Destination Series

Destination : Unknown

30874939_10209852267458134_1371239182_n

DESTINATION Series: Part 1

 

Wala nang mas sasaya sa mga bagay na hindi natin kayang makuha.” sarkastikong reklamo ni Timothy habang humaharurot papalayo ang inakala niyang masasakyang jeep papuntang Cubao. Kung sabagay, normal lang ang naging reaksyon niya sa isang taong apat na beses ng sumubok pero hindi pa rin makasakay ng jeep. Kung tututusin, sadyang mapili lang talaga siya sa jeep na sasakyan. Tinatamad kasi siyang makipag unahan sa mga taong agit na agit makasakay. Tapos aasa pa ba siyang makakasakay, dito sa Divisoria ng alas singko ng hapon?

February 14. Valentines day na naman na kung saan nagkalat ang madaming tao, mababangong bulaklak, at masasarap na chocolate. Kaya natural na madaming nagkalat na sasakyan. Hindi na siya magtataka kung gabihin na siya ng uwi.

Dalawang oras. Dalawang oras na siyang nag aantay ng jeep na masasakyan. Dalawang oras na ang ginugol kung kakausapin ba niya ang katabi niyang kanina pa din nag aantay ng masasakyan.

‘Kung hindi lang dahil dito sa taong ito, kanina pa sana siya nag taxi pauwi.’ natatawang iniisip ni Timothy. Balak na sana niyang tapikin at kausapin ang kanyang gustong kausapin nang may pumarada nang jeep na walang pasahero sa harapan nila. Kaya dali-dali silang sumakay sa harap ng jeep, sa tabi ni Manong Drayber.

“Sakay na. Sakay na! Animan ang kaliwa’t kanan niyan! Aalis na, aalis na!,” masiglang-masigla na sabi ni Manong.

Agad namang napuno ang jeep na nasakyan nila na parang nagmamadaling makaalis sa pwesto nila, kasi sa may pedestrian pa nagsakay. Kaso bago pa man makaporma ng harurot ang jeep ay tila napansin agad nito ang kalbaryo ng traffic sa harapan.

“Manong, ba’t po traffic?” Sabi ni kuyang nasa likod ng inuupuan ni Timothy.

“May naaksidente kasing truck sa Recto, kaya abot dito ang traffic,” tugon ni driver.

Tila bakas sa mga pasahero ang yamot sa narinig nilang balita kaya’t ang iba ay nagpasyang matulog na lang, ang iba’y nag-soundtrip, ang iba pabibong sumasabit sa jeep sa walang kadahilanan. Bakit nga ba kinailangan nilang mag jeep kung mas mabilis pa naman silang maglakad kaysa dito?

Mag-aabot na sana si Timothy ng bayad nang maunang nagsalita at nagbayad ng P200 ang babaeng kasabay niyang sumakay sa tabi niya, “Manong bayad oh. Bahala na po kung saan bababa. Sa inyo na po ang sukli.”

Siguro sadyang nasilaw ang drayber sa pera kaya hindi na siya nagtanong pero sobrang nagtaka si Timothy sa babaeng ito.

Ay, may pangalan nga pala siya, siya si Michelle. Matagal na niya itong kilala ngunit hindi ata maalala ni Michelle na may taong nag-ngangalang Timothy na minsa’y nagkaroon ng maliit na parte sa buhay niya.

“Kuya, sa Cubao lang po,” sabi ni Timothy sabay bigay ng pamasahe.

Matutulog na sana siya ng maalala niyang may binili siyang fries sa Mcdo kanina na medyo naipit na sa bag niya. Kaya agad niya itong binuksan at kinain. Hindi niya alam kung sinong mas sabaw, siya na sa di malamang kadahilanan ay tinapat ang side mirror ng jeep sa mukha niya na kumakain, o kay Michelle na mas mabilis pa sa alas kwatro na kumuha sa fries niya. Hindi na tuloy siya naka-react sa ginawa nilang dalawa.

Nasa kalagitnaan na si Michelle ng pagnguya ng fries nang naala niyang kinuha niya ito sa estranghero. “Ay, kuya sorry po. Akala ko po sa akin,” natatawa’t nahihiya niyang sabi sa kinuhanan niya. Di niya tuloy alam kung ibabalik niya pa ba yung fries.

“Okay lang, masarap naman yan eh. Haha. Kumuha ka lang,” tugon ng lalaki.

Tila ngayon lang napansin ni Michelle na pamilyar nga ang lalaking nakuhanan niya ng fries. “Timothy? Ikaw ba yan? Ang laki ng pinagbago mo ah!” gulat na gulat niyang sabi.

“Oo. Ako to. Grabe, ngayon mo lang napansin na ako to. Palibhasa nag-Ateneo ka lang, di ka na namamansin.” pang-aasar ni Timothy.

“Oy! grabe. Hindi naman. Sadyang di ko lang talaga napansin na ikaw na yan! Ang laki na ng pinagbago mo kumpara nung highschool ah. Wala ka nang salamin, tapos tumaba ka, tapos hindi ka na mukhang dugyot!”

Hindi tuloy alam ni Timothy kung matutuwa siya na naalala na siya o mabubwisit kasi yun pa ang naalala sa kanya. Kaya minabuti na lang niyang tumawa at nagtanong ng, “Kumusta?”

“Eto, mayaman na. Char! Nag-aaral pa din. Mahirap pala talaga ang accountancy noh? 4th year na ako. Tapos may hahabulin pa. Haha. Ikaw ba?”

“Eto, 4th year din. Dami ko pang hahabulin na subject eh, ECE. UP Diliman,” sabi ni Timothy.

“Ahh,” tugon ni Michelle. Kung sa normal na pagkakamustahan ng mga magkaklase ng hayskul dito na natatapos ang isang tipikal na kamustahan kaso buti na lang at low bat ang phone ni Timothy at hindi dala ni Michelle ang phone niya kaya wala silang magagawa kundi magkwentuhan para mabawasan ang inis sa traffic na nagpapabagal sa jeep nilang di pa din nakakarating ng Recto.

“Anong trip mo at dumayo ka ng Divisoria?” usisa ni Timothy.

“Ha? Ah, bumili lang ako ng damit tsaka tumambay.”

“Grabe, kuripot ka pa din. Taga-Ateneo ka, pero pang divi damit mo? Haha,” pang-aasar ulit ni Timothy.

“Hindi naman. Gusto ko lang talaga kasing magliwaliw. Haha. Ikaw ba, anong binili mo?”

“Lalagyan lang ng sabon,” sabay pakita ng plastic, “tsaka mga laruan ng pamangkin ko.”

“Kuripot ka din naman eh. Ba’t di ka na lang sa Gateway o kaya sa Shangri La bumili? Haha. Kaw talaga eh,” Hagalpak na sagot ni Michelle.

