yourself. Kaya may mga kaibigan tayo eh. Sila ang tutulong sayong tumayo, para kapag nagkasugat ka kasi nadapa ka, may tutulong sayong bumangon ulit. Para sa huli, kapag nasa rurok ka na ng tagumpay, hindi ka na malulungkot. Dati Mt. Apo lang inaakyat niyo, ngayon Mt. Everest na! Hindi mo na mapapansin ang taas kasi may kasama ka diba?” sabi ni Joy.

“Eh papaano kapag nadapa ka, nakatayo ka na nga, ibig sabihin ba nun, nakaakyat ka na sa itaas?” nalilitong tanong ni Marcus.

“Ano ba ang definition mo ng, ‘taas’?” tanong ni Joy.

“Yung kapag nakuha ko na yung pangarap ko.”

Tumango lang si Joy.

“Sa akin kasi, hindi ka naman talaga agad makakaakyat sa taas. May mga panahon na madadapa ka ulit, may mga panahon na magdadagasa ka. Pero in the end, choice mo na lang kung tatayo ka at aakyat ka. Choice mo kung pipilitin mong umakyat kahit magkasugat ka man, kahit magkagalos ka man, at kahit mapagod ka man,” sagot ni Joy. Patuloy silang nanahimik sa monologue ni Joy.

“Because in the end,” pagpapatuloy ni Joy. “In every mountain that we are facing in this life, the thing that is always tested on our journey is our resolve. Bakit ka nga ba magpapatuloy? Bakit mo nga ba pipilitin ang sarili mo na umakyat? Dahil nga ba sa view kapag nasa taas ka na? Dahil gusto mo na lang tapusin ang pag akyat ng bundok mo kasi pagod ka na? O dahil nakikigaya ka na lang sa mga taong umaakyat din kasi natatakot kang mapag-iwanan?”

Patuloy na nanahimik si Marcus. Hindi niya kasi alam kung anong isasagot niya.

“Masasabi kong nasa taas ka na kapag nakakaya mo nang tumulong sa ibang taong nahihirapan makaakyat pataas. At nakakaya mong magbigay ng tulong sa iba kasi gusto mong may makasama kayo pataas. Para sabay-sabay kayong mag-eenjoy sa view sa taas. Ayaw mo nun, may kasama kang mag-aadmire sa ganda ng view sa taas. Kasi magmumukha tayong baliw sa taas ng bundok kapag tayong mag-isa lang ang kumakausap sa atin.”

Ngumiti muna si Marcus bago siya magtanong ulit.

“May tanong ako. Bakit niyo sa akin sinasabi yan? Bakit niyo ako tinutulungan?”

“Malamang. Nagtanong ka eh. Haha. Kidding. Kasi napapansin namin kanina pa na may kakaiba sa iyo. Para kang isang taong naka sapatos na walang sintas. Nakakaya mong maglakad-lakad at kung saan makapunta pero at the end of the day, kulang yung sapatos mo. Kulang yung nagba-bind sa sapatos mo para magpatuloy. Parang merong discomfort sa puso mo kasi alam mo naman na sintas pa yung kulang sa iyo pero hindi mo alam kung saan makakakuha at hindi mo alam kung meron pa bang tindahan na nagbebenta ng sintas lang. Wala na yung happiness.” sabi ni Joy.

“Wow. Sintas talaga yung analogy mo sa happiness ah.”

“Siyempre naman no. Parang sintas lang ang happiness. Hindi natin ito napapansin pero kapag nawala ito, halos sisihin natin ang sarili natin kasi sa dinami-dami ng mawawala, sintas pa talaga. Ang buhay parang sapatos, kulang kapag walang walang sintas. Pwede pa din nating isuot ang sapatos na walang sintas, yun nga lang, hindi ma-utilize ang gamit ng sapatos.”

Natawa naman sila kay Joy kasi sa lahat ng pwedeng ma-tripan na bagay, sapatos pa talaga. Pero kung sabagay, may punto naman si Joy.

“Finding the anthem of our hearts won’t be easy. Marami kang babanggain na pagsubok para lang malaman mo kung ano ba talaga ang gusto mo. Pero ito lang ang kaya kong siguraduhin sa iyo. Hindi ka mag-isa sa paghahanap nun. Nandito kaming mga kaibigan mong handang tumulong sa iyo para malaman mo na kung anong magpapasaya sayo. Nakakatuwang isipin na sa dami ng mga salita na maiisip mo, ‘The Anthem Of Our Hearts’ pa diba? Pero siguro ito na ang simula para alamin mo na kung ano nga ba talaga ang gusto mo,” sabi ni Kalvin.

At dahil sa sinabi ni Kalvin, nahanap na din ni Marcus ang sintas ng sapatos niya na nakatago lang sa bulsa niya.

Masaya si Marcus sa mga naririnig niya. Siguro, kung hindi siya sumama sa kanila, baka hanggang ngayon malungkot at inis pa din siya sa sarili kasi hindi niya alam kung bakit malungkot siya, na in the first place ay nasa tabi lang niya ang sagot. Oo, kumpara sa mga shooting niya, napakasimple lang ng nangyari ngayon. Siguro ganun talaga minsan ang buhay, hindi kailangang maging engrande para sumaya. Nandyan ang mga simpleng pangyayari sa buhay natin na tiyak na magbibigay sa atin ng tunay na ligaya.

Nahinto ang pagmumuni-muni niya nang nagsalita si Kalvin na sadya namang nakatulong sa kanya para tuluyang maging malinaw kung anong gusto niya.

“Kaya kung nalulungkot ka, nandito lang naman kaming mga kaibigan mo. Nandito kami para gabayan, turuan at itama ka kapag nagkakamali. Okay?” sabi nito.

Tumango naman si Marcus at nagpasalamat sa kanila. Napakaikli lang ng pag-uusap nila, pero ito na yung sagot sa matagal niyang mga tanong.

Maya-maya ay bumalik na sila sa venue para malaman ang nanalo. Yun nga lang, ni isang award ay hindi sila nanalo. Pero sa halip na malungkot sila, naging masaya pa din sila kasi kagaya nga ng sinabi ni Nicole kanina, “Wala namang masasayang kung ginawa mo naman ito kasi gusto mo diba?”

“Ganyan talaga eh, parang buhay lang. Hindi natin kayang hulaan kung anong mangyayari sa ating buhay. Pero kaya mong gumawa ng desisyon para makuntento ka sa mga nangyayari sa buhay mo. Desisyon mo kung manatili na lang dyan sa kalagayan mo kasi natalo ka. Lalaban ka para sumaya ka. Contentment isn’t just a disposition, it’s a decision,” sabi ni Kalvin kanina habang sinasabi kung sino ang mga nanalo.

Pagkatapos nilang malaman ang resulta, napagdesisyunan na nilang umuwi. Pero dumayo muna ulit sa isang fast food chain para kumain ng hapunan. Nag-excuse muna si Joy at Nicole para mag-CR. Dito, kinausap ulit ni Marcus si Kalvin.

“Kalvin, si Joy ay si Michelle din diba? Bakit Joy na ang tawag mo sa kanya?”

“Eh mahaba kasi ang salitang Michelle eh. Tsaka nasanay na din ako sa Joy.”

“Iniiyakan mo pa din ba siya?” pang-aasar ni Marcus.

“Ha? Grabe. Hanggang ngayon ba hindi ka pa din nakakapag-move on dyan?”

“Hindi ba dapat ako ang nagtatanong niyan sayo?” pang-aasar ulit ni Marcus.

“Grabe ka talaga. Naka-move on na ako. Hindi ba, nasabi ko na sa iyo yung rason kung bakit hindi ako nagpatuloy? Kasi may alinlangan ako. Kulang kasi ako sa conviction. Tsaka sa totoo lang, kuntento na akong magkaibigan kami. Sabi nga ni Nicole kanina, relative ang pagiging masaya at masaya na ako sa ganito. In fact, mas mahirap talagang makahanap ng kaibigan at saka hindi ko pa naman panahon. Kaya ngayon, lulubusin ko muna yung mayroon ako, kaysa pilit akong maghanap ng iba, diba?”

“Pero hindi ka ba natakot? Paano kung siya na pala at nasa kanya pala yung hinahanap mong kasiyahan?”

“Hindi naman ako natakot. Tsaka kung siya na nga, dapat malinaw na sa akin yun. Dapat hindi na ako nalilito kung siya na ba talaga. Tsaka, ang kasiyahan, parang pagmamahal. Hindi ito kinukuha bagkus ay binibigay. Ikaw, bilang artista, diba nasisiyahan ka kapag alam mong natutuwa sila sa iyo? Natutuwa sila sayo kasi binibigyan mo sila ng kasiyahan. Ganun lang ka simple.”

“Okay. Seryoso mo naman. Suko na ako,” sabi ni Marcus. Natawa na lang si Kalvin sa inasta ng kaibigan niya. Bigla namang napaisip si Marcus sa huling sinabi niya.

Mga 9 p.m. na ng makadating sila sa terminal ng bus.

“Marcus, don’t sleep in the bus ah! Baka manakawan ka!” pagpapaalala ni Nicole.

“At kung kailangan mo ng kausap, nandito lang kami. Don’t hesitate to talk to us!” dagdag naman ni Joy.

“Sige, salamat din sa mga payo niyo sa akin kanina ah! Hindi man tayo nanalo kanina pero naging masaya naman tayo. Tsaka hayaan niyo na lang yung promo sa Ilocos, ako na ang bahala sa outing natin. Haha,” sabi ni Marcus.

Tuwang-tuwa naman ang magkakabarkada sa narinig nila. Ilang saglit pa ay naghiwa-hiwalay na sila ng may ngiti sa labi nila. Buti na lang at mabilis ang biyahe kaya bago maghating-gabi ay nakarating na si Marcus sa condo niya. Kinuha niya ang phone niya sa lamesa tsaka siya nag text kay Christine na nakauwi na siya. Naglipat na din siya ng mga pictures sa laptop niya at nakita niya ulit ang picture nila. Kaya napaisip siya kung anong gagawin niya bukas. Sakto kasing may press conference siya para sa isang movie niya.