“Ehh, wala eh,” di na makasagot ng matino si Timothy na saktong nakatingin sa mismong aksidente sa recto. Nakikita nilang inaayos na ng DPWH ang truck na nakataob. Dito na nagsimulang nagsalita si Timothy na parang may pinaghuhugutan.

“Ganyan talaga, mali na nga ang pinaglikuan, sobrang bilis pa. Nasayang tuloy yung kita nila.” nanghihinayang na sabi ni Timothy habang tinitingnan ang mga nakakalat na soft drinks sa daan.

“Malay mo naman kasi nagmamadali sila. May hinahabol na quota, judgemental ka, Haha,” sabi ni Michelle na natatawa sa komento ng kausap niya.

“Tingnan mo,” sabi ni Timothy na tinuturo yung aksidente, “Kahit na importante, nagmamadali, o kung ano pa man yun, hindi nila maitatanggi na madami silang na perwisyo, daming consequences nung pagmamadali nila na wala naman sa lugar.”

“Grabe. Dami mo namang sinabi, taga-UP ka nga, Haha.”

“Di naman. Sa akin lang kasi, kahit na tama ang rason nila pero mali naman ang ginawang solusyon, wala din. Kasiraan pa din ang kahahantungan niyan,” tila may lamang nasabi ni Timothy.

“Oo na, oo na. Grabe naman to, Haha. I rest my case.”

“Sorry. Haha. Gusto mo pang fries?” sabay alok sa babae na saktong kukuha na nga ulit. Halos kalahating oras na kumakain ng fries habang tinatanong sa sarili kung makakauwi pa ba sila sa ganitong bilis ng biyahe nila.

“May tanong ako,” sabi ni Michelle habang nanguya ng fries.” Ba’t nga ba nagmamadali ang mga tao?”

Bigla namang nagtaka si Timothy sa biglaang tanong ni Michelle habang nakatulala sa medyo malayong view ng UE. “Ewan ko. Baka yung iba kasi may hinahabol na oras, yung iba baka maiwanan ng hinahabol nila, at habang yung iba naman, alam nila yung pupuntahan nila at alam nilang importante yun kaya siguro di nila mapigilang magmadali,” sabi niya.

“Paano kapag hindi nagmamadali, ibig sabihin ba nun hindi nila alam ang pupuntahan nila?”

“Hindi naman sa ganun. Though yung ibang tao ganun talaga, pero may iba namang tao na alam na ang pupuntahan nila kaso hindi pa naman talaga yun yung oras para habulin yun eh,” sabay tingin sa kausap niya. “Ikaw ba Michelle, kapag may pasok ka ng 7:30 ng umaga tapos nagising ka ng 4 a.m., eh taga Katipunan ka lang naman. Magmamadali ka ba?”

“Depende. Lalo na kung thesis yan. Baka nga dun na ako matulog sa gate para makapasok ng maaga eh. Mas lalo na kapag kailangan mong magpapirma.” natatawang tugon ng kausap nito.

“O diba, alam mo kasing importante kaya may clue ka kung magmamadali ka.”

“Haha, siyempre thesis yun, mahalaga yun,” sabi ni Michelle.

Nanahimik silang dalawa na tila nag iisip ng tanong para mapahaba pa nila ang usapan nilang dalawa. Nagsimula namang magtanong ulit ang lalaki sa kanya.

“Eh ikaw ba sa oras na ito, saan ka dun sa dalawa, sa nagmamadali o hindi?” tanong ni Timothy.

“Sa hindi nagmamadali, ikaw ba?”

“Dun din sa hindi nagmamadali.”

“Gaya-gaya ‘to, Haha.”

Natatawa naman sila sa mga usapan nila, pero hindi nila mapigilang magtanong ng magtanong para lang maibsan ang pagkabagot ng biyahe nila.

“Eto, may tanong ako. Hindi ka nagmamadali kasi alam mo kung ano yung pupuntahan mo at alam mong hindi pa naman kailangang magmadali, o sa hindi mo lang talaga alam ang pupuntahan mo?” tila pinag-isipang tanong ni Timothy.

“The latter.”

“Iba maka-English oh. Haha. Hindi mo alam na alam mo o alam mo na hindi mo alam?”

Naloka naman si Michelle sa kausap nito, “Anong nahithit mo ngayon? Mga tanungan mo eh, haha.” Napansin naman niya na nag-aantay pa din ang kausap niya ng sagot.

“Ewan ko,” panimulang pagsagot ni Michelle,” Baka hindi ko lang alam na alam ko. Pero hindi ko naman hahayaan na forever kong hindi malaman. Gagawa at gagawa ako ng paraan para matuto. Ah basta yun na yun. Ano ba naman mga tanong mo. Ikaw kasi eh. Haha.”

“Anong ako, ikaw kaya ang nagsimula ng, ‘Bakit kaya nagmamadali ang tao,’ dyan eh.”

“Ikaw kaya, may pahugot-hugot ka pa diyan nung nakita mo yung aksidente. Haha.”

“Ewan, haha.” natatawang sagot ni Timothy na parang may gustong sabihin kaso pinigilan niya lang ang sarili niya.

At tuluyan na ulit silang nilamon ng katahimikan habang nakamasid sa kanilang bumibilis na andar ng jeep na ngayo’y pabagal na ulit na takbo nito papuntang Legarda.

“Ano na namang ganap dito? Lakas makabagal ng biyahe eh,” yamot na reklamo ng isang pasahero sa likod.

Bago pa man sila sagutin ng drayber, narinig na nila ang sigaw ng mga rallyista na umaalingawngaw sa mainit na hapon na ito. Mga taong humihingi ng hustisya, mga taong pumapalahaw ng kanilang hinanakit, mga taong nagsusumamo na mapansin sila ng ginagambala nilang gobyerno. Nakakatawang isipin na ang mga aktibistang ito ay nag-celebrate ng Valentines day sa lansangan. Pero anong magagawa nila, ito yung pinaglalaban nila eh.

“Haynako. Traffic na naman. Badtrip na mga aktibista na to eh” reklamo din ni Manong drayber.

Napatingin na lamang sila ng may pagkayamot sa labas kung saan sumisigaw na ang mga rallyista.

“May tanong ako,” pagbabasag ng katahimikan ni Timothy.

“Parang kinakabahan ako sa tanong mo ah. Haha.”

“Sira! Haha. Nililibang ko lang ang sarili ko. Nakakabagot eh, haha.”

“Sige na nga, ano yun?”

“Bakit nga ba may taong nalaban?” tanong ni Timothy.

“Lakas din talaga ng trip mo eh ano?” napaisip naman rin talaga si Michelle dun. “Siguro kasi may gusto silang makuha, may gusto silang makamit kasi hindi sila kuntento, ganun.”

“Meron ba talagang nakukuntentong tao?”