Pero bago siya matulog, naisipan niyang mag-twitter at maglagay sa wall niya ng naging summary ng araw niya kasi ito na ang nakasanayan niya. Nagpost siya ng maikling tula sa wall niya.

I found myself lost in my conclusion.

I escaped the prisons of my disposition.

I flew towards the peak, searching for the blinding sun that never dims.

But only to found out that I was light before I was a show.

Therefore, I will be the stars in a summer night and make it glow.

Flow and make everyone know what they don’t know.

 

Inisip niya muna kung ipopost niya ito. Baka kasi madaming mag-react. Pero wala naman talagang masama sa nilagay niya kaya hinayaan na lang niya.

Nagising na lang siya sa pagmuni-muni niya nang biglang nalaglag ang hawak niyang mic. Napatingin tuloy siya sa mga reporters na naghihintay sa sagot niya. Napatingin din siya kay Christine na halatang nag-aalala kung ano ang isasagot niya. Napatingin siya sa lahat ng taong nandoon na nakaabang na din kung paano siya sasagot. Naalala niya kung gaano kalungkot ang mundo. At naalala niya kung anong dapat na gawin niya. Kaya saglit siyang nag-isip bago siya sumagot sa mga ito.

“Fake news lahat yun! Huwag kayong basta maniniwala sa mga yun. Anong ibig sabihin ng tweet ko? Siguro, nagkaroon lang ako ng realizations. And I decided to be more than this, more than me. Though aaminin ko, for these past years, nagkaroon ako ng depression.”

Nagulat naman silang lahat sa sagot nito. Partida, hindi pa siya nag-spoil para sa movie niya pero ganun na ang reaksyon nila. Kahit si Christine ay gulat na gulat kasi napansin niya na tinanggal na ni Marcus ang kanyang maskara. Akmang magtatanong ulit ang mga reporter nang biglang nagsalita muli si Marcus.

“Maski ako, nagulat din ako sa na-realize ko. Kahapon ko lang kasi naintindihan kung bakit parang may kulang, kung bakit hindi ako makuntento at kung bakit ang dami kong tanong. Ito na pala ang tinatawag nilang depression. Lahat ay kayang atakihin nito. Mayaman o mahirap ka man, may kasama o mag-isa ka man, public figure o kahit normal lang na tao ay hindi ligtas dito. At ang pinakamahirap sa depression ay hindi mo alam, kinakain na nito ang pagkatao mo. Mahirap malaman kung ano ang magpapasaya sa iyo, pero mas mahirap yung hindi mo alam na hindi ka na pala masaya,” sabi ni Marcus.

Patuloy naman silang nanahimik kaya nagsalita ulit siya.

“Pero nagpapasalamat ako sa mga taong hindi lang tumulong sa akin, kundi nagpaintindi at nagparamdam sa akin ng tunay na kasiyahan. Lahat tayo prone sa depression, pero lahat naman tayo may choice din kung lalaban tayo dito at kung hihingi ba tayo ng tulong sa iba. And the only way to fight our depression is to know what is the anthem of our hearts. And the only way to know the anthem of our heart is to know what is our purpose. Kasi kung alam mo kung bakit ka nabubuhay, malalaman mo na din kung ano yung tunay na magpapasaya sayo.”

Nanahimik silang lahat sa sinabi ni Marcus. Kasi ang rason lang naman talaga kung bakit sila nandito ay para malaman kung ano na ba talaga ang estado ng artistang ito at para malaman ang update para sa movie niya. Hindi nila inakala na ang isang batang artistang ito ay may kakayanang magsalita ng ganitong kalalim.

“So ano na ang susunod mong gagawin pagkatapos mong malaman ang lahat ng ito?” tanong ng isang reporter.

Napatingin muna si Marcus kay Christine na talent manager niya na tumango sa kanya na parang naintindihan na niya kung anong gagawin ni Marcus, sabay tingin sa mga camera na nasa harap niya at napangiti sa reporters na nakapalibot sa kanya.

Napangiti siya kasi sa unang pagkakataon ng buhay niya, sigurado na siya sa gagawin niya. At sa unang beses ay gagawa na siya ng desisyong naaayon sa kung anong gusto niya.

Ngayon, gagawin na niya kung ano ba talaga ang gusto niya kasi nalaman na niya kung bakit siya nabubuhay.

Ikaw ba, do you know what is the anthem of your heart? Kung alam mo na, ano na ang susunod mong gagawin? Pero kung hindi pa, are you willing to know the anthem of your heart?

-END

Destination _

2 thoughts on “Destination : The Anthem of our Hearts

  1. This story has a lot of sense and essence. At first, it will be a usual one, yet in the end, the writer tackles one of the most speak of topic now a days. I hope may part 2 on this. Kung ano nangyari kay Marcus? 🙂

    Regardless, nice story line.

    Liked by 1 person

  2. This story taught me that we have to know our purpose. Masayang maging masaya kapag alam mo ang dahilan ng bagay na nagpapasaya sa ‘yo

    Like

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s