“Oo naman. Kaso madalas, sa iba naka-focus yung mga tao. Di nila alam, nasa kanila na pala talaga yung gusto nila pero pinipilit pa rin nilang ipaglaban yung hindi naman talaga dapat sa kanila. Mga sugatan, di naman tama ang pinaglalaban. Kaya walang nakukuntento,” parang naiinis na sagot ni Michelle.

Nagulat naman si Timothy sa babae. Gusto niyang kamustahin kung anong nangyari, kung bakit ano ang problema pero ito ang lumabas sa kanyang bibig, “Paano mo ba malalaman kung tama yung pinaglalaban mo?”

“Kailangan ko ba talagang sagutin yan?” sabay tingin niya sa kausap niya na nakatingin din sa kanya ng seryoso. “Nakakatakot pala yung boredom mo ah. Haha. Pero siguro, malalaman naman talaga ng tao na tama yung pinaglalaban niya if they cannot live without the thing they’re fighting for. If they know how much important and awesome if they manage to get what they’re fighting for. Yes. Mahirap talagang mabuhay na lumalaban. But if we do not continue to fight for what we believe, if we do not chase our dreams by fighting, baka nabubuhay nga tayo pero at the same time, namamatay din tayo sa loob natin.”

“Grabe. Taga ateneo talaga oh. Ako ang nagugulat sa mga sagutan mo eh.” Natatawang sagot ni Timothy sa english ni Michelle.

“Ikaw kasi, dami mong tanong haha. Ay Timothy.”

“Oh?”

“May tanong din ako sayo.”

“Oh ano yun? Calculus ba yan?” pang aasar ni Timothy.

“Sira, hindi. Seryoso to.” sabi ni Michelle. Kaya napatingin si Timothy sa kausap niya na mukha talagang seryoso. Kaya inantay na lang niyang mag salita ito.

“Normal bang masaktan kapag lumalaban?” tanong ng babae.

Napatingin naman si Timothy sa school ng Arellano na tila dun hinahanap ang kasagutan. “Oo naman. Minsan talaga masasaktan tayo. Pero kailangan natin malaman kung worth it ba yung lahat ng sakit na mararamdaman mo. Para pag nakuha mo na yun, mas ma-appreciate mo kasi ang dami mo nang napagdaan para makuha yun eh. Haha.” sabi niya. Napatango naman si Michelle sa sinagot ng kausap niya.

“Ay iba ka din sumagot. Lalaban ka pa sakin eh. Ano, may tanong ka pa?” sarkastikong tanong ni Michelle.

“Mahalaga bang lumaban? O mahalaga ang ipaglalaban? Alin dun sa mga tanong ang mahalaga sa iyo kapag lalaban ka?” sunod-sunod na tanong ni Timothy na hindi napansin ang sarkastikong tanong ng kausap niya.

“Ha? Hindi ko maintindihan. Paano ko sasagutin yan kung hindi maintindihan?”

“Bahala ka. Kung paano mo naintindihan ang tanong ko.”

Napaisip naman si Michelle ng matagal bago makasagot. “Siguro mas mahalaga or should I say, mas nag-mamatter sa akin yung una, yung ‘mahalaga bang lumaban’. Kasi yun yung pinaka nag-hihinder sa atin para lumaban eh, opinion lang ah. May hesitation tayo kung bakit tayo lalaban. Hindi natin alam kung worth it ba kapag lumaban. And kapag nasagot na natin yung tanong na yan, mas madali o should I say, mas kaya na nating lumaban.” Pinalakpakan naman ni Timothy ng dahan-dahan ang kausap nito na parang nanalo sa Question and Answer ng Miss Philippines.

“Eh ikaw, ano yung tanong na magiging mahalaga sayo?”

Napatigil naman sa pagpalakpak si Timothy sa kanya tapos saglit na inisip ang sagot niya. “Siguro,” panimula niya. “Yung pangalawang tanong. Yung ‘mahalaga yung ipaglalaban’. Kasi aanhin mo yung paglaban mo kung hindi naman mahalaga? Or hindi mo alam kung mahalaga? Pero at the same time, yun din ang pinaka main reason kung bakit lalaban ka. Either lalaban ka kasi mahalaga o lalaban ka para malaman ang halaga. Simple as that.”

Pinalakpakan naman din ni Michelle ang kausap niya na parang nanalo sa patimpalak. Pero sa totoo lang, naweweirdohan na silang dalawa sa sagot nila. Ganun ba talaga ang epekto ng usok at pagkabagot sa kanila? Masamang kombinasyon pala talaga ito.

“Paakyat pa lang tayo ng Nagtahan. Malayo-layo pa tayo. Wala ka na bang tanong? Humor me. Haha.” nanghahamon na asar ni Michelle.

“Sige. Last na tanong na lang. Ano yung pinakamasakit kapag lumalaban?”

Nag-isip naman ang babae sa tanong niya. “Para sa akin, kapag nalaman kong mali naman pala talaga yung pinaglalaban ko. Iisipin ko kung lalaban pa ba ako? Basta ganun. Haha. Ikaw ba?”

“Drama mo naman. Haha. Para sa akin naman, pinakamahirap lumaban kapag yung pinaglalaban mo ang mismong lumalaban sa iyo. Pero in the end, gusto mo pa ding lumaban kahit parang susuko ka na dahil alam mong lumalaban sayo yung pinaglalaban mo.”

Napatingin naman si Michelle sa kausap nito na hindi niya mabasa kung masaya ba ito o malungkot. Akala niya nung una naka hithit ng droga pero parang mas malala pa pala. Ngayon lang niya napansin na ang layo nitong taong ito sa batang palaging kumakanta sa videoke ng Lips of An Angel nung high school. Akala niya drama lang yung mga pagsagot nito kanina. Pero parang alam talaga yung sinasabi niya. Tatanungin na sana ni Michelle kung ano ba talaga itong trip niya pero nanahimik na lang siya at pilit na inabsorb ang sinabi niya.

“Ano, natahimik ka dyan? Haha.” pagbasag ulit ni Timothy ng katahimikan.

“Wala na akong matanong eh. Haha.” tipid na sagot ni Michelle.

Kaya patuloy nalang talaga silang nanahimik at nagmasid na lang sila sa baba ng tulay ng Nagtahan habang nakikita ang mga batang naglalaro sa playground. Medyo umuusad ang sasakyan nila at saktong nasa tapat na sila ng Savemore ng mag react si Michelle sa madramang sagot kanina ni Timothy.

“Alam mo ba, may napansin ako. Bakit parang ang dadrama ng sagot mo? Ang lalim kasi eh.” tanong niya kay Timothy.

“Nagsalita ah. Haha. Pati kaya ikaw. Pero correction lang, hindi naman lahat ng malalim, madrama. At hindi din naman lahat ng madrama malalim. Hindi naman malalim yung mga sagot ko eh.”

“Fine. Point taken. Yung iba kasi talaga, bigla bigla na lang nagdadrama, mga humuhugot. Kaso sayang yung word, mali na nga ang pagkakagamit, nagiging mababaw pa ang kahulugan nito.” sagot ni Michelle.

“Bakit ba kasi humuhugot ang tao?” tanong ni Timothy habang nakatingin sa mga estudyanteng naglalakad sa gilid ng kalsada.

Tumahimik muna ng sandali si Michelle bago siya sumagot. “Siguro yung iba, dito nila na e-express ang nararamdaman nila. Pero yung iba kasi nakikiuso lang eh. Ikaw, ano sa tingin mo? Bakit nga kaya?”

“Baka kaya humuhugot ang tao kasi hinuhugot nila yung kutsilyong sinasaksak sa kanila ng mundo, conscious man or unconsciously,” sagot ni Timothy na hindi mo mawari kung may sinisisi. Nakasimangot na kasi siya sa kawalan eh.

Tila nagulat na naman si Michelle sa kausap nito. “Okay. Saan mo ba nakukuha yang mga quotable quotes mo? Daig mo pa ang Tumblr eh. Haha. Pero may point ka naman.”

“Nagsalita ah. Pati kaya ikaw. Grabe ka kaya makagawa ng quotes mo, haha.”

Nanahimik ulit sila at nakatingin sa stop light na umiilaw sa may tapat ng Jollibee sa Pureza. Habang nagmamasid sila, may biglang kinuha si Timothy sa bag niya, Chicken Burger. Inalok naman niya yung kasama.

“Grabe naman yang bag mo. May pa-picnic!” sabay kuha ng inabot sa kanya.

“Nakakagutom kasi mga tanungan mo.” pang-aasar ni Timothy sa kausap nito.

Napatingin saglit si Michelle sa stoplight bago siya ulit magsalita. “Sana talaga may stoplight din tayo sa buhay. Yung tipong magsasabi kung kelan tayo titigil o tutuloy. Tapos may traffic enforcer pa na mag-gaguide sayo para hindi ka maaksidente. Kaso parang wala eh. Yan tuloy, palaging punong-puno ng kalbaryo ang buhay ng tao.”

“Meron naman talaga tayo,” sabi ni Timothy na nakangiting parang nang-aasar. “Sadyang sa iba lang tayo nakatingin. Sadyang pinipili natin ang gusto nating marinig. Diba kapag gutom ka, mas napapansin mo yung Jollibee o KFC kesa sa stoplight kapag nasa sasakyan ka diba? O kaya naman kapag nagmamadali ka tapos traffic, mas naka-focus ka sa LRT na dumadaan, iniisip mo na sana dun ka na lang sumakay diba? Mas napapansin mo ito kesa sa mga taong tumatawid, sa mga katabi mong sasakyan kaya minsan nagkakaroon ng aksidente. Wala naman talagang bulag, bingi o manhid. Sabi ko nga, sadyang namimili lang tayo ng titingnan, ng papakinggan o papakiramdaman. Tingnan mo, kapag sinunod ng tao yung tamang payo, makakaiwas naman talaga sila sa aksidente or alam nila yung tamang diskarte para ma-overcome yung problema nila.”

“Palaliman ba talaga ‘to? Haha. Infairness, tama ka ah. Paano mo naman na formulate yang opinion mo, through experience ba?”

Nag-iba yung mukha ni Timothy kaya nasigurado na niya na may iba talaga sa sinasabi nito. “Medyo, kaso huli ko na na-realize eh. Kailangan ko pang mawalan para malaman yung hindi ko alam. Kailangan pang may magpaalam at ipaalam na sila’y magpapaalam,” malungkot na sabi ni Timothy.

Hindi tuloy alam ni Michelle kung ano yung tinutukoy ng kausap nito. Hindi niya din alam kung itatanong niya ba o iko-comfort pero nanatili na lang siyang tahimik. At tuluyan na nga silang binalot ng katahimikan.

Patuloy na umaandar ang jeep hanggang sa makarating na sila ng V. Mapa. May ibang pasaherong bumaba at sumakay. Pero nanatili pa din sa loob ng jeep si Michelle sapagkat hanggang ngayon ay di niya pa rin alam kung saan siya pupunta.

Nasa tapat na sila ng SM ng magsalita ulit si Timothy. “Pero alam mo ba, ang ganda sigu-” napatigil siya ng pagsasalita kasi biglang napa-preno si Manong Drayber.

“Lokong mga bata ito! Makakadisgrasya pa ako sa kakulitan niyo eh!” sigaw niya.

Napatingin naman silang dalawa sa mga batang masayang-masaya na muntik pang madisgrasya.

“Nakakamiss maging bata, ‘no? Kahit pwede silang mamatay, gagawin nila kasi masaya sila,” sabi ni Timothy na parang may inaalalang masayang pangyayari.

“Oo. Naalala mo ba nung nag-cutting class tayo? Buti na lang di ako sumama sa inyong mag-over the bakod. Haha. Napaka epic fail niyo kaya nun,” natatawang sabi ni Michelle.

“Hay nako! Unang beses ko kayang mapunta sa guidance nun! Kung hindi lang sana nalalaglag si June nun edi sana hindi kami nahuli. Ano ba kasi yung naisip namin at inakala naming makakaakyat kami sa mataas na bakod na yun? Haha.”

“Ganun talaga kapag bata eh. Kapag may naisipan, gagawin. Kasi naniniwala silang kayang magawa yun. Kung tutuusin, mas madaling maniwala ang mga bata kesa sa matanda. Masyado nang tinuruan ng panahon at natrauma na kasi yung matatanda eh.” Tumigil saglit si Michelle tapos nagsalita ulit siya, “Kailan kaya yung pwede na ulit tayong magtiwala na kaya nating mag-landing ng hindi nasasaktan kapag tumawid tayo sa halos anim na metrong bakod?”

“Wala eh. Takot na ulit magtiwala,” panimulang hugot ni Timothy. “At siyempre, kung palaging takot, walang mangyayari. Minsan masama talagang matakot.”

“Pero minsan, okay lang naman maging takot. Huwag kang matakot na maging takot. Matakot ka kapag hindi ka na takot.” sagot ni Michelle.

“Ewan ko sayo. Wala akong naintindihan sa sinabi mo, haha.” pambabasag ni Timothy.

Tahimik lang silang nakatingin sa daan nang makita nila na maraming taong nag-aabang ng masasakyan sa baba ng LRT station sa J. Ruiz.

“Nasiraan kami ng jeep,” chismis nung isang ale sa driver namin habang nagbibigay ng pamasahe. “Tapos muntikan pa kaming bumangga sa isang bahay.” Hindi na lang nila pinansin ito.

Magtatanong sana si Timothy kay Michelle kung meron ba siyang power bank nang naunahan siyang magtanong dito. “Naisip mo na ba minsan kung anong pakiramdam ng tumira sa ibang bahay, sa ibang buhay?” sabay tingin sa bahay na nadadaanan sa J. Ruiz.

“Minsan. Pero sa huli, kinakalimutan ko na lang rin eh. Masaya na ako dito sa buhay ko.”

“Bakit naman? Sa akin kasi naiisip ko agad, ‘ano kayang pakiramdam pag dito ako nakatira? Ano kayang pakiramdam ng tumira malapit sa ilog? Ano kayang pakiramdam ng tumira sa ibaba ng LRT station? Ano kayang pakiramdam ng mabuhay sa hindi ko buhay?” dire-diretsong tanong ni Michelle.

Saglit na napaisip si Timothy tapos nagsalita siya ng, “Ewan ko. Parang naiisip ko din minsan yan, pero hindi naman ako umabot sa point na pangarapin ko ang ibang buhay.”

“Bakit? Parang kanina lang ang dami mong hinanakit ah.”

“Oo. Minsan madami akong hinanakit. Pero ang kinagandahan naman kasi, lahat ng nangyari sa akin, maganda man yan o pangit, iyon ang mga nakatulong para maging kung sino ako ngayon. Kung pipilitin kong isipin at gustuhin ang buhay ng iba, parang kakalimutan ko na din kung sino ako.”

“Kasi ako, kaya parang iniisip ko ang buhay ng ibang tao kasi parang nakakulong ako sa sarili ko. Yung parang gusto ko ng bago,” sabi ni Michelle habang nakatingin sa kanya na parang may inaantay siyang sagot kay Timothy kahit wala naman talaga siyang tanong.

“At minsan,” sabi ni Timothy, “Yan ang mahirap sa atin. Gusto natin ng bago, pero ayaw natin ng pagbabago. Pilit tayong tumitingin sa buhay ng ibang tao at pinipilit nating maging kagaya nila kahit in the first place naman, may iba’t-iba tayong pagkakakilanlan. Unique tayong lahat. Hindi natin mababago ang takbo ng buhay natin kung palagi tayong nakatingin sa iba, nakakalimutan na tuloy natin ang sarili natin, much less baguhin ang sarili natin. Kung sa programming, gusto lang natin ng new, ayaw natin ng overwrite. Yung iba, nasimulan na eh, di nga lang pinagpatuloy. Yan, wala nang pagbabagong nagaganap.”

Saglit na nanahimik bago umimik ulit si Michelle, “minsan talaga, iba din yung mga analogy mo ah. Pero in fairness, pwede kang maging speaker, mga ganun, haha.”

“Asa. Mukha lang talagang madali sa akin magsalita, pero kapag may kakausapin na ako, kapag may pagsasabihan na talaga ako, hirap na hirap ako. Natototorpe ako, haha,” natatawang sabi ni Timothy.

“Bakit? Sawi ka ba sa pag-ibig? Haha. Kaya pala ah.”

“Yan ang mahirap sa tao eh. Kapag magaling lang magpayo, kapag medyo bitter nang konti sa pag-ibig, broken hearted agad o kaya ayaw magmahal? Hindi ba pwedeng nasusuya lang sa araw na ito? Nakakaumay kaya yung atmosphere. Grabeng stereotyping ang nagaganap oh.”

“Hala. Sorry na. Mga banat mo kasi, may laman eh.”

“Joke lang! Di naman ako torpe. Sadyang mas gusto ko lang maging single.”

“Bakit naman? Valentines na valentines day tapos ganyan ka?”

“Eh bakit ikaw, single ka naman din ah.” pambabara ni Timothy.

“Paano mo naman nasabi?”

“Kasi kung may boyfriend ka, dapat siya yung kasama mo ngayon, haha.”

“Wow! So sinong judgemental ngayon. Haha. Pero sabagay, mas masaya muna ngayong maging single. Lalo na kapag Valentines day.”

“Hala! Ba’t naman?”

“Siyempre ang sarap kayang magcelebrate ng Valentines Day mag-isa! Pwede kang kumain sa sosyal na restaurants na mura lang kasi isa lang babayaran mo, solo mo lang yung chocolates kasi walang aagaw, at walang tuyong bouquet ng roses after a week, oh diba?”

“Hindi ko alam kung bitter ka o optimistic ka lang o sadyang kuripot ka lang.”

“Hindi ah. Basta! Ang saya kayang maging single. Kasi, eto yung na-conclude ko. Being single does not mean that you’re loveless. I just chose to be like this temporarily. And I even proved to myself that I can be happy without the things I thought I needed the most.”

“Ewan ko sayo. Dinudugo ang ilong ko sa english mo, haha.”

“Baliw, haha! Tsaka nakakaumay kaya yung ganyang vibes. Tapos bukas mag-aaway-away din naman sila.”

Tawa na lang ang nasagot ni Timothy sa sinabi ni Michelle. Siguro wala na din siyang masabi at nanahimik na ulit silang dalawa hanggang sa makarating sila sa may tapat na ng Robinsons Magnolia na kung saan medyo may namumuong traffic.

“May random question ako,” sabi ni Michelle kaya napatingin naman ang kausap nito. “Normal namang maging malungkot diba?” Tumango naman si Timothy dito. “Anong mas wise, lumayo ka muna sa tao kapag malungkot ka or maghanap ka ng makakasama mo?”

Hindi tuloy alam ni Timothy kung saan naman nakuha ng kausap nito ang naitanong niya sapagkat parehas lang naman silang nakatingin sa labas, sa may entrance ng RobMag. Kaya sandali siyang napaisip. “Depende naman yan sa tao. May iba nagsasarili, kinikimkim nila yung kanilang kalungkutan. Pero meron din naman nanghihingi ng tulong sa iba. Kanya-kanya tayo ng coping mechanism. Pero para sa akin, mas wise yung maghahanap ka ng kasama mo. Bakit mo naman natanong?”

“Wala lang. Siguro kasi nakita ko yung mga taong papasok ng mall kanina, napaisip ako kung yung mga taong papasok dun, masaya kaya sila? Malungkot kaya sila? Kapag kasi ako may problema, pag malungkot ako, tinatago ko. Hindi ako nanghihingi ng tulong ng ibang tao. Para kasing ang unfair nun. Lahat naman kasi tayo may problema, tapos magbibigay pa ako ng burden sa kanila? Grabe. Ba’t sayo, mas gusto mong sinasabi sa iba? Bakit mas nakakaya mo kapag sinasabi mo sa ibang tao?” tanong ni Michelle na parang nanghihingi ng kumpirmasyon sa kausap niya.

Saglit na nag-isip si Timothy bago siya sumagot. “Siguro kasi kapag mag-isa lang tayo, mapupuno at mapupuno tayo. Hindi naman din lahat masasabi mo sa iba. Pero iba naman kasi talaga kapag may kasama tayo. Tsaka kapag mag-isa tayo, sarili natin yung pinakamahirap nating kalaban. Tapos kapag mag-isa ka lang, walang makakapagsabi sayo kung tama ba o mali ang nagagawa mo. Kasi aminin natin, kapag may problema o nararamdaman tayo, hindi na natin ma-differentiate yung tama sa mali.” Tapos tiningnan niya ulit si Michelle. “Hindi naman sa nanghuhusga o nangunguna ako ah. Pero sa tingin ko, ang pinaka rason mo is natatakot kang mahusgahan? Natatakot ka ba na hindi ka paniwalaan o takot kang paniwalaan?”

Nagulat naman si Michelle dito. ‘Ganun na ba talaga ako kadaling mabasa? Ganun ba talaga ako ka-transparent?’ iniisip niya. Bago pa man siya makaporma ng sagot, nagsalita ulit si Timothy.

“Kasi minsan, may ganyan rin akong tendency eh. Kaso may nagpaintindi sa akin at sinabi niya na, ‘Hinuhusgahan ka ba talaga o ikaw yung nanghuhusga sa kanila kasi inaakala mong hinuhusgahan ka? O dahil may isang taong nanghusga sa iyo, huhusgahan mo na din silang lahat?’ Parang ganun ata. Haha. Sorry. Wag mo na lang pansinin.”

“Bakit naman? May sense naman yang sagot mo ah,” inosenteng sagot ni Michelle kaya bigla namang napatawa na parang ewan si Timothy sa sinabi ng kausap nito.

“Last na tanong na,” pasimulang tanong ni Michelle. “Feel ko kasi quota na ako eh. Haha. Sabi mo, mas maganda na may kasama ka, may masasabihan ka diba?” Tumango naman ang kausap nito. “Saan dapat lulugar kapag malungkot ka? Sa grupo ng mga taong masaya para mas malaman mo na malungkot ka or sa mga grupo ng mga taong malungkot at sabay-sabay kayong magdaramdam?”

Napatawa naman ang kausap nito. “Grabe naman yang mga tanungan mo. Hindi ko maarok, haha,” hagalpak na sabi ni Timothy. Tapos medyo nag seryoso na siya. “Siguro kahit saan. Ang mag-mamatter lang naman is yung response mo. Kasi kung ganun lang din ang mararamdaman mo, mas masahol pa yun kaysa sa mag-isa ka. Kung sumasama ka nga sa ibang tao kaso sarili mo pa din ang iniisip mo o kung ganyan pa din motibo mo, wag na lang. Parang ang lagay, sumasama ka nga sa tao pero at the same time, naka-isolate naman ang sarili mo. Sumama ka nga sa kanila physically pero mentally o emotionally naman may isolation na nagaganap. Wag na lang oy.” Tapos natawa siya sabay sabi ng, “Pwede na bang sagot yan? Haha.”

“Opo, master pwede na,” pang-aasar ulit ni Michelle na nakatingin sa traffic sa baba ng Betty Go-Belmonte station.

Gusto man nilang magkwentuhan ulit kaso parang pinipigilan na nilang magsalita kasi baka masyado na silang madaming nasabi sa isa’t-isa. ‘Baka akalain naman nito, napaka-FC ko.’ Tila iniisip nilang dalawa. Kaya nanatili silang nakatulala sa gitna ng traffic, habang kumakain ng burger.

“Ano, wala ka bang pagkain dyan?” sabi ni Timothy pagkatapos niyang maubos ang burger.

“Teka ha, meron ata dito,” sabay hanap ni Michelle ng pagkain sa bag. Buti na lang meron siyang Oreo kung hindi mapapahiya siya.

“Pagka-graduate mo, anong plano mo?” tanong ni Timothy habang kumakain ng Oreo.

“Mag-take ng board exam, tapos magtatrabaho. Tapos, gusto kong magturo ng Accountancy, eh ikaw,” masayang sabi ni Michelle. “Anong plano mo?”

“Ewan ko. Hindi ko pa alam eh.”

“Ikaw pa ba? Ang dami-dami ng nasasabi mo kanina dyan eh.”

Natawa naman si Timothy dito sabay sabi ng, “Joke lang. Baka umamin na ako sa taong mahal ko. Matagal-tagal na din eh.” Napatingin naman si Michelle sa kanya sapagkat iba yung tingin ng kausap niya dito. Iimik na sana siya ng napatawa ulit si Timothy at sabay sabi ng, “Kidding. Baka sabihan mo pa akong torpe. Anong plano ko? Siguro mag-take din ako ng board exam. Tapos gusto kong mag-aral ulit. BA Film, sa UP din.”

“Bakit mag-aaral ka ulit? Hindi mo ba nagustuhan ang course mo?”

“Ako, di ko gusto ang course ko? Asa. Edi kung hindi nagustuhan ‘tong course ko, baka hindi na din ako nagtagal dito. Hindi ako magtatagal dito kung hindi ko mahal. Haha. Wala lang. Gusto ko lang talagang mag-aral ulit. Yung medyo malayo sa course ko. Para mas diverse ako, kunwari madaming alam.” sabi ni Timothy. “Pero siyempre, baka matagal-tagal pa yun. Magtatrabaho muna ako. Gusto ko kasing ako na yung gagastos sa pag-aaral ko.” Nakumbinsi naman si Michelle sa sagot ni Timothy kaya tumango na lang siya at nanahimik.

Napatingin naman silang dalawa sa labas. Actually kanina pa sila nakatigil dito, sa may pedestrian bago tumawid ng EDSA. Hindi nila alam kung makakatawid pa ba ang sinasakyan nilang jeep dahil sobra ang traffic sa EDSA. Ang ibang mga pasahero ng jeep ay nagsisibabaan na sapagkat nakikita nilang matagal pa bago sila makatawid. Pero nanatili pa din silang dalawa sa jeep, na parang ayaw pa nila umalis.

Siguro, dahil na din sa inip, hindi napigilan ni Timothy na itanong kay Michelle ang kanina pang bumabagabag sa kanya.

“Sigurado ka na kung ano na yung plano mo sa buhay ah. Pero bakit sa pagbaba ng jeep, di mo pa din alam kung saan ka bababa?” tanong niya.

Hindi tuloy alam ni Michelle kung sasagutin ba niya si Timothy ng matino. Magsisinungaling siya sana kaso napansin niyang matalino yung kausap niya. Malalaman nito kung totoo ba ang sinasabi niya kaya napagpasyahan niyang mananahimik na lang kaso kabaligtaran ang ginawa ng bibig niya. “Nung una, hindi ko din talaga alam eh. Ewan ko ba. Ano ba yung tamang word? Distraught ata? Basta medyo nababadtrip ako kasi parang nagsasawa na ako sa buhay ko. Parang walang bago. Tapos inis na inis ako sa amin. Kasi sobra yung pressure sa pag-aaral at kung saanman. Kaya parang nakakawala ng amor gumalaw ngayon. Pakiramdam ko pa, parang ang unfair ng panahon at ng oras kasi bakit sila ang sasaya nila. ‘Wala kayong karapatan sumaya’, yan yung gusto kong isigaw sa mga masasayang tao kanina. Ang iniisip ko nga kanina bago ako makasakay ng jeep, paano kaya kung nagpasagasa ako, may magbabago kaya? Kaso pati pagkakataon, ayaw makiayon sa akin. Sobrang traffic kaya, paano ko naman yun magagawa? Haha.”

Hindi alam ni Timothy kung nagsusumbong ba ang babae sa kanya kaya nagtanong na lang ulit siya. “Sabi mo, ‘nung una,’ eh ngayon? Ano ng nagbago?”

Natawa naman si Michelle sa tugon ng kausap niya. “Ano ka slumbook? Lakas mong maka-The Buzz eh, haha”

“Eh lakas mo kasing maka-intriga. Lakas mong maka-showbiz eh. Na-curious lang ako.”

“Curiosity killed the cat.”

“Satisfaction brought it back.” pambabara ni Timothy.

“Grabe. Alam mo din yun? Haha. Ikaw na.” Saglit siyang natahimik pero nagsalita ulit siya. “Siguro nagsimulang magbago yung pananaw ko nung kumuha ako ng fries sa hindi ko kilala.” Natawa naman si Timothy dito. “Wag ka nga! Kainis. Haha. Ewan ko lang, natatawa ako nung kausap kita. Dami mong hugot. Tapos habang nakakausap kita, hindi ko mawari kung anong pinagdadaanan mo, parang ang layo mo na dun sa batang kumakanta sa videoke ng Lips of an Angel. Kaya hindi ko mapigilang makinig sayo. Who would’ve thought that ang damal mo?”

“Anong damal?”

“Daming alam. Haha. Pero seriously, salamat siguro? Nakatulong ka naman eh.”

“May bayad yung consultation ko, haha,” pambabara ulit ni Timothy.

“Sira. Haha. Alam ko na kung saan ako pupunta ngayon. So I supposed, I must thank you. Though I still can’t decide if you’re a genius or a lunatic.”

“Hindi ba same part of the coin naman yun?”

“Ewan ko. Haha.” Natawa naman sila ng may galak.

“Hindi mo ba kukunin yung sukli mo kay manong? Sayang oh. Pambayad mo pa naman yan sa akin.” pang aasar ulit ni Timothy.

“Wag na. Madami pa akong pera. Pa-valentines ko na yan kay manong.” napangiti naman si Manong driver sa kanila at nagpasalamat.

Tahimik lang silang nakamasid sa kahabaan ng traffic sa EDSA at sa kung papaanong diskarte ang ginagawa ni manong para makalusot sa mabigat na trapiko. Inabot sila ng halos kinse minutos sa pagtawid. At sa loob ng oras na yun, patuloy silang nananahimik.

Hanggang sa bumaba na sila ng jeep. Buhat-buhat ni Timothy lahat ng pinamili nila. Nakakatuwang isipin na kanina, inip na inip silang makasakay ng jeep kahit di nila talaga alam ang papatunguhan nila. Actually, inabot na sila ng ilang oras sa jeep. Gabi na pero ang pakiramdam nila wala pang isang oras silang magkausap. At nakakatawang isipin na ngayon naman, parang ayaw na muna nilang umuwi.

“Kain tayo?” pagyayaya ni Timothy.

“Sige ba, basta libre mo,” sabi ni Michelle.

Tahimik silang kumain sa Mcdo. Hindi nila alam kung bakit hindi na sila makapagsalita. Dahil ba sa gutom? Dahil ba madami na silang napag-usapan? Dahil ba hindi akma ang pinag-usapan nila sa pamantayan ng mga halos estranghero na magkaklase noong highschool? O dahil lang ba sa ilang na sila sa isa’t-isa dahil pakiramdam nila sumobra sila ng sasabihin sa isa’t-isa? At anong klaseng mga sagutan ang ginawa nila kanina? Matatalino ba talaga sila? O sadyang baliw lang talaga silang dalawa?

Hanggang sa matapos silang makakain ng hapunan at makalabas ng Mcdo ay hindi pa din sila nag-iimikan. Patuloy silang naglalakad at nagmamasid sa mga taong masasaya sa kanilang mga mahal, mga taong tuwang-tuwa habang hawak nila ang kanilang mga bulaklak, tsokolate, at mga lobong hugis puso.

Nasa tapat sila ng Araneta ng biglang tumigil sa paglalakad si Timothy at tumingin siya kay Michelle na parang iniisip na ba’t sila napunta dito eh taga Gateway Suites naman siya at si Michelle naman ay Katipunan pa.

Nagtinginan na lang silang dalawa. Wala siyang sinabi sa babae pero base sa tingin niya ay parang may gusto siyang sabihin kaso parang naunahan na siya ng kaba.

“Saan ka na ngayon pupunta?” ang nasabi na ni Timothy.

“Uuwi na siguro ako,” tipid na sagot ni Michelle. “Baka hinahanap na din ako sa amin. Besides, I think I owe them an apology.”

Tumango na lang si Timothy at nasabing, “Paano yan? Aakyat na ako sa taas,” sabay abot nung plastic ng pinamili ni Michelle sa Divisoria.

“Okay sige, salamat ulit Tim! Accept mo friend request ko sa FB ah.”

Saglit na natawa si Timothy sa sinabi ng babae bago siya nanahimik at tumingin ulit siya kay Michelle na parang may sasabihin.

Pero sa huli, wala na siyang nasabi.

Tumango na lang siya at nagpaalam na sa kasama niya ng halos limang oras. At tuluyan na nga silang naghiwalay.


Hindi alam ni Timothy ang mararamdaman habang naglalakad siya pauwi sa condo niya. Hindi niya alam kung masaya ba siya, kasi hindi niya inakalang makakausap pa niya ang dati niyang kaklase o malukungkot kasi,

Sayang. Sayang ang panahon. Sayang ang pagkakataon. Sayang yung nangyari kasi hindi niya alam kung tama ba ang pinili niya.

Siyempre, magmumukha naman siyang katawa-tawa kung iiyak siya habang naglalakad. Baka ma-weirdohan pa ang mga tao o kaya masabihan pa siyang bitter sa valentines day. Bitter nga ba siya?

Ewan.

Hindi siya nakaimik sa kaninang kausap niya habang kumakain sa Mcdo. Hindi siya nakaimik sa babaeng kasabay niya kanina. Ni hindi siya nakaporma ng pag-amin ng nararamdaman niya sa kausap niya ng halos limang oras.

Nakakatawang isipin na ang dami niyang nasabing makahulugan kanina pero ang pag-amin ng totoong nararamdaman niya ay hindi niya magawa. Kulang na lang, sabitan siya ng karatula na ang nakalagay ay BABALA: DUWAG AKO. WAG TULARAN. Eh anong magagawa niya, takot siya eh.

‘Pero minsan, okay lang naman maging takot. Huwag kang matakot na maging takot. Matakot ka kapag hindi ka na takot’ sabi kanina ni Michelle. Nagpaparinig ba siya? Kasi tinaamaan talaga siya. Pero paano ba niya malalaman kung anong totoo, hindi naman siya nagtanong.

Akala niya yung lahat ng pinag-usapan nila kanina ay patama niya kay Michelle. Pero sa huli, para naman pala sa kanya. Baka nga, tama ang rason niya para umamin, pero mali naman ang solusyon niya. Baka hindi naman niya talaga alam ang pupuntahan niya kaya hindi siya nagmamadali. Baka nga hindi siya lumaban kaya niya alam kung mahalaga o para malaman ang halaga. Baka nga takot siya masaktan kaya hindi siya lumaban. Baka nga hindi na niya napansin kung may stoplight na nagsasabing go para magsabi siya eh. Baka nga sadyang takot siya kaya hindi siya naniwalang kaya niya din makatawid sa mataas na pader na binuo niya. Baka nga pinangarap niya ding mamuhay sa hindi niya buhay. Baka nga sinarili lang niya ang nararamdaman niya kaya hindi nalaman ni Michelle ang gusto niyang iparating. Baka hindi naman si Michelle ang hindi sigurado kung saan siya pupunta. Baka nga si Timothy. Baka nga siya talaga ang walang pupuntahan.

Naka-labing isa siyang ‘baka,’ puro na lang siya baka. Ang dami niyang iniisip kasi may isang bagay siyang hindi nagawa. Kasi hindi rin naman sigurado si Timothy kung mahal niya talaga si Michelle. Ang basehan lang niya ng pagmamahal ay ang memorya niya nung highschool. Sa babaeng nagtanggol sa kanya sa mga nang bully sa kanya sa may playground, sa babaeng sumama sa kanya kahit iniiwan na niya ang mundo, sa babaeng hindi siya kinakalimutan kahit nakalimutan na siya ng mundo, sa babaeng pumigil sa tangka niyang magpakamatay sa ilog, sa babeng pilit na bumabasag sa kanyang ginawang pader ng buhay niya, sa babaeng nagpatawa sa kanya kahit gusto na niyang umiyak, sa babaeng kasama niyang tumakbo habang hinahabol ng aso, sa babaeng nagturo sa kanyang mag-ulam ng piattos, sa babaeng nagbigay sa kanya ng chocnut at sa babaeng nagturo sa kanyang manahi sa HE class. Oo, si Michelle nga ito. Siya lang naman yun eh.

Buti pa ang memorya niya malinaw, pero ang nararamdaman naman niya ay sadyang malabo. Kaya nakakasigurado si Timothy na malinaw sa kanya na malabo ang nararamdaman niya.

Kaso kahit malinaw ang memorya niya, may pag-aalinlangan pa din siya. Dapat kapag mahal mo, walang alinlangan. Dapat hindi ka nalilito. Kasi kung hindi naman siya nalilito, dapat walang monologue na nagaganap ngayon. Kung sabagay, hindi lang naman niya ito hinuhugot para kay Michelle, kundi sa sarili niya, sa pamilya niya at sa mga kaibigan niya.

Tahimik siyang naglalakad papasok ng Gateway at hindi niya napigilang tumawa sa mga iniisip niya. Lakas kasi maka pressure sa kanya ng mga tao ngayon eh. At least, natuwa naman siya na hindi siya nagpadala sa mga tao. Magmamahal siya kasi gusto niya, hindi dahil gusto ka at mas lalong hindi dahil gusto nila. Siguro, tama na din ang nangyari.

Tuluyan na ngang nahimasmasan si Timothy sa na-conclude niya. Naging masaya naman na siya kahit papaano,
nalilinawagan na siya habang naglalakad siya pabalik ng condo niya. Naniniwala siyang hindi pa panahon para sa ganitong bagay. Estudyante pa lang siya, madami pang mangyayari sa kanya. Hindi dapat palaging umiikot ang buhay niya sa pagkuha niya ng pagmamahal sa ibang tao. Dapat ngayon, matuto naman siyang magbigay ng pagmamahal. Kasi ang totoong pagmamahal, nagbibigay, hindi nangunguha.

At habang naglalakad siya, medyo nalilinawagan na din siya sa nararamdaman niya kay Michelle, baka ang mahal niya lang ay yung memorya niya dati sa babae. Pero malay niya, pag nagkita ulit sila, baka handa na siya. Pag nagkita ulit sila sa tamang panahon, na hindi na siya nalilito, baka totoo na tong nararamdaman niya.

Kasalukuyan siyang naghahanap ng susi niya nang biglang nagbukas ang pintuan niya. Bumungad sa kanya ang nakabungisngis na mga pamangkin niya. Dumungaw din ang ate niya sa pintuan niya.

Habang pinagmamasdan niya ang mga ngiti at pagtalon ng mga bata at sa ate niyang nakangisi, doon na lang rin niya napagtanto na lulubusin na niya ang oras na kasama ang mga mahal niya sa buhay kaysa sa maghanap pa siya ng ibang magmamahal. Kasi habang nakikita niya ang mga mahal niya sa buhay, naisip niya na ang pinakamasakit sa pagmamahal ay hindi yung hindi ka minamahal pabalik. Kasi nga, ang pagmamahal ay nagbibigay kahit hindi ka naghihinntay o umaasa ng mayroong babalik. Pero ang totoo, wala nang mas sasakit sa pagmamahal kapag wala ka nang pagbibigyan ng pagmamahal mo. Sa sarili mo man o sa pamilya mo o sa kaibigan mo o sa mga mahal mo sa buhay.

“Timothy! Ang tagal mo namang mamili! Kumain ka na? Tara kumain na tayo. Pumasok ka na dito,” anyaya ng ate niya.

Napatawa naman si Timothy habang papasok sa kanila. “Oo na, oo na. Condo mo, condo mo?” asar niya sa ate niya.

Ngayon, maghihintay, maghahanda at lulubusin na muna niya ang panahon niya kasi may oras naman talaga para sa lahat. Kaya malay mo, sa susunod, maging handa na talaga siya? Or should I say, maging handa na talaga tayo dito sa susunod?

-END

22 thoughts on “Destination : Unknown

  1. “Wala naman talagang bulag, bingi o manhid. Sabi ko nga, sadyang namimili lang tayo ng titingnan, ng papakinggan o papakiramdaman.”

    Katotohanang malimit tanggapin ng marami.

    Like

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s